Kabanata 1.1

1277 Words
Kylie Natigilan ako sa paglilinis ng hawak kong baril nang marinig ko ang biglang paghinto ng makina ng isang sasakyan. Mula sa pagkakaharap ko sa salamin ay tinungo ko ang bintana at bahagyang hinawi ang puting kurtina upang sumilip sa labas. Mariin kong ipinagdikit ang mga labi nang makita si Papa na bumaba mula sa isang kulay itim na Rolls-Royce. Ngayon lang siya nakauwi magmula nang umalis siya kagabi. Kahit hindi siya magsalita ay paniguradong may kinalaman na naman ang pinuntahan niya sa underground society. Napailing ako at muling isinara ang puting kurtina bago bumalik sa harap ng tukador. Itinago ko ang hawak na baril sa pinakaibabang drawer bago nagsimulang magbihis. Nang matapos ay namili naman ako ng susuotin kong relo. Napangiti ako nang makita ang paborito kong kulay itim na smartwatch. Mayroon itong built-in GPS tracker, camera at microphone. Agad ko itong sinuot bago ko kinuha ang backpack sa ibabaw ng kama at lumabas na ng kuwarto. Sa pagbaba ko ng hagdan ay agad akong dumiretso sa hapag kainan. Doon ay naabutan ko si Papa na kasalukuyang kumakain ng almusal. “Papasok na po ako,” paalam ko sa kanya. Uminom muna siya sa tasa na naglalaman ng kape bago nagsalita. “You take care. Call me if something happens,” he casually said without even looking at me. Humigpit ang pagkakahawak ko sa strap ng dala kong backpack. Sa isang iglap ay para bang may nagising na damdamin ang mga salita niyang ’yon sa kaloob-looban ko. “Hindi pa po ata nangyari na nasa tabi ko kayo sa tuwing may nangyayaring masama sa ’kin,” hindi ko napigilang akusa sa kanya. Natigilan naman siya bago nag-angat ng tingin sa ’kin. Pinigilan ko ang pagbangon ng konsensyang naramdaman nang makita ang tila pagod na niyang mukha. “You don’t use that kind of tone to me, young lady,” he said in a menacing tone. Napaiwas na lang ako ng tingin habang pinananatiling walang emosyon ang aking mukha. “I’ll go ahead,” I repeated. All I want right now is for this little conversation to come to an end. Hindi ko na siya hinintay na umimik pa at dali-dali na akong tumalikod para umalis. Walang ibang ingay na maririnig sa paligid kung hindi ang tunog lamang na nagmumula sa suot kong boots nang dahil sa bigat ng bawat paghakbang ko. Pero hindi ito kasing bigat ng nararamdaman ko ngayon. Sa paglabas ko ng mansyon ay agad akong sinalubong ng dalawa kong personal na bodyguard. “Good morning, Young Miss,” nakayuko at magalang na bati nina Vien at Arc. Matanda lamang sila ng tatlong taon sa ’kin. Hindi ako umimik. Tinanguan ko lang sila bago ako diretsong pumasok sa loob ng nakabukas ng sasakyan. Agad na isinandal ko naman ang ulo sa headrest. Papasok pa lang ako pero ang pagod na nararamdaman ko ay pauwi na. “Didiretso na po ba tayo sa university?” tanong ni Vien na siyang magmamaneho. Naiiling na tumingin ako sa labas. “Wag muna.” “Masusunod po.” Ilang sandali pa ay pinasibad na niya paalis ang kotse. Alam naman niya kung saang lugar ko muna gustong pumunta. “Ayan na ba ang ipinabili ko?” tanong ko kay Arc nang mapansin ang bungkos ng kulay pulang rosas na hawak niya. “Opo, Young Miss.” Malalim akong napabuntonghininga. “Okay.” Ilang sandali pa ay nakarating na kami sa Paradise Memorial Park. Dumiretso kami sa pinakadulo nito bago tuluyang huminto. Sa pagbaba ko ng kotse ay agad na inabot sa ’kin ni Arc ang hawak na bulaklak. Pinaglipat ko naman ang tingin sa kanilang dalawa. “Dito lang kayo,” mariin kong bilin. Napatungo naman sila. “Masusunod po.” Naglakad na ako palayo sa kanila bago tumigil sa harap ng magkatabing lapida kung saan ay nakaukit ang pangalan ng matalik kong kaibigan at kanyang ama. Dahan-dahan akong lumuhod at ibinaba ang bungkos ng bulaklak sa pagitan ng dalawang lapida. Mas lalong bumigat ang kalooban ko nang muli kong maalala ang isang mapait na pangyayari mahigit tatlong taon na ang nakararaan. Nang araw rin na ’yon ay nagkaroon din ako ng malay. Ngunit ang bumungad sa ’king paningin ay ang pamilyar na kulay puting kuwarto ng hospital. Kahit alam kong imposible ay umasa pa rin ako noon na kahit papaano ay nagawang makaligtas ng mag-ama sa trahedyang kinasadlakan nila nang dahil sa ’kin. But they are declared dead on arrival, according to what Papa has told me. Ikinuyom ko ang kamao. Sakto lang daw ang naging dating ni Papa noon kasama ang iba pa sa mga tauhan namin kaya kahit papaano ay nailigtas pa ako. Pero ng tanungin ko siya tungkol sa lalaking nakamaskara na bumaril sa mag-ama ay wala naman daw silang naabutan na nakasuot ng maskara sa mga kalaban na lubos kong ipinagtaka. Nasisiguro ko na hindi naman niya aalisin ’yon para protektahan ang pagkakakilanlan niya. Ngunit paano niya nagawang makaalis nang ganoon kabilis? Pakiramdam ko ay mas lalong nanakit ang ulo ko nang muli ko na namang maisip ang tungkol sa kriminal na ’yon. Ilang taon na ang nakalilipas pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nabibigyan ng hustisya ang nangyari kina Adrian at Tito Seb. Lingid sa kaalaman ni Papa ay gumagawa ako ng sarili kong imbestigasyon tungkol sa nangyari. Sa pagkakaalam ko ay nabuwag na ni Papa ang grupo na umatake sa mansyon noon at nagawa na nilang patayin ang namumuno rito. Pero dahil wala akong kahit na anong impormasyon tungkol sa lalaking bumaril kina Adrian at Tito Seb ay hindi ako puwedeng makampante na kasama siya sa mga naidispatsa na ng mga tauhan namin. Dahil baka mamaya ay pakalat-kalat pa rin siya sa paligid at naghahanap lang ng tiyempo upang muling umatake. Alam kong mistula akong bulag na kumakapa sa dilim. Pero balang araw ay malalaman ko rin ang pagkakakilanlan ng lalaking ’yon. Sa ngayon ang mga bagay na alam ko lang tungkol sa kanya ay ang kanyang kulay tsokolate na mga mata na bigla na lamang namula at pamilyar na tinig. Tila sirang plaka na paulit-ulit ko itong naririnig maging sa panaginip ko nitong mga nakalipas na taon. Sa totoo lang ay hindi kasama sa pangarap ko na pamunuan ang Aragon Mafia. Pero kung ito lang ang tanging paraan para maipaghiganti ko ang nangyari kina Adrian ay gagawin ko. Hindi ako sumailalim sa masusing pagsasanay ng ilang taon para lang sa wala. Ang mahinhin na ako ay tuluyan ng naglaho magmula noong araw na ’yon. Napayakap ako sa sarili ko nang biglang lumakas ang ihip ng hangin. Hanggang sa natigilan ako at marahas na nagpalinga-linga sa paligid. Pakiramdam ko kasi ay mayroong nagmamasid sa ’kin. Ngunit tanging sina Vien at Arc lang ang nakita ko na pawang alertong nakabantay. May iilan pa kaming mga tauhan na alam kong nakasunod sa ’min ayon na rin sa utos ni Papa. Pero mayroon silang sapat na distansya dahil mas lalo lang akong nakakaramdam ng iritasyon sa dami ng nakabuntot sa ’kin. Magmula pa naman noon ay hindi ko na talaga gusto ang magkaroon ng bodyguard. Mas lalo naman ngayon na kaya ko ng protektahan ang sarili ko. Pero hindi naman nakikinig sa ’kin si Papa. Kaya sa bandang huli ay ako na lang ang sumuko. Nakakapagod kasi ang makipagtalo sa kanya. Muling bumaba ang tingin ko sa dalawang lapida sa harapan ko. Masuyo kong hinaplos ang mga letra na nakaukit doon kasabay ng pagpatak ng luha sa ’king mga mata na kanina ko pa pilit na pinipigilan. “It may take a little longer, but I swear that justice will be served for what happened to both of you. I promise.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD