Gusto kong tumakbo palayo, magsisigaw hanggang sa may makarinig sa akin. Pero tila napako sa sahig ang mga paa ko. Nanatili akong nakatitig sa butas ng baril na nakatutok sa akin. Sa bawat segundong lumilipas batid ko na bilang na ang mga araw ko dito sa mundo. Para akong hayop na naparalisa sa gitna ng kalsada habang nakatanaw sa paparating na sasakyan, hinihintay ang pagtama nito sa mumunting katawan ko. Sinubukan kong magsalita para magmakaawa, humingi ng tawad. Baka sakaling buhayin pa ako ni Mrs. Villarica kapag nakita nito ang matinding takot at pagsisisi sa mukha ko. Pero tanging iling lang ang nagawa ko.
Paalam, Mama at Papa. Patawad kung hindi ako naging mabuting anak sa inyo. Mahal na mahal ko kayo.
Pinikit ko ang mga mata ko, hinihintay ang pagputok ng baril.
"Aarrrgggg!" narinig kong sigaw ni Mrs. Villarica. Nagkalabugan ang mga plato at bote at nagbagsakan sa sahig. Naglagpakan ang mga libro sa malaking bookshelf. "Bitiwan mo ako!"
Si Layla! Nakikipagbunuan ito kay Mrs. Villarica sa likod ng lamesa. Tumutulo ang dugo sa sugatang noo nito. Kapit nito sa magkabilang palad ang kamay ni Mrs. Villarica na may hawak ng baril.
"Miya, takbo!" sigaw ni Layla.
"Bitiwan mo sabi ako, b***h. Get off me, you w***e!" Tiim ang bagang na sinubukang itutok ni Mrs. Villarica ang baril kay Layla. Kinagat ni Layla ang kamay nito. "Aaahhhhhh!"
Kailangan kong makalabas rito. Kailangan kong makahingi ng tulong kay Mang Juan o sa kahit na sinong tao na naiwan dito sa Purvil High. Kailangan nilang malaman kung gaano kasama at kapanganib sina Mrs. Villarica at Ms. Velasco. Si Layla. Paano si Layla? Kailangan ko itong tulungan. Baka mapatay ito ni Mrs. Villarica.
"Layla!"
"Miya, takbo!" ulit ni Miya sa pagitan ng paghikbi at pag-ubo. Panay ang pagbagsak ng dugo sa noo at bibig nito habang nakikipagbunuan kay Mrs. Villarica. "Takboooo!"
Iika-ika kong tinungo ang nakabukas na pinto. Malapit na ako nang biglang may humablot sa hita ko.
"Papatayin kita. Papatayin kita," nanggigigil na sigaw ni Ms. Velasco. Nakaluhod ito sa sahig at parang linta na nakakapit sa hita ko. Nakaluwa ang kaliwang mata nito na nilalabasan ng malalagkit na dugo at kulay puting nana patungong pisngi nito. Napangisi ito nang makita ang pagkadiri sa mukha ko. "Papatayin kita!"
"Kung kaya mo!" Buong lakas kong tinapakan ang isang kamay nito na nakalapat sa sahig.
"Eeeeeeeeehhhhhh!"
Natanggal ang kamay nito na nakakapit sa akin. Wala akong sinayang na sandali. Mabilis akong tumakbo palabas ng Principal's Office.
Agad na sumalubong sa akin ang malakas na ihip ng hangin. Napasinghap ako sa magkahalong lamig at takot. Humalo sa luhang pumapatak sa pisngi ko ang tubig-ulan na tumatama sa mukha at katawan ko. Panay ang pagtatalsikan ng tubig sa paa ko habang tinatahak ko ang sementadong daan patungo sa kung saan. Hindi ko alam kung saan ako patungo. Nababalutan ng kulay puting usok ang buong paligid ng Purvil High. Mga hamog na dala ng bagyo. Halos wala akong maaninag kundi ang mga mala-multong pigura ng mga silid-aralan, nagsasayawang puno, at halaman na pawang nakapaligid sa akin.
Kasabay ng malakas na alulong ng hangin at hampas ng ulan, namayani ang malakas na tunog ng baril mula sa loob ng pinanggalingan kong Principal's Office. Kasunod nito ang muling pagkidlat ng malakas na halos magpabingi sa akin.
Layla, bulong ko habang patuloy na tumatakbo. Sumasabay sa pagbuhos ng ulan ang pagtulo ng luha ko. Kalabisan na ba kung iisipin ko na si Mrs. Villarica ang tinamaan ng baril at hindi si Layla? Posible ba na nakaligtas si Layla? Si Dragon Lady? Paano kung atakihin nito ang kaibigan ko? Patayin gaya ng ginawa nitong pagtangka sa buhay ko. Kailangan kong tulungan si Layla. Kailangan kong bumalik.
Parating na ang dragon! sigaw muli ni Clint sa diwa ko. Naalala ko kung paano ito tumakbo papasok ng silid-aralan namin. Kung paanong namutawi ang matinding takot at pangamba sa mga mata nito sa likod ng nakangisi nitong mukha. Magtago na tayo. Parating na ang dragon!
Napasigaw ako nang biglang tumama ang paa ko sa nakausling bato sa daraanan ko. Patagilid akong bumagsak sa naglalawang baha. Parang namanhid ang buong katawan ko sa lamig ng tubig na tila gawa sa yelo. Naramdaman ko ang pagsayad ng magkabilang tuhod ko sa mabatong lupa. Tila may kung anong bagay na tumusok sa kanang kamay ko. Nang iahon ko ang kamay ko natuklasan ko na may bubog na nakabaon sa hinlalaki ko. Pigil ang hininga na dinukot ko ang bubog at pahapyaw na tinapon. Agad na umapaw ang mapupulang dugo sa palad ko, na agad ding nahuhugasan ng mga pumapatak na ulan.
Parating na ang dragon. Magtago na tayo. Parating na ang dragon!
Muli akong tumayo. Kailangan kong mahanap si Mang Juan. Kailangan kong masabi rito ang mga nangyari sa Principal's Office. Nasa panganib ang buhay naming lahat. Si Layla. Kailangan kong iligtas si Layla.
Parang multo na lumitaw sa hindi kalayuan ang malaking gate. May mga sanga ng puno na pawang mga nakasabit at nakalapat sa bakal na katawan nito, tila gustong makapasok sa loob. Sa tabi nito ang guardhouse. Nakabukas ang ilaw sa loob nito.
Umiiyak na tinungo ko ang guardhouse, tinulak pabukas ang pinto, at pumasok sa loob.
"Mang Juan!"
Pero tanging ang radyo na tahimik na nakapatong sa ibabaw ng lamesa at telepono na nakadikit sa dingding ang bumati sa akin. Walang laman ang kabinet sa isang sulok. Maging ang katre ay malinis. Malinaw na wala rito si Mang Juan. Mukhang umuwi na ito nang mas maaga kaysa inaasahan dahil ayaw nitong maabutan ng bagyo.
Mabilis akong lumabas ng guardhouse at tinungo ang gate. Nanlumo ako nang matuklasan kong may malaki at makapal na kadena na nakapulupot sa gitnang bahagi nito. Kasing laki ng palad ko ang padlock na nakaipit rito.
"Saklolo! Tulong! Tulungan n'yo kami!" sigaw ko habang kinakalampag ang gate na parang isang bagong kalabosong preso. Totoong isa akong preso sa paaralang ito. At hindi hahayaan ng prinsipal at ng dragon na makatakas ako nang buhay. Muli kong pinaghahampas ang katawan ng gate hanggang maramdaman ko ang pagtulo ng dugo sa nagkasugat-sugat kong mga kamay. Alam kong walang silbi ang ginagawa ko. Nasasapawan ng malakas na buhos ng ulan at pagkulog ang sigaw ko. Isama pa ang katotohanan na wala nang katao-tao sa lugar na ito sa ganitong oras lalo na kung ganitong masama ang panahon. Tanging mga nagsasayawang mga puno sa hindi kalayuan lang ang siyang nakakasaksi sa isang duguang dalaga na tahimik na umiiyak habang nanginginig na nakahawak sa gate.
Pinaghahampas ko ang gate sa sobrang galit at panlulumo. Bakit ba nangyayari sa akin ang lahat ng ito? Wala namang akong ginagawang masama. Wala ito sa plano. Dapat nasa bahay na ako at kumakain ng mainit na hapunan. Dapat mahimbing akong matutulog mamaya habang pinapanaginipan ang masasayang araw na mararanasan namin sa oras na mawala na si Dragon Lady sa buhay namin. Dapat ina-upload ko na sa sss ang video na magpapabagsak kina Mrs. Villarica at Ms. Velasco.
Lahat ng nangyayari ngayon ay ng dahil sa ballpen. Sinubukan nila akong patayin nang dahil lang rito. Naturingan silang pangalawang magulang pero nagawa nilang pagtangkaan ang buhay ko. Isang malaking pagkakamali ang magpa-enrol sa paaralang ito. Wala kaming kaaalam-alam na pinapatakbo ito ng mga taong may maiitim na puso na handang pumatay ng mga estudyante mapagtakpan lang ang baho ng mga ito.
Kinapa ko ang bulsa ng uniform ko.
Parang gumuho ang mundo ko nang mapagtantong nawawala ang ballpen.