Chapter 1

1299 Words
"Oh mahal kong Isko, bakit mo naman ako iniwan agad?" Nakatitig ako sa puting parihabang kahon na nasa harapan ko habang hawak ang kanang kamay ng Lola kong kanina pa tumatangis. Ang parihabang kahon ay puno ng mga bulaklak, karamihan ay kulay lila na siyang paboritong kulay ng aking Lolo na nakahiga ngayon doon. "Hindi ko mawari kung kakayanin ko pa bang ipagpatuloy ang buhay ko gayong wala ka na sa tabi ko, Isko..." Ngumuso ako at tiningala si Lola. Pulang-pula na ang mga mata niya pati ang ilong at nanginginig ang labi at balikat. Hindi ko sigurado kung ilang taon na si Lola ngunit alam kong may katandaan na rin dahil sa maraming kulubot sa balat niya at sa mabagal na kilos. Dagdag pa na medyo mahina na ang pandinig at paningin niya. "Kuya, laro tayong habulan sa labas." Nilingon ko ang kapatid kong si Shaina na nakatayo sa tabi ko at nakahawak sa kulay itim na polong suot ko. Hinampas ko ang kamay niya at sinenyasan siyang tumahimik. Sumunod naman ngunit halatang labag sa loob niya. "Nakikiramay ako, Mercedes." Pinagmasdan ko kung paanong hinawakan ng babae ang balikat ni Lola at tinapik iyon ng marahan. May maputi at makinis na balat ang babae. Ngumiti siya at pakiramdam ko ay biglang tumigil ang pag-ikot ng mundo. Humigpit ang kapit ko sa kamay ni Lola dahil sa kabang biglaang naramdaman at kinapa ang kamay ng aking kapatid sa gilid ko ngunit para akong binuhusan ng mainit na tubig nang hindi ko iyon nakapa! Mabilis kong nilingon ang tabi ko at nanlaki ang mga mata nang makitang wala na roon ang pilya kong kapatid! Inikot ko ang paningin ko at hinanap siya ngunit hindi ko makita. Kinalabit ko si Lola para sana ibalita sa kaniya na tinakasan na naman kami ni Shaina ngunit natigil ako nang makitang nanlalaki ang mga mata ni Lola at tila gulat sa presensya ng babaeng nasa harapan niya at nakangiti pa rin. Unti-unting itinaas ng babae ang kamay niya at hinaplos ng marahan ang buhok ni Lola. Napakurap-kurap ako sa nakikita ko. Hindi ko kilala ang babae at ngayon ko lang siya nakita rito sa lugar namin ngunit mukhang kilala siya ni Lola. "Tahan na, Mercedes..." Kinilabutan ako sa lamig at rahan ng boses niya. Humagulgol sa iyak si Lola at yinakap ng mahigpit ang babae. Dalawang araw na ang lumipas mula nang dumating ang babaeng iyon ngunit hindi na siya muling bumalik. Ngayon ang huling gabi ng lamay ni Lolo at bukas ay ililibing na namin siya sa malapit na sementeryo. "Kuya, bakit gabi-gabi na lang kape o 'di kaya ay juice ang ipinaiinom natin sa mga bisita? Pwede namang softdrinks, tubig, o 'di kaya ay alak" anang kapatid ko na kumakain ng tinapay sa tabi ko. "Hindi ko alam at wala akong balak alamin. Abalahin mo na lamang ang sarili mo sa pagkain at huwag kang makulit." Inismiran niya ako at inirapan. "Sungit. 'Di ka naman gusto ng babaeng gusto mo." Inis ko siyang nilingon at hinampas sa braso. "Ano ba?" Sigaw niya at hinampas din ako. Gumanti ako hanggang sa wala na kaming ginawa kundi ang maghampasan doon. "Huwag ka ngang lumaban sa mas matanda sa iyo!" "Edi huwag ka ring pumatol sa mas bata sa iyo!" Inilabas pa niya ang dila niya, nang-aasar. Akmang hahampasin ko siyang muli kaso ay biglang naupo si Lola sa harapan namin at nakataas ang isang kilay. "Jerome, huwag mong patulan ang kapatid mo. Ikaw ang matanda, ikaw ang umintindi..." Tss. Lagi namang ako ang umiintindi. Hindi ba pwedeng iintindihin ko ang mas bata sa akin at iintindihin din nila ako? Kailangan ba eh ang mas matanda palagi ang umiintindi sa mas bata? Eh kung ganoon, sinong iintindi sa matatanda? "At ikaw naman Shaina, apo, galangin mo ang Kuya mo dahil mas matanda siya sa iyo. Galangin at mahalin ninyo ang isa't isa lalo na't kayong dalawa na lamang ang magkasama. Pakinggan ninyo ang isa't isa at huwag mag-aaway. Magtulungan kayo palagi..." "Eh Lola, nandito pa naman po kayo, kasama namin kaya bakit ninyo nasabi na kami na lang po ni Kuya ang magkasama? Ano pong tawag ninyo sa sarili ninyo? Multo?" Palihim ko siyang siniko at mabilis na ngumiti ng peke nang marinig ang bahagyang tawa ni Lola. "Ikaw talaga, napakalawak ng imahinasyon mo. Matanda na ang Lola ninyo mga apo, kaya gusto ko, ngayon pa lang ay makita kong nagmamahalan kayong magkapatid at nagtutulungan. Ipangako ninyo sa akin na hindi ninyo iiwan ang isa't isa." Sabay kaming tumango ni Shaina at sumagot ng opo. "Lola, nasaan na po niyan ang kaluluwa ni Lolo?" Nilingon ko ang kapatid na ngayon ay nakatitig sa kabaong ni Lolo. May mga insektong lumilipad-lipad sa taas nito at may nakita pa akong isang maliit na bubuyog na nakadapo sa isa sa mga bulaklak. "Marahil ay nakarating na ang kaluluwa ng Lolo ninyo sa paraiso..." kunot ang noo ko nang lingunin si Lola. Nakatingin siya sa amin at tila tinitignan ang reaksyon namin sa sinabi niya. "Paano mo po nasabi?" Tanong ko. "Basta alam ko lang. Alam ninyo, may mga anghel na ipinapadala upang gawin ang iba't ibang misyon dito sa mundo natin at isa na roon ang sumundo sa mga patay. Sinusundo nila ang kaluluwa ng mga ito ilang segundo matapos mamatay ng isang tao o 'di kaya ay bago pa man mamatay ang isang tao, nakaabang na ang mga anghel..." Tinignan ko si Shaina na nakanganga at nakabitin sa ere ang sinusubo niyang tinapay habang gulat na nakatitig kay Lola. Hinablot ko ang tinapay sa kamay niya at mabilis na isinubo sa kaniya iyon. Tinignan lang niya ako ng masama ngunit agad ding ibinalik ang tingin kay Lola. "Paano niyo po nalaman ang tungkol sa mga anghel? At kilala niyo po ba sino ang sumundo kay Lolo?" Tumango si Lola, "Ang anghel na nagngangalang Clade ang sumundo sa inyong Lolo. Nalaman ko dahil dumating na ang anghel bago pa man mamatay ang Lolo ninyo at nasabi niya sa akin ang lahat..." "Hindi naman totoo ang mga angels..." Kalmado kong sabi. Pinaglaruan ko ang biscuits na nasa harapan ko at tinitigan iyon. "Kung totoong may angels, sana hindi nangyari kay Lolo yung aksidente. Sana ay hanggang ngayon, buhay pa siya dahil ang mga anghel ay pumoprotekta ng mga mortal, hindi po ba, Lola?" Sumalubong sa akin ang mumunting ngiti ni Lola. Hindi ko alam kung anong tawag sa emosyong nakikita ko ngayon sa mata niya ngunit malakas ang pakiramdam ko na malayo iyon sa ngiting ipinapakita niya ngayon. "Totoo ang mga anghel, Apo..." Umiling ako. "Kung totoo sila, bakit naaksidente at namatay si Lolo? Ibig sabihin, bigo ang anghel sa misyon niya? At kung totoo sila, bakit hindi ko sila nakikita? Bakit hindi sila nakikita ni Shaina? Ng ibang tao?" Kahit anong pilit kong isipin ay hindi ko kayang mapaniwala ang sarili sa nga kwento ni Lola. Nang ganing iyon ay inubos nilang dalawa ni Shaina ang oras sa pag-uusap patungkol sa mga anghel habang ako, pinagmasdan ko lang magdamag ang bubuyog na palipat-lipat sa mga bulaklak na nakapalibot sa kabaong ni Lolo. Kung totoo ang mga anghel, bakit hindi nila nagawang protektahan si Lolo? Bakit hindi nila binuhay si Lolo at hinuli ang taong nakabangga sa kaniya? Malakas na nagtawanan ang mga matatandang naglalaro ng baraha sa isa sa mga mesa na siyang umagaw ng atensyon ko. Ngunit imbes na sa kanila mabaling ang tingin ko, napatitig ako sa maputing babae. Siya 'yung babaeng bumati at nagpaiyak kay Lola kanina nang dahil lang sa ngiti at haplos niya. Ang mga mata niya ay kakaiba. Pakiramdam ko ay dinadala ako ng mga ito sa ibang dimensyon. Sinundan ko siya ng tingin nang bigla siyang tumayo ngunit nakatingin din sa akin. Bahagya siyang ngumiti bago tuluyang tumalikod at dahan-dahang umalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD