Hindi ako umakyat agad sa kwarto nang gabing iyon. Sa halip, naupo ako sa madilim na sala, tanging ilaw mula sa labas ang nagbibigay ng bahagyang liwanag sa marmol na sahig. Tahimik ang buong bahay, pero pakiramdam ko’y napakaraming matang nakamasid, mga matang hindi ko nakikita, pero alam kong nandoon. Power. Money. Revenge. Paulit-ulit na umalingawngaw sa isip ko ang mga salitang iyon. Hindi niya itinanggi. Hindi rin niya pinagtanggol ang sarili niya. At higit sa lahat, hindi niya sinabing hindi ako kasama sa plano niya. Tumayo ako at tahimik na lumakad papunta sa kusina. Kumuha ako ng tubig, pero kahit ilang lagok ang ininom ko, hindi nawala ang paninikip ng dibdib ko. Kung isa akong piraso sa laro niya, kailangan kong malaman kung anong klase akong piraso. Queen Ba? O pawn?

