Chapter 41

1755 Words
CHAPTER 41: Gulong-gulo ang isip ni Shaika nang makalabas siya ng opisina ni Zeldris. Hindi niya alam kung ano ang nangyari sa kanya matapos nitong marinig ang mga salitang binitiwan ng binata. Ayaw niyang yakapin ang prinsipyong kinalakihan ng kaibigan niya at ng mayor dahil nga napaka layo nito sa pinaniniwalaan niya at sa sinapit niya. Pero nang marinig niya ang mga salitang iyon, tila nawalan siya ng lakas na ipaglaban ang katuwiran niya. Dire-diretso ang naging lakad ni Shaika palabas ng opisina ng mayor at hindi pinansin ang kahit na sino. Natural na sa kanya ang hindi mamansin sa mga kasamahang guwardiya o hindi kaya ay mga empleyado ng munisipyo, pero mas kakaiba ang naging kilos niya na para bang wala siyang nakikitang ibang tao sa paligid niya habang naglalakad. Hanggang sa makita niya sina Herlene at Owen na nasa loob pa rin ng kaniyang kotse at naghihintay sa pagdating niya. Nakatambay sa bumper ng kotse si Owen at nasa backseat naman si Herlene nakaupo pero bukas ang bintana para abangan siya nito sa pagdating. Palapit pa lang siya sa dalawa ay nagkatinginan na silang dalawa dahil pansin na nila ang kakaibang timpla ng dalaga. Hindi pa man nito nasasabi ang nangyari ay alam na nila iyon sa kilos pa lang niya. Walang umimik hanggang sa makalapit si Shaika. Normal siyang pumasok sa passenger’s seat ng kotse na tila hindi inintindi kung ano ang reaksyon ng mga kasama niya o kung may tanong ba ang mga ito sa naging resulta ng kanyang lakad. Dahil ramdam naman nilang walang planong magsalita ang dalaga ay pinaandar na lang din ni Owen ang kotse para makaalis na. Dahil hindi alam ni Owen kung saan ang susunod nilang pupuntahan ay nagmaneho na lang siya basta at ibinigay na lang niya sa daan ang desisyon kung saan man sila nito dalhin. At sa totoo lang ay naghihintay din siya na may kumibo o magsabi manlang kung saan sila pupunta ngayon. “Bakit hindi mo ipinaglaban ang katwiran mo, Shaika?” Isang katahimikan pa rin ang namayani kahit pa nagbitiw na ng tanong si Herlene. Kilala niya si Shaika at sa inaasta pa lang nito ay alam na niya kung ano ang ibig sabihin ng pananahimik nito… hindi niya nakuha ang sagot na inasahan nila. Kaya gusto niyang maintindihan mula kay Shaika kung bakit ito nangyari. “Ano pang ipaglalaban mo kung malalaman mong wala ka naman nang dapat ipaglaban?” sagot ni Shaika. Walang buhay ang boses niya, pero bakas sa kanyang mukha ang isang ngisi. Walang nakakita ng ngising iyon, pero hindi pa rin makapaniwala si Herlene na si Shaika ang kausap niya at ito mismo an nagsasabi ng mga salitang iyon na tila sa isang iglap ay nagbago ang pag-iisip nito. “Ano bang nangyari sa pag-uusap ninyo ni Mayor Zeldris at ganyan ang naging epekto sa ‘yo? Nawalan ka na ba ng pag-asa? Pero, bakit? Hindi mo na ba inisip kung ano ang mararamdaman namin—” “Nararamdaman ninyo? May nagtanong ba sa nararamdaman ko?!” singhal ni Shaika. Nang makita niya kung ano ang naging reaksyon ng kaibigan sa naging sigaw niya ay agad siyang napabuntong hininga. “Ayaw tumulong ni Zeldris sa atin,” iyon na lang ang sinabi niya. Si Herlene naman ang napabuntong hininga nang marinig niya ang huling sinabi ng kaibigan niya. Inasahan niya naman nang ganoon ang mangyayari, pero nagbaka sakali pa rin kasi siya na mababago ang takbo ng pangyayari kapag si Shaika ang humarap sa mayor dahil kilala niya ito na may paninindigan at may isang salita. “Hindi siya pumayag kasi hindi ka rin nagpilit,” singit naman ni Owen. Kilala niyang palaban ang dalaga, kaya nga sumang-ayon siya sa ideya na si Shaika lang ang dapat humarap sa mayor dahil naniniwala rin siyang kaya nitong pilitin o makipagkasundo sa binata kapalit ng kondisyon o kung ano pang gustong hilinging kapalit ng mayor. Pero sa nakikita niyang nangyari, may posibilidad na simula pa lang ay sumuko na si Shaika at hindi na gumawa ng paraan para mapapayag o mabago ang isip ng binata kaya wala silang napala. Isang masamang tingin ang ibinigay ni Shaika sa kanya. “Talaga? Bakit ngayon ay ako na ang sinisisi ninyo? Sino ba ang may gustong ako ang makipag-usap sa kanya kung puwede naman sanang tatlo tayo? Ngayong pumalpak ako, magagalit kayo sa akin. Kung sana ay tumulong kayo, baka sakaling may naging laban pa tayo,” aniya. Hindi rin naman maunawaan ni Shaika kung ano ang kinakatakot ng dalawa kung bakit hindi sila sumama sa pagharap kay Zeldris. Naiintindihan niya naman ang katwiran ng dalawa na mas matapang siyang humarap sa binata kapag ganitong bagay ang pag-uusapan. Kaya lang, kung alanganin ay naisip niya lang na sana ay may ginawa rin ang mga ito. “Hindi lang ito tungkol sa bagay na iyon, Shaika. Ang punto namin dito, tatay mo ang kailangan nating kausapin. Kaya tiwala kami na alam mo kung paano kikilos dahil importanteng tao sa ‘yo ang nakapain,” sagot naman ni Owen. Napalunok si Shaika nang marinig ang tungkol sa kanyang ama. Hindi niya mapigilan ang sarili na mapaisip kung kumusta na ba iyon ngayon o kung galit ba ito sa kanya. Gustong-gusto niya rin naman itong makausap, pero sa ganitong kagulo niyang isip ay may palagay siyang tama lang talaga na huwag muna silang magkita. “Kung hindi natin magagawang lapitan si Supremo, ibang tao ang lalapitan natin,” suhestiyon ni Shaika. Isang kunot sa noo ang sumalubong sa kanya nang ilapit ni Herlene ang mukha niya sa kaibigan. Tila hindi siya makapaniwala na may ibang tao pa pala ang maari nilang makausap na makakatulong para malinis nila ang kanilang pangalan. “Sino?” tanong ni Herlene. “Si Thunder,” sabay na wika nina Owen at Shaika. Hindi nawawala ang kunot sa noo ni Herlene lalo pa’t sabay na sinabi iyon ng dalawa. Kilala niya si Thunder, dahil ito ang assassin na nakita niyang inutusan ni Legal na sumugod kina Shaika sa restaurant. Alam din naman niya na kaibigan itong matalik ni Owen at ang pagkakaibigan nilang dalawa ay kasing lalim ng pagkakaibigan nilang dalawa ni Shaika. Ang hindi niya lang maintindihan ay kung bakit ito ang pareho nilang naisiv na lapitan. “Gusto man akong patayin ng siraulong iyon, alam kong kaibigan ko pa rin siya. Kung magagawa ko siyang makausap ng masinsinan at maipaliwanag ang totoong nangyari ay tiyak kong maniniwala siya sa akin at siya na ang makakatulong sa atin para makausap si Supremo. At sa oras na makausap natin si Supremo ay tapos na ang problema natin tapos ay nagkaayos pa kaming dalawa,” paliwanag ni Owen. Tumango na lang si Shaika sa naging paliwanag ng kasama niya, wala na siyang sinabi dahil tama naman lahat ng sinabi nito at alam niyang mas madaling makausap ang lalaking iyon kumpara kay Zeldris. Isa pang kinatutuwa niya ay hindi na siya ang kikilos ngayon kundi si Owen na. “Paano mo siya makakausap kung lagi siyang nasa Dark Hotel?” tanong ni Herlene. Hindi nasira ang kumpiyansa sa sarili ni Owen kahit tinanong siya ng ganoong ng dalaga. Mataas ang tiwala niya sa alam niya tungkol sa kaibigan niya at malaki rin ang tiwala niya sa pagkakaibiganrg nabuo nilang dalawa. At hinding-hindi rin siya papayag na magaya siya kay Shaika na pumalpak. “Hindi naman ibig sabihin na nasa Dark Hotel na siya palagi ay mahirap na rin siyang makausap ngayon. Kilala ko ang kaibigan ko at ako na ang bahala sa diskarte paano siya makakausap,” paniniguro ni Owen. Hindi na umimik si Shaika, habang si Herlene naman ay nakahinga kahit paano. Hindi alam ni Shaika kung bakit may parte sa kanya na ayaw na niyang kumausap ng kahit na sino para lang makaharap nila si Supremo. Pakiramdam niya ngayon ay mas gusto na lang niyang hayaan na maging malaya muna pansamantala sa trabahong ibinigay sa kanya ng Dark Knight para magkaroon ng oras na makapag-isip-isip bago harapin ang kanyang ama. Tila kailangan niya munang hanapin ang kanyang sarili. “Sasama ka ba sa akin, Shaika?” Parang binuhusan ng malamig na tubig si Shaika nang marinig niya ang tanong ni Owen na iyon. Wala naman sanang kaso kung isama siya nito sa pagharap kay Thunder, dahil ayaw din naman niyang maging target ng lalaking iyon at makagulo pa ito sa gusto niya munang manahimik. Kaya lang, hindi niya gustong madamay pa rin sa balak nilang humanap ng paraan na makausap ang Supremo. “Bakit mo ako isasama? Hindi ba’t mag-isa akong humarap kay Zeldris, kaya dapat ay ganoon ka rin. Isa pa, ikaw na may sabi na kaibigan mo ang lalaking iyon at kaya mo siyang kumbinsihin na maniwala sa ‘yo, kaya bakit kailangan mo pa ako r’on?” Nakatingin si Shaika kay Owen habang nagsasalita, at habang sinasabi niya nag mga salitang iyon ay may kung ano sa loob niya na nagpipilit sa kanyang huminto na sa pagsasalita o bawiin ang mga sinabi dahil sa nakikita niyang paglungkot ng mukha ng kausap. “Kailangan kita roon hindi dahil gusto kong kausapin mo rin siya, kailangan kita kasi… hindi ko siya kayang harapin ng mag-isa,” mahinahon at mahina niyang sabi. Napaiwas na lang ng tingin ang dalaga sa kanya. Muntik na siyang magdrama kanina ng tungkol sa nararamdaman niya sa nangyayari, nakalimutan na naman niyang malaki rin ang epekto nito kay Owen at mas hirap pa ang sitwasyon nito kaysa sa kanya. Kaya wala siyang magagawa kundi ang unawain ang sitwasyon nito. “Kailan mo siya balak na harapin?” iyon na lang ang naitanong niya. Palihim na napangiti si Herlene nang marinig niya ang tanong na iyon, sa pakiramdam niya kasi ay hindi pa tuluyang nagbabago si Shaika. Pero hindi rin naman mailalayo sa kanya ang mag-alala pa rin dahil nakikita niya sa kaibigan na may hindi pa rin tama sa kilos nito at tiyak niyang malaki ang hadlang nito sa giangawa nila ngayon. “Kung kailan ka handa.” Pagak na natawa si Shaika. “Bakit ako? Hindi ba’t kaibigan mo iyon at ikaw ang dapat na maghanda? Alalay mo lang ako ngayon,” biro niya. Ilang segundong katahimikan muna ang namayani saka ngumisi si Owen sa kanya. “Talaga ba?” Ngumisi pabalik si Shaika sa kanya na para bang sinasabi niyang wala itong dapat na ipag-alala sa kanya. At sa pagtingin niyang muli sa daan, saka niya lang nahalata na hindi na nila alam kung saan sila napadpad dahil sa pag-uusap na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD