Biyernes ng gabi. Para kay Vanessa, ang mga sandaling tulad nito ay sagrado. Ito ang oras para sa pagpapahinga, para sa pag-recharge ng katawan at isip pagkatapos ng isang linggong puno ng nakakapagod na training at acads. Ngunit habang nakatayo siya sa labas ng 7-Eleven, hawak ang isang baso ng kapeng malamig na, ang isip niya ay malayo sa kapahingahan. Ito ay puno ng isang pangalan.
Rence Villanueva.
"Mag-ingat ka sa paglalakad."
Isang simpleng pangungusap, pero mula sa lalaking iyon, parang isang kumplikadong code na kailangan niyang i-decrypt. Walang emosyon ang pagkakasabi, pero may bahid ng... isang bagay. Hindi niya matukoy. Pag-aalala? Paalala? O baka naman isang de-kahon na tugon lang talaga?
Napailing siya habang nagsimulang maglakad pauwi. Ang subdivision kung saan sila nakatira ay tahimik at payapa, isang malaking kaibahan sa magulong mundo sa loob ng unibersidad. Ang bawat bahay ay may kanya-kanyang kwento. Ilang kanto mula sa kanila ay ang bahay ng mga Villanueva. Mula sa labas, mukha itong perpekto-malaki, moderno, at laging malinis ang hardin. Pero alam ni Vanessa na ang mga pader ay magaling magtago ng mga sikreto.
Minsan, noong second year sila, nakita niya si Rence na nakaupo sa gutter sa tapat ng kanilang bahay, hatinggabi na. Nakatingala lang ito sa langit, hindi gumagalaw, na para bang isa siyang estatwa. Hindi niya ito pinansin noon, inakalang nagpapahangin lang. Ngunit ngayon, habang inaalala niya ang eksenang iyon, naiisip niyang baka may mas malalim na dahilan. Ang lalaking nakita niya noon ay hindi ang aroganteng campus crush, kundi isang taong mukhang pasan ang buong mundo.
Ilang bahay pa ang kanyang nilagpasan hanggang sa makita niya ang motorsiklo ni Rence na naka-park sa labas ng gate ng mga ito. Napahinto siya sandali. Ang itim na motor na iyon ay naging parte na ng pagkatao ni Rence sa campus. Ito ang simbolo ng kanyang pagiging mailap at malaya. Ngunit ito rin, ayon sa mga sabi-sabi, ay may kwento. Isang regalo raw mula sa isang taong importante sa nakaraan niya. Isang nakaraang walang sinuman ang nakakaalam.
Para kay Vanessa, na lumaki sa isang mundo ng kompetisyon, ang lahat ay isang laro na kailangang ipanalo. Sa volleyball, ang bawat set, bawat puntos, ay isang hamon. Sa acads, ang bawat exam ay isang kalaban. At si Rence Villanueva? Siya ang pinakamahirap na puzzle, ang pinakakumplikadong kalaban na nakilala niya. At sa isip ni Vanessa, wala siyang balak matalo.
Pagpasok niya sa kanilang bahay, sumalubong sa kanya ang amoy ng nilulutong adobo at ang masayang boses ng kanyang ina. "O, anak, nandyan ka na pala! Sakto, maluluto na ang hapunan. Kamusta ang araw mo?"
"Okay lang po, Ma. Medyo pagod lang sa training," sagot niya, sabay halik sa pisngi nito.
Ang tahanan nila ay kabaliktaran ng katahimikan sa bahay ng mga Villanueva. May buhay. May init. May pagmamahal. Ito ang kanyang santuwaryo.
Umakyat siya sa kanyang kwarto. Ang isang pader ay puno ng mga medalya at tropeo. Mga simbolo ng kanyang dugo't pawis sa court. Tinitigan niya ang mga ito. Bawat isa ay may kwento ng paghihirap at tagumpay. Sanay siyang makuha ang gusto niya basta't paghirapan niya.
Pero paano kung ang gusto mong makuha ay isang taong sarado ang puso at isip? Paano ka lalaban kung ang kalaban mo ay isang multo mula sa nakaraan na hindi mo kilala?
Humiga siya sa kama at pumikit. Ang mukha ni Rence ang lumitaw sa kanyang isipan-ang blangkong mga mata, ang bibihirang paggalaw ng mga labi, ang aurang puno ng misteryo.
Isang dahan-dahang ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. Isang ngiti ng isang manlalarong nakahanap ng isang karapat-dapat na laro.
"Rence Villanueva," bulong niya sa hangin. "Game on."
Lunes.
Para sa karamihan ng mga estudyante sa MOON University, ang Lunes ay simula ng isang bagong linggo. Simula ng mga bagong aralin, mga bagong pag-asa, mga bagong tsismis.
Para kay Rence, ito lang ay isa pang araw na kailangang tapusin. Isa pang limang araw na pagpapanggap at pag-iwas bago dumating ang isa pang weekend ng mapagpalayang katahimikan.
Ang pinakapaborito niyang lugar sa buong unibersidad ay hindi ang gym, hindi ang cafeteria, at lalong hindi ang classroom. Ito ay ang Filipiniana Section sa ikatlong palapag ng university library. Hindi dahil sa mahilig siyang magbasa ng mga gawa nina Jose Rizal o F. Sionil Jose. Kundi dahil sa isang partikular na armchair na nakatago sa pinakasulok na bahagi nito, sa pagitan ng isang estante ng mga lumang dyaryo at ng bintanang hindi na nabubuksan. Ang lugar na iyon ay laging madilim, malamig, at higit sa lahat, tahimik. Perpektong lugar para matulog.
Doon siya natagpuan nina Marco at Alex, isang oras bago ang kanilang klase sa Technopreneurship. Ang makapal na librong "Database System Concepts" ay nakapatong sa kanyang dibdib, dahan-dahang tumataas-baba kasabay ng kanyang malalim na paghinga.
"Hoy, gising!" sabi ni Marco, tinapik-tapik ang balikat ni Rence. Walang epekto.
"Pre, sunog!" sigaw naman ni Alex sa tainga nito. Bahagya lang itong gumalaw.
Napailing si Marco. "Grabe 'to matulog, parang may utang sa puyat. Ang ganda pa ng pwesto. Tingnan mo unan niya, pre," turo niya sa textbook. "Absorbent 'yan. Habang natutulog siya, pumapasok sa utak niya lahat ng knowledge."
Sa huli, isang malakas na yugyog mula sa kanilang dalawa ang nagpamulat sa mga mata ni Rence. Dahan-dahan siyang umupo, ang mukha ay lukot, ang buhok ay magulo. Tumingin siya sa mga kaibigan na para bang mga istorbo sila sa kanyang personal na paraiso.
"Ano?" tanong niya, ang boses ay magaspang dahil sa pagtulog.
"Anong 'ano'? Klase na natin sa ten minutes," sabi ni Alex. "Kung hindi ka pa namin ginising, baka hanggang bukas ka na dyan. Tara na."
Habang naglalakad sila sa pasilyo, sinimulan na ng dalawa ang kanilang misyon.
"So..." panimula ni Alex, na may mapanuksong ngiti. "Nakarating sa aming balita, Mr. Villanueva, na may ahasan ka palang ginagawa. Isang ahasan na naganap sa isang malamig at sagradong lugar na tinatawag na 7-Eleven."
Hindi umimik si Rence, patuloy lang sa paglalakad.
"Nakita kayo ni Jessica ng kabilang section!" pagpapatuloy ni Marco, puno ng excitement. "Magkausap daw kayo ni Queen Vanessa. 'Yung tingin daw sa'yo, hindi 'yung tingin na 'mamamatay-tao', kundi 'yung tingin na 'kinikilig-ako'. Ano'ng meron, pre? Umamin ka!"
Huminto si Rence sa tapat ng isang vending machine at bumili ng malamig na kape. Binuksan niya ito at ininuman na para bang wala siyang narinig.
"Ang daya mo, pre," reklamo ni Marco, sumandal sa pader. "Ako, sinubukan kong batiin 'yan kanina pagpasok sa gate. 'Good morning, Van!' sabi ko, with matching kindat pa. Alam mo ginawa niya? Tinignan niya lang ako mula ulo hanggang paa na parang isa akong ipis na naligaw sa kwarto niya. Tapos naglakad lang palayo."
"Ako nga, sinubukan kong tulungan sa dala niyang gamit," dagdag ni Alex. "'Tulungan na kita, Miss,' sabi ko. Ang sagot niya sa'kin, 'Kaya ko.' 'Yung lamig ng boses niya, pre, mas malamig pa sa aircon ng library."
"Exactly!" sabi ni Marco. "Siya ang Ice Queen ng MOON University. Lahat ng lalaki, sinusubukan siyang abutin, pero lahat nabibigo. Tapos ikaw, na wala namang ginagawa sa buhay kundi matulog at tumingin sa kawalan, ikaw pa 'yung pinapansin? Paano nangyari 'yun? Anong gayuma gamit mo?"
Nagkibit-balikat lang si Rence at nagsimulang maglakad muli. "Wala."
"Anong 'wala'?! Imposibleng wala!"
Nakarating sila sa isang open area na puno ng mga bench kung saan nagpapalipas ng oras ang mga estudyante. Umupo sila sa isang bakanteng lamesa. At na para bang itinadhana, sa di kalayuan, nakita nila ang isang grupo ng mga manlalaro ng volleyball. At sa gitna ng mga ito, tumatawa, ay si Vanessa.
Para siyang isang bituin na may sariling liwanag. Ang bawat galaw niya ay puno ng kumpiyansa.
"Ayan na siya, pre," bulong ni Alex, biglang umayos ng upo.
Nagkunwari sina Marco at Alex na may mahalagang pinag-uusapan, paminsan-minsan ay pasimpleng sumusulyap sa direksyon nina Vanessa, umaasang mapansin.
Nagtagumpay sila. Napansin sila.
O, mas tamang sabihin, napansin siya.
Biglang huminto sa pagtawa si Vanessa. May sinabi siya sa mga ka-team niya at, sa gulat nina Marco at Alex, nagsimula itong maglakad. Hindi palayo. Kundi papalapit. Direkta sa kanilang lamesa.
Nanlaki ang mga mata ni Marco. "Pre, papunta siya dito! Ayos lang ba itsura ko?"
Ngunit ang mga mata ni Vanessa ay hindi sa kanila nakatingin. Nakapako ito sa iisang tao lang.
Huminto siya sa harap ng kanilang lamesa, ang kanyang anino ay tumatabon kay Rence.
"Hoy, Villanueva," sabi niya. Ang boses niya ay hindi malamig. Hindi masungit. Ito ay mapaglaro.
Tumingala si Rence mula sa kanyang iniinom na kape, ang mukha ay walang pagbabago.
May inilapag si Vanessa sa lamesa. Isang maliit na itim na notebook. "Naiwan mo sa bus nung Biyernes," sabi niya. "Nakatulog ka na naman kasi. Buti na lang magkalapit lang tayo ng bababaan." Ang huling pangungusap ay sinabi niya nang may diin, isang paalala ng kanilang koneksyon bilang magkapit-bahay.
Tinitigan lang ni Rence ang notebook.
Nag-cross arms si Vanessa. "At..." dagdag niya, "utang mo pa sa'kin 'yung kape ko. 'Yung natapon dahil sa'yo."
Bago pa makasagot si Rence, o bago pa makahinga sina Marco at Alex, isang mabilis na kindat ang ibinigay ni Vanessa, sabay talikod at balik sa kanyang mga kaibigan na ngayon ay nakangisi na.
Sa loob ng sampung segundo, walang nagsalita sa lamesa. Ang tanging maririnig ay ang t***k ng puso nina Marco at Alex.
Biglang hinampas ni Marco ang lamesa. "ANO 'YON?! ANONG NANGYARI?!"
"SABAY KAYO SA BUS?!" sigaw ni Alex. "MAGKAPIT-BAHAY KAYO?! AT MAY UTANG KANG KAPE SA KANYA?! ANONG IBIG SABIHIN NG LAHAT NG ITO?!"
Kinuha ni Rence ang notebook, isinilid sa kanyang bag, at tumayo. "Maingay kayo," sabi niya, at nagsimulang maglakad palayo, iniwan ang dalawang kaibigan na naguguluhan at puno ng mga tanong na hindi masasagot.
Naglalakad si Rence sa isang pathway na napapalibutan ng mga puno. Wala siyang iniisip. Ang ingay ng kanyang mga kaibigan ay nawala na, pinalitan ng payapang tunog ng mga dahon. Ang isip niya ay isang kalmadong lawa.
Sa kanyang paglalakad, biglang may isang anino na mabilis na dumaan sa kanyang gilid. Isang babaeng tumatakbo, may hawak na sandamakmak na folder, at tila hindi nakatingin sa daan. Bago pa man makaiwas si Rence, bumangga ito nang malakas sa kanyang balikat.
BLAG!
Kumalat sa sementadong daan ang mga papel at folder. Ang salamin ng babae ay bahagyang dumulas sa kanyang ilong.
"Ay, sorry! Sorry po!" sabi ng babae, ang boses ay puno ng pag-aalala habang mabilis na pinupulot ang mga gamit niya.
Umupo si Rence para tulungan ito. Doon niya nakita nang malapitan ang mukha nito. Cute, na may matangos na ilong at matatalinong mga mata sa likod ng makapal na salamin. Kilala niya ang mukha, pero hindi ang pangalan. Ito ang Presidente ng kanilang BSIT Department.
"Okay ka lang?" tanong ni Rence, ang boses ay kalmado, habang inaabot ang huling folder.
Nang mag-angat ng tingin ang babae at makita kung sino ang nasa harap niya, nanlaki ang mga mata nito. Ang kanyang mga pisngi ay bahagyang namula. "R-Rence Villanueva," nauutal niyang sabi. "Oo, okay lang ako. A-ako dapat mag-sorry. Nagmamadali kasi ako. May meeting."
Sa isip ng babae, para siyang nanalo sa lotto. Ang lalaking matagal na niyang lihim na hinahangaan mula sa malayo ay nasa harap niya ngayon, tinutulungan siya.
"Sige," sabi ni Rence, tumayo at nagpagpag ng pantalon. Tumalikod siya at nagpatuloy sa paglalakad na para bang walang nangyari, walang bakas ng interes o pagka-curious.
"Teka, salamat!" pahabol na sigaw ng babae, pero si Rence ay nagpatuloy lang sa paglalakad.
"Rence, teka!"
Isang pamilyar na boses ang tumawag sa kanya. Lumingon siya. Si Vanessa, tumatakbo papalapit sa kanya, bahagyang hinihingal.
"Ano na naman?" tanong ni Rence.
"Yung notebook mo," sabi ni Vanessa, huminto sa harap niya. "May naiwan ako sa loob."
Binuksan ni Rence ang bag niya at kinuha ang notebook. Binuklat ito ni Vanessa at mula sa pagitan ng mga pahina, kinuha niya ang isang maliit at kumikinang na silver hair pin. "Ito. Naku, buti na lang naalala ko."
Isasara na sana ni Rence ang notebook nang biglang mapansin ni Vanessa na nakatingin ito sa isang pahina. Ang pahinang iyon ay may sulat-kamay. Isang tula.
Biglang namula ang buong mukha ni Vanessa. "Hala! Uhm... 'wag mo nang basahin 'yan! Wala lang 'yan! Nabo-bored kasi ako kanina kaya... uhm... nagsulat-sulat lang ako dyan habang hinihintay kang magising sa library. Hehe."
Sa unang pagkakataon, nakita ni Rence ang isang emosyon kay Vanessa na hindi kumpiyansa o pang-aasar: hiya.
Hindi umimik si Rence. Isinara niya ang notebook at isinilid muli sa bag.
"So," pag-iiba ni Vanessa ng usapan, na medyo nakabawi na. "Yung kape. Bayaran mo 'yung utang mo. Mamayang hapon, pagkatapos ng last class ko. Sa labas ng gym." Hindi ito tanong; isa itong utos.
Tumango lang si Rence bilang pagsang-ayon.
Ngumiti nang malapad si Vanessa, ang kanyang kumpiyansa ay bumalik na. Habang tumatalikod siya para umalis, humarap siyang muli. "Good. Basta promise ha!"
Ang dalawang salitang iyon ay tumama kay Rence na parang isang malakas na suntok sa sikmura. Ang ingay ng campus ay biglang nawala. Ang mga puno ay naglaho. Ang sikat ng araw ay naging liwanag ng buwan.
Promise ha!
Biglang nag-iba ang paligid. Ang sementadong pathway ay naging malamig na buhangin sa dalampasigan ng Cieder. Ang hangin ay may dalang amoy ng alat. Katabi niya Ang Isang babae, nakasandal ang ulo nito sa kanyang balikat habang pinapanood nila ang mga bituin.
"Natatakot ako," mahinang sabi ng babae. "Paano kung pagdating ko sa college, magbago ang lahat? Paano kung... magbago tayo?"
Hinawakan ng batang si Rence ang kamay nito. Mahigpit. "Hindi mangyayari 'yun," sabi niya, puno ng kasiguraduhan. "Anim na taon. Anim na taon tayong matatag. Hinding-hindi kita iiwan. Hinding-hindi ako magbabago."
Tumingala sa kanya ang babae, ang mga mata nito ay kumikinang sa liwanag ng buwan. May bakas ng pag-aalinlangan doon, isang bagay na hindi nakita ng inosenteng Rence noon.
"Promise ha!" sabi ng babae, ang boses ay parang isang desperadong bulong. "Promise mo, walang iwanan. Kahit anong mangyari."
"Promise," sagot ni Rence, at hinalikan ito sa noo. Isang pangakong binitiwan niya nang buong katapatan.
Isang pangakong sinira nito nang walang bakas ng pagsisisi.
"Rence? Huy, okay ka lang?"
Ang boses ni Vanessa ang bumasag sa alaala. Nakabalik siya sa kasalukuyan, nakatayo pa rin sa pathway. Nakakunot ang noo ni Vanessa, nakatingin sa kanya nang may pag-aalala. "Bigla ka na lang natulala dyan."
Umiling si Rence. "Wala."
Naglakad siya palayo, pero sa pagkakataong ito, mas mabilis. Mas mabigat ang bawat hakbang.
Scene Break
Gabi. Sa loob ng isang kwarto na naliliwanagan lang ng mga asul na ilaw mula sa ilang monitor, isang babae na tila kakatapos lang magorganisa ng mga papeles. Napabuntong-hininga siya, minasahe ang kanyang mga sentido. Pagod. Ang buong araw niyang ginugol sa mga dokumento at pag-manage ng system para sa kanilang departamento ay nakakapagod.
Si Celine. Ang Presidente ng BSIT Department.
Sumandal siya sa kanyang ergonomic chair at pumikit. Ngunit sa halip na mga mga final project proposals o curriculum updates, isang mukha ang lumitaw sa kanyang isipan. Ang blangkong mga mata, ang walang-emosyong boses. Ang lalaking bumangga sa kanya kanina.
Isang maliit, hindi inaasahang ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi.
"Rence Villanueva," bulong niya sa tahimik na kwarto.