Chapter 45

1750 Words
CHAPTER 45: Walang ibang maaring puntahan si Shaika kundi ang opisina lang ni Zeldris, ngayong pansalamantala siyang hindi makakapunta sa Dark Hotel ay gusto na lang niyang aliwin ang sarili sa pagtatrabaho bilang bodyguard ng mayor. Wala man siyang gagawin dito kundi ang tumunganga at maghintay kung uutusan siya ng binata ay mas gugustuhin na niya ito kaysa maubos ang oras niya sa bahay niya maghapon at mag-isip ng kung ano-ano. Ilang araw na ang lumipas matapos nilang makausap si Thunder, at hanggang ngayon ay umaasa siyang darating ang pagkakataon na tatawag ito sa kanya o hindi kaya kay Owen para magbalita ng kakaiba o ng nalaman niyang nangyayari sa loob ng Dark Hotel na maaring makatulong sa kanila na solusyunan ang problema nila. Kaya lang, tila wala pa talaga siyang dapat asahan sa lalaking iyon na tinawag niya bilang isang duwag. Ang huling balita naman niya kay Owen ay bumalik lang ito sa dati niyang ginagawa na pagtulong sa matalik niyang kaibigan sa pag-aalaga sa anim nitong anak. Hindi niya na pinigilan ang binata maski iniisip niyang delikado ang ginagawa nito dahil alam niya naman na hindi ito makikinig sa kanya at isa pa ay nakikita niya rin itong oportunidad na baka sakaling siya ang makakita ng impormasyon kapag naglagi siya sa lugar na malapit sa Hotel. Hindi naman sa gusto niya na talagang makaharap si Supremo, gusto niya lang na may ginagawa sila habang maaga pa bago pa may mangyaring hindi maganda. Kilala niya si Legal at si Maestro, maaring hindi ito malapit sa isa’t isa at hindi sila ang tipo ng tao na magtutulong para lang mapabagsak ang gaya nilang mga miyembro ng organisasyon na nagkaroon ng tawag na traydor sa tabi ng kanilang codename. Pero tiyak ni Shaika na hindi rin sila ang tipo ng tapat sa tungkulin na walang gagawin mabigyan lang sila ng kaparusahan sa bagay na inaakala nilang nagawa nina Shaika at Owen. Ibig lang sabihin, ano mang oras ay maaring may muli na namang sumugod sa kanila gaya ng ginawa ni Thunder sa restaurant noon. At hindi rin maaring maialis ni Shaika ang posibilidad na maaring mas malala pa roon ang magawa ng mga ito. Kaya hindi na dapat sila maging kampante kahit pa kasalukuyan itong tahimik. Patuloy pa rin na gumugulo sa isip ni Shaika ang mga bagay na pinag-usapan nila ni Zeldris noong araw na harapin niya ito bago pa sila pumunta kay Thunder. Hanggang ngayon ay tinitimbang pa rin niya ang sitwasyon kung ito na nga ba ang pagkakataon na sinasabi ng binata na dapat ay maniwala na siya sa paniniwala rin ni Herlene. Iyon nga lang, hindi niya magawang isipin ng mabuti ang mga sinabi nito dahil wala siyang makausap para hingin ng payo tungkol dito. Si Herlene lang naman ang tanging tao na nakikinig sa mga hinaing o reklamo niya sa buhay. Sa tuwing may problema siya o kinaiinisang nangyari sa Dark Hotel ay ito ang nagbibigay sa kanya ng payo sa kung ano ang dapat niyang isipin o gawin tungkol sa nangyari. Pero ngayon ay hindi niya ito kayang lapitan para sabihin at ibahagi ang mga bagay na gumugulo sa isip niya. Dalawa ang rason niya: Una, alam niya na iisa lang ang isasagot nito—na tama lang na paniwalaan niya ang mga sinabi ni Zeldris dahil nga iyon din ang paniniwala niya. Ibig sabihin, magiging isang panig lang ang maririnig niya at hindi na nito iintindihin pang ipaliwanag sa kanya ang kabila. Kaya samakatuwid, saya lang din kung sasabihin niya ito kay Herlene—hindi rin niya kasi maaring alisin ang posibilidad na baka makadagdag lang ito sa sakit niya sa ulo. Ang ikalawang dahilan naman ay simple lang—ayaw niya nang dumagdag pa sa personal nitong problema. Dahil sa hindi na nagpupunta si Shaika sa Dark Hotel, mas madami na ang naging oras niya para makausap ng sarilinan ang best friend niya at iyon ang naging daan para tuluyang masabi sa kanya ni Herlene ang buong katotohanan tungkol sa plano nito at kung bakit niya ito nagawa. Inamin din ng dalaga na umasa siyang paraan na rin ito para mapalapit ang loob niya kay Zeldris—bagay na sobrang tinutulan ni Shaika. Isinumpa niya sa harap ng kaibigan na kahit kailan ay hinding-hindi siya magkakagusto sa isang politikong gaya ng mayor na iyon. Ang totoo, naisip na rin naman ni Shaika na ilapit kay Owen ang iniisip niya. Dahil kumpara kay Herlene, mas malawak ang pang-unawa nito at mas mabibigyan siya nito ng totoong sagot. Iyon nga lang, hindi rin ito nalalayo sa kaibigan—masyado rin itong tapat sa paniniwala niyang tama ang kanilang ginagawang pagpatay ng mga politiko. Basta itinuro ng organisasyon na masama, iyon na ang agad niyang paniniwalaan. Kaya hindi niya rin maaasahan ang binata na magbigay sa kanya ng pantay na kasagutan. Napapikit na lang ang dalaga dahil lalong sumasakit ang ulo niya ngayong nagsisimula na naman siyang guluhin ng mga bagay na iyon at hindi niya talaga ito gustong mangyari. Kahit anong iwas ang gawin niya ay tuloy pa rin ang pag-iisip ng utak niya hinggil sa bagay na iyon dahilan para lalong mainis ang dalaga. “Basta gawin mo lang ang iniuutos ko sa ‘yo at huwag ka nang marami pang tanong. Maliwanag?” Hanggang sa marinig niya ang boses ng babaeng pinaka kinaiinisan niya sa loob ng Munisipyo—si Camille, ang maharot na sekretarya ni Zeldris. Sa ilang araw niya rito sa Munisipyo ay tumatak na sa kanya ang pangalan ng babaeng iyon lalo na ang tono ng boses nito. Kaya sa tuwing maririnig niya ang boses nito ay kumukulo na agad ang dugo niya rito. Nakaupo sa couch si Shaika bago ang mismong opisina ni Zeldris. Malapit ang couch na iyon sa pwesto ni Camille kaya kung darating na ito para maupo muli sa kayang pwesto ay tiyak na makikita niya ito. Walang balak si Shaika na abangan ito sa kanyang pagbabalik, sadyang ito lang kasi ang tanging pwesto na maari niyang tambayan malapit sa mayor kung sakaling tawagin siya nito para utusan. Samaan ng tingin ang naging salubong nila sa isa’t isa. Sa ilang araw nga ni Shaika rito ay naranasan na rin niyang mapatawag ni Zeldris sa opisina para pagharapin sila ni Camille at bigyan ng babala na pareho silang mawawalan ng trabaho kung hindi nila titigilan ang kanilang bangayan lalo na kung oras ng trabaho. Kaya kahit labag sa loob nilang dalawa ay kailangan nilang sundin ang sinabi ng mayor na tumigil na sila bago pa ito mapikon sa kanila. “Sino iyong kausap mo? Anong kailangan niya?” ayaw mang kausapin ni Shaika si Camille ay wala siyang magagawa kundi ang tanungin ito dahil iba ang pakiramdam niya sa narinig niyang sinabi ng babae sa kausap. Tumaas naman ang kilay ni Camille sa kanya. Gaya ni Shaika ay ayaw din niyang magkaroon ng pagkakataon na magkausap silang dalawa, maski ang paghaharap na ganito ay ayaw din niyang mangyari. Iyon nga lang ay dahil sa pagiging abala niya at sa dami ng inaasikaso niya ay hindi niya na napansin na nakaupo pa ang kinaiinisan niyang bodyguard ng mayor malapit sa mesa niya. “Wala na iyong kinalaman sa trabaho mo, kaya hindi mo na kailangan pang malaman. Isa pa, hindi rin naman siya haharap sa mayor kaya hindi mo na siya kailangang kilalanin. Kumalma ka lang diyan dahil ginagawa ko lang ang trabaho ko,” paliwanag ni Camille, ngumiti na rin siya sa kausap para mas makampante ito sa kanyang naging sagot. Iyon nga lang, hindi naging sapat ang sinabi niya para makumbinsi si Shaika na wala siyang dapat isipin. Naningkit ang mata niya sa kausap dahil kakaiba talaga ang pakiramdam niya tungkol sa naging pakikipag-usap ng kaharap niya sa lalaking kasunod nito bago pa ito tuluyang makalapit kung saan siya nakaupo ngayon. “Ginagawa ko lang din naman ang trabaho ko, kaya gusto kong sagutin mo nang maayos ang tanong ko,” giit ni Shaika. Hindi siya nag-aalala na baka maphamak si Zeldris, wala naman siyang pakialam kung mapaano man ang lalaking iyon. Kaya lang, iba talaga ang duda niya at ramdam niyang hindi niya talaga gusto kung ano man ang bagay na pinag-usapan ng dalawang iyon. Habang narito pa siya sa puder ng mayor at naghahanap ng solusyon sa sarili niyang problema, ayaw niyang magkaroon ng dagdag na probelma. Kaya hangga’t maaga ay kailangan niya nang makontrol ang mga nangyayari sa paligid niya. Buntong hininga ang naging reaksyon ni Camille. “Okay, fine. Sasabihin ko na matahimik ka lang,” aniya. Kalmado ang kausap niya kaya pinilit niya rin ang kanyang sarili na maging kalmado. “Iyong lalaking kasunod ko ay nagde-deliver ng mga memo galing sa opisina ng Governor at sa iba pang sekta ng pamahalaan. Gusto niyang direktang laging magpunta sa mesa ko para dalhin ang mga sulat na iyon para raw masigurong maiaabot sa akin ang memo at maibigay sa mayor on time,” paliwanag niya. Habang nagsasalita si Camille ay hindi inaalis ni Shaika ang tingin niya sa dalaga. Kinikilatis niyang mabuti kung nagsasabi ito ng totoo sa paraan lang ng pananalita nito. Kaya lang, hindi niya magawang kumbinsihin ang sarili na walang tinatago sa kanya ang babae dahil hindi ito makatingin sa kanya habang nagsasalita. Hindi niya naman ito magawang pagdudahan nang husto dahil noon pa man ay hindi naman na talaga maatim ng kaharap niya na magkatinginan silang dalawa at normal na iyon para sa kanya dahil ayaw niya rin namang magkatinginan silang dalawa. Patuloy lang sa pagpapaliwanag si Camille, “Kaya lang, alam mo namang nasa panganib ang buhay ni Mayor Tan, kaya ayoko ng idea niya at pinilit ko siyang intindihin ang sinasabi ko. Kaya you can now sit back and relax dahil wala nang problema, okay?” aniya saka iniwan siya sa kanyang kinauupuan. Nang magawa nilang makapag-usap na hindi nauuwi sa away, pareho silang natuwa na tapos na ang kanilang pag-uusap at maari na ulit silang umarte na hindi magkakilala. Ilag silang makagawa ng problema na maaring makarating sa mayor, at wala man silang usapan na ganoon ang maging turingan nila ay iyon ang pareho nilang ginagawa para iwas gulo—tanging trabaho na lang talaga ang nagtutulak sa kanila na mag-usap. Nawala man sa paningin ni Shaika si Camille, tila hindi naman nawala ang duda niya sa babaeng iyon kahit pa detalyado niya namang ipinaliwanag ang senaryong nakita niya. Pakiramdam niya, may tinatago ito sa kanya at sa mayor. At iyon ang gusto niyang alamin…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD