Chapter 7

1726 Words
CHAPTER 7: Walang ginawang kahit na ano ang mga tauhan ni Zeldris kay Sinister. Maayos siyang nakababa sa taxi na para bang hinatid lang talaga siya nito sa kanyang pupuntahan – bagay na sobrang pinagtaka ng dalaga. Hindi man siya sinaktan ng mga ito, hindi pa rin nawawala ang tingin niya sa direksyon kung saan sunod na pumunta ang kotseng sinakyan niya. “Hindi ko talaga gusto ang mapalapit sa mga katulad mo,” mahinang sambit nito habang nakatanaw sa parehong direksyon. Hindi niya talaga gusto ang pag-uugali ng mayor na iyon. Nagkaroon man ng pangyayari na muntik na naman siyang mapahamak ay lumipas lang iyon sa kanya na parang wala lang. Sa buong buhay ng dalaga, ni minsan ay hindi siya nakaramdam ng takot sa kahit na sino… sa paniniwala niya kasi, ikaw lang din ang gumagawa ng sarili mong dahilan para katakutan ang isang tao o bagay. Kaya kung isasaisip mo na kaya mo naman siyang labanan at walang dahilan para katakutan mo ito, walang magiging problema. Dahil hindi ka na magagawang saktan ng taong patay na. Bilang isang assassin, kung magagawa mong tapusin ng tama ang trabaho mo, wala kang dapat ikabahala. Pero dahil hindi niya nagawang patayin si Zeldris, tila naging isang malaking alalahanin para sa kanya kung ano ang balak ng mayor. Malaking bagay na hindi pa rin siya nakaramdam ng takot kahit pa parang sinusundan siya ng kanyang kahapon. Maaring maganda nga kung iisipin ang alok nito sa kanya, wala na itong pinagkaiba sa pagsasabi na gusto siya nitong kunin bilang isa na rin sa mga bodyguard niya. Pero hindi lang iyon ang bagay na dapat tingnan ni Sinister, mabulaklak man ang mga salitang ginamit ng mayor para kumbinsihin siya, hindi man siya nito sinaktan o pinagbantaan, hindi ibig sabihin ay palalampasin na lang nito ang ginawa niya. Hindi makukumbinsi ng mga simpleng kilos na iyon ang isip niya na magbago ang tingin niya rito. Mismong si Supremo na ang nagbigay sa kanya ng babala na hindi basta-basta si Mayor Zeldris Tan. At kahit hindi siya ganoon kalaking tao, sapat na ang ginawa niya ngayong araw para masabing totoo at may basehan ang paalala sa kanya ng ama-amahan niya… siya nga ang tipo ng tao na dapat mong ilagan. Ngayon niya nakumpirma na kakaiba siya maglaro at tuso rin ito. Naglalaro ngayon sa isipan ni Sinister kung paano niya magagawang maiwasan na maulit ang nangyari ngayon. Dahil kung nagawa nilang alamin ang bahay niya at kung saan siya pupunta sa loob lang ng isang araw, tiyak niyang mauulit ito ng ilan pang beses kung hindi siya sasagot sa gusto nitong mangyari. Hindi niya alam ang motibo ng mayor na iyon, kung bakit siya nito sinabihan ng ganoon, peron may kutob siyang gagamitin lang naman siya nito. At hindi niya hahayaang magamit siya ng sino man. Sapat na sa kanya ang serbisyong naibibigay ng Dark Knight sa kanya kapalit ng pagtatrabaho niya rito. “Kung hindi lang sana nangialam ang lalaking iyon ay tapos na sana ang problema ko sa ‘yo,” dagdag pa niya. Hindi pa rin nakakaramdam ng takot si Sinister, dahil ang tanging nararamdaman niya sa pagkakataong ito ay walang iba kundi galit at inis sa lalaking may kasalanan bakit minumulto siya ngayon ng taong dapat ay patay na. Hanggang ngayon ay hindi niya magawang tanggapin na dahil sa pangingialam ng isang mababang uri ng assassin na gaya ng Owen na iyon ay ito ang magiging kapalit – ang pagpasok ng mayor sa buhay niya. Nagsayang ng ilang minuto si Sinister sa gilid ng kalsada, tila hinintay niya munang makalayo ng husto ang kotseng nagbaba rito sa kanya. Hindi naman sa naiisip niyang itago kung saan siya pupunta, dahil alam naman ng kalaban kung sino ang pakay niya sa lugar na ito. Pero gusto niyang gamitin ang pagkakataon na ito para makita kahit ilang minuto lang kung ano pa ang maaring gawin ng mayor. Pero hanggang sa mawala ito sa paningin niya ay wala itong ginawa na kahit ano. Matapos iyon ay tahimik nang naglakad ang dalaga sa harap ng gate ng bahay ni Herlene. Humarap siya rito na parang walang nangyari, ni hindi nga siya nagpahalata sa mga taong naglalakad sa paligid niya na may mabigat siyang iniisip ngayon… iyon bang blangkong reaskyon lang pagkatapos ng nangyari kahit puno siya ng inis ngayon. Kaya ang hiling lang din niya… gaya ng mga taong nakakasalubong niya ay hindi rin mapansin ng kaibigan niya ang gumugulo sa isipan niya. Hindi siya masyadong naghintay ng matagal kay Herlene na pagbuksan siya ng gate, agad itong lumabas ng bahay para sunduin siya. Malayo pa lang ang kaibigan ay nakakunot na ang noo ni Sinister sa kanya… hindi niya gusto ang pagiging seryoso ang mukha nito. Dahil sa tuwing pupunta siya rito, lalo kung may hihinging pabor si Herlene sa kanya, halos umabot sa langit ang ngiti niya. Malayong-malayo sa nakikita niya ngayon. Tila siya pala ang may mapapansing kakaiba sa kaibigan. Pumasok siya sa loob ng compound ng bahay na walang kahit na anong sinabi si Herlene sa kanya, literal na binuksan niya lang ang gate. Puno na siya ng pagtataka kanina pa, pero pinili na lang din niyang huwag munang magsalita. Mas mabuti kasi kung pumasok muna sila sa loob ng bahay dahil mas maigi nang kausapin ito na may kaharap na kape. Iisang lugar lang ang meron sa bahay ni Herlene na ligtas pagdausan ng importanteng pag-usap na walang makakarinig na kahit na sino – walang iba kundi sa kwarto nito. Kaya pagpasok pa lang ni Sinister sa loob ng bahay ay iyon na agad ang pinuntahan niya. Kilalang-kilala niya ang kaibigan niya, kung seryoso ang mukha nito ay maaring hindi talaga concert ng paborito nitong banda ang totoong rason bakit siya nito pinapunta rito. Dahil ngayon niya lang naalala… wala itong ganoong bagay na gusto. Agad na sinuri ni Sinister ang paligid ng kwarto ni Herlene nang tuluyan siyang makapasok, sinilip niya ang bawat gilid, sulok, gamit, at pader nito. Ito man ang ligtas na lugar dito para mag-usap ay walang masama kung sisiguraduhin niyang ligtas pa rin ito. Hindi niya intensyong pag-isipan ng hindi maganda ang kasama niya, pero kung ganito ang mukha nito at kakatapos niya lang ding harapin ang isang kalaban ay mabuti nang maging maingat na matiyak na walang ginawang kahit anong paraan ang kampo ni Zeldris para marinig ang magiging pag-uusap nila. “Huwag kang mag-alala, hindi nila napasok ang kwarto ko,” bati ni Herlene nang makapasok na rin siya sa loob at maisara ang pinto. Agad siyang hinarap ni Sinister, may kunot ang kanyang noo nang tingnan niya ang kaibigan… pero alam ni Herlene na isa lang iyong tingin ng isang kaibigan na matindi ang pag-aalala sa kanya. At alam niyang sa uri ng tingin nito sa kanya, hindi na niya maitatago ang katotohanan. “Shai, sa tingin ko… kasalanan ko rin kung bakit nagkaroon ng interes sa ‘yo si Mayor Zeldris,” mahina ang kanyang boses. Pero sapat naman para marinig ng kausap. Hindi nawala ang kunot sa noo ni Sinister, pero ang nararamdaman niya ngayon ay hindi na lang vag-aalala sa kaibigan… dahil habang tinitingnan niya ang dalaga, lalong nabubuo sa isip niya kung ano ang sinasabi niyang naging kasalanan nito. “Ako ang inirekomenda mo sa kanya bilang bodyguard?! Akala ko ba ay isang lalaki ang hinahanap ng mayor na iyon at nagkataon lang na tinanong ka niya kung may kilala kang maaring mag-appky sa kanya? Anong nangyari?!” hindi makapaniwalang tanong ni Sinister sa kaibigan. Ang bagay na pinag-uusapan nila ay nangyari bago pa gawin ni Sinister ang misyon niyang patayin ang isang Congressman na may kaso ng p**********n. Ngayon lang din naalala ni Sinister na si Zeldris Tan ay isa rin sa mga kaibigan ng ama-amahan ni Herlene. Hindi masyadong pinansin ng dalaga ang naging kwento ng kaibigan niya tungkol sa mayor na iyon dahil wala naman iyong kinalaman sa kanya, kaya naging rason din iyon para makalimutan niya ang pangalan niya at ang kwentong iyon. Ngayon bumalik sa alaala niya na ang naging kwentuhan nilang iyon… at ngayon ay alam na rin niya ang sagot kung bakit nagawang i-monitor ni Zeldris ang bahay ni Herlene. Nangangahulugang hindi talaga siya magaling, nagkataon lang ang lahat at sumang-ayon lang sa mayor na iyon ang kapalaran. Agad na naikuyom ni Sinister ang kanyang kamao nang mapagtagpi-tagpi niya ang mga nangyari… hindi niya akalain na mismong kaibigan niya pa ang magdadala sa kanya sa problemang ito. Maaring hindi alam ni Herlene ang mga nangyari kahapon, pero hindi niya magawang pigilan ang inis niya dahil siya ang itinuro ng kaibigan lalo pa’t alam nitong galit siya sa politiko. “Viper, paano mo ‘to nagawa sa akin–“ Hindi na nagawang ituloy pa ni Sinister ang bagay na gusto niyang sabihin, dahil bago pa niya magawang mapagsalitaan ng masakit na salita ang kaibigan ay agad nang tumakbo si Herlene palapit sa kanya para bigyan siya nito ng isang mahigpit na yakap. Dahil alam niyang walang ibang bagay na makakapagkalma sa dalaga ngayon kundi ang yakap niya. “Ginawa ko iyon kasi gusto kong maintindihan mo rin ako! Malaman mo na hindi lahat ng politiko ay masama gaya ng iniisip mo! Kaibigan siya ni papa, kaya alam kong mabait siya–“ Tulak. Iyon ang natamo ni Herlene mula sa babaeng itinuturing niyang kaibigan. Kaya nang makuha niyang muli ang balanse sa pagtayo mula sa pagkakatulak sa kanya, agad niyang tinitigan si Sinister na may pagtataka sa kanyang tingin. Maaring magkaiba sila ng paniniwala sa buhay, pero ganoon pa man ay may paniniwala siyang nagkakasundo pa rin sila at ito ang paraang naisip niya para maintindihan na siya nito. “Hindi ko alam kung ano ang sinabi sa ‘yo ng Zeldris na iyon para mabola ka niya ng ganyan, pero dahil sa ginawa mo, lalo mo lang pinatunayan sa akin na hindi rin talaga dapat pagtiwalaan ang mga taong gaya mo na malapit sa politiko,” ani Sinister. Punong-puno ng pagkadismaya ang tingin niya sa kaibigan. “Sinayang mo ang pagkakaibigan natin para lang sa kagustuhan mong ayunan ko ang gusto mo.” Halos hindi na maaninag ni Herlene ang kaibigan niya dahil sa sunod-sunod na pagtulo ng kuha sa mata niya… hanggang sa namalayan na lang niya ang pag-alis nito nang wala nang ano mang sinabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD