Mag isang taon na akong nagtatrabaho dito sa Hacienda de Sevilla. Isa akong katulong dahil hindi na ako nakapag tapos ng pag aaral.
Habang nagma-mop ako dito sa kanilang maluwag na sala ay biglang dumaan si Senyorito Anthony.
Yumuko ako bilang tanda ng paggalang.
Nang makalagpas na siya sa akin ay tinignan ko ang malapad niyang likuran habang paakyat ng hagdan. Hindi naman masungit si Senyorito, mabait siya sa lahat. Kilalang kilala ang pamilya nila dahil sa kabaitan nila. Hindi sila mayabang at arogante kahit na sobrang yaman nila.
Pero, nakakapagtaka na hindi niya ako pinapansin o kinakausap man lang. Mag iisang taon na ako dito pero ni isang beses ay hindi pa niya ako sinulyapan. Hindi naman sa obligado siyang kausapin ang lahat ng katulong dito pero… parang ang suplado niya sa akin.
Matagal ko na itong napapansin simula ng nagtrabaho ako dito pero iwanaksi ko na lamang ito sa isip ko dahil hindi naman importante iyon. Ang mahalaga ay sumasahod ako at natutulungan ko ang pamilya ko.
Nakauwi na ako sa aking apartment ng tumawag si nanay sa aking lumang cellphone. Napabuntong hininga ako at tamad na sinagot ito.
"Nay…" sagot ko habang minamasahe ko ang kabilang balikat ko dahil nangalay sa paglilinis kanina.
"Anak, may extrang pera ka ba diyan? Hindi nakapagtrabaho ang Tito mo dahil nagbuhos sila ngayon. Kailangan ko ng pambayad sa project ni Kimberly."
May dumaang sakit sa puso ko. Napatingala ako sa bubong ng aking maliit na apartment upang hindi tumulo ang luha ko.
Matagal na akong may kinikimkim na galit sa nanay ko pero hindi ko naman pwedeng idamay ang mga kapatid ko.
"Sige po, nay. Gagawan ko po ng paraan bukas."
"Sige, salamat, anak."
Iyon lang ang sinabi niya at binaba niya ang kanyang tawag.
Nakahiga ako sa aking kama at natulog ng may mabigat na nakadagan sa aking dibdib.
Kinabukasan ay bumungad sa akin si Nana Narsing habang inaayos ko ang uniform ko sa aming quarters.
"Madie, pumunta ka daw sa library utos ni Senyora Sylvestre," istrikrang bilin sa akin ng mayordoma.
Napahinto ako sa p*******i ng aking mahaba at itim ko na buhok at gulat na napatingin ako sa repleksyon niya sa salamin.
"Ho, bakit daw po?'
Nagkibit balikat siya at tinulungan niya akong magtali ng ribbon sa likod ng aking uniform.
"Ako nga ay nagtataka din kung para saan. Kararating lang nila kagabi galing maynila pero ikaw ang unang utos niya," sinilip niya ako sa salamin kung saan ako nakaharap ngayon. Tinaasan niya ako ng kilay. "Wala ka naman sigurong ginawang mali?"
Umiling ako at tinignan siya sa aking likuran ng salamin. Nang matapos akong magtali ng buhok ay humarap na ako sa kanya.
"Wala naman po akong kasalanan, nana…"
"Sige na, umakyat ka na at mukhang importante. Balitaan mo ako, ha? Gusto ko ng chismis…"
Napanguso ako at umiling. "Si nana talaga, umagang umaga, chismis agad…"
Pinalo niya ako sa aking pwet at nginuso ang pinto. "Bilisan mo na…"
Tumango ako at humahangos na pumunta ng library. Ano kaya ang sasabihin ni Senyora?
Napahinto ako sa pag apak ko ng hagdan na mabungaran si Senyorito na pababa ng hagdan. Gumilid ako at tumabi sa kanang railings ng hagdan.
Hindi ko sinasadyang masinghot ang amoy ni Senyorito dahil bagong ligo lang ito. Napapikit ako sa bago niya. Madalas na hindi ko maiwasang langhapin ang pabango niya na naiiwan sa hangin kapag dumadaan siya. Mamahalin siguro ang kanyang pabango kaya nanunuot talaga sa ilong at hindi matapang ang dating.
Nang makalagpas na siya ay umakyat na ako at tumungo ng library pero bago ako pumasok ay napalingon ako sa hagdan. Galing siguro si Senyorito dahil hanggang dito ay amoy ko ang pabango niya.
Huminga ako ng malalim bago ako kumatok sa pinto. Unti unti ko itong binuksan at nabungaran ko si Senyora na nakangiti sa aking pagpasok. Nakasuot ito ng puting dress at bagay na bagay sa morena niyang kulay.
Tumayo siya sa lamesa ng makalapit ako sa kanya.
"Magandang umaga po, senyora…"
"Magandang araw, Madeline. Maupo ka," turo niya sa sofa na nakaharap sa kanyang lamesa.
Tumango ako.
"Kamusta ka dito? Maayos ba ang pakikitungo nila sayo?"
"Opo, Senyora. Mababait po silang lahat…"
Hindi ko sila mapigilang puriin sa isipan ko dahil nagrereflect sa mga tauhan nila kung paano nila kami tratuhin.
Sa dating bakery na pinagtatrabahuhan ko ay pare pareho silang masungit. Ani mo'y araw araw na nireregla. Hindi kasi nababayaran ang overtime namin kaya wala na sila sa mood kapag oras na ng uwian ay hindi pa nauubos ang mga paninda namin.
"Mabuti naman kung ganun, hija. Ang balita ko'y hindi ka nakapag aral ng college?"
Ngayon lang kami nakapag usap ni Senyora ng harap harapan kaya hindi ko mapigilang pagpawisan sa kaba. Madalas kasi itong nasa Maynila. Kapag naman nandito sila ay madalas na grupo kami kapag kinakamusta.
"Opo, senyora. Hindi na po ako kayang pag aralin ni nanay."
Tumango tango siya at napasandal sa kanyang upuan. Natahimik kami sandali at nakaramdam ako ng hiya ng tumititig siya sa akin. Napayuko na lang ako at pinaglaruan ko ang aking mga daliri na nakapatong sa aking hita.
"Nagkaroon ka na ba ng boyfriend, hija?"
Kaagad akong napalingon sa kanila, gulat sa tanong. "N-ngkaroon na po ng isa… b-bakit, ho?"
Umiling si Senyora at ngumisi na para bang tama na lang na wala akong boyfriend.
"Gusto mo bang mag aral?"
Nanlaki ang mga mata ko at nanginginig na tumango. "O-opo, g-gustong gusto ko po..."
"Pag aaralin kita sa kolehiyo sa isang kondisyon…"
Napaayos ako ng tayo at buong atensyon na nakinig sa kanila.
"Akitin mo ang anak ko."
"Ha!?"