Isang buwan.
Iyon lang ang pagitan mula nang isuot ko ang singsing na hindi ko hiniling, hanggang sa puntong natutunan kong mabuhay na parang wala akong asawa kahit meron.
May mga sarili kaming mundo, ngunit ganoon paman ginagampanan ko pa rin ang pagiging asawa sa kanya kagaya na lang ng pagluluto at pag-aasikaso ng damit niya.
Malimit na lumalabas siya kasama ng kanyang mga kaibigan at uuwi lasing kaya hindi rin kami nagkakaroon ng oras para mag-usap.
Lalo na at malimit na nasa loob lang din Ako ng aking silid para mag aral.
At matapos nga ngang buwan namin kasal ay sabay na grumaduate kami ni Theo.
Ngunit tulad ng na pag Kasunduan Wala parin nakakaalam na kasal kami maliban na lang sa pamilya niya.
Tahimik ang umaga sa mansion. At sanay na ako roon. Kapag nagkakasalubong man kami, palaging may distansya. Hindi lang sa espasyo, kundi pati sa mga salitang hindi binibigkas.
Parang multo lang siya sa sarili niyang tahanan.
At ako? Isa lang ding anino.
Hanggang sa araw na ito.
“Victoria,” tawag ng sekretarya ni Theo mula sa intercom. “Nasa study room, sir. Pinapapunta ka niya.”
Napatingin ako sa relo. Alas-nuebe ng umaga. Bihira niya akong ipatawag, at kung gagawin man niya, palaging diretso sa punto. Walang paligoy.
Huminga ako nang malalim bago ako tumayo.
Sa loob ng isang buwan, natutunan kong isuot ang mukha ng pagiging kalmado. Natutunan kong kontrolin ang mga reaksyon ko. Dahil sa mundong ginagalawan namin, ang pagiging emosyonal ay kahinaan.
Kumatok ako bago pumasok.
Nandoon siya, nakatayo sa harap ng bintana, suot ang itim na slacks at puting long sleeves. May hawak siyang folder, at sa mesa ay may bukas na laptop, passport, at ilang papeles.
Hindi ko na kailangang itanong.
"Aalis ka na,” wika ko, diretso.
Bahagya siyang tumango. “Mamayang gabi. May flight ako pa-Singapore.”
Tumahimik ako saglit. Kahit inaasahan ko iyon, may kakaibang bigat pa rin sa dibdib ko.
“Gaano katagal? ” tanong ko.
“Indefinite.”
Napangiti ako nang bahagya. “Siyempre.”
Lumapit siya sa mesa at isinara ang folder. “Kailangan kong personal na tutukan ang expansion ng company. Maraming kailangang ayusin.”
“Alam ko,” sagot ko. “Mas mahalaga ang kumpanya kaysa sa kahit ano.”
Tumingin siya sa akin. Matalim. Parang may gustong sabihin pero pinigilan.
“Huwag mong gawing personal,” malamig niyang wika.
“Hindi ko naman ginagawa,” sagot ko. “Matagal ko nang alam ang lugar ko.”
Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan namin. Mabigat. Hindi komportable.
“Habang wala ako,” dagdag niya, “mananatili ka rito. May staff. Lahat ng kailangan mo…”
“Hindi ako bilanggo,” putol ko.
Hindi siya nagulat. Parang inaasahan niya.
“Hindi ko sinasabing ganoon,” sagot niya. “Pero tandaan mo pa rin kung sino ka.”
“Asawa mo,” wika ko, diretso.
“Sa papel,” sagot niya rin agad.
Napangiti ako. “Huwag kang mag-alala. Hindi kita hihilahin pababa.”
Tumango siya, parang may kumpirmasyong nakuha. “Mabuti.”
Tumalikod na siya, ngunit bago siya tuluyang lumabas ng silid, nagsalita siyang muli.
“May balita na rin ang mga magulang natin tungkol sa’yo.”
Napakunot ang noo ko. “Ano’ng ibig mong sabihin? ”
“Pinayagan ka na.”
Napataas ang kilay ko. “Pinayagan…sa alin?”
“Sa restaurant.”
Saglit akong natigilan.
Isang buwan kong ipinaglaban iyon. Isang buwan akong nakipagpulong, nakipag-usap, at nakipagtalo, hindi lang sa mga magulang ko, kundi pati sa mga magulang niya. Para sa kanila, hindi akma sa isang asawa ng isang CEO ang magtayo ng sariling negosyo na walang kaugnayan sa kumpanya.
Para sa akin, iyon ang tanging paraan para hindi ako tuluyang mawala.
“Kailan? ” mahina kong tanong.
“Bukas ang pirmahan ng final documents,” sagot niya. “Location, investors, lahat ay ayos na.”
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako o maiinis.
“Salamat,” wika ko sa huli.
Tumango lang siya, saka tuluyang umalis.
Naiwan akong nakatayo roon, hawak ang sarili kong mga kamay, habang dahan-dahang nagsisink in ang lahat.
Aalis siya.
At sa unang pagkakataon mula nang ikasal kami, hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko.
Gabi nang ihatid ko si Theo sa airport.
Hindi namin iyon pinag-usapan, pero pareho kaming naroon. Tahimik. Walang dramang paalam. Walang yakap. Walang pangako.
Nakatayo lang ako ilang hakbang palayo habang kausap niya ang assistant niya. Nang matapos, lumingon siya sa akin.
“I’ll be gone for a while,” wika niya, parang paalala lang.
“Alam ko,” sagot ko.
May ilang segundong katahimikan.
“Take care,” dagdag niya.
Hindi ko inaasahan iyon.
Ikaw rin, sana.
Iyon sana ang gusto kong sabihin. Pero hindi ko binigkas.
“Good luck,” ang nasabi ko na lang.
Tumango siya. Isang hakbang paatras. Isang tingin. Pagkatapos ay tumalikod na siya at naglakad palayo.
At doon ko napagtanto—
Sa unang pagkakataon mula nang ikasal kami, wala na siya sa likod ko.
Hindi ko alam kung gaano katagal akong nakatayo roon. Ngunit nang maglakad na rin ako palabas ng airport, mas magaan ang hakbang ko.
Hindi dahil masaya ako.
Kundi dahil…malaya ako.
Tatlong linggo ang lumipas.
At sa loob ng tatlong linggong iyon, halos hindi ako tumigil.
Ang restaurant ay itinayo sa isang lumang gusali na nirestore namin. simple pero elegante. Maliwanag ang ilaw, may malalaking bintana, at ang tema ay tahimik na karangyaan. Hindi para magpasikat, kundi para magpahinga.
Pinangalanan ko itong “Still.”
Dahil kahit anong gulo ng mundo, gusto kong may lugar na puwedeng huminto.
Ako mismo ang pumili ng menu. Ako ang nakipag-usap sa mga chef. Ako ang nag-interview ng staff. Ako ang nagdesisyon sa bawat detalye.
At sa bawat araw na lumilipas, mas nakikilala ko ang sarili ko.
Hindi bilang asawa ni Theo.
Hindi bilang anak ng isang makapangyarihang pamilya.
Kundi bilang si Victoria.
Sa araw ng soft opening, nakatayo ako sa gitna ng restaurant, pinagmamasdan ang mga taong masayang kumakain, nagtatawanan, nagkukuwentuhan.
At doon ko naramdaman…
Ito ang unang bagay na tunay na akin.
Habang inaayos ko ang isang mesa, lumapit ang manager ko.
“Ma’am Victoria,” wika niya. “May delivery po para sa inyo.”
Napalingon ako. Isang maliit na kahon ang hawak ng staff.
“Galing po sa abroad,” dagdag niya.
Kumunot ang noo ko.
Binuksan ko ang kahon.
Isang simpleng card.
Walang disenyo. Walang pangalan.
Pero kilala ko ang sulat-kamay.
Congratulations on your opening.
—T
Walang dagdag. Walang paliwanag.
Napangiti ako nang bahagya.
Hindi dahil may naramdaman akong ligaya.
Kundi dahil sa unang pagkakataon, hindi ko iyon kailangan.
Ipinatong ko ang card sa mesa at huminga nang malalim.
Kung nasaan man siya ngayon, abala siya sa mundo niya.
At ako?
Abala na rin sa akin.
Hindi ko alam kung saan hahantong ang kasunduan naming dalawa.
Hindi ko alam kung babalik siya na pareho pa rin.
O kung babalik pa ba siya sa buhay ko.
Pero isang bagay ang malinaw.
Hindi na ako ang babaeng nanginginig ang tuhod sa loob ng sasakyan.
Hindi na ako ang babaeng tahimik na pumipirma sa papel.
Ako na ngayon ang babaeng may sariling pangalan.
At sa larong ito…
Hindi na ako basta manonood.