Chapter 43

1802 Words
CHAPTER 43: Nagpalitan ng tingjn sina Shaika at Owen dahil pareho silang nag-aalala kung paano ba nila sisimulan ang kanilang sadya kay Thunder. Kilala ni Owen ang kaibigan niya na mainipin at gusto na kung may bagay kang gustong sabihin ay huwag mo na dapat pang patagalin kung gusto mo rin namang sabihin. Habang si Shaika naman ay walang balak makisali sa gagawin nilang pag-uusap, sadyang ayaw lang din niyang mag-aksaya ng oras dito dahil sa nakikita niyang sitwasyon ng lalaking kaharap nila. Halatang madami itong ginagawa at kailangan din niyang mag-asikaso ng kanyang mga anak, wala siyang oras na makipagbiruan sa kanila. “Alam ko na hanggang ngayon ay iniisip mo pa rin ang bagay na nangyari sa atin sa restaurant, at maaring gusto mo pa ring ituloy ang nasimulan mo nang gawin doon. Pero sana, pare, pakinggan mo ang paliwanag ko ngayon,” panimula ni Owen. Isang buntong hininga ang kumawala sa bibig ng kanilang kausap. Hiya ang nararamdaman nito sa tuwing maaalala niya ang nagawa niya sa kaibigan. Aminado siyang wala siya sa sarili ng mga oras na iyon at hindi niya tiyak ang sarili niyang desisyon. Dahil nang gawin niya iyon ay walang ibang laman ang isip niya kundi ang mailigtas ang buhay niya para sa kanyang mga anak. Bago magsalita ay tumingin muna sa paligid si Thunder na tila sinisilip kung talagang walang sa paligid ang kanyang mga anak. Ayaw niyang marinig ng mga ito na may problema silang dalawa ni Owen, dahil tiyak na kapag nakarating sa kanila ito ay magkakaroon ng mas malaking problema. Mahal na mahal ng mga bata ang kaibigan niya na parang itinuring na rin nilang isang ama, at ang isang simpleng away lang na iyon ay maari nang makasira sa maganda nilang ngiti—bagay na ayaw mangyari ng kahit na sinong mang ama. Yumuko siya nang bumaling sa dalawang bisita ang tingin niya. “Ang totoo, pare, nahihiya ako sa ‘yo… nahihiya ako sa ginawa ko sa inyo,” panimula niya. Totoo ang bagay na iyon, tunay na nakakaramdam siya ng hiya dahil nagawa niyang pagtangkaan ng masama ang buhay ng sarili niyang kasangga at kaibigan sa mahaba nang panahon. Alam niya na malawak ang pang-unawa ni Owen at kahit hindi niya naman sabihin ang dahilan bakit niya nagawa iyon ay tiyak niyang naiintindihan na nito kung ano iyon—takot siyang mamatay dahil mawawalan ng ama ang anim niyang anak at mawawalan ng asawa ang kanilang ina. Kaya kahit labag sa loob niya ay nagawa pa rin niya iyon, iyon nga lang ay sadyang hindi talaga itinulot ng kapalaran na makagawa siya ng mali. Muling nagkatinginan sina Shaika at Owen, nangangahulugang pareho nilang naiintindihan ang sitwasyon ng kanilang kaharap. Nakangiting sumagot si Owen sa kanya, “Ibig mo bang sabihin… naniniwala kang hindi kami traydor gaya ng ibinibintang nila?” Mabilis na napaangat ng tingin si Thunder. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang tanong ng kaibigan niya, dahil sa totoo lang ay nahihiya lang siya sa ginawa niya dahil sa pinagsamahan nilang dalawa ni Owen. Ngayong nakita niya kung gaano kasaya ang mga anak niyang nakita nilang muli ang tito Owen nila ay naalala niya kung sino ang lalaking ito sa buhay niya. Pero bukod sa rason na iyon ay hindi na niya alam… “Kung naniniwala kang totoo ang sinasabi ni Legal at Maestro, bakit hindi na lang ako ang pinatay mo kung hindi mo kayang patayin ang sarili mong kaibigan?” singit naman ni Shaika. Sa nakita niyang reaskyon ng lalaki ay bigla siyang kinutuban ng hindi maganda. Malinaw na sumunod ito sa utos na patayin si Owen dahil natawag itong traydor at binigyan siya ng kondisyon na may kapalit iyon kapag nagawa niya; ang hindi lang maintindihan ni Shaika ay kung bakit si Owen lang ang binalak nitong patayin at sa restaurant ay parang hindi naman siya nito pinansin. “Si Owen lang ang iniutos sa akin na dapat kong patayin, hindi ko rin alam kung bakit at hindi ko na rin itinanong. Ang alam ko lang, kalat na sa buong Dark Hotel ang nangyari at ang ginawa ninyo,” paliwanag ng lalaki. Agad na kumunot ang noo ni Shaika sa kanyang narinig. Tila tinimbang niyang mabuti kung ano ang nangyayari at kung bakit tila ilag sa kanya sina Legal at Maestro. Maaring mabigat din ang ginawa nilang pagtuturo sa kanya bilang isang traydor at pinipigilan siya ng mga ito na makaharap ang Supremo, pero hindi niya maiwasang magtaka sa ginagawa ng mga ito. “Bakit, Shaika? Ano bang iniisip mo?” usisa naman ni Owen sa kanya. Bumaling ang tingin ng dalaga sa kanya. “Wala naman, nagtataka lang ako dahil ikaw lang ang gusto nilang patayin. Hindi ba’t kung ang tingin nila sa akin ay kasabwat mo sa pagtatraydor sa Dark Knight, dapat ay ipapatay din nila ako para hindi na ako patuloy na maging lason lalo na kay Supremo?” Sa pagkakataong ito ay si Owen naman ang kumunot sa kanya at tila napaisip din siya sa bagay na sinabi ng dalaga. Hindi niya lubos na kilala ang Supremo o sina Legal at Maestro. Pero bilang isang tapat at matagal na miyembro ng Dark Knight ay naiintindihan niya ang sinasabi ni Shaika—natutulad ito sa isang lumang kasabihan na, ‘Ang kamatis, kapag hinaluan mo ng isang bulok ay mabubulok na rin lahat.’ Kaya anak man ni Supremo si Shaika ay nanainisin na nila itong patayin na rin kung ayaw nilang maging lason pa ito sa kanilang pinuno. Hindi nakaimik si Owen sa sinabi ni Shaika, tila pinoproseso lang ng isip niya ang sinabi ng dalaga. Habang si Thunder naman ay nagpapalit-palit lang ng tingin sa kanilang dalawa na ngayon ay nakakunot na rin ang kanyang noo. “Teka, ano ba talagang nangyayari?” tanong ni Thunder. Sa pagsasalita niya ay sabay na lumingon sa kanya ang dalawa, tapos ay nagkatinginan na naman sila. lalong kumunot ang noo ni Thunder dahil pakiramdam niya ay ayaw sabihin sa kanya ng dalawa ang sagot sa tanong niya. Lalo niyang naramdaman na may hindi talaga tama sa nangyayari dahil sa reaskyon ng mga mukha nila. Hanggang sa nagsalita na lang si Owen. “Dave, pare, alam ko ayaw mo na nasasangkot sa gulo dahil may pamilya kang iniingatan. Pero ang totoo, ang sadya talaga namin sa ‘yo ay hingin ang tulong mo na makausap ni Shaika ang Supremo para linisin ang pangalan namin. Dahil sa maniwala ka at sa hindi, walang katotohanan ang ibinibintang nila sa amin! Pare, kilala mo naman ako, hindi ako traydor!” giit ng binata. “At mas lalong hindi ko kayang traydurin ang taong nagpalaki at nag-aruga sa akin!” dagdag pa ni Shaika. Napalunok na lang si Dave nang marinig ang mabigat at napaka seryosong bagay na iyon. May bahagi sa kanya na naniniwala sa sinasabi ng kaibigan niya at ng anak ng Supremo, may katuwiran sila at alam niyang posibleng tama sila. Pero hindi niya magawang maniwala nang lubusan. “Pare, kilala mo rin naman ako, ‘diba?” panimula ni Dave. “Ginagawa ko lang kung ano ang utos sa akin ng nakakataas. At ang ginawa ko sa inyo sa restaurant, tulak iyon ng tungkulin ko bilang miyembro ng Dark Knight. Matibay ang salita nila at hindi iyon basta-basta masisira. Kaya nga—” “Kaya ang sinasabi mo, mas paniniwalaan mo sila kaysa sa akin na mas matagal nang miyembro ng Dark Knight kaysa sa ‘yo at aabandonahin mo nang ganoon na lang kadali ang kaibigan mo? Ganoon ba?” ani Shaika, medyo tumaas ang kanyang boses. Mabilis siyang hinawakan ni Owen sa kanyang braso bilang pagpigil na magsalita pa, ayaw niyang palakihin ang isyu at ayaw din niyang mag-away silang tatlo ngayon lalo kung alam nilang nasa kwarto lang ang mga bata. Gaya ni Dave ay ayaw niyang malaman ng mga ito na may problema silang pinag-uusapan. “Hindi mo ako naiintindihan, Sinister,” giit ni Dave. “Inilalagay ko lang ang sarili ko sa alam kong tama!” dagdag niya. Gumuhit ang isang ngisi sa labi ni Shaika. Gusto niyang isumbat sa kaharap na mas magaling siyang assassin sa kanya at mas matalas ang isip niya rito, at iyon ang dahilan kung bakit ganito lang ang buhay na nakuha niya galing sa perang kinikita niya sa Dark Knight. Kaya ibig lang sabihin niyon ay hindi rin niya talaga kayang magtimbang ng totoong sitwasyon. “Kaya nga kami nagpunta rito ay para maintindihan mong kami ang dapat mong paniwalaan. Akala ko ba ay kaibigan ka ni Owen, hindi mo ba alam kung ano ang takbo ng plano namin? Hindi mo ba alam bakit kami napunta sa ganitong sitwasyon samantalang ikaw mismo ang may kasalanan bakit nagkaganito—” “Shaika,” pagbabanta ni Owen sa dalaga. “Tama na,” mahina niyang sambit. Masama ang naging tingin ni Shaika sa katabi niya nang awatin siya nito, tapos ay bumaling din naman iyon kay Dave na ngayon ay nakayuko na lang dahil siguro naisip niya rin kung ano ang gustong sabihin ng babaeng kaharap niya. Kaya wala na ring nagawa si Shaika kundi ang mapairap na lang din at tumingin sa ibang direksyon. “Alam ko, ako ang nagtulak kay Owen na piliin ang desisyon na iyon. Alam ko rin na wala akong kwentang kaibigan dahil nagawa ko pa siyang pagtangkaang patayin pagkatapos ng mga nangyari. Kaya lang, talagang—” “Dave, tama na!” awat din sa kanya ni Owen. Malalim na ang kunot sa noo ng binata dahil nadadala na siya ng inis. Hindi na niya nagugustuhan ang nagiging takbo ng usapan; tila nagsisisi siyang isinama pa niya si Shaika rito. Muli na namang napairap si Shaika dahil sa pag-awat ng kasama niya sa kaibigan nito. Naiinis siyang isipin na nagagawa pa rin nitong kampihan ang taong itinuring niya ngang kaibigan, nagawa naman siyang traydurin. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi iyon nakikita ng katabi niya. Pero sa kabilang banda, naiintindihan din naman niya kung bakit bulag ang katabi niya… dahil siya rin naman ay nagiging bulag pagdating kay Herlene. “Pare, puwede bang kalimutan na lang natin iyong nangyari? Tapos na iyon, hindi na dapat pang pag-usapan pa. Tanggap ko ang mga ginawa mo at naiintindihan ko rin kung bakit, at sana… ganoon na lang din ang gawin mo,” pakiusap ni Owen. Nagkaroon ng sandaling katahimikan sa pagitan nilang tatlo, tila naghihintay ang dalawa sa magiging sagot ni Dave sa sinabi ng kaibigan niya dahil doon nakadipende kung ano ang susunod nilang magiging hakbang. Hanggang sa sinabi nitong… “Kaya kong paniwalaan na hindi kayo traydor gaya ng sinasabi ninyo. Pero pasensya na… dahil hindi ko kayang iharap kayo kay Supremo. Dahil kapag ginawa ko iyon, para ko na ring iniharap ang sarili ko sa impiyerno.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD