┈┈┈┈◦•✩•◦┈┈┈┈ Dalawang buwan pa lamang ang lumilipas, pero para kay Carlos na ama ni Darwin ay parang taon na ang bigat ng pinapasan ng kanyang anak. Ang dating masayahing Darwin, responsable, mapagmahal, palabiro, at punong-puno ng pangarap ay unti-unting naglalaho sa paningin niya. Hindi na ito nakikipag-usap ng maayos. Hindi na rin masyadong lumalabas ng penthouse, at kung lumabas man ito, bar ang pinupuntahan. At kung may naririnig man siyang salita mula rito, puro galit. Panunumbat at paninisi. Itinutulak din sila palayo, tila ba nawalan na ito ng tiwala sa kanila. Maging ang ipinagawa nitong Estate na ireregalo niya kay Aurora sa kasal nila, hindi na niya sinilip pa. Ang gusto lang niya ay mapag-isa, ang malayo sa mga taong sa tingin niya ay walang magagawang mabuti para sa kanya.

