Chapter 5

2745 Words
CHAPTER 5: Sa buhay kung saan nagtatrabaho ka para pumatay, gaya lang din ito ng ibang trabaho na hindi lang ikaw ang bagay na gumagawa nito… alam nilang pareho na madami ang gaya nila. Nagkataon lang talaga na sa oras na ito ay iisang tao lang ang kailangan nilang patayin. At wala ni isa sa kanila ang gustong ibalato sa isa pa ang pagpatay sa target nila. Dahil isang pangtatapak sa pagkatao nila kung inagaw ng iba ang trabaho niya. “Bakit ko naman pahihirapan ang sarili ko na ubusin ang kalaban sa baba, kung puwede naman akong dumiretso na lang sa pakay kong patayin?” natatawa nitong sagot. Hindi pa rin sila tapos na pagtalunan ang kinahinatnan ng mga nangyari. Napaka liit na bagay na lang ay nakuha pa rin nilang pag-awayan. Lalo nilang ipinapakita sa isa’t isa na hindi talaga sila basta-basta lang. Kaya lalo silang nagkakaroon ng dahilan na ipaglaban ang gusto nila. Hindi nakasagot si Sinister sa sinabi ng lalaki, wala siya sa mood para ipaliwanag sa lalaki ang pinagdaanan niya. Wala rin namang saysay kahit sabihin pa niya ang orihinal niyang plano dahil malinaw naman na pumalpak iyon. At ngayon, tila alam na niya kung bakit talaga pumalpak ang plano niya… hindi niya nakita ang mayor mula nang mag-abang siya sa rooftop, napilitan siyang dumaan sa harap ng gate para suyurin ang paligid at hanapin ang mayor, at hinarap niya ang lahat ng tauhan na humarang sa daraanan niya; lahat nang iyon, pinagdaanan niya dahil sa pangingialam ng lalaking kaharap niya. Kaya nauwi ang usapan nila sa panlilisik ng mata ng dalaga sa kaharap. Saka mahinang sinabi na, “Mamatay na ka..." Sa bagay na iyon, damang-dama ng lalaki ang galit sa kanya ng kaharap niya. Hindi niya gustong galitin ito ng husto, pero huli na para pagsisihan iyon… punong-puno na ng galit ang tingin nito sa kanya. At alam niyang isang pagkakamali lang ay maari ngang magkatotoo ang banta nito. Kusang kumilos ang katawan ni Sinister papunta sa lalaki. Ginamit niya ang kama para mula r’on ay tumalon papunta sa binata. Sa gulat, hindi na nakaiwas pa ang kalaban niya kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na mahuli ito sa pamamagitan ng pagdampa niya rito. Naging mas malakas ang pwersa ni Sinister sa paglaban kumpara kanina. Mabilis siya nakadagan sa kalaban at nakapwesto agad siya ng upo sa bandang tiyan nito. Sa puntong iyon, nabiyayaan niya ang kalaban niya ng magkabilang suntok. Mabilis na dumugo ang labi ng lalaki nang tamuhin niya ang suntok na iyon, nakaramdam siya ng hilo galing doon. Pero hindi ganoon kadaling sumuko ang binata, agad niyang hinawakan ang magkabilang kamay ng kalaban niya upang mapigilan ito sa susunod na balak na pag-atake. Naging labanan ng lakas ang nangyari… Alam ng lalaki na hindi siya titigilan ng kaharap niya hanggang hindi siya nito napapatahimik, wala naman siyang balak na humigit pa r’on ang nangyayari… kaya ang balak na lang niya ay patulugin ito para siya pa rin ang magwagi sa dulo. Hanggang sa nakaipon siya ng lakas na ibangon ang sarili habang patuloy siyang nakikipagsukatan ng lakas sa dalaga. Sa bahaging iyon ay tuluyan siyang nakatayo, habang si Sinister naman ay iniwas ang sarili na mahulog sa bitag ng kalaban niya… agad siyang kumawala sa pagkakahawak sa kanya at gumulong palayo. Muli na naman sanang magsasagupaan ang dalawa, pero hindi na nila nagawang ituloy iyon nang makarinig sila ng sirena ng pulis mula sa labas ng Rest House. Agad na nagkaroon ng masamang tinginan ang dalawa, tila sa tinginang iyon ay sinisisi nila ang isa’t isa dahil sa pagmamatigas kaya pareho nilang hindi nakuha ang gusto nila. Walang salita na lumabas sa bibig ng dalawa, kusa na lang na tumakbo ang lalaki sa bintana para tumakas. Tanggap na niyang hindi para sa kanya ang gabing ito, mas mahalaga sa kanya ang makatakas. Habang si Sinister naman, pinanood muna siya sa pagtakas… alangan din siya kung itutuloy pa ba niya ang balak niyang tapusin ang mayor. Dahil kung ang karibal niya ay pinili nang umalis, tiyak niyang delikado na rin kung magtatagal pa siya rito. Nilingon niya ang mayor na hanggang ngayon ay nakasalagmak lang sa gilid ng pintuan, hindi pa rin nawawala ang takot nito sa kanyang mukha. Habang si Sinister ay masama naman ang tingin sa kanya at sinabing, “Isang gabi na lang ang buhay mo, kaya magpakasaya ka muna sa ngayon.” Pagkatapos niya itong pagbantaan ay kusa na ring gumalaw ang katawan niya paklayo sa Rest House. *** Hindi maipinta ang mukha ng dalaga nang makarating siya sa building ng kanilang organisasyon. Habang naglalakad, kitang-kita ng mga kapwa niya assassin ang galit sa kanyang mukha. At alam nila na kapag ganoon ang itsura nito, hindi siya maaring kausapin – kung ayaw mong maghalo ang balat sa tinalupan. Si Sinister ang tipo ng tao na kapag naglalakad sa hallway o hindi kaya ay makakasalubong mo ito sa elevator o hagdan, bibigyan ka nito ng isang ngiti kahit pa hindi malapit sa kanya ‘yung taong iyon o hindi niya kilala sa pangalan. Nakilala siya sa Dark Knight hindi lang sa galing niya sa kanyang trabaho at bilang isang inampon na bata ni Supremo. Nakilala rin siya sa pagiging magiliw sa mga kasamahan niya. Maging sa trabaho ay ganoon din ang ugali niya, nananatili siyang kalmado at makulit – na para bang ipinapakita niyang masaya siya sa kanyang ginagawa. Pero pagkatapos ng nangyari, pagkatapos niyang pumalpak, tila wala sa isip niya ngayon ang ngitian o batiin ang mga taong nakikita niya. Walang ibang laman ang isip niya kundi ang mapuntahan ang opisina ni Supremo. Ramdam ng mga taong nakapaligid sa kanya na may hindi magandang nangyari, kaya wala rin ni isa sa kanila ang nagtanong o kumausap man lang sa kanya. Kilalang-kilala nila ang dalaga, at alam nilang tanging si Supremo lang ang makakapag pakalma sa kanya. Nakarating ang dalaga sa harapan ng pinto ng opisina ni Supremo na walang kahit na sinong naglakas ng loob na bumati sa kanya. Bago tuluyang kumatok ay kinalma muna ni Sinister ang sarili niya sa pamamagitan ng ilang beses na pagbuga ng hangin. Tatlong sunod-sunod na katok sa pinto ang ginawa niya pagkatapos, pero gaya ng una niyang punta rito kanina ay walang sumagot mula sa loob ng opisina. Bagay na sobra na namang pinagtaka niya. Maharas niyang binuksan ang pinto dahil sa hindi siya makatiis na alamin kung ano ang nangyayari, pero gaya ng inaasahan na rin niya ay walang tao sa loob ng silid. Ang tanging bagay lang na naabutan niya rito ay tambak ng mga papel sa mesa nito na naghihintay ng pirma ng kanyang ama-amahan. Bahagyang kumalma si Sinister kahit hindi niya nakita ang taong pakay niya, dahan-dahan siyang naglakad palapit sa mesa na animo’y hinila siya ng kanyang kuryosidad sa mga papel na naroon. Palaging nasa loob ng opisina niya si Supremo, at hindi rin ito maaga kung umuwi. Kaya isang bagong bagay para sa dalaga na makitang may mga nakatambak pang papel dito. Hindi niya alam kung ano ang maari niyang mabasa, at alam niya naman na hindi tamang pakialaman kung ano ang nasa mesa ng isang ulo ng malaking organisasyon. Pero walang pakialam si Sinister doon, legal siyang anak ni Supremo sa papel… kaya binibigyan niya ang kanyang sarili ng karapatan na usisain kung ano man ang nakalagay sa mga iyon. Sa oras na hawakan niya ang isang papel, kasabay naman nito ang pagbukas ng pinto dahilan para mawalan siya ng pagkakataon na mabasa kahit unang linya manlang ng nakasulat. Mabilis siyang lumingon sa bagong dating, at agad din naman siyang nakahinga ng maluwag nang makita na si Supremo ang dumating. “Nainip ka ba sa paghihintay sa akin?” mahinahong tanong ng kanyang ama. Habang nagsasalita ay naglakad na rin ito palapit sa kanyang upuan. Napalunok si Sinister nang tuluyan nang nakaupo ang bagong dating, agad niyang ibinalik ang hawak niyang papel. Dahil alam niya na kapag natagpuan pa ito ni Supremo na hawak niya kahit narito na siya ay mapapagalitan pa siya. Ayaw na niyang maulit ang dating nangyari tungkol sa pangingialam niya sa mga gamit nito nang walang paalam. “Hindi ako sanay na pumapasok sa silid na ito na hindi ko kayong naaabutang nakaupo riyan. Akala ko ay hindi pa kayo makakabalik–“ Agad na natiklop ang bibig ni Sinister nang makita niya kung paano tumingin ang kanyang ama sa kanya. Hindi pa man ito nakakapagsalita ay alam na niyang may galit ito sa kanya dahil sa nahuli nitong ginagawa niya. Kahit pa wala naman talaga siyang nakita o nabasa sa papel na hawak niya, huli na para linawin pa iyon. “Anong nangyari sa misyon mo?” Sa unang tanong pa lang, kinilabutan na agad ang dalaga. Tila sa puntong ito, wala na ang galit na nararamdaman niya kanina nang pumunta siya rito… napalitan na iyon ng takot sa kanyang ama-amahan. Tinatanong pa lang siya, ramdam na niyang hindi na maganda ang mangyayari. Ito ang unang beses na pumalpak siya sa ipinag-uutos sa kanya. Pero ang hindi niya matanggap, ay ang nagkaroon ng isang malaking hadlang sa misyon niya dahilan para umuwi siyang walang napala. At gaya ng nagawa niya ngayon-ngayon lang, wala ring saysay kung ipaliwanag niya ang mga nangyari. Napansin ni Supremo ang hindi pagsagot ng kausap niya, kaya muli siyang nagsalita, “Normal sa isang katulad mo ang magkaroon ng pagkakamali. Pero ang hindi ko matanggap, hindi ka nakinig sa akin,” aniya. Lalong bumilis ang t***k ng puso ni Sinister, mahinahon lang ang boses ng kanyang ama pero ramdam niya ang takot mula rito sa tuwing magsasalita ito. Ngayon ay bumalik sa alaala niya ang mga babala na sinabi ng kanyang ama kanina bago siya umalis, at malinaw ngayon na iyon ang nakikitang dahilan ng Supremo kaya siya pumalpak. Naikuyom niya ang kanyang kamao habang naglalaro sa isipan niya ang paliwanag na gusto niyang bitiwian… pero sa huli, wala pa rin siyang lakas ng loob na sabihin ang totoong nangyari. “Sinabihan kitang huwag kang masyadong aasa sa lakas mo, pero naging matigas ang ulo mo at muntik ka pang maabutan ng mga pulis doon! Paano kung nakita at nahuli ka nila, paano mo palalayain ang sarili mo?!” unti-unti, nagsimula nang tumaas ang boses ni Supremo. Tuluyan nang natikom ang bibig ng dalaga, lalo siyang nawalan ng lakas ng loob na sabihin kung ano ang nararamdaman niya. Kahit ang paghingi ng tawad, hindi niya rin kayang sabihin. Sa unang pagkakataon, ngayon lang siya nakaramdam ng inis sa sarili niya. Aminado siyang masyado nga siyang naging kampante kaya naisahan siya ng lalaking nakalaban niya. “Hindi bale, kalimutan mo na lang ang mga sinabi ko. Dahil hindi lang naman ikaw ang may pagkakamali sa nangyari. Kung hindi nakialam ang kasamahan ng unang assassin na nautusang gawin ang misyon ay hindi sana kayo magkakagulong dalawa at hindi sana makakatakas ang Mayor Tan na iyon,” paliwanag nito. Mabilis na nag-angat ng ulo si Sinister. Nanlaki ang mata niya at umawang din ng bahagya ang kanyang bibig. Ngayon ay naalala niya na kung ano talaga ang ipinunta niya sa opisina ng Supremo, at kung bakit bigla-bigla ay may kung ano sa loob niya na nagtulak para silipin ang mga papel na nasa mesa nito. “Kasama siya… ni Three?” naguguluhan niyang tanong. Narinig niya ang pagbuntong hininga ng kanyang ama-amahan, nasa mukha rin nito ang pagkadismaya sa nangyari. Hindi man niya sabihin ay ipinapakita na ng ekspresyon ng mukha niya na isinisisi niya sa binata kung bakit nagkaroon ng pagkakamali ang anak at paborito niyang assassin. Kahit siya mismo, hindi niya matanggap sa kanyang sarili na nagkamali si Sinister ng ganoon. “Hindi alam ni Three na nag-usap pala ang assassin na may hawak sa misyon na iyon at ang kaibigan nito sa Division nila. Nang pumalpak siya, agad niyang iniutos sa lalaking iyon na saluhin nito ang misyong naka-atang sa kanya dahil nga sa pumalpak siya. Ang akala ng loko, magagawa niyang itago ang kapalpakan niya kahit pa magtagumpay ang inutusan niyang magtuloy ng nasimulan niya,” muling paliwanag ng Supremo. Kumunot ang noo ni Sinister, mas lamang sa kanya ang pagtataka sa bagay na sinabi ng kanyang ama kaysa sa dapat ay makampante siya na hindi lang sa kanya mabubunton ang sisi. Hindi niya lang maintindihan kung bakit hindi pamilyar sa kanya ang lalaking nakaharap niya kanina. Maaring galing nga ito sa ibang Division at maaring hindi siya ang tipo ng tao na madalas bumisita sa mga lugar na hawak ng mga ito, pero sa tuwing nagkakaroon ng meeting ang Supremo ay nakakasama siya ng bisita sa mga lugar na hawak nila… kaya isang palaisipan sa kanya na hindi ito pamilyar sa kanya. At isang bagay pa, hindi rin siya kilala ng lalaki. Kung tunay siyang miyembro ng Dark Knight, hindi man siya makilala ni Sinister ay dapat kilala siya nito. “Kumilos siya ng walang utos ni Three. Kung hindi alam ng Pinuno nila na susugod siya roon, ang tibay niya naman para magdesisyon ng kanya,” komento niya. Isang ngisi ang sumilay sa labi ni Supremo. Mas lumamang sa kanya ang tuwa dahil sa ideyang naiisip niya para parusahan ang nasabing binata… ang galit niya para rito ay hindi lang dahil kumilos ito ng sarili niya, kundi ito rin ang dahilan bakit hindi nagawa ni Sinister ang misyon niya. Isang malaking isda si Zeldris Tan, at ang kapalpakan ng trabaho nila ang naglagay sa kanila ngayon sa alanganin na posisyon. Hindi niya kayang saktan ang sarili niyang anak, kaya ibubuhos niya sa binata ang sisi… at ipinapangako niya sa kanyang sarili na hindi magiging madali ang kamatayan ng lalaking iyon. “Kung iniisip mo na patayin ang lalaking iyon, huwag muna sa ngayon, ‘Pa. Gusto ko muna siyang makilala…” malamig ang boses ni Sinister nang magsalita siya, mahinahon din ito, ngunit bakas mo ang diin sa bawat salitang kanyang binigkas. “Dahil ako mismo ang puputol sa sungay niya,” dagdag pa niya. Hindi nakatakas sa tingin ni Supremo ang madiin na pagkuyom niya ng kamao, kitang-kita niya sa mukha ng dalaga na mas malala ang galit nito para sa binata kaysa sa kanya. Naiintindihan niya ang nararamdaman nito, dahil nga tunay na mas malaki ang naging atraso ng taong iyon kaysa sa kanya. Kinuha niya ang isang papel na kasamahan ng mga nakatambak sa lamesa niya. Habang nakatayo pa rin sa kanang gilid niya si Sinister ay tahimik niya munang binasa ang nakasulat sa papel na hawak niya. Ngayon niya napagtanto kung bakit nagawang pakialaman ng anak niya ang mga papel na iyon… “Owen Abalos,” tipid na saad ni Supremo. Mabilis na bumaling sa kanya ang tingin ni Sinister, suot pa rin niya ang isang kunot sa kanyang noo. Nang makita niyang may hawak na papel ang kanyang ama, agad na naningkit ang mata niya… hanggang sa napalitan iyon ng isang ngisi na may halong kaunting inis. “Sinisiguro ko sa ‘yo. ‘Pa… dadalhin ko siya sa impyerno,” ani Sinister. Tiyak niya na ang pangalang binanggit ng kanyang ama ay ang lalaking nakaharap niya. At hindi rin malabo na ang hawak nitong papel ay mga impormasyong tungkol sa taong iyon. Sa sinabi ng dalaga, nakaramdam ng bahagyang kasiguraduhan ang Supremo na wala na siyang kailangan pang isipin pa tungkol sa lalaking iyon. Pero hindi iyon ang kailangan niyang atupagin sa ngayon... mas importante ang bagay na naiwan nila. “Sinister, ibalato mo na sa lalaking iyon ang paghahanap kay Mayor Tan. Kailangan may maging pakinabang muna siya bago mo siya patayin. Siya ang sumira sa plano mo, kaya siya rin ang dapat umayos,” suhestiyon niya. Nang bitiwan niya ang papel na naglalaman ng impormasyon tungkol kay Owen ay tuluyang nawalan ng pag-asa si Sinister na magbabago pa ang isip ng kanyang ama-amahan. Napalunok na lang siya para kahit paano ay makatulong na kumalma ang loob niya. Kahit kating-kati na siyang patayin ang lalaking iyon, at kahit gusto niyang siya pa rin ang humawak sa misyong napabayaan niya… wala siya sa posisyon na suwayin ang utos sa kanya ng Supremo. Nagbigay siya ng paggalang sa kanyang ama sa pamamagitan ng isang yuko, saka tahimik na umalis ng silid na iyon. Habang naglalakad siya palayo sa opisina ng Supremo, walang nagbago sa timpla ng kanyang pakiramdam ngayon… at sa totoo lang ay lalo pang tumindi ang galit niya sa lalaking nagbigay sa kanya ng kahihiyan sa harapan ng kanyang ama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD