KABANATA 1

1905 Words
#1 KASALUKUYANG tinatahak ni Miladel ang madilim at masikip na daan patungo sa bahay ng kanyang Tiya Janice kung saan siya ngayon tumutuloy. May ilang araw na rin simula ng magpunta siya dito sa Maynila. Ipinasok kasi siya ng kanyang tiyahin upang manilbihan bilang isang manikurista sa parlor na pagmamay-ari ng kaibigan nito. Ginabi na siya nang uwi dahil sa isang customer na pumasok kung kailan pasara na dapat sila. Nang dahil sa pakiusap ng kahera ay napilitan si Miladel na ayusan at linisan ito ng kuko. "Pssst!" rinig niyang mayroong sumitsit mula sa kanyang likuran. Bahagya pang napahinto si Miladel sa paglalakad nang dahil doon. "Tulungan mo ko." 'Ito na naman po tayo!' wika niya sa kanyang isipan. Kaya ayaw na ayaw niyang ginagabing umuwi dahil mayroon siyang nakakasalubong na iba't-ibang klase ng nilalang. Kapre, Tikbalang, White Lady o kung anu-ano pang nilalang nang misteryo. Nang dahil sa aksidenteng nangyari kay Miladel noong nakaraang buwan ay nakakakita na siya ng mga kakaibang nilalang ng hiwaga. Dahilan upang magpunta sila ng kanyang ina sa isang albularyo. At doon ay nalaman nilang bumukas pala ang third eye niya. Espesyal--'Ayan ang tawag sa kanya ni Mang Erning--ang albularyong sumuri kay Miladel. Piling-pili lang daw ang mga taong nabibigyan ng kakayahan na makakita ng mga multo o ibang klase ng nilalang na hindi nakikita ng ordinaryong mga tao. Simula noon ay pinilit ni Miladel na mabuhay ng normal gaya ng ibang mga tao. Hindi niya pinapansin ang mga multong nagpaparamdam at nais humingi ng tulong sa kanya. Nagpatuloy lamang si Miladel sa paglalakad at hindi nilingon ang nilalang na sumitsit sa kanya. Ilang saglit pa'y natanaw niya ang kulay asul na bahay ng kanyang Tiya Janice. Mas lalo pang binilisan ni Miladel ang paglalakad. Kung hindi lamang siya nakasuot ng sapatos na may tatlong pulgada ang taas, at kung hindi lamang baku-bako ang daan ay tatakbuhin niya na ito upang makauwi kaagad. Sa oras na makapasok siya sa bahay ay hindi na siya masusundan pa ng nilalang na sumusunod sa kanya. May binigay kasi ang albularyong si Mang Erning sa kanyang kulay itim na chain, na binasbasan nito na siyang isinabit niya doon sa may bintana ng bahay, kung saan nasisinagan ng araw upang magkaroon iyon ng bisa upang hindi makapasok ang ano mang klase ng nilalang ng misteryo. Isa, dalawa, tatlong hakbang. Kaunti na lamang at malapit na niyang marating ang bahay ng Tiyahin. Pagkahawak ni Miladel sa door knob ng pinto ay akmang pipihitin niya na ito upang buksan noong mapatigil siya. Nakaramdam siya ng isang malamig na kamay na humawak sa kanyang balikat. Hinawakan siya ng nilalang na sumusunod sa kanya! Ipinikit ni Miladel ang kanyang mga mata at saka huminga ng malalim. Humarap siya sa nilalang na kasalukuyang nakahawak sa kanyang balikat. "Tigilan mo--" handa na siya upang sigawan ito ngunit nagimbal siya sa kanyang nakita. Nakaluwa ang kanang mata, wak-wak ang leeg at mayroon pang pumupusisit na dugo. May taga rin ito sa ulo at kitang-kita ang utak na inuuod! Nang dahil sa sobrang takot ay hindi na nakayanan pa ni Miladel at tuluyan na siyang napasigaw! Kaagad niyang tinanggal ang kamay nito na kasalukuyan pa ring nakahawak sa kanyang balikat at saka dali-daling tumakbo papasok sa loob ng bahay ng kanyang tiyahin. ------- "OH? ANONG nangyari sa 'yo? Ba't namumutla ka?" tanong ng kanyang Tiya Janice noong makita siya nito. Kaagad na naupo si Miladel sa sofa. Itinaas niya ang dalawang paa sa maliit na lamesang nasa may harapan at saka marahang ipinikit ang mga mata. "May nakita na naman ako." pikit ang matang sabi niya sa Tiyahin. "May multo na namang nais humingi ng tulong." dagdag niya pa. Naramdaman ni Miladel ang bahagya pag lundo ng sofa sa may tabi niya, senyales na naupo roon ang kanyang Tiya Janice. "Ano'ng nangyari? Bakit daw humihingi ng tulong?" bakas naman sa tono ng pananalita ng Tiyahin ang kuryosidad. Alam din kasi ng Tiya Janice niya na nakakakita siya ng mga multo. Hindi naman ito nabahala o natakot noong sinabi niya ito, bagkus ay natuwa pa ang Tiyahin. Die-hard fan kasi ng mga fantasy at horror novels ang kanyang Tiya Janice. Paborito rin nito ang palabas na 'Ghost' na halos anim na beses 'ata sa isang buwan nito kung panuorin. Halos kabisado na nga nito ang mga eksena pati na rin ang ibang linya sa pelikula na kadalasan ay sinasabayan pa ng tiyahin. Mula sa pagkakapikit ay idinilat ni Miladel ang kanyang mga mata. "Hindi ko alam, at ayokong malaman." hanggang ngayon ay kinikilabutan pa rin siya kapag naalala ang itsura no'ng lalaki kanina. "Bakit ba kasi hindi mo sila tulungan?" tanong ng kanyang tiyahin. "Ayoko. Gusto ko lang na maging normal gaya ng ibang tao." pagdadahilan naman ni Miladel. Kaagad naman siyang binatukan ng kanyang Tiya Janice. "Ewan ko sa iyong bata ka!" inis na sabi nito. "Dapat nga ay ginagamit mo 'yang kakayahan mo! Noon ko pa sinasabi sa 'yo na gawin natin 'yang negosyo at magpabayad sa mga taong gustong makausap 'yong mga namayapa nilang ka-pamilya! Eh, di sana ngayon ay mayaman na tayo!" "Ewan!" marahang hinimas ni Miladel ang ulong nasaktan. "Nakakatakot kaya 'yong mga itsura nila! Kung puwede ko lang ilipat sa 'yo 'tong kakayahan ko, naku! Paniguradong nabaliw ka na!" natatawang sabi niya sa kanyang tiyahin. ------- KINABUKASAN ay maagang gumising si Miladel. Kaagad siyang bumaba at nagtungo sa kusina upang maghanda ng almusal para sa kanila ng kanyang Tiya Janice. Habang hinihintay na kumulo ang tubig na isinalang ay sinimulang hiwain ni Miladel sa gitna ang pandesal na nasa may harapan bago ito lagyan ng palaman na keso. Pagkatapos ay inilagay niya lamang ang mga iyon sa oven toaster. Tinignan niya ang orasan. Alas otso pa lamang ng umaga. Hindi pa bumababa ang kanyang Tiya Janice. 'Baka napuyat na naman sa panunuod ng mga horror movies ang isang 'yon!" piping sambit niya. Isinalin niya na lamang ang mainit na tubig sa thermos upang hindi kaagad lumamig. Natapos na siya't lahat sa pag prepara ng almusal ay hindi pa rin nagigising ang kanyang Tiya Janice. Napagdesisyonan niya na maligo muna kung kaya't dali-dali siyang kumuha ng tuwalya sa kanyang kuwarto at saka pumasok ng banyo para maligo. Isinabit lamang ni Miladel ang tuwalya sa likuran ng pintuan. Sinimulan niyang hubarin ang kanyang damit bago tuluyang basain ang sarili. Bahagyang napahiyaw si Miladel nang maramdaman ang malamig na tubig na dumaloy sa kanyang katawan. "Grabe! Talagang magigising ang diwa ko nito!" natatawang sabi niya. Nagpatuloy lamang siya sa pagbuhos ng tubig at saka mabilisang sinabon at kinuskos ang katawan. Halos trenta minutos lamang ang ginawa niyang pagligo. Nagpunas siya at nagtapi ng tuwalya sa katawan bago tuluyang lumabas sa may banyo. Naabutan niya ang kanyang Tiya na kumakain na nang almusal habang nanunuod sa telebisyon. "Good morning!" bati ni Miladel. "Good morning too!" sabay higop ng tiyahin sa kape. "Bakit ang aga mo 'atang nag-ayos? Day-off mo sa trabaho di ba?" "Oo, pero aalis kami ni Menchi. 'Yong isa sa kasamahan ko sa trabaho. Nagpapasama kasi sa mall." sagot niya. Hindi naman na kumibo pa ang kanyang Tiya Janice kung kaya't dumiretso na siya sa kanyang kuwarto upang makapag bihis. Kaagad din siyang bumababa at kumain nang almusal bago tuluyang nagpaalam sa kanyang tiya. Pagkalabas ni Miladel sa bahay ay nagpalinga-linga siya sa paligid. Naninigurado kung makikita niya ulit ang lalaking multo na humihingi ng tulong sa kanya kagabi. Nang walang makitang kakaiba ay kaagad siyang pumara ng pedicab at nagpahatid sa sakayan papuntang SM Manila. Habang nasa biyahe ay isinuot ni Miladel ang ear phone at saka nagpatugtog sa kanyang cell phone. Tumingin siya sa may bintana para sana tignan ang mga tanawin sa daan. Pero kaagad din niyang ibinaling ang paningin sa loob ng taxi no'ng makakita siya ng isang multo na naglalakad kasabay ng mga tao. Nilibang na lamang niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng paglalaro ng Strikers 1945 na application sa kanyang cell phone. "Nandito na tayo Miss." sabi ng taxi driver makalipas ang kalahating oras. Kaagad naman niyang binayaran ang bill at saka dali-daling bumaba. Pagkapasok niya sa loob ng mall ay kaagad na nagtungo si Miladel papunta sa kilalang coffee shop kung saan sila magkikita ng kaibigan na si Menchi. Nagpalinga-linga siya upang hanapin ang kaibigan. Ilang sandali pa ay nakita niya itong nandoon sa lamesang may pang dalawahan na silya, kumay-kaway pa ito kanya. Ngumiti siya at kaagad na naglakad papunta sa may puwesto nito. "Kanina ka pa ba?" tanong niya. Ngumiti naman pabalik si Menchi sa kanya. "Hindi, kakadating ko lang din." "Tara, order muna tayo!" sabi ni Miladel sa kaibigan. Sabay silang tumayo at kaagad na nagtungo sa cashier area upang umorder ng inumin. Dahil nga sa bago lang sa Maynila si Miladel at ngayon pa lamang napadpad sa coffee shop ay ang kaibigang si Menchi na lamang ang nag-order ng kape para sa kanya. Pagkatapos maka-order ay nagbayad na sila at saka bumalik sa kanilang upuan upang hintayin ang kanilang inorder. "Kumusta nga pala? Over time ka raw kahapon, ah?" pag-uumpisa ni Menchi. "Paano mo nalaman?" takang sabi naman ni Miladel sa kaibigan. "Na-chika kasi sa akin ni Analyn kagabi noong magkatext kami." sagot naman ni Menchi sa kanya. Tulad ni Menchie ay kasamahan din nila si Analyn sa parlor kung saan sila nagta-trabaho. "Ah, kaya naman pala." tumango-tango si Miladel. "Ayoko nga sanang mag over time, nahiya lang ako kasi bago pa lang naman ako doon sa trabaho." "Kunsabagay." pag sang-ayon ni Menchie. Ilang sandali pa'y narinig nila ang pagtawag sa kanilang pangalan no'ng isa sa mga crew sa coffee shop. "Ayon na 'yong order. Ikaw na ang kumuha." utos ni Menchie. "Sige, wait lang." sagot naman ni Miladel sa kaibigan. Tumayo na siya at nagsimulang maglakad papunta sa claim area upang kuhanin ang inorder nila noong may mabangga siyang lalaki. "Hala, sorry!" paghingi niya ng paumanhin sa lalaki at saka bahagyang yumukod. May mangilan-ngilang tao ang napatingin sa kanya. May halong pagtataka ang ilan, habang ang iba naman ay parang nagpipigil ng tawa. Lalo tuloy siyang nakaramdam ng hiya nang dahil sa pangyayaring iyon. "A-ayos lang." rinig niyang sabi ng lalaki. Iniangat ni Miladel ang tingin. Hindi niya naiwasan ang mapahanga nang makita ang mukha nang binata. The guy infront of her is like a perfect statue! Kasing puti ng gatas ang kulay nito, may bilugang mukha, kulay tsokolateng mga mata, light brown na buhok, matangos na ilong at manipis ngunit mapupulang mga labi. He's wearing a white camiso de chino and white pants and shoes, dahilan upang mas lalo pang umangat ang ka-putian at ka-guwapuhan ng binata. Para siyang ewan noong mga oras na 'yon. Pakiramdam niya ay nasa isang pelikula siya kung saan huminto ang lahat at nawala ang mga tao sa paligid. Waring silang dalawa lamang ng lalaki sa harapan ang naroroon. Hindi maintindihan ni Miladel kung bakit ganoon na lamang ang pagtibok ng kanyang puso no'ng mga oras na 'yon. "Miss? Ayos ka lang?" nabalik siya sa kasalukuyan noong muling magsalita ang lalaki. "A-ah, ayos lang!" natatarantang sabi ni Miladel. "Sige, sorry ulit!" dagdag pa niya at saka nagmadaling pumunta sa claim area. Nang makuha ang inorder na kape ay bumalik na si Miladel doon sa puwesto nila ng kaibigan. "Oh," sabay abot niya sa kaibigan ng kape. "Ang tagal mo! Akala ko nilamon ka na ng kape, eh!" sabi ni Menchie. sa kanya. Naupo naman si Miladel sa tapat ng kaibigan. Gamit ang straw ay tinusok niya ang takip ng kape at saka nagsimulang sumipsip. "May nakabangga kasi akong lalaki kanina kaya ako natagalan." "Kaya pala. Anyways, may nakita ka bang baliw doon? Narinig ko kasi sa dalawang babae na palabas na may baliw daw na nagsasalita doon mag-isa." "Baliw?" patanong na sabi niya. "Parang wala naman akong napansin." kunot noong sabi pa ni Miladel. "Hayaan na nga! Tara na't samahan mo na kong mag shopping." pag-aaya naman ni Menchie. Tinapos lamang nilang inumin ang kapeng binile bago tuluyang umalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD