Chapter 51

1758 Words
CHAPTER 51: Isang ngisi ang muli na namang sumilay sa labi ni Shaika nang makita niya na umaagos na ang dugo ng taong pinatay niya. Hindi niya itatanggi na nangulila siya sa ganoong klaseng trabaho dahil mula nang tanggapin na niya ang trabaho bilang bodyguard ng mayor at napagbintangan na siyang traydor ng kanilang grupo, iyon na rin ang simula ng pahinga niya sa ganitong bagay. Kaya matagal siyang napahinga sa pagpapaputok ng baril. “Bakit mo ako niligtas?” tanong ni Camille sa kanya nang lingunin niya ito. Nawala ang ngisi sa labi ni Shaika nang makita ang masamang tingin sa kanya ng kaharap. Sa naging tanong na iyon ay tila natauhan din siya at itinanong din ang parehong tanong sa kanyang sarili. Hindi niya man intensyon ang iligtas ang babaeng iyon, tila hindi niya na mababawi ang nangyari na. “Hindi sa ayaw ko makipagkaibigan sa ‘yo, ayoko lang magdikit tayong dalawa dahil hindi ko gusto ng ugali mo,” ani Shaika. Napalitan ang reaksyon ng babaeng kaharap niya nang marinig nito ang sinabi niya. Hindi nga naman iyon konektado sa tanong niya kay’t kahit na sino ay magtataka rin kung malayo ang sagot niya sa tanong. Ngunit hindi binawi o nilinaw ng dalaga ang kanyang sinabi, bagkus ay muli lang siyang nagsalita. “Maaring buhay ka ngayon, pero huwag kang magpakampante na mabubuhay ka hanggang gusto mo,” dagdag ni Shaika. Nang maitago niya na ang kanyang baril ay muli niyang hinarap ang babae at saka muling nagsalita, “Oo nga pala, ikaw na magbalita sa nangyari sa lalaking iyan. At kung sakaling may magtanong sa ‘yo kung ano nangyari, ituro mo na lang ‘yung CCTV.” Sa pagbaling ng tingin ni Camille sa CCTV na itinuro ng kausap ay hindi na ito nakapagsalita pa kahit nakita niya naman ang ginawang pag-alis ni Shaika. Habang nakatingin sa camera na magliligtas ng tuluyan sa kanya ay saka niya lang naisip kung ano ang ibig sabihin ng dalaga sa una nitong sinabi, at napangjti na lang siya dahil doon. “Ayoko rin naman sa ugali mo nu’ng una. At nakakasisi kasi huli ko na nalaman na mabait ka pala talaga,” bulong na lang niya sa kanyang sarili habang patuloy pa rin na nakatitig sa CCTV. *** “Ikaw ang pumatay kay Darwin?” Nang matapos ipaalam ni Camille ang buong pangyayari sa nangyaring pagkamatay ng isa sa mga bodyguard ng mayor na si Darwin ay agad din niyang isinalaysay sa mga pulis na nag-imbestiga kung bakit nauwi sa ganoong pangyayari ang lahat. Inamin niya ang lahat ng pananakot na ginagawa nito sa kanya para sa pamemeke ng mga permit na ginamit niya sa kanyang negosyo. Itinuro rin ng dalaga ang CCTV na sinabi ni Shaika sa kanya bilang matibay na ebidensya ng ginawa ni Darwin sa kanya hanggang sa makarating ang kanyang saklolo. “Ako nga, may problema ka ba r’on? Hindi ka ba natutuwa na iniligtas ko ang secretary mo?” Nakarating kay Zeldris ang nangyari noong nagsisimula na ang imbestigasyon. Isang empleyado lang din ng Munisipyo ang nagsabi sa kanya ng pangyayari dahil nga nasa labas pa si Shaika at sangkot sa nangyari ang kanyang sekretarya. Laking gulat niya na marinig ang mangyari at halos hindi niya makapaniwala na nagkaroon ng ganoong klaseng gulo sa parking lot habang masayang kumakain ng tanghalian ang lahat. Hindi pinalampas ni Zeldris ang oras na wala siyang ginawa para personal na alamin ang nangyari. At hindi rin naman ipinagdamot ng mga pulis ang nakalap nila sa imbestigasyon at kasama na sa mga bagay na sinabi ng mga ito ang salaysay ni Camille na naging sanhi ng pagkamatay ng isa sa mga itinuring niyang tapat na bodyguard niya. Dinala na ang bangkay ni Darwin at pansamantala ring dinala si Camille sa presinto para hingin ang ibang detalye na kailangan pa sa imbestigasyon. Hindi makapaniwala si Zeldris na magagawa ni Darwin ang mga sinabi ni Camille, pero mas hindi siya makapaniwala na sa lahat ng taong magliligtas sa kanyang sekretarya ay si Shaika pa talaga ang taong iyon. Kaya ngayon ay ipinatawag niya ito kaagad sa kanyang opisina para linawin pa sa kanya ang ibang parte ng nangyari. “Natutuwa ako na iniligtas mo siya, mabuti naman at hindi umiral ang init ng ulo mo nang makita mo ang sitwasyon,” puri ni Zeldris sa kanya. Hindi niya maiwasang hindi bumilib sa dalaga dahil sa narinig niyang kwento ng pulis na nanggaling din naman kay Camille. Tila nagsilbing kabayanihan ang kanyang ginawang pagliligtas kay Camille na mabilis kumalat sa buong munisipyo. Isa pang nagpabilib sa kanya ay ang kuha ng CCTV footage na ipinanood din sa kanya ng mga pulis. Kitang-kita sa CCTV ang paglapit ni Camille kay Darwin at kung paano niya tinutukan ng baril ang dalaga. Hindi kita ang mukha ni Darwin sa anggulo ng camera dahil nakatalikod siya rito, ang tanging nakita lang ay ang mukha ni Camille na halos matumba na dahil sa takot na may baril na nakatutok sa kanya. Hanggang maya-maya lang ay dumating na nga si Shaika na nakataas na rin ang baril kay Darwin at kitang-kita sa kuha na napatingin pa ito sa CCTV na animo’y tiningnan niya talaga kung mayroon bang CCTV sa pwesto nila. Matapos ng pagtingin niyang iyon ay ilang minuto ring nagkaroon ng tinginan ang tatlo, tapos ay kitang-kita ang ginawang pagtakbo ni Darwin sa baril hindi kalayuan sa pwesto niya. At sa pagtutok nga niya ng baril kay Shaika ay doon na siya binaril ng dalaga. “Mainit pa rin ng ulo ko sa kanya, walang magbabago r’on. Ginawa ko lang naman iyon dahil ayokong masangkot sa problema nila.” Naningkit ang mata ni Zeldris sa kausap. Hindi niya alam kung ano ang pinag-uusapan ng tatlo nang mga oras na iyon dahil hindi naman iyon nasasama sa kuha ng CCTV, pero nahihiwagaan siya sa kung ano ang ginawa ng dalaga para mapalabas na nanlaban si Darwin dahilan para barilin niya ito. Pero ngayon, hindi naman na iyon mahalaga sa binata… mas pinili na lang niyang makampante na nakikita niyang ginagawa naman ng dalaga ang trabaho niya bilang isang bodyguard. “At isang bagay pa,” ani Shaika, nakangisi pa siya sa kausap habang prenteng nakaupo. “Bago kita puntahan dito ay madami akong nakitang reporter sa baba. Naaamoy ko na ang mabango mong pangalan sa publiko, hindi ba dapat nagpapasalamat ka sa akin dahil bukod sa iniligtas ko ‘yung paborito mong sekretarya ay inalis ko pa ang dumi sa pangalan mo. Siguro naman ay—” “Kung iniisip mong magandang simulain ito para pag-isipan kong ikonsidera ang hinihingi mong pabor sa akin, nagkakamali ka. Hindi dahil gumawa ka ng isang kabayanihan ay babayaran ko na agad iyon ng ganoong kalaking pabor. Sa akala mo ba ay dahil lang doon babango talaga ang pangalan ko? Hindi mo manlang ba naisip na dahil sa nangyaring iyon ay tiyak na lulutang din ang mga taong mapanghusga at mag-aakusa ng hindi maganda laban sa akin? Kaya hindi sa kamatayan ni Darwin nagtatapos ang lahat. Hindi iyon ganoon kadali, Shaika,” paliwanag ng mayor. Napairap na lang sa hangin ang dalaga dahil wala na rin naman siyang maisasagot sa bagay na iyon. Alam niya naman na tama iyon at tiyak din niyang madadamay sa masamang tingin ng mga tao ang pangalan ni Camille dahil inamin nito na tinatakot siya ng bodyguard na iyon. Hindi nga naman malabo na makasira rin sa pangalan ni Zeldris ang nangyari. “Bakit parang ako ang sinisisi mo sa nangyari? Pinatay ko lang naman ‘yung nagdadala ng salot, pero wala akong kahit anong sinabi laban sa ‘yo. Hindi ko nga hinarap ‘yung mga usiserong reporter na iyon, eh!” Napabuntong hininga ng malalim si Zeldris nang marinig ang sagot ng dalaga. Alam niya naman na wala siyang makukuhang magandang salita sa bibig ng kausap dahil ano man ang gawin nito, mabuti man o masama para sa kanya, sa huli ay sarili pa rin nito ang kanyang iisipin. Pero walang ibang pagpipilian si Zeldris, tanging si Shaika lang ang tingin niyang dapat pagkatiwalaan sa pangyayaring ito. “Madami akong bodyguard, Shaika. At sa tingin mo ba, si Darwin lang ang gumagawa ng ganoong kalokohan? Paano kung madami sila at tanging siya lang ang nagkamali at lumantad, hahayaan na lang ba natin na ituloy nila ang ginagawa nila?” Napalunok si Shaika nang marinig ang salaysay ng kausap. Hindi sumagi sa isip niya ang bagay na iyon dahil nakatuon ang atensyon niya sa pagmamayabang ng kanyang ginawa sa harapan ng binata upang makita na dapat na siyang tulungan nito dahil sa kanyang magandang ginawa. Itinuloy ng binata ang kanyang sinasabi, “Shaika, naiintindihan ko ang prinsipyo ng Dark Knight at sang-ayon ako sa kampanya ninyong dapat lipulin ang mga taong nagdadala ng latak sa lipunan. Kaya lang, sa pagkakataong ito, hindi ako iyon... hindi na isang politiko ang taong iyon. Nakita mo naman ang nangyari, ‘diba? Baka naman puwede mo na rin akong tulungan na kilalanin kung sino pa sa kanila ang nagbibigay ng dumi sa lugar na ito at ginagamit ang pangalan ko bilang pantakip sa mga kasalanan nila,” aniya. Hindi pa rin makaimik ang kanyang kausap, nakatingin lang ito sa kanya na animo’y binabasa kung ano ang iniisip niya. Hindi siya kumawala sa tingin na iyon, gusto niyang gamitin ang pagkakataon na iyon para ipakita kay Shaika na totoong malinis ang pangalan niya at hindi talaga siya ang kalaban dito. Hanggang ngayon ay buo ang desisyon ng mayor na ibahin ang tingin ng dalaga tungkol sa kanya. “Alam ko wala kang mapapala kung tutulungan mo ako dahil hindi naman sangkot ang pangalan mo sa gulong ito. Pero kung talagang nasa puso mo na gusto mong linisin ang bansa, kung totoong gusto mong baguhin ang sistema ng ating lipunan, at naniniwala kang ang mga taong mapagsamantala sa kapangyarihan ang may kagagawan ng patuloy na pagbagsak natin… tutulungan mo ako.” Napaiwas na ng tingin si Shaika sa kanya. Kahit sa panaginip hindi niya naisip na darating ang pagkakataon na sasabihin ito ng mayor sa kanya at kakailanganin nito ang tulong niya sa ganitong pagkakataon. Habang si Zeldris, hindi pa rin siya tumitigil ng pagkumbinsi sa dalaga na tulungan siya nito dahil naniniwala siyang mabuti talaga ang puso nito. “Please, kahit ngayon lang, kalimutan mo munang isa akong mayor at kabilang ako sa mga itinuturing mong tao na masama. Dahil ngayon, hindi iyon ang importante… kundi ang katiyakan na patuloy nating mabawasan ang mga tulad nila.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD