Fearless, Fierce Love by Mar Mojica : Chapter One

1043 Words
Nagsimula na ang tag-araw. Tagaktak ang pawis ng karamihan. Ang mga punongkahoy sa paligid ay nagsilbing lilim ng mga estudyante. Kahit nasa ilalim ako ng puno ay hindi nito kayang ibsan ang init ng ulo na nararamdaman ko. Inihagis ko sa kung saan ang nakasukbit na bag mula sa aking balikat. Inihanda ko ang aking mga kamay at paa. Ipinorma ko ang nakakuyom na kanang kamay at iniharang sa aking mukha. Ang kaliwang kamay ko naman ay nakakuyom din at nakapahalang sa aking dibdib habang bahagyang nakabuka ang aking mga paa. Ang tawag dito ay ‘duck and blast’. Ito ang depensa kapag kailangang protektahan ang sarili. Sabi ni Itay, ingatan ko raw palagi ang aking mukha. Napakaganda ko raw upang magalusan man lang. Alam ko namang pinuri lang niya ako nang ganoon dahil anak niya ako. Sabi pa niya, dahil babae ako, ingatan ko rin daw ang aking dibdib. Ngayong mainit ang ulo ko ay saka nila ako aasarin? Shoot! Ito ang gusto nila, ha. Tingnan natin ang tapang ng mga walang magawang estudyanteng ito. Hindi ko sila uurungan. Dinig na dinig ko pa rin ang paghagulgol ni Amanda na nakayakap ngayon kay Leni. Binastos siya ng mga pulpol. Mga walang magawa sa buhay. Hindi na lang sila magsipag-aral. Hindi porke't libre ang mag-aral sa eskuwelahang ito ay magbubulakbol na sila. "Hala, pare hinahamon ka!" dinig kong sabi ng kasama niyang isa ring pulpol. "Kita mo nga naman ang suwerte ‘pag dumating sa buhay mo. Isang magandang miss ang gusto na namang magpahalik," sabi ng pinakalider nila. Ang lalaking ito ang puwersahang humalik daw kay Amanda na isa sa mga pinakamatalik na kaibigan ko. Kaya nag-iiyak ang kaibigan ko ngayon ay dahil binastos ng may mantikang pagmumukha na lalaking ito. Mamantika! Hindi lamang pagmumukha niya ang nakakainis, kundi pati na ang porma niya, ang ugali niya at ang lahat sa kanya. "Tumabi kayo..." pagbabanta ko sa mga nakaharang. Akma kasi akong pipigilan ng mga estudyanteng hindi ko nakikilala. "Walang makikialam dito,” dugtong ko pa. “Ano! Bakit hindi kayo lumapit nang makita n’yo ang hinahanap n’yo?" sigaw ko sa apat na lalaking nakangiti sa harap ko. Ang lider nila ang pinakanakakainis sa kanila na siyang nambastos kay Amanda. Nakapamaywang pa at abot tainga ang ngiti. Nakaangat ang dibdib na puro buto naman. Wala akong makita ni katiting na muscle. Pinaliliit nila ang mga mata ko. Umaalon ang dibdib ko sa galit at alam kong lumalabas na ang mga ugat ko sa leeg. ‘Sige, lapit. Lapit pa,’ sabi ng isip ko. Unti-unting lumalakad patungo sa puwesto ko ang lider nilang matangkad, payatot at talagang nakakasira ng araw ang pagmumukha. Ang dumi kasi ng mukha niya. Maraming tigidig at namumula pa. Nangingintab din ang kanyang hitsura sa sobrang mamantika talaga ng kutis niya. Alam kong mahal ang magpa-derma. Pero bakit hindi niya subukang magtawas nang matuyo agad ang mga poklat niya? Hindi naman ako mapanghusga sa hitsura ng tao. Pero sa sama ng pag-uugali nila, wala akong makitang kahit anong maganda sa kanila, lalo na sa lider nilang marami na sigurong na-bully! Pinaligiran na kami ng mga estudyanteng nakakakita. Naririnig ko ang bulong-bulungan sa paligid. "Naku, patay sila kay Mel. Hindi sila tatantanan niyan." "Pero apat sila. Mag-isa lang siya. Babae siya at puro lalaki sila." Manood silang lahat nang maintindihan nila kung bakit ‘patay’ sa akin ang apat na pulpol na ito. Kaunti na lang at madadantayan ko na ng aking nangangating kamao ang mga poklat sa mukha niya. Mag-a-alcohol na lang ako mamaya at baka matetano pa ako sa dami ng mga bakukang niya. Aba naman talaga! Kitang-kita ko ang pagtulis ng kanyang nguso. "Kiss me baby." Sabi niyang papikit-pikit pa habang lumalapit sa akin. "Naiinggit ka ba sa kaibigan mo dahil siya ang gusto kong halikan? Tutal mas maganda ka naman sa kanya —kahit mukha kang maton— kaya ikaw na lang ang ijojowa ko." Nagpanting ang tainga ko. Iba ang nakita ko sa mukha niyang puro taghiyawat. Isa siyang gorilyang kahit anong oras ay handa akong lapain. Kaya hindi ko na siya hinintay na makalapit sa akin. Ako na ang mabilis na tumungo sa kinatatayuan niya at walang pag-iisip na tumama sa mukha niya ang aking kamaong naka-phoenix eye. Bagsak agad siya. Pumorma ang isang kasama niya nang makita na agad kong napabagsak ang kanilang lider. Bago pa nito maitaas ang kamay ay agad na akong kumilos. Huh! Bagsak din ang isa. Hindi niya nakayanan ang ‘axe kick’ ko. Nasulyapan ko pa ang maraming kalalakihan na napanganga dahil tumaas ang palda ko nang itinaas ko ang aking paa. Inihanda ko pa ang sarili ko para sa dalawang natitira pa. Ngunit bago pa ako nakaporma ay nagtatakbo na sila at iniwan ang dalawang kasama na nakahiga sa kalsada. Pinagsalikop at pinagpag ko ang aking mga kamay na parang may maruming bagay roon at sinipa ko pa ulit ang tagiliran ng lider nilang nakangiti pa habang nakahiga at duguan ang ilong. Nakakakita siguro siya ngayon ng iba't-ibang uri ng ibon sa paligid niya. Ang isang kasama niya ay bahagyang bumangon at nang aambaan ko ulit ay agad nagtakip ng mukha. "Sorry, sorry, 'di na kami uulit!" ang sabing takot na takot. Tumakbo si Amanda at Leni palapit sa akin. Niyakap agad ako ng aking dalawang kaibigan. Kahit may luha pa si Amanda sa mata ay nakatawa na siya sa akin. Nakita ko ang karamihan na nakisipa rin sa lider. Ang iba ay nakangiti at nakatingin pa rin sa aming tatlo na parang hindi makapaniwala sa nakita. Narinig namin ang tunog ng silbato mula sa papalapit na guwardiya. Kumawala sa pagkakayakap sa akin sina Amanda at Leni. "Anong nangyayari rito?" tanong ng guwardya nang makita ang dalawang nakahandusay sa kalsada. "Nag-away po sila, Manong," ani Leni habang itinuturo ang dalawa at pinagtakpan ako. Nagulat ang guwardya nang mapagsino ang dalawang nakahiga. "Kayo na naman? Ang tigas talaga ng mga ulo n’yo!" wika ni Manong. Tinulungan niyang makatayo ang parang lasing na mga bully ng Great Moon College. Nakatawa kaming lumayo sa lugar na iyon. Pinulot pa ni Amanda ang backpack ko at umabrisiyete sa akin. "Let's go fearless Mel," taas noong sabi niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD