CELESTE POV.
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Ngunit sa sandaling luminaw ang aking paningin, isang malamig na kuryente ng takot ang gumapang sa aking buong katawan. Bumilis ang kabog ng aking dibdib sa nasaksihan.
Mga kababaihang wala nang saplot sa katawan habang walang awang binababoy ng mga kalalakihan.
Sinubukan kong gumalaw, ngunit nakagapos ako nang mahigpit sa isang upuan. Sa tindi ng hilakbot, muli kong ipinikit ang aking mga mata. Ang bawat hiyaw at hagulgol ng mga babae sa paligid ay tila sumasaksak sa aking pandinig, kaya naman hindi ko na napigilan ang pag-agos ng aking mga luha.
Biglang bumukas ang pinto. Narinig ko ang mabibigat na yapak na papalapit sa kinaroroonan ko. Napamulat ako at tumambad sa akin ang isang lalaki at babae na tila nasa kuwarenta anyos na.
Ang babae ay mataray na nagtaas ng kilay habang sinusuri ako mula ulo hanggang paa; ganoon din ang ginawa ng lalaki, na may kasama pang nakakakilabot na ngiti na nagpataas ng aking balahibo.
"Hmm! Napakahusay. Mukhang malaking kayamanan ang makukuha natin sa isang ito," wika ng lalaki na may pagkaganid sa boses.
"Tama ka, Berto," pagsang-ayon ng babae.
Isang senyas lang mula sa kanang kamay ng babae ay mabilis na lumapit ang ilang tauhan upang kalasin ang aking mga tali.
"Anong gagawin niyo sa akin?! Layuan niyo ako!" sigaw ko habang pilit na nagpupumiglas.
Ngunit tila mga bingi ang mga ito. Mas lalo nilang hinigpitan ang hawak sa aking mga braso. Isang malakas at maugong na sampal ang dumapo sa aking pisngi na nagpapiit sa aking mga mata dahil sa sobrang hapdi.
"Ikaw na babae ka, huwag ka nang mag-inarte! Sumunod ka na lang kung gusto mo pang masikatan ng araw!" asik ng babae. Sa kabila ng banta,
hindi ako tumigil sa paglaban.
"Talagang matigas ang ulo mo, ha!" bulyaw ng lalaki. Wala na akong nagawa kundi umiyak sa sakit at desperasyon.
"Subukan mo pang pumalag at sisiguraduhin kong mas masakit pa riyan ang matatamo mo," banta muli ng babae habang kinakaladkad nila ako palabas ng silid.
Habang tinatahak namin ang pasilyo, ang mga hiyaw ng mga kababaihan ay tila musika ng kamatayan na nagpapatindi ng aking panginginig.
Huminto kami at bigla nilang nilagyan ng piring ang aking mga mata. Nagpatuloy kami sa paglalakad sa madilim na mundo ng piring hanggang sa marinig ko ang pagbukas ng isa pang pinto. Marahas nila akong itinulak papasok.
Narinig ko ang utos ng babae sa kung sino man na naroon.
"Linisin niyo siya at ayusan nang maigi." Matapos iyon ay narinig ko ang pag-alis nila.
Ramdam ko ang paglapit ng isang pigura at dahan-dahang tinanggal ang piring sa aking mga mata. Bumungad sa akin ang tatlong bakla na may halong pagkamangha at awa sa kanilang mga tingin.
Napaatras ako at binalak na tumakbo patungo sa pinto, ngunit isang tinig ang nagpahinto sa akin.
"Huwag mo nang subukang tumakas, iha. Kamatayan lang ang naghihintay sa iyo sa labas. Walang sinuman ang nakakaalis dito nang buhay. Kung ako sa iyo, sumunod ka na lang sa utos nila."
Napatingin ako sa kanila. Ang kanilang mga mata ay hindi kakitaan ng bagsik, kundi ng habag. Lumapit ako at lumuhod sa harap nila.
"Maawa kayo... tulungan niyo akong makatakas dito," pagsusumamo ko sa pagitan ng mga hikbi.
"Pasensya ka na, darling. Wala rin kaming magagawa. Maging kami ay mga bilanggo rin ng takot dito," malungkot na sagot ng isa.
Napahagulgol ako sa tindi ng kawalan ng pag-asa. Hinawakan nila ako sa balikat at tinulungang tumayo.
"Shh... tahan na, darling. Malalampasan mo rin ito," pag-aalo ng isa habang malambot na hinahagod ang aking buhok.
"Huwag kang mag-alala, hahanap kami ng paraan para makalaya ka. Lakasan mo ang loob mo, alam naming matapang ka."
Tumingin ako sa kanilang tatlo. Ang kanilang mga ngiti ay tila munting liwanag sa madilim kong sitwasyon, kaya naman unti-unti kong pinahid ang aking mga luha.
"Halika na, ayusan ka na namin," anyaya ng nakasuot ng itim. Wala na akong nagawa kundi ang magpaubaya sa kanilang mga kamay.
Lumipas ang ilang oras at natapos ang kanilang obra maestra.
"Napakaganda mo... mas lalo kang nagningning," bulalas ng nakasuot ng pula.
Napangiti ako nang tipid. Nang humarap ako sa salamin, napatulala ako sa sariling repleksyon. Halos hindi ko makilala ang sarili ko. Suot ko ang isang pulang dress na hapit na hapit sa aking katawan, na lalong nagpalitaw sa aking maputing balat at hubog ng aking pangangatawan.
Ngunit ang pinakanatatangi ay ang aking mga mata na kulay itim na tila may kapangyarihang mang-hypnotize ng sinumang tumingin dito.
Mas tumangos ang aking ilong sa tulong ng make-up, ang aking mga pilikmata ay mahahaba at lentik, at ang aking mga labi ay naging mapula at kaakit-akit dahil sa lipstick. Mayroon din akong perpektong jawline na nagbigay ng kakaibang aura sa aking mukha and my dark hair. Sa gabing ito, ang ganda ko ay tila isang mapanganib na sandata.
"Napakaganda mo talaga. Sa tangkad at kinis mong iyan, para kang isang modelo," puri ng nakasuot ng puti.
"Tiyak na maraming lalaki ang maglalaway sa iyo mamaya," dagdag pa ng naka-itim.
"Nga pala, hindi pa kami nagpapakilala nang maayos. Ako si Tilda," pagpapakilala ng naka-pula.
Sumunod ang naka-puti, "Ako naman si Nat," at ang naka-itim, "At ako si Christ."
"Celeste," maikli kong pakilala.
"Pati pangalan mo, napakaganda," wika ni Nat. Ngunit bigla kong naalala ang sinabi ni Christ kanina.
"Ano nga pala 'yung ibig mong sabihin kanina, Christ... tungkol sa mga lalaki?" tanong ko.
Biglang naghari ang katahimikan. Nagkatinginan silang tatlo at tila nag-uusap gamit ang kanilang mga mata. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Tilda.
"Halika rito, Celeste. Sasabihin namin sa iyo kung anong klaseng impyerno ang kaganapan sa lugar na ito."