"GOOD MORNING sleepyhead," nakangiting bati sa kanya ni Mael. May hawak itong tray ng pagkain papalapit sa kama. Napangiti siya. Hindi niya maikakaila na natutuwa siya sa pag-aasikaso sa kanya ng asawa. Pero di pa rin nawawala ang pangamba na panandalian lang ang lahat ng ito, na hindi magtatagal iiwanan rin siya nito. Inilapag nito sa gilid ng kama ang tray saka siya hinalikan sa labi. Dinampot nito ang isang stem ng pink roses na sigurado siyang isa yon sa mga tanim ni Nay Caring sa labas. "For my lovely wife," malambing na sabi nito. Para namang lumobo ang puso niya sa sinabi nito. Inabot niya yon at inilapit sa ilong. "T-thanks..." "Salamat lang walang kiss?" nanunudyong sabi nito maski ang mga mata ay nanunudyo din. Napangiti siya at dinukwang ito para halikan sa mga labi.

