Kinuha ni Mike mula sa plato ni Uno ang hotdog na almusal nila. Mga ilang subo lang ay inabot naman niya ang daing na bangus na ulam naman ni Wiz.
"Sarap, ano?" pang-aasar ni Uno na kanina pa nabibitin sa kinakain dahil hindi pa niya nakakalahati, naaagawan na siya.
"Oo, Kuya," inosenteng tugon naman nito. Meron pa ba sa ref?"
"Meron naman. Nakakahiya naman kung wala na, hindi ba?" pahayag niya sa nakababata na walang tigil pa rin sa pagsubo ng fried rice.
"Ang sungit mo na naman, Kuya," paninita ni Mike habang nilalagyan ng ketchup ang sinangag. "Baka gutom lang 'yan!"
"Malamang! Kasi pati ulam ko, sinimot mo! Tsk! 'Di naman sa pinipigilan kitang kumain pero sana, please lang, huwag kang kumukuha sa plato ng may plato!"
"Sorry na," paghingi na nito ng paumanhin nang ma-realize ang pagkakamali. "Pasensya na, napasarap lang ako sa kain."
Napailing na lang si Uno dahil batid niya na hindi naman tumatalab ang mga sinasabi niya. Halos araw-araw kasi itong nakikikain pero ganoon pa rin ang palaging ginagawa. Ang masaklap ay hindi rin ito marunong maghugas ng plato at wala rin alam sa pagluluto ng sariling ulam. Na-spoil din kasi ito sa kuya na si Luis na palagi siyang binibili ng masasarap na pagkain at hindi rin naman tinuruan sa gawaing-bahay.
"Kuya..." panunuyo na niya nang mapansin na may sumpong na naman ng kasungitan ang kausap. Hindi siya pinansin nito at nagpatuloy lamang ng pagbubuhos ng kape sa tasa.
"Kuya ko..." pag-uulit niya with puppy-like eyes nang 'di makatiis sa malamig na pakikitungo sa kanya.
"Ano nga!" yamot na tugon na nito sa pangungulit niya.
"Kakainin mo ba 'yan tutong?" pagtatanong niya sabay turo roon gamit ang tinidor. "Akin na lang!"
"Huminto ka na, para mo ng awa!" pakikiusap na ni Uno habang inilalayo ang pinggan. "Kasasabi ko lang na huwag kang kumukuha sa plato ng may plato! Pasaway naman talaga, o!"
Takang-taka sila kung saan napupunta ang kinakain ng nakababatang pinsan. Sa dami nang naubos niyang ulam ay para bang wala pa rin siyang kabusugan. Kadalasan ay hinahayaan na lang nila ang food trip nito dahil hindi naman siya tumataba at athletic naman. Kapag kasi ginugutom ay nagiging mahiluin at malungkutin pa kaya pinagbibigyan na lamang nila sa simpleng luho nito sa pagkain.
"Gutom pa kasi ako," malamlam ang mga matang sinabi ni Mike kaya nakunsensya pa si Uno na napagalitan pa ito.
"Sorry na kasi ang takaw-takaw ko..."
Napabuntong-hininga na lang ang binata nang makaramdam pa ng awa sa pinsan. Kahit madalas pa niyang sungitan ito, hindi naman din niya matiis na hayaan itong malungkot.
"Alfa," pagtawag na niya sa kasambahay na abalang nagma-marinate naman ng manok para sa tanghalian. Patakbo pa itong lumapit na may matamis na ngiti sa mga labi.
"Yes, Sir!" maligayang pagbati nito.
"Pakiprito na nga 'yun isang pack ng cheesedogs. Masyadong mabenta kasi."
"Sure!" mabilis naman na pagpayag nito. Kaagad din na nagtungo sa kusina si Alfa upang lutuin ang nire-request ng amo.
Natulala sina Wiz, Francis at Mike sa kagandahan ng bagong kasambahay. Hindi rin kasi ugali ni Uno na pasuotin ng uniform ang mga empleyado kaya sa unang tingin ay aakalain ng sinumang makakita na girlfriend niya ang naninilbihan.
"New hire mo?" mabilis na pakikiusyoso ni Wiz.
"Oo. Nag-resign 'yun mga dati kasi akala nila katapusan na ng mundo."
"Ang ganda!" paghanga ni Francis na bihirang magkumento tungkol sa mga babae. "Mukhang disente at mabait, ayaw mo bang ligawan?"
"Oo nga!" pagsang-ayon naman ni Mike. "Kung kasing-edad ko siya, ako ang manliligaw sa kanya. Masarap magluto, e. Dali, suyuin mo na!"
Dahil sa malakas ang pandinig ni Alfa, naririnig niya ang usapan mula sa dining room. Tuwang-tuwa siya sa pag-uudyok nila na ligawan siya kaya umasa pa siya na pakikinggan ng boss niya ang payo ng mga pinsan.
"Hindi siya ang tipo ko," matipid na sinagot ni Uno, taliwas sa inaasahan niya. Naglaho ang kanyang ngiti at muntikan nang mapa-iyak sa deklarasyon nito na kasinglamig pa ng yelo ang pamamaraan ng pagkakasabi.
"Isang linggo ko pa lang naman siya na kasama," pag-eengganyo niya sa sarili. Huminga na siya nang malalim upang hindi tuluyang pumatak ang mga luha.
"Masyado pang maaga upang sumuko."
Pagkatapos niyang maluto ang cheesedogs ay nagtungo na siya sa kinaroroonan ng magpipinsan. Nilapag niya sa mesa ang dalawang dosenang piraso ng ulam.
"Here you go," sinambit niya habang hinahain ang kapipritong ulam. Medyo nasaktan man sa nasabi ng lalaking gusto, pilit pa rin siyang ngumiti upang hindi mahalatang nagdadamdam. "Enjoy!"
"Sumabay ka na," pag-aya naman ni Uno. Lingid sa kaalaman niya, kaagad na napansin pala nito ang lungkot sa kanyang ekspresyon kaya nabahala ito na baka na-a-out of place na siya sa kanilang magpipinsan. "Umupo ka na riyan at mag-almusal muna."
"Mamaya na, Boss," pagtanggi niya. Nahiya kasi siya na baka akalain ng mga bisita na abuso na siya sa amo. Kahit na noong mga nakaraang araw ay sabay silang kumakain, alam pa rin naman niya ang estado bilang kasambahay kaya pinili niya munang tumambay sa kusina.
"Sige na," pamimilit pa rin nito na kumain na siya. "Ikaw rin, baka maubusan ka ni Mike ng pagkain."
"P-Pero..."
Nang mapansin na nag-aalangang makisama si Alfa sa kanila, tumayo na si Wiz at inurong ang upuan kung saan malapit si Uno.
"Halika! Huwag ka nang mahiya," pag-alok na nito.
"Sige. Thank you po," pagpayag at pagpapasalamat na lang niya kahit nahihiya pa na makisalo sa kanila.
Inabot naman ni Uno ang sinangag upang makakain na siya.
"Magpakabusog ka," panuto pa nito habang sinasalinan naman siya ng hotdog sa pinggan. Nang dahil sa pag-aasikaso nito sa kanya, tuluyan nang napangiti si Alfa at naging kumportable sa piling nito at ng mga pinsan.
Hindi niya inaasahan na sa ganda ng itsura at estado sa buhay ng mga Semira ay napaka-humble pala nila at masaya pa na kasama. Dahil sa kaisa-isang anak at hindi masyadong napapansin ng mga magulang, ngayon niya na-realize na masarap palang mag-agahan kung may mga kasabay at kakuwentuhan.
"Ketchup?" pag-alok naman ng binata kaya sobrang kinilig na siya sa caring gestures nito.
"Sige, hihihi!" humahagikgik na sinabi niya habang inaabot ang bote. Medyo nakiliti pa siya nang hindi sinasadyang madampi ang palad nito sa kamay niya.
Noong mga nakaraang araw na magkasabay silang kumakain ni Uno, napag-alaman na niyang kahit hindi ito palakibo, maasikaso at good listener naman. Sa bawat pagkakataon na magkasama sila sa hapag-kainan, aminadong mas lalong nahuhulog ang loob niya. Kung minsan, nagde-daydream pa siya na mister na ito at nagsusubuan pa sila ng tapsilog.
"Hindi ka ba sinusungitan ni Uno?" paninimula nang mag-uusisa ni Wiz. Natutuwa at nagagandahan man sa babaeng katabi, kanina pa niya napapansin na may kakaiba rito. Malakas pa naman ang pakiramdam niya sa mga bagay na hindi nakikita o napupuna ng karaniwang mga tao kaya hindi nakawala sa paningin niya ang enerhiya ni Alfa na hindi pang-Earthling. Nang dahil sa kuryosidad, napagpasyahan niyang makilatis na lang ito nang paunti-unti upang hindi magmukhang agresibo. "Pagpasensyahan mo na kung may grumpy moments siya, ha. Lolo na kasi 'yan."
"Naku, hindi po siya masungit," mabilis na pagtanggi naman ng kinikilala. "Mabait nga e! Super!"
"Mabait?" hindi makapaniwalang inulit pa niya. "Kailan?"
"Palagi po. The best boss in the world!" pagpuri pa nito kay Uno na interesadong malaman kung ano nga ang tingin ni Alfa sa kanya.
"Then, good! Basta, sabihan mo ako kapag hindi behave, ha?" pagbibilin pa rin ni Wiz. "Dahil kapag hindi, sasabunutan at kukurutin ko itong bruha na ito!"
"Sampalin kaya kita, bruho ka!" Naiinis na sinagot na ni Uno sa binibintang ng pinsan sa kanya na masungit daw siya. "Ang tagal na nating magkakasama at saksi ka pa nga sa sobrang kabaitan ko. Huwag mo nga akong siraan kay Alfa at baka bunutin ko pa ang kilay mo!'
"Tignan mo, Alfa. Ganyan ako pagbantaan ni bossing mo!" pagbibiro pa rin ni Wiz. "Dati, sinabi naman niya na ipapa-shave niya ang buhok ko sa ilong, hahaha! Pero seryoso, masanay ka na sa usapan namin na ganito. Ganyan lang talaga 'yan pero deep inside, mabait naman."
"Tama ka, mabait nga siya. Promise!" pagsang-ayon naman ni Alfa habang nakataas ang kanyang kamay na tila na nanunumpa sa watawat. "One hundred percent!"
"Mabuti naman!" patangu-tangong sinabi ni Wiz habang sinasalinan ng brewed coffee ang kanyang tasa. Mataimtim na tumitig ito sa itim na likido at pagkatapos naman ay sa dalaga habang tinatanya kung nararapat ba na subukin kung ano ang kakayahan nito. Pagkatapos ng ilang sandaling pagtitimbang ng posibleng mangyari, tumayo na siya at sinadyang masagi ang mangkok at baso na nakalagay sa kanyang kanan.
"Ay!" napatili si Alfa. Kasingbilis ng hangin na nasalo niya ang dalawang babasagin bago pa man dumampi at magkapira-piraso sa sahig. Napaawang ang mga labi ni Francis at Mike nang dahil sa nasaksihan. Maging si Uno ay napansin ang tulin ng dalaga na halos imposible para sa isang tao.
Bigla-bigla ay nagseryoso ang ekspresyon ni Wiz. Gaya nga nang inaasahan, napatunayan niyang may kakatwa sa kasambahay na nakuha ng pinsan. Ganoon pa man, hindi pa rin siya nagpahalatang may nalalaman at baka matakot pa ang mga kadugo. Tutal naman ay mukhang mabait at mapagkakatiwalaan si Alfa, pinalagpas na lang niya ang naging obserbasyon.
Gaya ni Wiz, tahimik din pala na nag-oobserba si Uno. Katulad din ng pinsan, pinili niyang manahimik sapagkat para sa kanya, harmless naman ang dalaga.
"OK ka lang?" pangungumusta ni Wiz. "Sorry ha, medyo naging lutang ako kanina."
"Oo, mabuti na lang at nasalo ko," inosenteng tugon ni Alfa na wala palang ideya na hindi niya kasingbilis ang reflexes ng mga tao sa Earth. Para kasi sa kanila na taga-Galaxy 100,000,007, normal lang ang ganoong kilos kapag nasa peligro o kaya naman ay emergency. "Kinabahan ako doon, a!"
Umupo na siya at sinalinan naman ng kape ang isang tasa at nakangiting inabot iyon sa babaeng kinikilatis.
"Alfa Starr, tama ba?" pag-uusisa naman niya habang nakatukod ang palad sa kanyang pisngi. Bahagyang namungay pa ang kanyang mga mata habang tinitignan ang dalaga. Manghang-mangha kasi siya na may makausap na hindi ordinaryong tao at sa likod ng kanyang isipan, naging interesado rin siyang malaman kung paano nga ba mamuhay ang isang katulad ni Alfa. "Parang nagmula ka sa kalangitan. You're shining like a real star!"
"H-Ha?" kinakabang nasambit na ng pinupuri. Imbis na ma-flatter, sa palagay niya ay may pagka-creepy pa ang nabanggit ni Wiz. Maayos man itong makipag-usap, ramdam na ramdam naman niya na binabasa nito ang pagkatao niya.
Lumakas ang kaba niya lalo nang magtama ang mga paningin nila. Mula sa brown eyes ni Wiz, nasalamin pa niya ang sarili na tila ba nagpapahiwatig na alam nito ang pinakakatago-tago niyang sikreto na taga-ibang planeta siya. Aminadong medyo natatakot din dahil kapag hindi ito nakangiti ay mapagkakamalan na delikadong lalaki. Malakas ang paniniwala niyang mabuting tao naman ito ngunit hindi niya maiwasang mailang sa mga mataimtim na titig nito sa kanya.
"Ang cute ng name mo," pagbawi rin naman ng binata nang makaramdam na medyo nasisindak na si Alfa sa kanya. Sinikap na niyang gawing mas masaya ang usapan upang hindi na ito mailang pa. "At, ang cute mo rin. I like your hazel eyes. They're very rare!"
"A, e, t-thank you po," nauutal na sinagot ng kinikilatis. Napalunok pa siya nang makailang beses sa nerbiyos at pagkabahalang mabibisto na isa nga siyang alien.
"Relax ka lang. Kung maka-po ka sa akin parang ang tanda ko na. Chillax ka lang, bata pa ako atsaka hindi naman ako bad. Sadyang matanong lang ako sa mga bagong friends," pagpapakalma na ni Wiz upang mabawasan na ang pagkaaligaga ng kausap. "Pagpasensyahan mo na rin ang mga mata ko na kakaiba. Mukha raw talaga akong demonyo kapag seryoso. Sorry na."
"Demonyo? Hindi a!" pagkontra ni Alfa sa deklarasyon nito. Nakahinga na rin siya nang maluwag nang mapagtantong palakaibigan lang pala ang kausap at walang dapat ikatakot. "Medyo matalas ang mga mata mo pero ang pogi mo lalo na kapag ngumingiti! Mas friendly ang aura mo kaya smile ka lang palagi."
Mabilis na gumuhit ang malawak na ngiti sa gwapong mukha ng binata. Tila ba naging maliliit na arko ang singkit nitong mga mata kaya nagmukha pa itong anime character.
Kung kanina ay medyo natatakot si Alfa kay Wiz, kaagad na napalitan ang pakiramdam niya ng paghanga sapagkat tunay na nakakahumaling ang ngiti nito. Hindi na niya malaman kung sino ba ang mas madating sa magpinsang si Wiz at Uno. Sa katunayan ay hindi niya matukoy kung sino ang mas pinagpala sa kagandahang-lalaki sa mga kasabay kumain dahil magkakaiba ang kanilang charm at tipong mga habulin ng mga babae.
"Gusto ko na siya. Pogi raw ako! Hahaha!" maligayang ipinagmalaki naman ng lalaking hinahangaan sa mga pinsan.
Naging matalim ang titig ni Uno dahil sa sinabi nito na tila ba may "gusto" nga sa kasambahay. Sa katunayan ay medyo naiinis nga siya dahil sa nasaksihang kakatwang pamamaraan ng pagkilala ni Wiz kay Alfa. Halatadong interesado ito sa babae at nagawa pang humirit ng may kaunting harot.
"I really like you, Alfa. Hopefully, we could be friends!" tuwang-tuwa na deklarasyon pa ng pinsan kaya naningkit na ang mga mata niya at padabog na inurong ang plato palayo sa kanya.
"Tsk!" hindi niya napigilang naging reaksyon, dahilan upang mapalingon sa gawi niya si Wiz.
Nang mapansin na tila ba dadambahin na siya ng pinsan at ipa-flush sa inodoro nang s*******n, na-realize niya na sumobra na pala ang pagiging friendly niya. Napatunayan din niya ng mga oras na iyon na may namumuong pagtingin na nga si Uno sa empleyado kaya mas ginawa niyang klaro ang deklarasyon kanina lamang upang walang maganap na selosan.
"Gusto ko siya na maging parte ng ating pamilya! Kung gusto mo siyang ligawan, 'di ako kukontra!"
Nag-blush si Alfa dahil sa narinig.
Tuwang-tuwa siya sapagkat feeling niya talaga ay welcome na welcome siya sa family!
Napailing-iling naman si Uno at napairap na lang bilang tugon sa deklarasyon ni Wiz. Upang hindi na ma-awkward, sinalinan na lang niya ng fried rice si Mike na hanggang ngayon ay wala pa rin kabusugan.
Maligaya silang nagsalu-salo sa almusal. Kahit na kakakilala pa lamang ni Alfa sa tatlong kalahi ng bossing niya, palagay na ang loob niya sa kanila. Madali lamang niyang nasakyan ang kakulitan nila dahil kahit mga pilyo ay gentleman pa rin naman sila.
"Sige, aalis muna kami," pamamaalam na ni Wiz pagkatapos maubos ang iniinom na kape. "Ihahatid ko pa sa school si Mike maya-maya at i-eenrol ko pa si Francis sa college. Maiwan muna namin kayo, ha. Boys, let's go!"
Lumisan na ang tatlong pinsan at naiwan sina Uno at Alfa sa dining room. Ilang sandali rin silang nagpakiramdaman kung sino ang magsisimulang magsalita.
"Tapos ka na bang kumain?" pagtatanong sa kanya ni Uno upang mabasag na ang katahimikan.
"Oo, tapos na." Tatayo na sana siya upang magligpit ngunit inunahan na siya ng binata. Pinagpatong-patong na nito ang mga plato at akmang dadalhin na sana ang mga hugasin sa kusina.
"Ako na po, Boss!" pagpigil niya rito.
"Ako na."
"Hindi po, ako na," pamimilit pa rin niya.
"Kakalaba mo ng mga kurtina at kumot, at kakaluto mo lang kaya hayaan mo na akong makatulong," pagmamatigas na ni Uno.
"Trabaho ko talaga ito." Kinuha na niya mula sa mga kamay nito ang mga pinggan upang hindi na makatutol pa. "Hindi pa naman ako pagod."
Napakamot ng ulo si Uno dahil desidido ang kasambahay na tapusin ang lahat ng gawaing-bahay. Nag-aalala na rin siya na baka mapagod at ma-burnout ito dahil kulang siya sa mga tauhan.
Ganoon pa man, makailang beses na niyang napansin na kakaiba nga ang lakas at liksi ni Alfa. Katulad ni Wiz, palaisipan talaga sa kanya ang pagkatao nito.
Kahapon lamang, pagkagaling sa race car driving event ay nahuli niya ito na binuhat ang sofa gamit lamang ang isang kamay. Tinulak din nito ang isang yakal na cabinet na kinakailangan ng apat na lalaki ang magbuhat.
"Alien yata ito," pagdududa niya habang pasikretong nagmamasid. "Si Supergirl o Wonder Woman ba siya?"
Bahagya siyang nabahala sa nasaksihan. Pinilit na lang niya iyon na isawalang-bahala dahil mukhang mabait at friendly naman ang dalaga.
Sa kadahilanang wala naman siyang lakad ay nagpasya muna siyang maglinis ng bakuran. Kinuha niya mula sa maliit na bodega ang lawn mower at sinimulan nang tabasin ang mga d**o na humaba na dahil ilang araw rin na hindi na-trim. Pagkatapos ay winalisan naman niya ang mga dahon at inilagay sa sako.
Hindi niya namalayan na nasa likod na pala niya si Alfa at kanina pa siya pinagnanasaan, este, pinapanood.
Kahit kasi naka-sando at jersey shorts lang si Uno ay kitang-kita pa rin ang kakisigan niya. Pawisan na rin siya kaya bakat na mula sa manipis na kasuotan ang kanyang abs. Sa bawat paggalaw niya ay nape-flex pa ang kanyang biceps kaya mas lalong naloka lalo ang dalaga sa magandang pangitain.
Napadila pa ito sa labi dahil sa yumminess overload na mayroon si Uno Emir Semira.
"Gwapo na, masipag pa. Keeper talaga!" bulong ni Alfa sa sarili.
Naglakas-loob na siyang lumapit upang mapansin ng lalaking pinapangarap.
"Boss?" nahihiya niyang tinawag ito. "Heto, tuwalya. Pinagpapawisan na po kasi kayo."
"Salamat." Inabot ni Uno ang towel at pinunasan ang kanyang mukha. Pinatong muna niya iyon sa garden table at nagtungo sa labas ng gate upang ilabas ang nakolektang tuyong mga dahon at natabas na mga d**o.
Tinitigan niya ang naiwang tuwalya sa may mesa. Lumingon-lingon siya at nang mapansin na walang nagmamasid ay dinampot niya iyon at tumakbo pabalik sa loob at nagkulong sa kanyang kwarto.
Tuwang-tuwa pa siya na mahawakan ang tuwalya na basang-basa ng pawis ni Uno.
"Ang bango!" Dinikit niya iyon sa ilong at mas nilanghap ang nakahuhumaling na amoy ng lalaki. Maya't-maya ay dinilaan niya iyon. "Jusme, patawarin! Tama nga ang hinala ko!"
Humiga siya sa kama at gumulong-gulong dahil sa sobrang excitement.
"Ang sarap niya!"
Mga ilang minuto ang lumipas na nagmumuni-muni si Alfa habang yakap-yakap ang tuwalya na may pawis ng lalaking pinapantasya. Natauhan lang siya nang narinig na may kumalabog. Sumilip siya mula sa pintuan ng silid at natagpuan si Uno na may bitbit na mga labahin. Simundan niya ito ng tingin habang patungo ito sa likod-bahay kung nasaan ang washing machine.
"Hmmm..." pag-iisip niya. "Bakit kaya hindi niya pa pinasabay ang maruruming damit niya sa mga nilabhan ko kanina?"
Sumunod siya rito upang mag-offer ng tulong at maki-chika na rin. Ilang beses na kasi niyang hinahanapan ng tamang tiempo para maka-one on one ang crush niya. Madalas kasi ay busy ito upang dumalo sa mga practice sa racing o kaya naman sa mga publicity events kaya bihira niya lang makasama ito nang matagal sa bahay. Napag-isipan na niya na ito ang tamang panahon para maka-bonding ang amo.
"S-Sir," pagtawag niya rito. Lumingon ito sa kanya na may pormal na itsura kaya medyo na-intimidate siya. May pagkasuplado kasi ang dating nito kapag nagseseryoso at mapagkakamalan pa na bad boy. Nakahinga siya nang maluwag nang ngumiti ito sa kanya.
"Yeah," tugon nito sa kanya.
"Ako na ang maglalaba," maligaya niyang alok. "Maupo ka na lang sa may sala at ipagtitimpla kita ng juice para makapag-relax."
"Madali lang ito," tugon ng kausap habang pinaghihiwalay ang mga damit ayon sa kulay.
"A...e...ako na...hihihi...nakakahiya na ako ang kasambahay rito pero mas marami ka pang ginagawa kaysa sa akin."
"Walang problema, kahit naman noon pa, ako na ang naglalaba ng mga damit ko," pagpapaliwanag na na ni Uno. Sa kadahilang medyo naiilang siya sa presensya ng napakagandang dalaga, napasobra ang pagbuhos niya sa bote ng liquid detergent. Napasimangot siya nang mahulog ang kalahati ng laman sa washing machine.
"Tsk! Sayang!" naiinis na naisip niya. "Bahala na nga. Mabula na kung mabula!"
"Ayan na nga ba, Boss. Pagod ka na. Ako na nga dapat ang maglalaba!" suhestiyon na niya upang pumayag sa nais ang amo. Lumapit na siya upang abutin ang basket ngunit mabilis siyang pinigilan nito.
"Ako na," pagtanggi ni Uno kasabay ng paglayo ng lagayan ng mga damit. Itinaas pa niya iyon palayo upang hindi maabot ng kausap. Ngunit kasabay ng pag-angat niya, nahulog ang ilang maruruming damit sa sahig. Sa kasamaang-palad, tumilapon sa mukha ni Alfa ang branded na boxer briefs niya. Napasinghap ang kaawa-awang biktima ng Calvin Klein special edition undies at halos himatayin pa.
O-OK ka lang ba?" halos mautal na pangungumusta ng binata. Kung hindi lang nakakabawas ng pogi at macho points ay baka napatili na rin siya nang dahil sa panic at kahihiyan. Dahan-dahan niyang kinuha mula sa ulo ni Alfa ang panloob na kakasuot pa lamang. Na-conscious tuloy siya sapagkat batid niya na mamasa-masa pa iyon ng pawis. Nagpasalamat tuloy siya na sosyal ang sabon niya sa katawan kaya makapit ang samyo noon. Umasa siya na kaaya-aya pa rin ang amoy niya kahit medyo "eeew" pa na pa-wet and wild ang undies niya.
"Grabe, pati brep, ang bango!" Tuwang-tuwa pa na naisip ni girlash habang dumudulas palayo sa mukha niya ang underwear.
"Halika nga rito," pag-alalay na ni Uno nang mapansin ang pagkatulala ng kasama. Hinawakan niya ang braso nito upang maakay. "Umupo ka nga muna. Bakit kasi napakakulit mo?"
Na-hurt bigla ang feelings ni Miss Alien dahil napagtanto niya na nakukulitan na pala talaga ang sinisinta sa kanya. Lumunok siya ng ilang beses upang mawala ang paninikip ng lalamunan at mapigilan ang sarili na umiyak.
"Sorry na," paghingi niya ng paumanhin. Kahit anong pigil niya ay nangilid pa rin ang luha sa mga mata niya. "Tama ka, makulit nga ako..."
"Hindi! Hindi 'yun ang ibig kong sabihin," pagtatangkang pagbawi ni Uno sa nasabi nang ma-realize na minasama pala ng kausap ang pag-aalala niya. "Ang sa akin lang ay huwag ka nang mag-abala pa. Hindi ko kasi talaga ipapalaba sa iba ang underwear ko."
"G-Ganoon ba? Dahil po ba, Calvin Klein 'yun? Balita ko, mahal nga 'yan. Hindi ko naman nanakawin, promise!"
"Hindi." Napatapik pa siya sa noo dahil sa kakatwang dahilan na naisip ni Alfa. Mapa-anong brand pa man, hindi kaya ng kunsensya niya na ipalaba ang panloob sa mga kasambahay. Dyahe rin daw kasi at baka pagtsismisan ang amazing na sukat niya at ibenta pa online ang brief niya. May isang kasambahay kasi siya dati na tinangay ang nakasampay niyang Versace* at pinagtangkaang ibenta sa Lazada*. Maswerte lang at siya rin mismo ang nakabili dahil siguradong explosive ang news kapag nalabas sa publiko ang semi-transparent at limited edition na underwear niya.
(Hindi po actual na nangyari sa Lazada at wala rin kinalaman sa limited edition ni Versace.)
"Kasi...kasi nakakahiya!" nag-aalangan na pag-amin na niya.
"Ay!" napatili na siya nang ma-gets ang pinapahiwatig sa kanya.
Nang dahil sa magkahalong hiya at inis sa sarili, tumakbo siya pabalik sa loob ng bahay at nagkulong sa silid. Doon ay hindi na niya napigilang lumuha sapagkat pakiramdam niya ay nabawasan ang chance niya na magustuhan ng pinakamamahal niya. Nasa kalagitnaan siya nang pagdadalamhati nang marinig na may kumakatok sa may pintuan.
"Alfa," masuyong pagtawag ng lalaking nakapagpaiyak sa kanya nang hindi sinasadya. "Magtitimpla ako ng juice. Tara, saluhan mo ako!"
Kaagad niyang pinunasan ang luha sa mga pisngi nang marinig ang tinig nito. Kaunting pagsuyo lamang ay mabilis nang nawala ang pagdaramdam niya. Sumilip pa siya sa may salamin upang masiguro na hindi siya mukhang haggard.
"Sandali lang," sinambit niya habang nagpa-powder upang magmukha siyang fresh muli. Nagmamadali niyang pinahid sa mga labi ang liptint upang mabuhayan muli ang kanyang aura.
Nang makita na presentable na siya, binuksan na niya ang pinto. Halos masilaw siya sa mala-Adonis na ngiting pagbati sa kanya ng binata.
"Ikaw talaga, may pagkaiyakin ka pala," panunukso ni Uno sa pinakamalambing na paraan na makakaya niya. "Masanay ka na sa akin, lutang talaga ako paminsan-minsan at hindi alam ang mga pinagsasabi. Kaya ngayon pa lang ay humihingi na ako ng pasensya."
"Naku, wala na iyon," paniniguro niya. "Madamdamin lang kasi talaga ako. At sorry kasi may pagkamakulit ako!"
"I'll be honest. Natutuwa ako sa iyo. I don't know why, pero there's something about you that pleases me," pagtatapat na ni boylet dahit totoo naman na sa unang pagkakita pa lamang niya rito ay palagay na ang loob niya. "You're being yourself. In fact, I find your gestures to be very sweet and caring!"
Namula ang mga pisngi ni Alfa sa mga papuri na nagmumula sa dream boy niya. Tinitigan niya ito sa mga mata upang mapatunayan na hindi nga siya binobola nito. Kung hindi lamang siya mapagkakamalang manyak ay sinunggaban na niya ito at inulan pa ng mga halik. Umaapaw ang tuwa niya dahil sa wakas ay na-acknowledge na nito ang tender loving care niya.
"Ikaw rin, napakabuti mo nga sa akin. Ang sweet mo rin," pabebe niyang deklarasyon with matching pa-beautiful eyes pa.
"Kaya nga ba araw-araw nafo-fall ako sa iyo deeper and deeper everyday, Mr. Semira!" kilig na kilig niyang pahayag, gamit ang isipan.