Alexis' POV
Tumakas ako sa kastilyo dala ang pusang prinsipe at ang mahiwagang libro. Hindi na ako nagpaalam sa mahal na hari't reyna, baka hanapin nila sa akin ang nag-iisa nilang anak. Malamang sa akin talaga nila hahanapin, eh ako ang tagapagsilbi ng mahal na prinsipe.
"Where will you take me, slave?" naiinip na tanong sa akin ng mahal na prinsipe.
"Tiis lang po, kamahalan. Iuuwi muna kita sa amin," sagot ko. Pagod na pagod na ako, hindi ko na kakayanin. Ang tirik pa naman ng araw tapos medyo malayo pa ang bahay namin.
"What? Dadalhin mo ako sa squatter's area? No way!" reklamo nito. Sobrang arte talaga nitong mayamang pusa na 'to, palibhasa laking kastilyo eh. Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy na lamang ako sa paglalakad. Wala namang magagawa ito kahit ayaw pa niya.
"Alexis, naiinitan ako." reklamo niya ulit.
Wow ha, mas naiinitan kaya ako. Tinaas ko nang kaunti ang librong hawak ko upang matakpan ng anino nito ang mahal na prinsipe at nang hindi siya matamaan ng sinag ng araw. Maarte pa naman 'to. Nuno ng kaartehan.
Ilang oras pa ay nakarating na ako sa bahay, mabuti na lang nakayanan ko, mabuti na lang hindi ako nahimatay sa gitna ng tirik na araw. "Kamahalan, kailangan mo pong magpanggap na parang isang normal na pusa," wika ko bago pumasok.
"Whatever."
Sinalubong ako ng aking nanay saka niyakap, "Wala ka na bang trabaho, anak?" tanong niya.
"Ah... pinaalis po ako sa trabaho," palusot ko.
"Ha? Bakit naman?" nagtatakang tanong ng nanay ko.
"Mahabang kwento po, basta hahanap na lang ako ng ibang mapapasukan," wika ko saka umupo habang karga pa rin ang pusa at ang libro.
"Sana nga makahanap ka na kaagad, anak. Teka, kaninong pusa iyan?
"Napulot ko lang po," muling palusot na nanggaling sa akin.
"Meow," talaga ngang sinunod niya ang sinabi ko na magpanggap na parang isang normal na pusa. Lihim akong napangiti.
"Ang cute naman ng pusang iyan. Masarap ipalaman sa siopao," bulalas pa ng nanay ko.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya, "Nanay naman!"
Humalakhak siya at sinabing, "Biro lang. Maiwan muna kita, maghahanda lang ako ng makakain." At iniwan na muna kami ni nanay.
"Grrr! tingnan mo. Kakainin ako ng nanay mo, kadiri." Natawa na lamang ako sa reaksyon ng mahal na prinsipe.
"Biro lang naman iyon, kamahalan." wika ko.
"Iuwi mo na lang ako," utos niya.
"Iuwi na pusa ka? Kamahalan?"
"Oo, ipapadoktor ko na lang 'tong sitwasyon ko. Pahamak ka talaga." Ako pa talaga ang sinisi.
"Mahal na prinsipe, hindi po iyan kaya ng isang doktor. Salamangka po ang kailangan niyo, hindi medikasyon," katwiran ko sa kanya.
"Witch! Urgh! Pinapahirapan mo talaga ako. Sa oras na makabalik ako sa pagiging tao, humanda ka na, ipapakain kita nang buhay sa mga alaga kong buwaya!" pananakot niya.
Ang sama talaga ng ugali niya kahit kailan, eh kung paglaruan ko kaya siya? habang wala pa siyang kapangyarihan at habang pusa pa siya. Bigla lang sumagi sa isip ko.
"Sino pong nagsabi na makakabalik pa ho kayo sa pagiging tao?" mapang-asar kong tanong.
"Hindi ba sabi mo hahanapin mo lang 'yung diwata at makakabalik na ako sa normal?"
Umiling ako, "Hindi ko na siya mahahanap."
"Meow, ano ang ibig mong sabihin?"
"Ibig sabihin po, habang buhay ka nang ganiyan. Huwag ka po mag-alala, aalagaan naman kita bilang isang pet." Pinanindigan ko na ang pagti-trip sa kanya.
"Grrrrrr! I will curse you, Alexis! Isusumbong kita sa nanay mo!"
"Subukan mo po," paghahamon ko.
Huminga siya nang malalim at biglang, "TITAAAAA!" sumigaw siya!
Agad kong tinakpan ang maliit niyang bibig at binalot sa kumot na nakalapag lamang sa upuan, walang hiya, akala ko ay 'di niya gagawin.
Natatarantang pumunta si nanay sa dako namin na may hawak pang sandok, "Sino iyon?" nagtataka niyang tanong.
Pinagpawisan ako bigla, "A-Ano po, 'di iyon dito. S-Sa labas... tama, sa labas galing 'yung sigaw na iyon." palusot ko na naman.
"Ganoon ba?" aniya at bumalik na sa pagluluto.
Baliw talaga 'tong pusa na 'to. Muntik na ako do'n ah!
Gumabi na nga at matutulog na kami, hinanda ko na ang kama dahil dito raw matutulog ang mahal na prinsipe at ako naman sa sahig lang. Arte talaga nito, ayaw makihati sa kama.
"Kamahalan, tapos na." wika ko pero walang sumasagot. Nabalot ng pagtataka ang mukha ko.
"Kamahalan?" tiningnan ko ang paligid ngunit wala akong pusa na mahanap. Dali-dali akong pumunta kay anay, "nay, nakita niyo po ba 'yung pusa?" tanong ko.
"Nakita kong lumabas iyo—" hindi ko na pinatapos si nanay sa pagsasalita, kumaripas na ako ng takbo palabas.
"Kamahal— Kiraaa!" sigaw ko sa pangalan ng prinsipe habang hinahanap siya. Hindi ako maaaring sumigaw ng 'kamahalan' o 'mahal na prinsipe' dahil malamang magtataka ang mga tao.
"Kiraaa!" ulit ko. "Nasaan ka?"
Natigilan ako sa paglalakad nang makita ang grupo ng mga adik na lalake, agad akong nagtago para hindi nila ako makita.
"Akin iyan ha, ako nakakita niyan." wika ng isa sa kanila.
"Atin 'to pre, atin."
"Eh, ako nga nakakita sa pusa na iyan. Akin 'yan!"
"E 'di suntukan na lang nang magkaalaman kung kanino talaga ang pusa!"
Jusko! biglang nagsuntukan ang mga adik. Kinabahan ako bigla, ang mahal na prinsipe kaya ang pusa na tinutukoy nila? Ang lakas ng kabog ng dibdib ko.
Dumaan ako sa gilid nila para 'di nila ako makita, baka ako pa ang mapagtripan nila. "Mahal na prinsipe?" tanong ko sa sarili nang makita ang isang pusa sa ibabaw ng mesa na malapit sa mga nagsusuntukan at mukhang naaaliw pa ito habang pinagmamasdan ang mga nagsusuntukan.
Palihim akong lumapit sa pusa at agad na sinunggaban no'ng makalapit na ako. Tumakbo ako palayo sa mga adiktong iyon habang karga ang pusa, "Nababaliw ka na ba?" tanong ko sa kaniya.
"Why?" tanong niya na parang walang kamalay-malay.
"Eh, baliw ka pala eh. Mga adik iyon, sasaktan o baka nga patayin ka pa nila." sabi ko.
Tumawa siya nang nakakaloko, "They like me, they will never do that to me. Hindi mo ba nakita? Nagpapatayan sila para makuha lang ako," namamangha niyang sinabi. Nababaliw na nga siya.
"Yes, they like you so that you ulam to them," sabi ko. May pa-ingles pa ako kahit mali ang gramatika ko. Ingles kasi nang ingles ang kamahalan eh, alam naman niyang hindi ako nakapagtapos.
Natawa siya sa sinabi ko at agad namang tumahimik. "Ayaw ko na rito," seryoso niyang saad.
Bukas na bukas ay aalis kami rito, hahanap kami ng matutuluyan na malayo sa mga matataong lugar at hahanapin na rin namin ang diwata.