Without Ambition

959 Words
Sunod kong nakilala ang mga kapatid mo. Ang Kuya Godfrey mo, may common friends kami at magkasama kami sa part-time work magkatapat pa ang cubicles namin kaya imposibleng di ko siya makilala. At madaldal din ang kuya mo, sa totoo lang, kung ano-anong remarks... "Uy, naka-lipstick siya. Bakit naka-lipstick ka, Lia? Uy, nangingiti siya..." Seryoso, napakakulitng kuya mo. Ang ayaw ko lang, mahigit dalawang taon na kaming magkakilala ay isyu pa rin sa mga kabarkada niya na crush ko ang kuya mo. Heartthrob nga kasi. Pero, kasi rin, ikaw nga ang crush ko, kaya wapakels ako sa kuya mo. Ang siste, kahit ayaw ko, inamin ko na lang sa isang barkada nila na crush kita para huwag na akong paghinalaan na may HD ako o lihim na pagtingin sa kapatid mo. May isa pa kayong kapatid [actually, marami kayong magkakapatid, pero tatlo na lang ang babanggitin ko, ha?], si Markus, iyong bunso sa lalaki. Mas pilyo at walang takot daw ang batang iyon sa inyong lahat, sabi ng Kuya Godfrey mo. May isa pa pala akong ayaw sa kuya mo. Pag pinag-aagawan ninyong dalawa ang kotse, ginagamit niya akong sangkalan. Ikinukuwento pa niya sa akin kung paano ka niya pagalitan. "Hanggang alas doce ang library sa UP, ha, Elric? Huwag mo akong pinagloloko, ha? Alam sana ni Lia 'yun kung totoo! Si Lia, hindi marunong magsinungaling!" Eh, kasi nga po, Kuya, hindi ko nga po alam. Mas adik pong mag-aral iyong kapatid mo kaysa sa akin. Pero takot ko lang bumagsak. Alam mo 'yun, wala raw kaming karapatang magbulakbok dahil dugo't pawis daw ng taxpayers ang nagbayad sa tuition namin. Or something like that. Salamat po, nakatapos naman po ako sa takdang taon. Hay, naku, Kuya Godfrey, kung alam mo lang na hindi umimik sa akin ang kapatid mo dahil sa mga pinagsasabi mo. Gusto kitang kalbuhin. Nakakahiya! Parang may nagsabi rin sa akin na may time daw na nag-open nga hanggang 12 Midnight ang isang section ng Main Lib! In fairness naman din sa Kuya mo, dahil pareho ang way ng uuwian namin at sabay naman kami ng oras ng uwi, nag-o-offer naman siyang ihatid ako kahit hindi ako tumatanggi [Mura lang ang pasahe sa jeep, huwag kayo mag-isip ng kung ano. May gf din si kuya at seriously, wala talaga kaming sparks sa isa't isa. Parang magkapatid talaga kami.] At saka inihahatid mo rin naman ako, di ba? Ilang beses ba noong nasa Diliman pa tayo? [Pero hindi rin ako nagbibigay ng kahit anong malisya. Iniisip ko lang na kagandahang-loob iyon.] Kuwento ko sa iyo iyong nangyari minsang pauwi na kami ng kuya mo. May nakisabay sa amin na papunta sa kabilang direksyon. Tumatanggi ang kuya mo,pero hindi niya maderecho. "Pusa naman, Janet, bakit ka ba sasabay? Hindi ko nga alam ang sa inyo." "Eh, di para malaman mo, Kuya. Di ba, Lia?" Tawang-tawa lang talaga ako kay Janet. Gusto niya talaga sumabay kaysa tumawid sa Marcos Highway ba iyon papuntang UP Balara. Nasa kotse na kami nagbabangayan pa silang dalawa. "Dito na ba?" tanong ni Kuya. "D'un pa konti," sagot ni Janet. "Ano ba, Janet, anlayo na natin, ha?" "Ano ka ba, ang lapit pa lang kaya. Sige pa, sa unahan pa." Aliw na aliw si Janet sa ginawa niya, parang asar na asar naman si Kuya Godfrey pero natatawa rin siya sa kakulitan ni Janet tas reklamo siya nang reklamo nang pabalik na kami. Alam mo, napatunayan ko na pareho kayo ng kuya mo na heartthrob, parehong guwapo [pero sa magkaibang paraan]. Ang kuya mo, charming sa kahit kanino. Ikaw, suplado. Hindi kayang gawin sa iyo ni Janet iyong ginawa niya sa Kuya mo. Granted, hindi ka naman nagsuplado noong first meeting natin. Pero tantya ko kung hindi tayo in-introduce noong araw na iyon, nuncang papansinin mo ako kahit nalaman mo na schoolmates tayo. Ewan ko rin. Siguro kaya rin kita gusto. Kasi nga suplado ka. Pag-uwi ko sa province nag-reunion kaming magha-high schoolmates tas merong isa doon na collegemate mo. Nagulat ako na kilala ka niya. Seryoso. Ano ba talaga ang ginagawa mo sa college ninyo? Pabibo? Paguwapo? Alam ko naman na matalino ka... Pero mukhang babaero ka rin. Tama ba ako?  Na-amaze lang ako na kilala ka noong high school mate ko at parang kinikilig siya sa iyo.Kinumpirma niya sa akin na guwapo ka nga raw. Wow. Parang lalo akong nawalan ng pag-asa sa iyo. Gusto kong isipin na apat na taon kitang crush sa Diliman, pero ang alam ko bumitiw na ako nang malaman ko na iyong friend kong super ganda at sobrang puti ang gusto mo. Sana lang nagkatuluyan kayo. Naalala ko noong sa Makati na ako nagtatrabaho at nagkita tayo minsan, kasama mo ang isang kaibigan mo na nagtaka kung bakita kilala ko siya. Humble din iyong friend mo na iyon, eh. Hindi alam na sikat siya sa org natin sa campus kahit hindi siya madalas mag-attend. Parang kahapon lang din noong magkausap tayo sa McDo, noong magkausap tayo sa telepono... noong mag-text sa akin ang kuya mo. Salamat sa lahat, sa mga tanong mo na hindi ko nasagot, sa mga lihim na ayaw mong sabihin. Kumusta na lang kay Kuya Godfrey, ang alam ko nasa ibang bansa na siya matagal na. Si Markus ba? Sana ikaw rin, naabot mo na ang mga pangarap mo. Alam ko sa Harvard mo gusto... Sorry kung hindi ako maka relate sa Harvard dream mo noon. Ako yata iyong tao na walang big ambition. Simple lang talaga ang gusto ko. May mga nagsasabi nga na wala raw akong narating at sayang daw ang talino ko... Sana masaya ka pa rin kahit sa ibang lugar ka dinala ng mga natapos mo. Sana huwag mong isiping nabigo ka kung di mo man naabot ang gusto mo.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD