"Celeste! Gumising ka na riyan! Hayop ka talagang bata ka, napakatamad mo!"
Nabalik ako sa ulirat nang wala sa oras dahil sa nagngangalit na boses na nanggagaling sa labas ng aking silid. Nagsimula na namang kumabog ang aking dibdib at alam kong galit na naman si Auntie.
Dali-dali kong binuksan ang pinto upang hindi na siya lalong magalit, ngunit isang malutong na sampal ang sumalubong sa akin. Marahas niyang hinablot ang aking buhok na naging sanhi ng pagdaing ko sa sakit.
"Auntie, tama na po..." pakiusap ko habang tuluyan nang umaagos ang aking mga luha.
"Ikaw na bata ka! Palamunin ka na nga lang dito, hindi mo pa magawa nang maayos ang mga simpleng gawaing bahay!" asik niya sa akin.
"Sorry po, Auntie. Hindi na po mauulit, pasensya na po," pagmamakaawa ko.
Ngunit tila bingi si Auntie sa aking mga pagsusumamo. Patuloy lang siya sa pagsipa at pagsampal sa akin, na tila doon niya ibinubuhos ang lahat ng kanyang poot. Wala akong nagawa kundi ang humagulgol, alam kong wala akong laban at lalong lalala ang sitwasyon kung susubukan kong lumaban.
Matapos ang pagpapakasasa sa pananakit, nag-iwan pa siya ng isang banta bago tuluyang lumisan. Pinilit kong tumayo kahit nanginginig ang aking mga tuhod. Inuna ko ang mga gawaing bahay, pagluluto, paghuhugas, paglilinis ng buong bahay, at paglalaba kahit bawat galaw ko ay may kalakip na kirot dahil sa mga sariwang pasang tinamo ko kanina.
Lumipas ang ilang oras at sa wakas ay natapos ko rin ang lahat. Ramdam na ramdam ko ang pagod na nanunuot sa aking mga buto.
Pumasok ako sa aking silid at pabagsak na humiga sa kama. Hindi nagtagal ay bumigat ang aking mga talukap at tuluyan akong nakidlip.
Nagising ako sa gitna ng gabi dahil sa ingay ng boses ni auntie sa labas, na tila may kaalitan na naman.
Kumirot ang aking ulo at nakaramdam ako ng matinding hilo. Noon ko lang naalala na hindi pa pala ako kumakain simula kaninang umaga dahil sa kawalan ng gana. Sinilip ko ang orasan, alas-syete na pala ng gabi.
May narinig akong marahas na katok sa aking pinto. Sa takot na baka si Auntie na naman ito, dali-dali ko itong binuksan. Ngunit laking gulat ko nang tumambad sa akin ang aking Tiyo na tila lango sa alak. Kinabahan ako sa paraan ng kanyang pagtingin sa akin na malagkit at may masamang balak.
Napaatras ako nang tangkain niyang lumapit.
"B-bakit po, Tiyo? Ano pong kailangan ninyo?"
Hindi siya sumagot. Sa halip, isang nakakapanghilakbot na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi na nagpataas ng aking mga balahibo.
"Tiyo! Bakit po?" ulit ko, habang nanginginig ang boses.
"Halika rito, Celeste," utos niya. Napilitan akong lumapit nang kaunti kahit sumisigaw ang bawat himaymay ng aking katawan na tumakas na.
Bigla niya akong hinablot at isinubsob ang kanyang mukha sa aking leeg upang amuyin ito.
"Napakabango mo talaga at napakaganda, Celeste. Napakaswerte ng lalaking makakakuha sa iyo... kaya uunahan ko na sila."
Nagsimula siyang humalik sa aking leeg kaya’t buong lakas akong nagpumiglas. Sumigaw ako ng tulong, ngunit tila nilalamon ng dilim ang aking boses. Walang nakarinig sa akin at tanging ang sarili ko lang na pag-iyak ang nangingibabaw.
Nang tangkain niyang hubarin ang aking damit, wala akong pag-aalinlangang sinipa nang buong lakas ang kanyang pagkalalaki. Napasigaw siya sa sakit at napaupo sa sahig.
Gamit ang pagkakataong iyon, mabilis akong tumakbo palabas ng bahay. Bago ako tuluyang makalayo, narinig ko pa ang galit na sigaw ni Tiyo mula sa loob.
"Bumalik ka rito, bata ka! Kapag nahuli kita, talagang mawawalan ka na ng buhay!"
Hindi ko na lumingon pa. Tumakbo ako nang tumakbo kahit hindi ko alam kung saan ako patungo. Ang tanging nasa isip ko lang ay ang makalayo sa impyernong iyon at sa panganib na dala ni Tiyo.
Ilang oras na ang lumipas. Napadpad ako sa isang lugar na hindi ko na pamilyar. Ramdam ko na ang pamamanhid ng aking katawan, ang matinding pagod, at ang gutom na tila kumakain sa aking sikmura.
Nasa isang madilim na bahagi ako ng kalsada at wala akong makitang kahit isang tao. Dahan-dahan akong naglakad hanggang sa makarinig ako ng paparating na sasakyan. Lumingon ako at nakita ang isang puting van na huminto sa aking tapat. May mga lalakeng nakaitim ang mabilis na lumabas. Sinubukan kong tumakbo, ngunit huli na ang lahat. Isang panyo ang itinakip nila sa aking ilong at bibig.
Unti-unting nawalan ng lakas ang aking mga binti. Dumilim ang aking paningin at naramdaman ko na lamang na binuhat nila ako papasok sa sasakyan bago tuluyang nawalan ng malay.
Third Person POV.
Sa isang tagong underground dinala ang mga kababaihang kanilang binihag kanina. Inilagay sila sa isang malawak na silid na puno rin ng iba pang mga biktima.
Ito ay isang lugar kung saan ang dangal ng mga babae ay niyuyurakan at ginagawang parausan ng mga kalalakihan.
Isang lugar na kapag nakapasok ka na, ay hindi ka na muli pang makakalabas nang buhay, dahil ang dako na iyon ay ang buhay na bersyon ng impyerno.