KALAUNA'Y sabay nga silang naligong dalawa sa may sapa. At kakatwang isipin kung paano hindi nagtugma ang imahinasyon kanina ni Markus. Buong akala niya'y magkakasala ang kaniyang mga mata ngunit nagkamali siya dahil wala namang dahilan para mailang sila sa isa't isa. Simpleng pagligo lamang ang nakita niyang ginagawa ni Betina, nakaupo ito sa may bato habang ang bao ang nagsisilbi nitong tabo upang sumalok ng tubig. Habang siya ay sinubukang sisirin ang sapa kahit na alam niyang mababaw lamang iyon. Bagay na nagpatawa kay Betina. "Markus, sadyang mababaw ang sapa kung kaya't hindi ka masisiyahang lumangoy." Narinig niyang pagbigay puna ni Betina. Doo'y napahilamos siya ng sariling mukha bago pa man lingunin ang dalaga. "Kung ganoon ay magtatabo rin pala ako katulad mo," sagot niya rito

