Chapter 31

1390 Words
CHAPTER 31: Hindi lumalabas ng Dark Hotel si Shaika na wala siyang dalang armas. Kahit nakasuot siya ng pormal na damit at kahit palda lang ito ay hindi naman mahirap para sa kanya ang itago sa kanyang hita ang kanyang armas. Maswerte na lang din na walang anomang guwardiya sa restaurant na nagkakapkap sa mga kumakain dito bago ito pumasok. Kaya lang. naging rason na rin iyon para makapasok ang isang lalaking iyon na may balak pumatay sa kanila. Habang nagkakagulo ang mga tao at nagkakanya-kanya ng takbo dahil sa nangyaring pamamaril ng kung sino, nanatili lang si Shaika sa ilalim ng mesang pinagtataguan niya. Mula sa kanyang pwesto ay kitang-kita niya kung paano magsitalon ang ilan sa tubig makalayo lang sa lugar, at ang ibang tao naman ay nag-uunahan na makatawid sa tulay. Naging dahilan ang pagtutulakan sa tulay para may mahulog na mga tao sa tubig. Sa kabi-kabilang sigawang naririnig niya, hindi siya tumigil na pakiramdaman kung nasaan na ngayon ang kalaban. Nang magtago sa kabilang mesa si Shaika at nangyari ang putukan ay mabilis din namang nakapagtago si Owen sa mesang kinakainan nilang dalawa. Maswerteng walang nasugatan sa naging pamamaril na iyon at kahit paano ay ipinagpapasalamat iyon ng binata. Gaya ng kasama niya, sinusubukan niyang hanapin sa paligid ang lalaking namaril kahit mas alanganin ang pwesto niya dahil nga hindi na niya nagawang makalipat pa ng pwesto. Gaya ni Shaika ay handa rin siya sa ganitong pagkakataon, hindi rin siya umaalis ng Dark Hotel o ng bahay niya na walang dalang baril. Pero hindi gaya ng dalaga na kailangan niyang itago sa kanyang hita ang armas na dala niya, dahil nga maari naman niya itong isukbit sa kanyang tagiliran habang may dala siyang pekeng lisenya ng pulis na nabili niya lang sa isang eksinita malapit sa kanila. Nagkatinginan ang dalawa nang lumipas ang ilang minuto ay hindi na nila namataan ang lalaking bumaril. Nagsenyasan sila kung ano ang susunod nilang gagawin dahil may parte pa sa loob ng restaurant na hindi nila kita mula sa kanilang pwesto. At alam din nilang pareho na kung sino man ang lalaking may target sa kanila ay maingat at kilalang-kilala sila dahil nga hindi ito naging padalos-dalos kahit pa hindi naman ganoon katibay ang pinagtataguan nila. Dahan-dahan silang lumabas sa kanilang pinagtataguang mesa at saka magkasamang gumapang papunta sa kabilang mesa na nasa kaliwa nila mula sa mesang pinanggalingan nila. Hindi madali para kay Shaika ang kumilos na nakasuot siya ng palda dahil naiilang siyang makita ni Owen ang parte ng katawan niyang hindi niya pa naipapakita kahit na kanino. Hanggang sa tatlong putok na naman ang bumulaga sa kanila bago pa sila makalipat ng pwesto. Ngunit nang makapagtago silang muli sa magkahiwalay na lamesa ay saka nila napansin na galing sa magkaibang direksyon ang putok. Nangangahulugang hindi lang nag-iisa ang taong gustong pumatay sa kanila. Tila lalong lumilinaw sa kanila na talagang pareho silang gustong itumba ng kung sinong nag-utos sa dalawang taong namamaril sa kanila ngayon. Isang putok ang muling narinig ng dalawa na tumama sa mesang pinagtataguan ni Shaika, bagay na ipinag-alala ni Owen. Balak na sana niyang lapitan ang dalaga kung tinamaan ba ito pero isang putok muli ang bumulaga sa harapan niya dahilan para hindi siya makalabas. “Huwag na kayong sumubok na pumalag, tanggapin n’yo na lang na ito na ang katapusan ninyo,” sabi ng lalaking nanggaling mula sa likuran ni Shaika. Sa boses na iyon ay agad na kumabog ang dibdib ni Owen. Tila hindi niya alam kung ano ang dapat niyang isipin sa pagkakataong ito… kanina pa gumugulo sa isip niya kung sino ang maaring gumawa nito sa kanila, pero ngayong narinig niya ang boses ng taong kanina pa bumabaril sa kanila ay lalong naging magulo ang utak niya. “Owen—!” awat ni Shaika sa kanyang kasama nang tumayo ito mula sa kanyang pinagtataguan. Pero hindi na niya natuloy ang sasabihin niya dahil mabilis ang pagkilos ng binata. Kunot ang noo ng binata nang harapin niya si Thunder. Ang matalik at nag-iisa niyang kaibigan sa loob ng Dark Knight. Hindi niya man alam kung bakit gusto siyang patayin nito at alam niyang kahibangan ang ginawa niyang pagpapakita, pero hindi na iyon ang laman ng isip niya ngayon… “Bakit? Anong kasalanan ko sa ‘yo?” nagtatakang tanong ni Owen. Nakatutok pa rin ang baril ni Thunder sa kaibigan, at alam niyang kapag kaharap niya ito ay hindi niya kayang iputok ang hawak niya. Masakit man para sa kanya ang itutok sa isang kaibigan ang barili ngunit wala siyang magagawa kundi ang gawin ito… “Pasensya na, pare. Kailangan mong… mawala…” iyon na lang ang nasabi ni Thunder. Walang laman ang isip ni Owen ngayon kundi ang tanong na bakit. Mula sa simula, si Thunder ang dahilan bakit niya ginagawa ang lahat ng ito. Nang kunin ng binata ang misyon na para sa kanya at pumalpak ito na naging rason para pangalan niya ang masira kay Three, hindi siya nagdamdam. Hindi mahalaga sa kanya kahit nawala na ang tiwala ng isang executive dahil naniniwala siyang hindi rin naman sinasadya ni Thunder na magkamali sa kanyang misyon. Pero ngayon, tinatanong na niya ang sarili niya kung bakit hindi siya nagalit noon… “Mawala? Anong ginawa kong kasalanan sa ‘yo? Alam mo naman kung bakit ko ito ginagawa, ‘diba? Para mailigtas kita—” “Huli na, pare! Tapos na ang palugit na ibinigay ni Legal sa ‘yo. Kung hindi kita papatayin, ako ang papatayin niya! Kaya… kailangan mong… mawala…” Kitang-kita ni Shaika sa mukha ni Owen ang gulat sa nalaman. Wala siyang masyadong alam sa pagkakaibigan na mayroon si Owen at ang lalaking kaharap nito, pero sa tingin niya ay ang samahan na meron silang dalawa ay pareho lang din ng kung anong samahan ang meron sa pagitan nila ni Herlene. Ibig sabihin, alam niya kung ano ang nararamdaman ng binata… alam niya ang pakiramdam ng traydurin ng isang kaibigan. Itinaas ni Owen ang kanyang kamay na para bang inaawat niya ang kaharap niya. “Sandali, pare. Pag-usapan muna natin ito, malulusutan natin ng magkasama ang problemang ito at si Legal ang mamamatay. Kaya makinig ka, kasama ko—” “Buong Dark Knight ang kalaban natin dito, pare! Sa tingin mo ba ay mabubuhay tayo kung sila ang kalaban?!” Nagitla si Shaika nang marinig niya iyon. Napatakip na lang siya ng kanyang bibig dahil sa nangyayari. Minsan nang sinabi ni Herlene sa kanya na ginagamit lang sila ng Dark Knight para sa pansarili nilang kagustuhan, na hindi naman talaga anak ang turing sa kanya ng Supremo. Pero hindi siya naniniwala r’on, hindi siya nagpapadala sa sinasabi ng kaibigan niya dahil sa tingin niya ay kinakain lang ito ng paniniwala niyang hindi lahat ng politiko ay masama. Pero sa nakikita niya ngayon… hindi na niya alam kung ano pa ang paniniwalaan. “Kung ako ang nasa posisyon mo, mas pipiliin ko pang mamatay na lumalaban kaysa ang traydurin ang kaisa-isang kaibigan ko! Hindi ko alam na ganito ka pala, Thunder. Dahil kung alam ko lang, sana una pa lang… hindi na kita ipinaglaban,” ani Owen. Natulala si Thunder nang marinig niya ang salitang iyon mula sa pinakamatalik niyang kaibigan. Saka niya naisip kung ano ang mga ginawa nito para sa kanya mula sa simula. Tinanggap nito ang parusa ni Legal, maging ang patakaran nito na hingiin ang tawad mula mismo kay Sinister ay ginawa ni Destroyer para lang iligtas siya sa parusa niyang kamatayan. Kaya lang, hindi na iyon ang importante ngayon para sa kanya… dahil sa tingin niya, hindi naman iyon ginawa ni Destroyer. “Tama ka, ganito ako. Kasi nagkamali ka! Bakit, sa tingin mo ba ay ipinaglaban mo talaga ako? Nasaan ka ba ngayon, hindi ba’t nakikipagkatuwaan ka sa taong dapat ay pinatay mo! Makasarili ka, pare. Hindi mo naman talaga ako inisip kahit isang beses! Kaya ako na lang ang magliligtas sa buhay ko, hindi na kita kailangan…” Nang marinig ni Shaika ang salitang iyon at nananatiling nakatayo lang si Owen ay hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Agad siyang tumayo at sinunggaban ang binata upang makailag sa mga balang papunta sa kanila. Gumanti siya ng putok na naging dahilan para magtago ang lalaking kaharap ni Owen, at ginamit niya ang pagkakataong iyon para makatalon sila sa tubig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD