Andoy's P.O.V.
"Kuya? Paano si Ate Katarina?" tanong ni Andres. Kasalukuyan kaming naghahapunan ngayon dito sa bahay kasama si tatay.
Nanumbalik ulit sa isip ko ang nangyari kanina sa mansyon ng mga Montereal. Napailing na lang ako kung paano ako napa-oo ni Elise sa kagustuhan nitong maging escort niya ako.
"Bakit mo ba pinoproblema iyan?" balik kong tanong sa nakababatang kapatid. Napakamot ng ulo si Andres at tila siya pa 'yong problemado sa aming dalawa.
Para sa akin ay wala namang problema sa naging pasya ko. Kung ang inaalala niya ay si Katarina ay wala namang dapat ikabahala roon sapagkat pareho naming alam kung ano lamang ang namamagitan sa aming dalawa. Inaamin kong may puwang pa rin siya sa puso ko. Hindi naman iyon basta-basta mawawala. Bata pa lang kami ay magkaibigan na kaming dalawa. Hanggang sa nag-high school at umusbong nga ang tagong pagmamahal namin sa isa't isa. Sinubukan naming panatilihin 'yong pagkakaibigan naming dalawa ngunit nanaig sa aming dalawa ang kagustuhan na mahalin namin ng higit sa pagkakaibigan ang bawat isa.
Noon pa lang ay sinabi kong hindi ako aalis sa Ildefonso kahit anong mangyari. Hinding-hindi ako tatapak sa siyudad dahil may takot sa puso ko. Bata pa lang kami ni Andres nang iwan kami ng Inay. Ang paalam niya lang ay magtatrabaho siya na siya namang sinang-ayunan ng tatay. Bata pa lang ako noon. Wala akong masyadong alam sa nangyayari basta natatandaan ko lang ay ang pag-alis nito at kung paano kami kumaway ni Andres upang magpaalam. Lumipas ang isa, dalawa, tatlong buwan at hanggang naging mga taon ang siyang mga buwan na binibilang namin. Ang panandaliang pamamaalam niya ay tila ba nagpapahiwatig na inabandona niya na kaming pamilya niya. Hindi namin siya ma-kontak, ni kahit liham ay wala kaming natanggap galing sa kan'ya. Ang sabi niya sa amin ay buwan-buwan siyang magpapadala ng pera pero kahit ni-singkong duling ay walang natanggap ang itay.
Sinubukan ni tatay na sundan siya sa Maynila. Kasama kami ni Andres sa pagluwas. Bitbit namin ang kapirasong papel na siyang laman ay address kung saan nagtatrabaho si inay. Ang paalam niya ay magtatrabaho siya bilang isang katulong. Pero wala kaming nadatnan na mansyon. Ang bumungad sa amin ay isang eskinita. Hinanap namin ang bahay na siyang nakasulat sa papel at doon tumambad sa mga mata namin ang katotohanang sumama ang inay sa ibang lalaki. Nadatnan namin siya sa ayos na may kasamang maliliit na mga bata. Ang isa pa nga ay nasa duyan at mukhang bagong silang pa lamang. Tandang-tanda ko pa ang pagkagulat sa mukha nito nang makita niya kami. Agad lumukob ang pangamba sa mukha nito na agad naman napalitan ng galit. Hindi ko maintindihan kung bakit siya nagagalit sa amin ngayon. Bakit parang siya pa ang may ganang magpakita ng galit sa pamilya na inabandona niya.
"Tope! Anong ginagawa niyo rito?!" balisang tanong nito kay itay. Ni hindi nga niya kami tinapunan ng tingin ni Andres eh at dumiretso siya kay tatay na mukhang galit na galit.
"Nanay…" pahikbing tawag ni Andres sa inay. Sa maliliit ng kapatid ay naabot nito si nanay at mahigpit niya itong niyakap. Habang umiiyak si Andres ay panay naman sa paghawi ang inay sa kan'ya. Pilit nitong inaalis ang mahigpit na yakap ng kapatid ko sa kan'yang binti.
"Lumeng… Ano ba? Nasasaktan 'yong bata," mahinahong wika ni itay.
Parang hindi iyon narinig ni inay sapagkat halos matimbuwal si Andres nang malakas nitong tinabig ang kamay upang mapabitaw ito sa yakap. Mabilis naman umaksyon si tatay upang hindi madisgrasya ang nakababatang kapatid. Sa nakita kong iyon ay hindi ko mapigilang maghimagsik ang ang aking kalooban sa kan'yang ginawa. Kahit bata pa ako ay alam ko na ang nangyayari. Ayaw niya kaming makita at mukhang ibinaon niya na kami sa limot.
"Ang sama-sama mo," naisambit ko. Napatingin ang inay sa akin at nanlaki ang mata nito sa narinig.
"Anong sinabi mong bata ka?!" galit na tanong nito sa akin. Nagbago na ang inay. Nagbago na siya mula sa ugali nito hanggang sa pisikal nitong anyo. Mas dumoble ang tanda nito sa mismong edad niya. Sa nakikita ko ay mukhang problemadong-problemado siya sa kan'yang sitwasyon. Ang laki ng pinayat nito at ang pula ng kan'yang mga mata. Lagi rin siyang balisa at panay tanaw ito sa daan na animo mayroong binabantayan na tao.
Hinawakan niya ako nang mahigpit sa aking braso. Kahit na nasasaktan ay hindi ako nagpatinag. Pinandidilatan niya ako ng mata habang ang itay naman ay inaawat si inay upang hindi ako saktan.
"Ano ba ang nangyayari sa'yo Lumeng?! Bitiwan mo si Andoy, anak mo iyan," saad ni tatay.
"Ha?! Anak?! Wala akong anak sa iba," sagot ni inay atsaka tumawa nang malakas. Tawa na parang demonyo na pati ako nanghilakbot sa paraan ng pagtawa nito. Parang nawawalan na siya ng bait. Ganoon ba kadali na kalimutan kami? "Umalis na kayo rito! Baka maabutan kayo ng asawa ko at mag-away pa kami," dagdag nitong saad sa amin.
Binitiwan niya ang braso ko at halos itulak niya na ako sa itay.
"Lumeng, ako ang asawa mo. Nakalimutan mo na ba kami?" tanong ng itay sa kan'ya. Tiningnan niya lang kami na parang hindi niya kami kilala. Naaawa ako sa sitwasyon naming tatlo. Lalo pa si Andres na hindi matigil sa pag-iyak. Gusto ko ring maiyak pero hindi ko magawa. Nanunuot sa puso ko ang galit sa sariling ina. Kung paano nito nagagawang itaboy kami at kalimutan. Samantalang no'ng nasa probinsya kami ay wala ni isang araw ang lumipas na hinangad namin siyang makasama muli. Bilang isang batang naghahangad ng kalinga ng isang ina.
"Tatay, alis na tayo," wika ko. Pilit kong hinihila ang laylayan ng suot nitong lumang t-shirt. Nanikip ang dibdib ko nang makita ko ang suot ng sariling ama. Lumang-luma iyon na parang isang hila mo lang ay mapupunit na. Pinagtitinginan na rin kami ng mga tao rito at mas lalong nataranta ang hitsura ng inay nang mapansin nitong marami nang nanonood sa amin.
"Alis! Umalis na kayo! Hindi ko kayo kilala. Tulong!" Nagsimulang magsisigaw ang inay. Kaya may mga taong lumapit sa amin. Hinila nila si tatay at sinimulang pagsusuntukin.
"Huwag po, huwag! Itigil niyo 'yan! Walang kasalanan ang itay!" Iyak kami nang iyak ni Andres. Gusto ko mang lumapit at tulungan ang tatay ay hindi ko p'wedeng iwan si Andres na mag-isa. Kitang-kita ko kung paano nila pinagtatadyakan ang itay hanggang sa sumuka na ito ng dugo.
"Nanay, pakiusap po. Awatin niyo po sila. Aalis na po kami," pagmamakaawa ko. Lahat gagawin ko para layuan lang nila ang itay. Dahil sa sinabing kasinungalingan ni nanay ay nanganganib tuloy ang aming mga buhay ngayon.
Tinitigan ako ni nanay atsaka mariin na hinawakan ako sa magkabilang pisngi atsaka nagsalita. "Umalis na kayo at kalimutan niyo na rin ako. Wala akong ibang pamilya bukod sa pamilyang mayroon ako rito. Hindi ko sisirain ang buhay ko sa bulok na probinsya kung saan kayo nanggaling! Bumalik na kayo sa bundok kung saan kayo nababagay, pwe!" Dumura pa ito atsaka pinatigil ang siyang mga kapitbahay nito na nambugbog sa itay.
Agad naming pinuntahan ni Andres si itay na halos mawalan na ng malay. Puno siya ng sugat sa katawan at puro dugo ang damit nito. Kahit mabigat ang katawan nito ay hindi ako sumuko upang maitayo ko siya at nang makaalis na kami sa impyerno na lugar na ito.
"Andoy, Andoy… Ang nanay niyo… Iuuwi natin ang nanay niyo," nanghihina na bulong ni tatay sa akin. Nasa likod ko si Andres na naguguluhan sa nangyayari habang umiiyak. Ramdam ko rin ang takot ng kapatid kaya kailangan kong magpakatatag. Uuwi na kami sa probinsya. At sa mismong oras na iyon ay ipinangako kong hinding-hindi na ako muling tatapak sa siyudad.
"Kuya? Kuya?" Nagbalik ang diwa ko sa kasalukuyan nang marinig ko ang pagtawag ni Andres sa pangalan ko.
"Bakit?" tanong ko.
"Paano ang susuotin mo?" tanong nito sa akin. Isa pa 'yan sa problema ko. Wala nga pala akong masusuot.
Napalingon ako kay itay na tahimik lang kumakain sa gilid. Mula noon ay nag-doble kayod ang tatay upang mabuhay niya kami ni Andres na siya lang mag-isa. Hindi na rin ito nag-asawang muli at simula noon ay hindi na nito binabanggit ang pangalan ng inay.
"Bakit hindi ka bumili sa bayan?" Sabay kaming napatingin ni Andres kay tatay nang magsalita ito. "May naitabi ka namang pera atsaka may pera rin naman ako. Minsan mo lang iyan mararanasan kaya dapat ay presentable ang siyang susuotin mo lalo pa't apo ni senyora ang siyang magiging kapareha mo," seryosong sabi ni tatay sa akin.
"Siya nga naman kuya. Isantabi mo muna ang pagiging kuripot mo at nakakahiya kay Senyorita Elise," dagdag pang sabi ni Andres sa akin.
"At bakit namumula ka riyan?" naitanong ko sa kapatid. Hindi ko maiwasang mapataas ang isang kilay ko sa biglaang pamumula ng mukha ni Andres nang banggitin nito ang pangalan ni Elise. "Crush mo ba?" panunukso ko pa.
"Magsitigil nga kayong dalawa. Itigil niyo 'yan at walang patutunguhan 'yan. Huwag niyong kalimutan na iba ang estado natin sa buhay na mayroon ang mga amo natin. Huwag niyo nang subukan at masasaktan lang kayo," saad ni itay na nagpatahimik sa amin.
Lagi-lagi nitong sinasabi sa amin na huwag kaming magkagusto sa mga mayayaman lalo pa't sa buhay na mayroon kami. Lagi nitong sinasabi na walang patutunguhan iyong nararamdaman namin. Isa sa mga dahilan kung bakit binitawan ko ang nararamdaman ko kay Katarina. Masyadong magkaiba ang antas ng pamumuhay namin at nais nitong sumama ako sa Maynila sa kan'ya upang doon ipagpatuloy ang aming pag-aaral. Magkaiba ang aming mga plano sa buhay at ibang-iba ang aming mga pananaw kaya kapwa kaming bumitaw sa isa't isa. Masakit, Oo. Pero unti-unti ay tinuturuan ko ang sarili na walang mali sa ginawa ko. Magkaibigan pa rin naman kami ni Katarina pero kung minsan ay naiisip ko kung ano kaya ang buhay ko ngayon kung hindi ako natakot na sundan siya sa Maynila at ipagpatuloy ang mga pangarap namin?
May espesyal na puwang pa rin sa puso ko si Katarina at alam kong wala ni sino man ang makakapalit sa kan'ya roon.
"Alam naman po namin iyon itay. Paghanga lang naman po," sagot ni Andres. Napailing ako. Kung tutuusin ay kahit sino ay mahuhumaling sa gandang taglay ni Elise na siyang tagapagmana ng mga Montereal kung saan kaming mag-anak na nagtatrabaho.
Kung ganda ang pag-uusapan ay wala pa akong nakikitang ibang babae na p'wedeng panapat sa gandang taglay niya. Oo, kahit si Katarina ay masasabi kong angat ang ganda ni Elise kung pisikal na anyo lang ang pagbabasehan. Pero ibang bagay na kapag ugali na ang pinag-uusapan. Kung walang makakapantay sa ganda niya rito sa Ildefonso ay mas lalong wala pa akong kilalang taong may kaugali niya. Bukod sa masyadong mapagmataas ang babae ay masyado ring competitive ito at pikunin, spoiled brat at maldita rin.
"Susubukan kong tumingin-tingin sa bayan nang maisusuot." Tumango ang itay sa naging wika ko at nagpatuloy na kami sa pagkain.
Nang matapos kaming kumain ay naisipan kong magpahangin sa labas. Pasado alas-nuwebe na ng gabi at wala ng taong ang siyang makikita mo sa labas na naglalakad. Tanging ilaw na lang na nagmumula sa mga poste ang siyang nagbibigay liwanag sa daan. Tumingala ako at nakita ko ang bilog na bilog na buwan at naalala ko na naman nang minsan ay nakita kong natakot si Elise. Ganito rin kaliwanag ang buwan noon na napagkamalan niya pa akong maligno. May kinatatakutan din pala ang babae. Ang akala ko ay puros tapang lang mayroon 'yon.
Kapag ganito ay maagang pumapanhik sa itaas ang itay upang magpahinga. Si Andres naman ay naghuhugas ng plato. Nagtaka pa ako nang may pumaradang sasakyan sa harap ng bahay namin. Kilala ko ang sasakyang ito sapagkat madalas ko itong nakikita rito na dumadaan. Pagmamay-ari ito ng pamilya ni Katarina. Anong ginagawa nito rito? Bumaba ang bintana ng sasakyan at nakita ko roon si Katarina. Tinatawag niya ako at mukhang may gusto itong sabihin sa akin.
"Bakit?" tanong ko nang makalapit ako sa sasakyan nito. Seryoso akong tiningnan ni Katarina sa mata atsaka nagsalita.
"Tumanggi ka sa paanyaya ni Elise na maging escort dahil ako ang magiging kapareha mo," diretsong wika nito na siyang ikinagulat ko.