SIKRETO

1490 Words
Chapter 7 Breana's Point of View   Masaya ako sa muling pagtatagpo ng landas namin ni Pareng Arwin. Iyon ang gusto kasi niyang itawag ko sa kaniya kahit pa alam kong mas matanda siya sa akin ng pito o walong taon at kahit ako’y babae na nagtatago sa katauhan ng aking kapatid. Iba ang Ar-ar na kilala ko noon sa Arwin na nakakausap ko ngayon. Kung iba lang siguro ang gumawa sa akin sa ginawa niyang malakas na pagpukol ng bola sa akin na tumama sa dibdib ko baka kanina ko pa siya nasapak sa mukha. Kanina pa ako nakipagbasagan sa mukha. Oo, babae ako pero wala ni sinuman ang gumawa sa akin no’n. Iba ako sa karamihang babae. Akp yung palaban na di umuurong. "P're, may galit ka ba sa akin? May nagawa ba ako?" iritado kong tanong. Oo, iniligtas niya ang buhay ko noon. Utang na loob ko sa kaniya kung bakit hanggang ngayon buhay pa ako pero hindi ako yung tipong api-apihan. Kung anong ipukol mo sa akin at nasaktan ako, maghintay ka ng mas matinding balik. Kung tigasin ka, baka mapapahiya ka sa kasupladahan at kapalaban  ko. Maaring mukha akong inosente, pero panlabas lang ang ipinapakita ng maamo kong mukha. Sanay ako sa laban. Ngunit dahil nagkataong si Arwin ang gumawa no'n sa akin, kahit papaano napigilan ko ang sarili kong patulan siya. Huminga ako nang malalim. Hindi ko mapigilang isipin kung hanggang kailan ko kakayanin ang magbalat-kayo. Sana bago magkabukuhan, gumaling na ang kapatid ko. Lumingon siya sa akin sandali saka niya ako muling tinalikuran na parang walang narinig. Namumuro na siya sa akin. Ibang Ar-ar na nga pala ang kaharap ko. Si Arwin na bastos at hindi ang Ar-ar na iniidolo ko. Bilib ako sa kaniya noon hindi lang sa galing niya sa paglalaro kundi sa kabutihan din ng kaniyang puso. Binabago nga ng panahon ang tao. Dahil ba naging MVP na ay hindi na sumasayad pa ang mga paa  sa lupa? Mabilis na kumilos ang aking mga paa. Hinabol ko siya. Hindi ko napigilang hawakan ang matipuno niyang braso. Mainit iyon, maskulado kaya may katigasan. 'Nak ng teteng! Anong ginawa mo sa akin? Bakit gano'n? May kung anong kakaibang kuryenteng parang dumaloy mula sa pagkakahawak ko sa braso niya hanggang sa bigla na lang akong naging estatwa. Siguro dahil unang pagkakataon iyon na humawak ako ng braso ng ibang lalaki bukod sa boyfriend ko. Nanibaguhan ako.  "Ano? Nababakla ka na ba?" Nakangisi si Pareng Arwin na tumitig sa akin habang tinatanggal niya ang palad kong mahigpit na humawak sa kaniyang maskuladong braso. "Ako? Mababakla sa'yo?" napalunok ako. Kung alam lang niyang babae ako kaya kahit kailan hindi ako magiging bakla. Gustong-gusto ko na talaga siyang sampalin. Siya pa lang, sa dalawampu't isang taon ko sa ibabaw ng lupa, siya palang ang bumabastos sa akin ng ganito. "Makahawak ka kasi p're eh! Ano ha? Tinitigasan ka na ba?" may halong kindat kasunod ng tawang pang-asar na lalo kong ikinairita. "Ano ba talagang problema mo ha?" singhal ko sa kaniya. Mabilis kong hinila ang kamay kong noon ay ramdam ko ang parang galit niyang pagpisil mula sa pagkakatanggal niya sa paghawak ko sa kaniyang braso. "Ako? May problema? Baka ikaw meron. Ano, may problema ka ba sa akin?" astig niyang tanong. Kitang-kita ko pa ang bahagyang pagbuo ng kaniyang kamao. Huminga ako nang malalim. "Akala ko kasi, ikaw pa rin yung dating Kuya Ar-ar na nakilala ko noon. Yung kilala kong gusto akong turuan, yung sobrang hinangaan ko pero okey na ‘yun. Salamat na lang sa pagligtas mo ng buhay ko." "Oo iniligtas kita kapalit ng sana maayos na takbo ng buhay ko. Wala kang alam sa mga pinagdaan ko pagkatapos ng nangyaring iyon. Kaya yung pasasalamat mong 'yan? Isaksak mo sa baga mo dahil hindi niyan kayang baguhin pa kung paano ako naghirap at nababoy marating ko lang kung nasaan ako ngayon." Makahulugan ang sagot niyang iyon sa akin. Naguluhan ako sa mga sinabi niya at inasta. Nakita ko sa mga mata niya yung galit. Hindi ko alam kung saan ang pinanggalingan no'n pero alam kong may mali. Pilit kong pinakalma ang sarili ko. Inisip ko na lamang na maaring patay na ako noon kung wala siya na sumagip sa buhay ko. Alam ni Brent ang lahat ng ito. Si Arwin ang hindi nakakaalam na walang kinalaban si Brent sa nangyaring iyon noon. Kung nagkataon pala na si Brent ang nandito siya ang madiin ng madiin sa isang nakaraang wala naman talaga siyang kinalaman. Kilala ko ang kambal ko. Paniguradong tatanggapin na lang niya ang galit ni Arwin. "Ngayon, may sasabihin ka pa ba? May problema ka pa ba sa akin?" siga niyang tanong. Bumunot muli ako ng malalim na hininnga. Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili kong... "Relaks lang Brean, huwag mong patulan." "Ano? May sasabihin ka pa?" muli niyang tanong nang nanahimik ako. "Wala. Wala akong problema. Wala na din akong sasabihin pa," pagpipigil kong wika kasunod ng pagtalikod ko sa kaniya. Pilit kong nilabanan ang paninigas ang galit sa dibdib ko. Pinagpawisan ako. 'Nak ng teteng! Hindi ako 'to e. Hindi ako sanay magpigil ng galit. Ngunit kay Arwin, nirespeto ko ang utang na loob ko sa kaniya. Mas binigyan ko ng halaga ang pinagsamahan namin noon. "Ipakita mo na lang ang galing mo sa court. Baka hanggang sa ensayo ka na lang at hindi ka na aabot pa sa league, pare. Balita ko, may kasabay ka pang pinagpipilian mula sa Philippine Basketball Guild Draft. Paano kung hindi ikaw ang papasok sa team p're? Huwag ka munang kampante!" pahabol niyang pang-aasar. Hindi na lang ako sumagot. Narinig ko na lang ang pagsara ng pintuan. Sinisikap kong labanan yung pagkainis kay Arwin. Bumunot ako ng sunud-sunod na malalalim na hininga. Alam kong makakatulong iyon para maibsan yung magkahalong galit at inis. Binuksan ko muli ang temporary na locker ko. Temporary dahil hindi pa naman official na bahagi ng team si Brent. Kung hindi lang talaga mapili itong si Brent at hindi ito ang team na gusto niya, hindi ako magpapakatanga sa team na  ‘to.  Naiintindihan ko naman si Brent, lahat ng bagong player, gusto nilang maging bahagi ng isang team na may pangalan na. Lahat ng player gustong mapabilang sa isang team kung saan ay naging sunud-sunod na ang pagiging champion. Ipinangako ko kay Brent na makukuha niya ito kaya kailangan kong pag-igihan at hindi kami dapat mabubuking dahil kung mamalasin, end na ito ng career naming magkapatid sa mundo ng basketball. Tumingin muna ako sa paligid. Nakita kong may padaan kaya muli kong pasimpleng isinara ang aking locker saka pasigang tumango. Ang hirap pala talaga magpakalalaki. "Tara na, tol." Si Benjie. Matangkad, maganda ang katawan ngunit walang kadating-dating ang mukha. Siya ang dapat makakatunggali ni Brent sa pagkuha sa bakanteng posisyon sa team. Ngayon, ako ang ipantatapat sa kanya. Sana magkasinghusay kami ni Brent. Natatakot ako. Babae pa rin kasi talaga ako. Sanay man sa laro, iba pa rin maglaro ang mga lalaki. Kakilala ni Brent si Benji. Mabuti at hindi namin ipinaalam sa lahat ang pagka-aksidente ni Brent. Kung nagkataon, pwede sana niyang gamitin iyon para makuha niya ang pwestong pinag-aagawan nila ng kapatid ko. Natatakot rin ako na baka siya ang makakabuking na hindi naman talaga ako si Brent kaya doble ingat dapat ako kay Benji. Nakilala lang ni Brent ito nakakalaro lang sa Philippine Basketball Guild draft. Sa ibang university siya. Madalas nakakasagupa na rin noon ni Brent ang team ni Benjie. Isa siya sa mahigpit na makakatunggali niya dapat at hanggang ngayon kinakabahan pa rin akong hindi ko makuha ang pinapangarap ni Brent dahil kay Benjie. "Sige tol, sunod ako," seryoso ang pagkakasabi ko no'n. May kasabay pang pagsaludo. Alam kong ganoon na ganoon si Brent. Sana hindi siya nakahalata. Nang nasisiguro kong wala nang tao na puwedeng makakakita sa akin ay inapuhap ko ang maayos kong itinago na inhaler sa bulsa ng backpack ko. Sa katulad kong may asthma, kailangan ko iyon bago maglaro. Bukod sa aking pagiging babae, iyon ay isang sikretong ayaw ko nang ipaalam pa dahil kaya ko namang makipagtagalan sa paglalaro basta mero'n nito. Natatakot kasi akong puwedeng gamitin ng iba ang asthma ko para hindi ako makuha sa team samantalang wala naman akong nakikitang mali basta bago ako sasabak sa laro ay sisinghap muna ako ng inhaler ko. Bago ko iyon tuluyang inilabas ay muli akong tumingin sa paligid ko. Wala ng tao pa sa loob. Umaasang sana wala ding papasok na maaring makakita sa akin. Nang sumisinghap na ako sa inhaler ko ay biglang naramdaman kong parang may nagbukas ng pintuan. Mabilis kong itinago ang inhaler ko kasunod ng paglingon ko sa pintuan ngunit bago ko pa namukhaan kung sino ang akmang papasok ay naisara nang muli ang pinto. Hindi ko alam kung nakita ako ng kung sinuman ang sumilip na iyon pero alam kong mabilis din naman akong tumalikod at naitago ang hawak kong sikreto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD