PININDOT ni Joel ang buton ng intercom. “Pahinging kape,” aniya sa sekretaryang si Lara Malicsi.
“Right away, Sir!” As usual, mahihimigan ang liksi sa boses ni Lara. Iyon ang unang nagustuhan niya sa sekretarya: maliksi ito, eksaktong-eksakto ang apelyido.
Hindi naglipat-minuto ay bumukas na ang pinto ng opisina at pumasok si Lara, dala ang kape, at nakangiting inilapag iyon sa desk.
“Salamat,” matipid na sabi niya.
Pero mukhang walang balak na umalis agad si Lara. She was two years his junior. At kung wala rin lang mabigat na problemang kinakaharap sa trabaho at hindi mainit ang kanyang ulo ay prenteng nakakapagbiro si Lara sa kanya. They were good buddies. Lamang ay hindi nito ipinahahalata sa mga magulang niya. Hindi aaprubahan ng magulang niya ang ganoong trato sa mga empleyado. They were very strict, bagay na pinagaan niya nang siya na ang humawak sa kompanya.
Isang apat na palapag na building ang pag-aari ng mga Avenilla sa sentro ng San Esteban. Isa ang kanilang pamilya sa haligi ng komersiyalisasyon sa lugar. Ang ground floor ng building ay supermarket at botika na pag-aari nila. Sa second floor naman ay may tatlong puwesto ng computer shops, kasama na roon ang Internet café na mayroon din siyang capital share. Mga office space naman ang pinauupahan nila sa third at kalahati ng fourth floor. Ang natitira pang kalahati ay opisina niya. Na-foresee din ng papa niya ang pag-unlad ng San Esteban kaya ang basement ay ginawang parking space, bukod pa ang espasyong nasa harap ng building. Noon ay walang pumapansin doon. Pero ngayon, palagi nang puno.
May malaki pang space sa tabi ng building. Sa kanila pa rin ang lupang iyon. Kapag natuloy ang plano nila ng ama na kumuha ng franchise ng fast-food chain, hindi malayong magpatayo na rin sila ng gusali roon.
“Tumawag si Vinia,” ani Lara na sadyang hindi namumupo kapag silang dalawa lang. “Ang sabi ko, wala ka, na totoo naman. Malamang ay tatawag uli iyon. Wala ka pa rin ba?”
Napangiti si Joel. Isa pa iyon sa assets ng sekretarya, maliksi din ang common sense. “Wala pa rin ako,” sang-ayon niya.
Nangislap ang mga mata ni Lara, halatang nanunukso. Isang tango lang ang ginawa nito at tumalikod na.
“Lara, remember palagi akong wala, okay?” pahabol pa niya bago nito marating ang pinto.
Hindi pa napapangalahati ni Joel ang kape nang tumunog ang intercom.
“Sir, `yong nurse mo,” ani Lara. “Makulit. Naliligo ka na raw nang umalis siya ng bahay ninyo. Bakit daw hindi pa kayo dumarating?”
Napailing si Joel. Oo nga at uso naman na ngayon sa lipunan ang premarital s*x at hindi naman siya ipokrito para itangging ginagawa niya iyon. Isa pa, may pakiramdam siyang hindi siya mabibilang sa men of the new millennium kung passive ang s*x life niya.
But, why, Vinia? himutok niya sa isip. Bakit kailangan nitong magbigay ng ganoong impormasyon kay Lara? Of course, Lara had a hint about that. And maybe she was practicing it, too, with her own boyfriend.
Ipinilig ni Joel ang ulo. Bakit ba kung saan-saan napupunta ang isip niya?
Kung iniisip ni Vinia na paraan iyon para balikan niya ito, nagkakamali ito. Wala nang magagawa ang dalaga para makipagbalikan siya. She could announce to the whole world they already had a share of passionate hours in bed and he wouldn’t care. They were both consenting adults. Kahit tutukan ng scalpel ay hindi pa rin siya makikipagbalikan sa dalaga.
“Sir?” pukaw ni Lara sa kabilang linya.
Tumikhim si Joel bago nagsalita. “Nasa line pa ba?”
“Ibinaba na. Alam naman niyang wala siyang magagawa kapag sinabi kong wala kayo.” Her voice was full of confidence, nasa punto na ng may halong kayabangan pero wala namang dapat ikontra doon. It was true. Basta nasa mesa si Lara sa tabi ng pinto ng private office niya, secured na secured ang pakiramdam niya. Para siyang may pinagsanib na PSG at Secret Service.
“Good job, Lara.” Pinutol na ni Joel ang linya, sa isip ay tinandaan na dadagdagan niya ang suweldo ng sekretarya.
Gahibla na lang ang layo ng ballpoint ng Cross pen sa tsekeng pipirmahan niya nang ang cell phone naman niya ang tumunog. Hindi na siya nag-abalang tingnan kung sino ang tumatawag nang sagutin niya iyon.
“Napakalupit mo, Joel. I know you’re in the security of your office at hindi lang ako makalusot sa sekretarya mong daig pa ang bodyguard ng Presidente.” Halatang masamang-masama ang loob ni Vinia. “Why can’t you give me another chance? I’m here at the parking lot. Imposibleng mapunta rito ang kotse mo kung wala ka sa opisina mo.”
Iniikot ni Joel paharap sa bintana ang swivel chair na kinauupuan. Mula sa tinted na salamin ay napatunayan niyang hindi nga nagsisinungaling si Vinia. She was standing right next to her car. Sa liwanag ng sikat ng araw ay hindi na niya alam kung alin ang higit na maputi sa kotse at sa unipormeng suot ng dalaga.
Tumingala si Vinia sa opisina. At parang gustong malusaw ng buong paninindigan niya sa pagsusumamong nakabadha sa mukha ng dalaga. Kahit naman mataas ang kinalalagyan niya ay kitang-kita pa rin ang ekspresyon ni Vinia dahil halos nasa tapat lang iyon ng kinaroroonan ng kotse niya.
Nagpapaawa ang buong mukha nito. At parang gusto naman niyang maawa. Umiling siya at muling iniikot ang swivel chair. If he wanted to stick to his stand, hindi niya dapat tingnan ang mukha ni Vinia.
Inayos ni Joel ang mga papeles na nasa mesa, pilit itinuon ang atensiyon sa mga iyon kaysa sa mga himutok ng ex-girlfriend. Wala naman siyang magawa maliban sa umiling. Kung kaya lang ng loob niya ay papatayin na niya ang linya.
“Please, Joel. Just one chance.” Now she was crying.
Nakabuting tinalikuran niya si Vinia. Kung hindi ay baka initsa na niya ang telepono at bumaba siya ng building para yakapin ito. Mariin siyang pumikit. It was a battle between a sane mind and a pitying heart.
“Vinia, I thought you already got it? It’s over.” Humugot ng malalim na hininga si Joel. “At saka, ano ang ginagawa mo diyan sa parking lot? It’s high noon at alam mong hindi lang nakakaitim kundi nakaka-cancer din ang sobrang init ng araw. Go back to the hospital or go anywhere else. Umalis ka diyan. Baka akala ng nakakakita sa iyo ay naloloka ka na.”
“Yeah, I’m losing my mind over you, Joel. I thought after this morning, I’d have you back.”
“We’re still friends.” Damn friendship! Bakit ba palaging pakikipagkaibigan na lang ang ipinipilit kapag hindi na puwede ang isang dating relasyon?
Kaya maraming naabuso dahil sa friendship-friendship na iyan. There were lots of broken dreams and hopes dahil pumapayag sa friendship yet they were hoping for something more.
“Ayaw kitang kaibigan lang!” nagmamaktol na wika ng dalaga.
“Please, Vinia,” ani Joel sa pinakamahinahong boses. Hindi na niya matandaan kung ilang beses na niyang sinabi kay Vinia ang linyang iyon.
Siguro ay kailangan na niyang ibahin ang sinasabi dahil hindi naman tumitigil si Vinia sa pangungulit na kung minsan ay umaabot sa punto ng pagmamakaawa. Gaya na lang ngayon. Parang desidido itong magpatusta sa init ng araw.
Isang hikbi muna ang pinakawalan ni Vinia at pinutol na ang linya. Pumihit si Joel para hanapin ang dalaga pero kotse na lang niya ang naroroon. Tumayo pa siya para tingnan kung saan ito nagpunta subalit ni anino ay hindi na niya makita.
Pinindot niya ang off button at hinarap na ang mga dapat pirmahan.
But Vinia never left his thoughts. Parang nag-e-echo sa kanyang pandinig ang mga salita ng dalaga. He was getting affected little by little. And his mind was screaming in panic to say “no!”
It was her fault. Iyon ang patuloy na ipinapasok ni Joel sa isip para hindi ganap na malusaw ang kanyang puso at siya mismo ang bumalik sa babae. Hindi ko siya dapat patawarin.
Hinilot ni Joel ang noo at pilit na ibinuhos ang atensiyon sa mga papeles. May pirma na ng accounting manager ang mga voucher kaya tiwalang pinirmahan niya ang mga tseke. Nang matapos ay tinawagan niya si Lara.
“Puwede na itong mga tseke.”
Walang kibong pumasok ang sekretarya at kinuha ang folder.
“Please lock the door,” utos niya nang tumalikod si Lara.
He wanted to be alone. Gusto niyang mag-isip kung ano ang gagawin para bigyan siya ni Vinia ng katahimikan. Alam niyang hindi titigil ang dating nobya.