Simula

2678 Words
Nagpakawala ng buntong-hininga si Marco matapos niyang gumawa ng sulat para sa kanyang mga magulang tungkol sa gagawin niyang pansamantalang paglayo. Sunod niyang sinimulang isulat ay ang sulat para kay Phoenix para humingi ng tawad dito dahil sa ngayon ay hindi pa niya kayang humarap sa mag-asawa para personal na humingi ng kapatawaran sa nagawa niyang kasalanan. At sa sulat niyang iyon gusto niyang ihayag ang totoong nangyari noong gabing gumawa siya ng kasalanan na labis niyang pinagsisisihan ngayon. Mabigat na kasalanang tuluyang sumira ng pagkakaibigan nilang dalawa ni Phoenix. Ang pagkakaibigan na sinayang lang niya at hindi niya alam kung maibabalik pa ba dahil sa kasalanang nagawa niya. Mabigat ang pakiramdam niya habang gumagawa ng sulat at hindi niya mapigilan ang emosyon dahil bumalik sa alaala niya ang nakitang sakit, galit at pagkamuhi sa mukha ni Phoenix noong umagang nagising itong katabi siya. Doon pa lang ay sobrang nagsisisi na siya pero wala na siyang magagawa pa kundi panindigan ang kasalanan at kasinungaling hinabi lang niya. At sa ngayon ay wala siyang ibang maisip na mabuting gawin kundi ang lumayo at pansamantalang takasan ang kasalanang kanyang nagawa. Isa ring dahilan kung bakit naisipan niyang lumayo ay dahil gusto niyang mabilis na makalimot sa sakit na dulot ng kanyang pagkabigo. At umaasa siyang sa pagbabalik niya ay naka-move on na siya at handa na siyang harapin ang mga taong ginawan niya ng kasalanan. Nix, I'm sorry, Nix, patawarin mo ako... Alam kong kahit ilang beses pa akong humingi ng kapatawaran sa 'yo ay hindi mo agad maibibigay iyon. Pasensiya na kung sa pamamagitan ng sulat na ito ako humihingi ng kapatawaran sapagkat hindi ko pa kayang humarap sa 'yo dahil sa kagaguhang nagawa ko. Pasensiya na rin kung mas pinili kong lumayo kaysa sa harapin ka at paulit-ulit na lumuhod sa harapan mo para humingi sa 'yo ng kapatawaran. Pero nangangako ako na babalik ako para personal na humingi ng tawad kapag kaya ko na at kapag may mukha na akong maihaharap sa 'yo. Pasensiya na kung sinubukan kong sirain kayo ni Salvador. Pero isa lang ang napatunayan ko noong araw na sinugod niya ako sa bahay, he loves you more than anything. Na kahit na anong gawin ko ay hindi ka niya basta bibitawan at isusuko. Walang kapantay ang pagmamahal na mayroon siya sa 'yo and you deserve it. Kaya mas pinili ko ang sumuko at lumayo na lang para makalimot. Hindi ko na ipipilit sa sarili ko na tayo ang nakatadhana sa isa't isa dahil siguro nga ay tama ka sa sinabi mo noon na pinagtagpo lang tayo pero hindi tayo ang nakatadhana. Kung nakatadhana man tayo ay bilang isang matalik na magkaibigan lang at hindi na iyon lalampas pa roon kaya dapat ay makuntento na ako sa kung anong mayroon sa ating dalawa. May gusto akong ipagtapat sa 'yo na alam kong ikapapanatag ng loob mo at ni Salvador. Walang namagitan sa ating dalawa noong kaarawan ko... iyon ang totoo. Totoong sinubukan kong pagsamantalahan ka dahil pagkakataon ko na iyon habang wala sa tabi mo si Salvador pero hindi ko pala kayang gawin. Mas nangibabaw ang konsensiya ko dahil alam kong kapag itinuloy ko iyon ay hindi mo ako mapapatawad at kamumuhian mo ako. Kahit ang halikan ka sa labi ay hindi ko ginawa. Inalis ko lang ang lahat ng saplot mo sa katawan para palabasin na may nangyari sa atin pero ang totoo ay wala. I'm sorry kung hindi ko agad sinabi sa 'yo ang totoo. I'm sorry kung pinaniwala kitang may namagitan sa ating dalawa. Sobra akong nagsisisi sa ginawa ko at sana ay dumating ang araw na mapatawad mo ako. I'm sorry, Nix... I'm really sorry... Marco Pagkatapos niyang gawin ang sulat para kay Phoenix ay itinupi niya iyon at inilagay sa sobre bago ipinatong sa bedside table sa loob ng kanyang kuwarto kasama ang sulat na ginawa niya para sa mga magulang. Dumapo ang mga mata niya sa ilang gamit na dadalhin niya na nasa ibabaw ng kama. Pinagkasya niya iyong lahat sa isang bag bago niya isinukbit sa kanyang balikat. Iginala niya muna ang mga mata ng isang beses sa loob ng kanyang kuwarto bago siya tuluyang lumabas para umalis. Wala siyang tiyak na lugar na pupuntahan sa pag-alis niyang iyon at bahala na kung saan siya mapadpad. Basta ang alam niya lang ay gusto niyang lumayo at bahala na kung saan siya dalhin ng mga paa niya at kung anong maging bunga ng kanyang naging desisyon. Malaki na naman siya at lumaki naman siyang hindi umaasa sa iba kaya sa tingin niya ay kaya na niyang mabuhay mag-isa. Alam niyang mahirap pero alam niyang makakaya niya... kakayanin niya. Itinaon niyang wala sa bahay ang kanyang mga magulang nang umalis siya at wala rin naman silang kasambahay kaya walang nakakaalam sa ginawa niyang pag-alis. Hindi na siya personal na nagpaalam pa sa mga magulang niya dahil may posibilidad na pigilan pa siya ng mga ito kaya gumawa na lang siya ng sulat para sa pag-alis niya. Siguro naman ay maiintindihan siya ng kanyang mga magulang sa kanyang naging desisyong pansamantalang paglayo. Pumara siya ng tricycle at nagpahatid sa malapit na pantalan. Plano niyang sumakay sa barkong aalis pagdating niya roon kahit saan mang lugar iyon patungo. Mabilis siyang nakarating sa pantalan at saktong may aalis na barko patungo sa isang probinsya na tinatawag na Mindoro kaya doon siya sumakay. Medyo pamilyar siya sa pangalan ng lugar pero hindi pa siya nakakarating doon. May narinig din siyang may mga magagandang pasyalan doon na sadyang dinarayo ng mga turista. Hindi niya alam kung ilang oras ang naging biyahe ng barko bago siya nakarating sa pantalan ng Mindoro. Hindi rin niya masyadong namalayan ang paglipas ng oras habang nasa biyahe dahil naglalakbay ang isipan niya sa ibang mga bagay lalo na at maya't-maya ang pagtunog ng cellphone niya dahil sa sunod-sunod na tawag galing sa kanyang mga magulang. Sa halip na sagutin ang tawag, nagpadala na lang siya ng mensahe sa kanyang ina na ayos lang siya kaya huwag ang mga itong masyadong mag-alala sa kanya. Pagkababa niya sa barko ay sumalubong sa kanya agad ang maingay na paligid dahil sa mga driver ng mga sasakyan na nag-aabang ng mga pasahero at ilang mga nagtitinda ng kakanin at mga souvenir katulad ng mga pulseras, kuwintas at mga kung ano-ano pang mga palamuti at kagamitang mayroong pangalan ng lugar. Mukha namang mga mababait ang mga tao roon dahil nakikita niya ang mga ngiti ng mga ito sa tuwing may mga kausap ang mga itong dayuhan. Lalo na ang mga tricycle drivers na sumasalubong sa mga turista para mag-alok ng masasakyan. Hindi muna siya sumakay sa sasakyan at naglakad-lakad muna para libutin ang lugar. Hindi pa siya masyadong nakakalayo sa pantalan ay may nakita siyang isang medyo may edad na babae na nahihirapan sa mga pinamili nito kaya walang pagdadalawang-isip na nilapitan niya ito para tulungan. Medyo nagulat pa ito sa presensya niya pero kalaunan ay nginitian din siya nito. "Tulungan ko na po kayo," nakangiting alok niya sa ginang. "Salamat, hijo. Nakakahiya man pero puwede mo ba akong tulungang buhatin ang lahat ng ito roon sa malapit na waiting shed na iyon? Doon ko na lang hihintayin ang sundo ko." "Wala pong problema, 'Nay," malawak ang ngiting wika niya. 'Nay ang itinawag niya rito tanda na rin ng paggalang. Sinimulan niyang hakutin ang pinamili ng ginang at nakatatlong beses siyang nagpabalik-balik dahil medyo marami-rami rin iyon. Idagdag pa na medyo may kabigatan ang lahat ng pinamili nito. "Salamat sa tulong mo, hijo," nakangiting pasasalamat ng ginang sa kanya matapos niya itong tulungan. "Walang anuman po. Sigurado po ba kayong may susundo sa inyo rito? Puwede ko po kayong itawag ng masasakyan." "Hindi na kailangan, hijo. Susunduin ako ng asawa ko at siya ang kasama ko kanina sa pamimili. Kinailangan niya lang akong iwanan para sunduin ang unica hija ng amo namin na kararating lang galing ibang bansa. Kaya medyo marami akong pinamili ngayon dahil may kaunting salu-salo na gaganapin mamaya dahil sa pagdating niya," wika ng ginang na ikinatango niya. "Ganoon po ba? Kung ganoon po ay maiwan ko na kayo rito. Baka po kasi gabihin pa ako mamaya sa paghahanap ng matutuluyan. Pasensiya na po kung hindi ko na kayo rito masasamahan hanggang sa dumating ang asawa n'yo," hinging paumanhin niya sa ginang na mabilis nitong ikinailing habang may ngiti sa labi. "Naku, hindi mo na kailangan pang gawin iyon, hijo. Teka... hindi ka pala taga-rito? Bakasyonista ka lang ba rito o naghahanap ng trabaho?" "Kararating ko lang po ngayong araw rito sa lugar ninyo. At naparito po ako para makipagsapalaran at para maghanap na rin po ng trabaho. May alam po ba kayong puwede kong pasukang trabaho rito?" wika niya at hindi sinabi ang totoong dahilan kung bakit siya napadpad sa lugar na iyon. "Naku, tamang-tama, hijo! Naghahanap ng mga trabahante sa hacienda ng amo ko. Hindi mo na rin kailangan pang problemahin pa ang tutuluyan mo. Puwedeng-puwede ka sa bahay namin tumuloy habang narito ka," malawak ang ngiting wika ng ginang. "Salamat po pero parang nakakahiya naman po. Hahanap na lang po ako ng paupahan na malapit sa hacienda kung sakaling matanggap akong trabahante roon," mabilis na pagtanggi niya sa alok nito. "Huwag ka nang mahiya, hijo. Halos sa bahay na rin naman kami ng mag-amang Larosa nakatira kaya laging walang tao sa bahay naming mag-asawa. Wala rin naman kaming anak kaya mag-isa ka lang doon. Tanggapin mo na ang alok ko, hijo. Bilang ganti na rin sa kabutihang-loob na ipinamalas mo sa akin kanina," wika ng ginang at mas lumawak pa ang pagkakangiti nito nang marahan siya tumango tanda ng pagpayag sa iniaalok na tulong nito. "Maraming salamat po kung ganoon," pasasalamat niya. Hindi rin nagtagal ay may humintong sasakyan sa tapat nila at buhat doon ay lumabas ang medyo may edad na lalaki na sa tingin niya ay ang asawa ng ginang na tinulungan niya. Sa tantiya niya ay nasa singkwenta pataas ang edad ng mag-aasawa. "Pasensiya na kung ngayon lang ako nakabalik. Doon mo na lang sana ako hinintay sa tapat ng palengke para hindi ka na nahirapan pa sa pagbubuhat patungo rito," wika ng ginoo at bakas sa mukha nito ang pag-aalala sa ginang. Lihim siyang napangiti dahil bigla niyang naalala sa mag-asawa ang kanyang mga magulang. Mahahalata sa kilos at tingin ng mga ito na sobrang mahal na mahal ng mga ito ang isa't isa. "Hindi naman ako masyadong nahirapan dahil tinulungan ako ng guwapong binatang ito," wika ng ginang kaya natuon ang atensyon sa kanya ng ginoo. "Ano nga palang pangalan mo, hijo? Nawala sa isip kong itanong kanina." "Marco po ang pangalan ko, 'Nay," sagot niya sa ginang bago hinarap ang asawa nito. "Magandang araw po..." bati niya sa ginoo at tumango naman ito sa kanya. "Magandang araw din sa 'yo, hijo. Salamat sa pagtulong sa asawa ko. Parang ngayon lang kita nakita rito, ah. Dayuhan ka lang ba rito?" tanong ng ginoo at bahagyang sinulyapan ang bag sa kanyang likod. Tiningnan din nito kung may iba pa siyang dala. "Sa sasakyan n'yo na ipagpatuloy ang pag-uusap ninyong dalawa. Lulutuin pa itong pinamili ko kaya kailangan na nating bumalik sa bahay ng mag-amang Larosa. Pag-uusapan din natin ang gagawing pagtira ng binatang ito sa bahay natin habang narito siya at trabaho sa hacienda," pagsingit ng ginang sa usapan nila ng ginoo at tumango naman ang huli kahit na bakas ang pagtataka sa mukha nito. Sinimulan nitong ipasok sa loob ng sasakyan ang pinamili ng ginang at muli ay tumulong siya na ipinagpasalamat ng mag-asawa. Habang nasa biyahe ay nagpatuloy ang pag-uusap at kuwentuhan nila at wala namang naging problema sa ginoo ang gagawin niyang pagtira sa bahay ng mga ito. Napuno pa ng tawanan nila ang loob ng sasakyan ng magbiro ang ginoo na sa wakas ay natupad din daw ang hiling ng mga ito na biyayaan ng anak, dalawampung taong gulang na nga lang nang lumabas. Nakakalungkot mang isipin na hindi ang mga ito pinagkalooban ng anak pero tanggap na daw iyon ng mag-asawa dahil matagal na ng mga itong alam na hindi ang mga ito magkakaroon ng anak dahil may problema sa matris ang ginang. Inamin daw iyon ng ginang noong nililigawan pa lang ito ng ginoo at buong-puso naman iyong tinanggap nito. At hindi iyon naging hadlang sa masayang pagsasama ng mag-asawa dahil kung titingnan ngayon ay sobrang saya at kuntento ng mga ito sa piling ng isa't isa. Sapat nang magkasama at mahal ang isa't isa. "Ituring mong parang pagmamay-ari itong bahay habang narito ka. Huwag ka ring mahihiyang magsabi kung may kailangan ka. Kami na ang bahalang magpasok sa 'yo sa hacienda. Siya nga pala, medyo malayo rito ang tindahan kaya mag-iiwan na lang kami ng puwede mong kainin hanggang bukas. Wala kasi kaming nakatabing pagkain sa kusina dahil suwerte na ang makabisita kami rito ng tatlong beses sa loob ng isang buwan," wika ng ginang nang makarating sila sa bahay ng mga ito. Katamtaman lang ang laki ng bahay at mayroon itong dalawang kuwarto at ang isa ay ipinaukupa ng mga ito sa kanya. "Ikaw na ang bahala rito sa bahay. Pupuntahan na lang kita rito bukas para samahan ka bukas sa bayan para makapamili ka ng kakailanganin mo rito sa bahay. Ililibot na rin kita sa hacienda para naman kahit papaano ay maging pamilyar ka sa lugar," dagdag ng ginoo. "Salamat po sa inyo. Makakaasa po kayong aalagaan ko itong bahay. Mag-iingat po kayo sa daan," wika niya sa mag-asawa bago ang mga ito umalis. Inihatid niya ang mga ito sa sasakyan at pumasok lang siya sa bahay nang hindi na niya abot-tanaw ang sasakyang sinasakyan ng mag-asawa. Napakabuti talaga ng nasa itaas dahil sa kabila ng kasalanang mga nagawa niya ay hindi pa rin Siya nito pinabayaan. Inayos niya ang mga gamit at nang makaramdam ng pagkabagot ay lumabas siya ng bahay para maglibot-libot sa lugar. Pansin niya kanina habang nasa sasakyan ay malalayo ang pagitan doon ng mga bahay at halos wala siyang matanaw na ibang bahay buhat sa kinaroroonan niya. Bumalik sa alaala niya ang nadaanang ilog hindi kalayuan sa bahay ng mag-asawa kanina at doon niya balak pumunta ngayon. May nakita siyang masukal na daan sa likod ng bahay at sigurado siyang daan iyon patungo sa ilog dahil buhat sa puwesto niya ay naririnig niya ang mahinang pag-agos ng tubig. Tinahak niya iyon at hindi nga siya nagkamali dahil makalipas ang ilang minutong paglalakad ay natagpuan niya ang ilog. Hindi siya tumigil sa paglalakad para maghanap ng parteng magandang pagliguan at kumunot ang noo niya nang makakita ng mataas na bakod dahilan ng paghinto niya sa paglalakad. NO TRESPASSING! LAROSA'S PRIVATE PROPERTY! Basa niya sa nakasulat sa isang karatula. Wala na sana siyang balak na tumuloy pa dahil bawal nga pero dala ng kuryusidad kung ano ang hitsura ng ilog sa kabilang bakod ay natagpuan na lang niya ang sariling inaakyat ang isang puno at iyon ang ginawa niyang daan para makatawid sa kabila. Malawak siyang napangiti nang walang kahirap-hirap siyang nakapasok sa loob. Buhat sa puwesto niya ay tanaw niya ang ilog at namangha siya nang makita ang isang parte ng ilog na malawak ang puwedeng pagliguan. Sa tingin niya ay malalim rin iyon dahil may parteng naghahalo ang asul at berdeng kulay ng napakalinaw na tubig na mayroong ilang dahon na nakalutang. Malinis rin ang paligid niyon na parang may taong nangangalaga roon. "Wow..." hindi napigilang bigkas niya dahil sa labis na pagkamangha. Pero bigla siyang natigilan nang may isang babaeng lumabas buhat sa likod ng isang malaking bato. Eksperto itong lumangoy at nagpalutang sa tubig dahilan para masilayan niya ang kabuuan ng katawan nito na tanging dalawang piraso lang ng maliit na tela ang tumatakip sa kahubdan. "f**k!" mura niya nang biglang matauhan. Mabilis din siyang nagtago sa likod ng isang puno bago pa nito mapansin ang presensya niya. "f**k! Nagkita yata ako ng isang diwata..." tila wala sa sariling wika niya habang nakahawak sa dibdib na kulang na lang ay marinig niya ang mabilis at malakas na kabog nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD