Andoy's P.O.V.
Kanina ko pa iniiwasan si Senyorita Surot dahil kanina niya pa ako kinukulit tungkol sa kung ano ang susuotin ko sa prusisyon. Nais kasi nitong malaman kung may magagamit ba raw ako dahil gusto nitong siya na ang bumili at pumili ng susuotin ko para magka-match kaming dalawa. Kahapon niya pa ako kinukulit sa trabaho. Wala na nga itong ibang ginawa kung hindi ang sundan ako imbes na atupagin nito ang mga papeles na kailangan nitong trabahuhin.
"Pipi ka ba?!" Hindi na natagalan ni Elise ang pananahimik ko at naubos na naman ang pasensya niya sa akin. Ang bilis nito magalit lalo na't hindi mo siya binibigyan ng pansin. Parang nag-aalburotong bulkan ang isang ito kapag hindi nakukuha ang nais nitong makuha.
Pinili kong manahimik dahil nga sa problemado ako. Sa totoo lang ay hanggang ngayon ay hindi pa ako nakakabili ng susuotin. Pati sa bahay ay tinatanong na nila ako tungkol doon. Iniisip ko kasi si Katarina. Alam kong magagalit siya sa akin kapag mas pinili kong maging escort ni Elise. Pero hindi ko rin naman nais na bawiin ang siyang nasabi ko na kay senyorita at baka magka-world war three kapag binawi ko pa. Siguro ay kailangan ko lang kausapin si Katarina nang maayos mamaya.
"Senyorita… Hindi mo na ako kailangan na bilhan pa kung 'yon ang inaalala mo," mahinahon kong sabi sa kan'ya. Naglilipat kasi ako ng mga halaman at hinarang nga ako ni Elise na nakakunot ang noo. Kanina pa siya sunod nang sunod sa akin dahil sa kagustuhan nitong malaman kung anong isusuot ko. Kinukulit niya ako at naririndi na ako sa paulit-ulit nitong tanong. Para siyang sirang plaka at walang makakatalo sa kakulitan nito.
"Huwag ka ngang assuming! Gusto ko lang malaman kung may isusuot ka at baka pang-panahon pa ng dinosaur 'yong design ng damit mo. Baka akalain nilang pinapabayaan ka namin habang ako ang bongga-bongga ng dress. Baka magmukha pa akong katawa-tawa niyan dahil sa outfit mo. Naninigurado lang ako," nakapamewang na sabi nito sa akin. Lumiko ako upang iwasan siya at makadaan sana. Hawak-hawak ko kasi ang isang malaking paso sa kamay at baka madisgrasya pa ako sa ginagawa na pagharang nito sa dinadaanan ko.
Tinalikuran ko siya ngunit hindi pa rin ito nagpatinag.
"Ano nga?! Mayroon ka na bang susuotin o wala? Pangit ba o maganda?" pangungulit nito sa akin. Alam kong hindi niya ako tatantanan kapag hindi niya nakukuha ang nais nitong marinig mula sa akin. Kaya mapipilitan talaga akong magsinungaling, tumahimik lang ang bibig nitong si surot.
"Mayroon na…" Napailing ako at napapikit na lamang. Mukhang pati ako ay nauubos na ang pasensya sa surot na 'to. Tirik na tirik pa ang araw rito sa labas pero ang taas pa rin ng energy ng isang 'to. "Maganda 'yong damit ko… Bagay sa'yo," dugtong kong ani.
Nakatalikod ako kay Elise kaya nagtaka pa ako nang hindi na ito umimik. Imposibleng nawalan na siya ng sasabihin sa akin dahil hindi ang gaya niya ang mananahimik na lamang. Kahit sa maliit na bagay ay makakahanap pa rin ng p'wedeng sasabihin ang surot na 'to kaya kataka-takang biglang tumahimik ang paligid. Napatigil ako sa pag-aayos ng paso at nilingon ang babae. Baka kasi umalis na ito at nagmumukha akong tanga ngayon na nagsasalita nang mag-isa. Nang lumingon ako ay nagtaka ako nang makita ko ang mukha nito na pulang-pula habang nanlalaki ang mga mata. Nakahawak din si surot sa kan'yang dibdib na animo ay may dinaramdam doon. Bigla akong kinabahan. Inaatake ba sa puso ang surot na 'to? Bakit ang pula niya?!
Sinipat ko ang noo nito at dinama kung may lagnat ba siya. Lumapat ang kamay ko sa noo nito pero para sa akin ay normal naman ang temperatura ng katawan nito kaya nagtataka ako kung bakit ang pula ng mukha niya.
"A-anong g-ginagawa m-mo?!" natataranta na tanong ni surot sa akin. Napaatras pa ito at napahawak sa noo na kanina lang ay hinawakan ko. Nanlalaki ang mga mata at agresibong tinuturo-turo ako.
Anong nangyari sa kan'ya? Kanina lang ay nakatulala siya tapos ngayon galit na galit at nanunuro pa.
"Tulala ho kasi kayo senyorita. Sinipat ko lang 'yang noo mo dahil ang pula ng mukha niyo po. Mas makabubuti sigurong pumasok na muna kayo sa loob at ang init dito," sagot ko.
"Pakiulit nga 'yong sinabi mo kanina?" pabulong na tanong nito sa akin. Na-weweirduhan na ako sa surot na ito. Bigla-bigla na lamang nagagalit tapos bigla-bigla na lang matutulala. Ang lala na ng tama ng isang ito.
"Sa pagsuri ko ba kung may lagnat ka?" nalilitong tanong ko kay Elise. Napapikit ng mata si Elise at huminga nang malalim bago ito nagsalita. Para bang gulong-gulo siya sa sarili na hindi ko maintindihan. Pati nga ako na tinitingnan lang siya ay naguguluhan na rin sa kilos at ugali niya eh. Ang hirap niya kasi intindihin. Alien ata 'to.
"Hindi 'yan…" gigil na tugon nito. "Iyong tungkol s-sa, s-sa a-ano… S-sa d-damit mo!" nauutal na ani nito.
Sa damit ko? Alin doon? Ano ba ang nais niya marinig mula sa akin? Inisip kong mabuti kung ano ba ang sinabi ko kanina. Hindi ko matandaan at bakit ganoon na lang ka-big deal sa surot na ito. Ano ba kasi 'yon? Pati tuloy trabaho ko ay hindi ko magawa. Nais ko pa naman sanang maaga lang umuwi ngayon at pupuntahan ko pa si Katarina para kausapin siya. May gana pa atang maglaro ng guessing game ang surot na 'to.
"Pasensya na ho talaga senyorita at wala akong matandaan. Kung mamarapatin niyo pa ay babalik na sana ako sa trabaho ko," pagpapaalam ko atsaka bumalik ako sa ginagawa ko kanina. Narinig ko pa ang pag-padyak ng paa ni Elise at ang gigil nito. Mga babae nga naman. Paano ko malalaman kung anong gusto niya eh hindi naman siya nagsasalita riyan. Parang pinapahulaan niya pa sa akin 'yong nasabi ko kanina. Sa dami no'n ay hindi ko na matandaan kung alin sa mga iyon.
Mabuti na lamang at hindi na muli ako ginulo ni surot dito habang nagtatrabaho. Hindi ko na rin siya nakitang lumabas sa may garden area hanggang sa nakauwi na ako. Nadatnan ko naman si Andres na nagsasaing ng kanin.
"Ang tatay?" agad na tanong ko. Maingat kong nilagay sa mga lagayan ang siyang mga kagamitan ko atsaka naghubad ng damit pang-itaas.
"Bumili lang ng ulam natin," sagot ni Andres. Napatango na lang ako at agad na pumasok sa banyo para maglinis ng katawan. Kailangan ko rin maging presentable dahil pupuntahan ko si Katarina ngayon. Kailangan ko lang ipaalam sa kan'ya ang pinal na pasya ko.
Nagbihis lang ako atsaka nagpaalam na lalabas lang ako saglit. Kinuha ko lang ang lumang bike na nasa likod-bahay namin atsaka nag-pedal na patungo sa mansyon ng mga Valencia. Dati-rati naman talaga akong nagpupunta sa bahay nila lalo pa noong buhay pa ang mama ni Katarina. Lagi niya akong kinukuha upang magtrabaho para sa garden nito. Natigil lang ang pagdalaw ko nang nag-aral na sa Maynila si Katarina. Halos kilala ko na rin ang mga kasama nila sa bahay atsaka mabait din si Mayor, na siyang ama naman ni Katarina.
"Kuya Jose," nakangiting tawag ko sa guwardiya nila.
"Andoy!" masiglang tawag naman nito sa akin. "Ngayon lang ulit kita nakita rito ah. Si Ma'am Katarina ba ang pakay mo?" tanong nito na may kasamang panunukso ang boses.
"O-opo s-sana," nahihiya kong sagot. Napakamot pa ako sa ulo ko nang tapikin ako nito sa likod.
"Swerte mo boy! Itodo mo na 'yan!" Tumawa nang malakas si Kuya Jose kaya napayuko na lang ako sa kahihiyan. Dati pa naman siyang gan'yan. Lagi niya kaming tinutukso ni Katarina at sa tuwing ginagawa niya iyon ay tinatawanan lang namin siya.
May kinausap lang ito sa radio telephone na nasa kamay nito atsaka sumignal pumasok na raw ako.
"Teka Andoy, baka kasi magalit 'yong pinsan ni Ma'am Katarina." Papadyak na sana ako sa pedal ng bike ko nang magsalita si Kuya Jose. "Medyo pangit kasi ugali no'n. Nagagalit kapag nakakakita ng ayaw sa paningin nito. Baka kasi ipatapon niya 'yang bisikleta mo kaya ilagay mo na lang diyan sa gilid at baka pag-diskitahan pa 'yan ni Sir Francis," mahinang sabi nito.
Noon pa man ay alam ko nang may pagka-gaspang ang ugali no'ng Francis na 'yon. Wala akong nagawa kung hindi ang iwan ang bike ko sa labas at nilakad na lang ang malawak nilang hardin. Agad akong kumatok at pinagbuksan naman ako agad ng mga kasambahay nila. Pinapasok nila ako at may kauting pag-uusap lang ang nangyari at kamustahan na rin dahil matagal-tagal na rin no'ng huling dalaw ko rito. Pinaupo nila ako sa sala at sinabihan na hintayin ko na lang muna raw si Katarina dahil nasa taas pa raw ito. Tahimik lang akong nagmasid sa paligid at inaalala 'yong mga panahon na malimit akong magawi rito upang gumawa ng mga projects sa school. Wala pa rin namang pagbabago sa mansyon nila. Maaliwalas pa rin naman gaya no'ng dati.
"Nasaan na 'yong juice ko?!" Nagulat ako nang bigla na lamang akong nakarinig ng pagsigaw mula sa kusina. Napakunot-noo ako at mukhang kilala ko na kung sino ang sumisigaw na 'yon.
Tumayo ako mula sa pagkaka-upo at dahan-dahang naglakad patungo sa kusina. Dahil alam ko naman ang pasikot-sikot sa bahay na ito ay walang kahirap-hirap akong nakapunta roon. Nakatalikod ang isang lalaki mula sa gawi ko habang sinisigawan ang isang may katandaan na kasambahay na siya namang kilalang-kilala ko. Bakit pinapabayaan ni Katarina na hayaan lang itong pinsan niya na abusuhin ang mga kasama nila sa bahay? Ang matanda na sinisigaw-sigawan ng Francis na ito ay si Manang Goreng na siyang nagpalaki kay Katarina simula noong bata pa siya. Siya rin ang pinakamatagal na naninilbihan dito. Hindi ko maatim na manood na lamang lalo pa't nakasama ko na rin si Manang Goreng at alam ko kung gaano kabait ang matanda.
"Tanga ka ba?! What the hell are you doing, you old hag?! Kanina pa ako naghihintay sa movie room!" Nagsilabasan ang ugat sa leeg nito dahil sa lakas ng sigaw nito. Galit na galit ang lalaki dahil lang sa hindi nasunod ang utos nito. Nagpipigil lang ako at baka hindi ko matantya ang lalaking 'to at magkagulo kami rito.
"P-pasensya na h-ho S-sir F-francis," nanginginig na sagot ng kasambahay. "Nakalimutan ko h-ho kasi," dagdag na wika nito.
"Ang bobo mo! This is why I don't like uneducated people like you!" Kinuha nito ang isang baso na may laman na juice at mukhang ibubuhos nito sa kasambahay. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at dire-diretso akong naglakad upang pigilan siya sa nais nitong gawin sa matanda. Hindi ko kayang manood sa ginagawa nitong pang-aabuso. Mas lalong nag-iibayo ang kagustuhan ko na ilayo si Senyorita Elise sa kan'ya gayong nakita ko na kung anong klase ng lalaki ang isang 'to.
"Tama na ho 'yan," seryosong wika ko. Napigilan ko ang kamay nito. Nasa ire na sana ang baso at handang-handa na ang lalaki na ibuhos ang buong laman nito sa ulo ng kasambahay. At dahil nga nakatalikod si Francis sa akin ay hindi nito nakikita kung sino ang pumigil sa kan'ya.
"Fvck? Sino ka?!" Hinablot ng lalaki ang kamay na siyang hinawakan ko at marahas na lumingon sa likod nito upang makita kung sino ako.
"Hijo…" Gulat na gulat si Manang Goreng. Hindi siguro nito inaasahan ang presensya ko.
"Hello po Manang Goreng, kamusta?" nakangiti kong bati sa matanda. Mas lalong nagpupuyos sa galit si Francis nang makita niya ako.
"The hell with you man?! Ang angas mo namang probinsyano ka," matigas na sabi nito sa akin. Lumapit ito sa akin at halos magdikit na ang aming mga mukha dahil sa lapit namin sa isa't isa. Binabangga nito ang balikat ko habang tinititigan ako nang masama sa mata. Hindi ako nagpatalo dahil kung magpapasindak ako sa kan'ya ay mas lalo nitong iisipin na kayang-kaya niyang mang-alipusta ng mga tao kung nanaisin nito. Gan'yan ang mga tingin ng mga tulad niyang mayayaman na galing sa siyudad sa tulad naming naninirahan sa probinsya. Ang tawag sa amin ay mga ignorante at mga walang pinag-aralan na kung minsan ay nagiging basehan para tratuhin kaming parang hayop.
"Mga Hijo, itigil niyo na 'yan." Lumapit si Manang Goreng sa amin at sinubukan kaming paglayuin sa isa't isa pero nagalit si Francis at tinulak nito ang matanda dahilan kung bakit ito napaupo sa sahig.
"Stay away from me old lady!" sigaw nito sa matanda. Dahil sa ginawa nito ay hindi ko na mapigilan na itulak din siya. Kusa na lamang gumalaw ang siyang mga kamay ko at malakas na itinulak sa dibdib ang lalaki kaya napaupo rin ito sa sahig.
Tinulungan kong makatayo si Manang at binulungan siya na umalis na muna rito. Dahil nga sa ginawa ko ay alam kong hindi iyon titigil nang hindi nakakabawi kaya mas mabuting wala si Manang Goreng dito at baka kung anong gawin nitong abnormal na Francis na ito.
"Maangas ka ha?!" Nakita kong patakbo na susugod si Francis sa akin. Nakaamba na ang mga kamao nito na sumuntok kaya hinanda ko rin ang sarili ko para iwasan ang gagawin nito. Natigil ang plano ng lalaki nang magpakita sa harap namin si Katarina na nakakunot ang noo habang pinagmamasdan kami. Ako naman ay bahagyang nakayakap kay Manang Goreng habang si Francis naman na nasa likod ko at nakahanda na ng sumuntok sa akin.
"Anong nangyayari rito?" marahang tanong ni Katarina. Napatigil si Francis sa gagawin sana nito at nagsalita.
"Sa susunod cous, pumili ka ng kasambahay na hindi tatanga-tanga," ani pa nito na ikinalito naman ni Katarina. "At ikaw." Tinitigan ako ni Francis sa mata at sinabing, "hindi pa tayo tapos, humanda ka." Ngumisi ang lalaki atsaka padabog na umakyat sa itaas.
Inalalayan ko si Manang para makatayo. Nagpasalamat ito sa ginawa ko atsaka nagpaalam na sa aming dalawa ni Katarina kaya naiwan kaming dalawa rito sa kusina. Nagtataka na tiningnan ako ni Katarina. Naguguluhan siguro ito sa nangyayari. Blangko lang ang pagmumukha ko habang gigil pa rin ako sa ginawa ng lalaking 'yon kay Manang. Wala siyang karapatan upang manakit ng dahil lang sa lintek na juice na 'yan!
"Andoy?" tawag-pansin ni Katarina sa atensyon ko. Hinawakan pa nito ang kamay ko at agad dumiretso ang tingin ko sa kamay nito na nakahawak sa kamay ko. Marahan kong inalis 'yong pagkakahawak niya sa akin. Parang nabigla pa si Katarina sa ginawa ko pero hindi ko talaga gusto ang siyang nasaksihan ko. Mainit na mainit pa ang dugo ko na gusto kong suntokin ang pagmumukha ng hambog na 'yon.
"Narito lang ako upang ipaalam sa'yo na hindi ako mag-baback out bilang escort ni Elise," diretsong saad ko na ikinagalit ni Katarina.
"Bakit?! 'Di ba sabi ko naman sa'yo na hayaan mong si Francis na lang ang maging kapareha no'ng amo mo?!" pasigaw nitong tanong na siyang hindi ko naman nagustuhan.
"Huwag mo nang ipilit. Hindi ko hahayaan 'yan," seryoso kong sabi sa kan'ya at tumalikod. Maling-mali na nagpunta pa ako rito. Napailing ako at dismayadong naglakad papalabas ng mansyon.
"Bakit ba ayaw mong tanggihan ang babaeng 'yon?! Gusto mo ba siya ha?! Ano Andoy? Sumagot ka!" Dahil sa sigaw ni Katarina ay napatigil ako sa paglalakad. Gusto? Sino? Si Surot ba?
"Bakit hindi ka makasagot?!" galit na tanong nito sa akin. "Kung wala kang kahit na kaunting pagtingin sa kan'ya ay mapagbibigyan mo ang kahilingan ko na tanggihan siya. Kinalimutan mo na ba ako? Siya na ba ang kapalit sa p'westo ko sa buhay mo ngayon?" seryosong tanong ni Katarina sa akin.
Paano napunta sa ganito ang usapan namin?
"Alis na ako," pagpapaalam ko. Mas mabuti na hindi sagutin ang mga tanong nito dahil alam kong magtatagal lang ako rito kapag sinagot ko pa iyon.