Chapter 1

2816 Words
One-week earlier...  NAKAUPO si Maddie sa upuang kaharap si Simon, na boss niya sa pinagtatrabahuang club at seryosong nakatingin sa kaniya ang binata dahil sa hiniling niya rito. Mabilis na kumakabog ang dibdib ni Maddie pero desidido na siyang gawin iyon para sa anak niyang si Poypoy na nasa Ospital ngayon dahil nagkaroon ng dengue. Nilagnat ng napakataas ang anak ni Maddie at nagdugo ang ilong kaya sa sobrang taranta, ay hindi na naisip pa ni Maddie na sa isang public hospital dalhin ang anak at sa isang pribadong hospital niya ito nadala kaya malaking bill ang babayaran nila na kahit nabawasan na dahil sa health insurance, na mayroon siya galing sa gobyerno ay may mga bayarin pa rin at nagkandautang-utang din siya sa kapit-bahay. Ngayon ay humiling si Maddie sa boss niya bilang waitress na bigyan siya ng trabaho bilang performer kapag may customer na mayaman, na nagbabayad para sumayaw sa mga bachelor party o iba pa, na wala namang halong sekswal dahil isa naman iyon sa pinagbabawal sa club nila. “Mayroon akong dating kaklase na gustong umupa ng performer dito sa club para sa birthday ng kaibigan niya. Sa bar niya sa Maynila gaganapin pero sila-silang magkaibigan lang naman ang manonood. “Malaki ang halagang babayaran niya dahil ang gusto ng dati kong kaklase, ay sexy dance at siyempre magsusuot ng damit na halos kita na ang buong katawan. Papayag ka ba sa ganoong set-up, Maddie?” tanong ni Simon sa kaniya. “Pero nasisigurado ko naman sa’yo na walang mangyayaring bastusan dahil iyon ang nasa rules ng kontrata at kapag lumabag sila ay mananagot sila sa akin,” dagdag nito. “Magkano po ba ang bayad?” tanong niya. “One-hundred thousand ang inalok niya at hindi ko na gagawing fifty-fifty ang hatian natin. Okay na sa akin ang twenty-percent para makatulong naman ako sa’yo. Pero kung tutuloy ka?” tugon ni Simon. “Tutuloy ako. Magpe-perform lang naman as dancer at trabaho lang naman iyon,” payag niya. “Kailangan ko na kasing bayaran ang mga pinagkautangan ko at ang natirang bill sa Ospital,” aniya. “P’wede naman kitang pautangin,” suhestiyon nito. “Huwag na. Napakarami ko nang utang sa’yo lalo na si Kuya Marion. Baon na baon na kami sa’yo kaya ayaw ko nang madagdagan pa iyon,” nahihiyang tanggi niya kay Simon. Dahil sa nakakatandang kapatid niya kaya nagtatrabaho siya ngayon sa club ni Simon. Nabaon kasi ang Kuya Marion niya sa kaibigang si Simon at para makabayad at makautang pa noon ng pera bago nawala ng parang bula ang kapatid, ay ibinenta siya nito kay Simon. Wala siyang magawa noon dahil takot na takot siya sa nakakatandang kapatid at tinanggap naman siya ni Simon dahil alam nitong masasaktan siya kay Kuya Marion kapag hindi ito pumayag. Mabuti na lang mabait si Simon at hindi siya ginawang dancer sa club at waitress lang ang naging trabaho niya hanggang sa nagtagal na siya doon at hindi na rin umalis dahil kailangan niya rin ng pera para sa pangangailangan nila ni Poypoy at unti-unting makabayad sa utang kay Simon. Ngayon lang si Maddie, nagdesisyon na mag-perform dahil alam niyang mas malaki ang kinikita ng mga private performer lalo na at mayayaman ang mga customer. Sigurado naman siyang hindi rin pababayaan ng mga tauhan ni Simon dahil sinisigurado ng binata na sumusunod sa rules ang mga mayayamang customer, na kumukuha ng performer sa club nito. “Sige. Sa’yo ko na lang ibibigay ang trabahong iyon,” payag ni Simon kaya napangiti siya. “Salamat, Simon,” tugon niya. “Walang anuman. One-week pa naman bago ang trabahong iyon kaya puntahan mo na ngayon si Helga para mag-practice ng isasayaw mo sa gabing iyon. Siguro naman marunong ka nang sumayaw kaya hindi ka mahihirapan na matuto,” anito. “Marunong akong sumayaw. Noong highschool at nag-aaral din ng College, ay sumasali ako sa mga dance competition kaya hindi ako mahihirapan kahit sexy dance pa iyan,” positibo niyang tugon. Naalala tuloy ni Maddie ang masasayang alaala noong nag-aaral siya lalo na nang College, na hindi rin naman niya natapos dahil sa pagkawala ng mga magulang at sa pagkalulong ng kapatid niya sa droga kaya nagkabaon-baon sila sa utang. Simula nang mawala ang mga magulang lalong naging malala ang kapatid niya at hindi niya iyon kayang pigilan. Sumasaya na nga lang siya ngayon dahil sa anak na si Poypoy na palagi ring nagpapalakas sa kalooban niya. “Mabuti naman kung ganoon. Hindi na masiyadong mahihirapan si Helga na magturo sa’yo,” nakangiting tugon niya. Tumayo na siya. “Pupuntahan ko na si Helga,” nakangiting paalam niya na tango lang ang iginanti ni Simon kaya naglakad na siya palabas ng opisina nito. Nang makalabas si Maddie, ay napansin niya ang nanunuring tingin sa kaniya ng ibang mga katrabaho na babae. Mas kalimitan na ganoon ang tingin sa kaniya ay ang mga dancer ng club, na alam niyang nagiging topic din siya ng mga kuwentuhan ng mga ito. “Mukhang nakaisa na naman si boss sa babaeng iyan. Siguro may hiniling na naman kaya nagpagamit na naman kay Sir.” Napatingin si Maddie sa nagsalitang iyon at walang iba iyon kundi si Carla, na isa sa mga dancer ng club. Nakatingin pa ito sa kaniya at may ngisi sa labi, na hindi man lang natakot dahil harap-harapan siyang pinag-uusapan. Kasama nito si Sandy at Veron, na mga dancer din sa club at nakasuot na ng sexy na damit dahil mayamaya ay sasayaw na ang mga ito. Napabuntonghininga siya at nagpatuloy na lang sa paglalakad. Wala siyang oras makipag-away sa mga taong wala naman alam sa buhay niya at puro kasinungalingan ang sinasabi. Nagtungo na siya sa lugar kung saan matatagpuan si Helga at doon sa malaking kwarto na iyon ay nagpa-pracatice ng sayaw ang mga dancer at si Helga ang tagapaturo. May malaking salamin doon at plain lang ang kwarto na kulay grey ang pader. “Ma’am Helga, pinapunta ako ni Sir Simon dito para mag-practice raw ng sayaw sa party ng kaibigan niya,” sabi ni Maddie kay Helga, nang lapitan niya ito na nakaupo sa isang upuan at hawak ang cell phone. Medyo matanda sa kaniya si Helga at ang alam niya ay nasa trenta na ito pero matagal ng tauhan ni Simon ang babae at nagtuturo sa mga dancer sa club ng mga sayaw na pini-perform sa club o sa mga customer na umuupa sa mga dancer ng club. “Oo, na-text na sa akin ni Simon na may pupunta nga rito para sa practice ng sayaw sa isang birthday party sa isang bar. Mayaman na binata raw ang may birthday kaya hiniling ng customer na sexy dance ang isasayaw ng performer,” anito. “Opo,” tugon niya. “Ang alam ko ay waitress ka sa club kaya bakit ikaw ang sasayaw sa party na iyon?” usisa ni Helga. “Hiniling ko kay Sir Simon, na ibigay na muna sa akin ang trabahong iyon. Nangangailangan kasi ako,” tugon niya. “Ang tanong kakayanin mo bang mag-sexy dance at magsuot ng damit na halos ‘konti lang ang matatakpan sa katawan mo?” tanong nito sa kaniya. “Kaya ko po. Trabaho lang naman ito at walang personalan,” tugon niya. “Sabagay, wala naman masama sa trabaho niyo dahil sumasayaw lang naman kayo. Nasa maduming isip lang ng tao ang nagpapasama sa trabaho ng dancer dito samantalang hindi naman sila nagbebenta ng laman,” tugon ni Helga saka tumayo. “Kaya nga saka alam ko naman na hindi ako mababastos nino man dahil may magbabantay na tauhan ni Simon sa kaligtasan ng mga performer,” nakangiting tugon niya. “Oo. Maswerte talaga ang mga performer dito dahil sa legalidad at sekyuridad ng trabaho nila rito,” tugon ni Helga. “Mag-umpisa na tayo. Sana hindi mo ako pahihirapan,” hiling pa nito. “Magaling po akong sumayaw at madaling matuto kaya hindi ka mahihirapan sa akin,” puno ng kompiyansang tugon niya. “Eh, ‘di mabuti,” tugon ni Helga at lumapit sa malaking speaker na nandoon at kinuha ang remote saka binuksan iyon at isang malamyos na tugtog ang pumailanlang sa buong kwarto. MATAPOS ang isang linggo, ay dumating na ang gabi na magpe-perform si Maddie ng sayaw sa isang bar. Handa na ang lahat para sa pagsayaw niya at nakaluwas na sila ng Maynila kasama ang mga tauhan ni Simon na mag-aayos ng music instrument, stage, make-up artist at back-up dancer, na makakasama niyang mag-perform sa sa stage sa gabing iyon. Isang kilala at mamahaling bar ang pinuntahan nila pero pagpasok nila ay naka-close ito ngayong gabi dahil marahil sa birthday party nga na magaganap ngayon. Nasa dressing room na ngayon si Maddie, naka-make up, nakasuot ng two-piece na kulay gold na pinatukan lang na see through na kulay puting cotton dress. Kabisadong-kabisado na niya ang isasayaw at alam naman niyang hindi siya magkakamali subalit kumakabog ang dibdib niya, sa sobrang kaba dahil ito ang unang beses na gagawin niya ito, na ganoon ang suot. Laging tumatatak sa isip niya, na trabaho lang ang gagawin niya ngayon at malaki naman ang sasahurin subalit hindi pa rin maiwasang makadama ng hiya at kaba dahil sa mga lalaking manonood sa kaniya pero hindi naman ibig sabihin niyon, na hindi na niya itutuloy ang trabaho dahil nakapirma na siya ng kontrata kay Simon at kapag hindi niya ginawa ang trabaho, ay marereklamo ang club ni Simon at ganoon na rin siya. Kaya wala nang atrasan ito at ang tanging iisipin na lang ni Maddie, ay ang magiging sahod niya na malaki ang makakatulong sa kaniya ganoon din kay Poypoy. Nag-aayos pa ang mga back-up dancer na nasa kwarto na kinaroroonan niya at napansin niyang tumingin ang mga ito sa kaniya. “Mukhang kabado ka?” tanong ng isa sa kaniya na si Leticia. “Hindi naman,” tugon niya. “Nagulat kaming lahat, na ikaw ang magiging main dancer sa party na ito. Hindi ba waitress ka? Hindi namin akalain na talaga pa lang napakalakas mo kay Sir at walang alinlangan, na bigyan ka ng ganitong trabaho,” sabi pa ni Leticia. “Leticia!” sita ng isa pang back-up dancer na si Ingrid. “Hindi naman ako bitter, ah, at least sinasabi ko sa kaniya nang harapan. Hindi katulad nang iba nating kasamahan na patalikod siyang pag-usapan,” sabi ni Leticia saka tumingin sa kaniya at ngumiti. “Promise, hindi ako bitter, natural lang naman na mapansin ka namin nang ganoon dahil hindi naman talaga ito ang trabaho mo,” anito. “Matagal ko nang kaibigan si Sir Simon. Bata pa lang kami dahil isa siya sa mga kaibigan ng nakakatanda kong kapatid kaya nang hilingin ko, na ako na lang ang sumayaw ngayong gabi para mas malaki ang kitain ko ay napapayag ko siya kaagad. “Kailangan ko kasi para sa bill ng Ospital ng anak ko dahil na-dengue siya at sa mga nautang ko sa mga kapit-bahay namin. Ayoko nang umutang kay Sir Simon dahil sa totoo lang baon na ako sa kaniya kaya mas ginusto ko na lang na sumayaw,” mahaba niyang paliwanag kina Alicia at Ingrid. Wala na siyang pakealam kung paniniwalaan siya ng mga ito at sawa na rin naman siyang manahimik. Sinabi niya iyon sa dalawa para kahit paano, ay malaman ng mga ito ang dahilan niya at bahala na ang mga ito kung magiging tampulan siya ng usapan kasama ng iba pang dancer. “May anak ka na pala?” tanong ni Ingrid sa kaniya. “Oo. Single mother ako at nagkataon naman na nangailangan lang talaga,” tugon niya. “May valid reason ka naman pala. Okay na iyon sa amin,” nakangiting tugon ni Leticia. “Galingan mo na lang mamaya para maging satisfied ang customer natin ngayon. Maganda ka at sexy pa, kaya siguradong matutuwa sa’yo ang customer,” nakangiting sabi ni Ingrid sa kaniya. Ngumiti na rin si Maddie sa dalawa at mukhang hindi naman katulad ang dalawang ito kay Carla at sa iba pang pinagti-tsismisan siya saka hindi naman niya nakikita na sumasama sina Ingrid at Leticia sa grupo ni Carla, na laging nagpaparinig sa kaniya at siya ang tampulan ng usapan. “Salamat. Good luck sa atin,” aniya at bumuga ng hangin upang mawala kahit paano ang kaba, na nanunuot sa puso niya. Mayamaya ay tumayo na si Ingrid at Leticia dahil nag-umpisa na ang party at nagsalita na ang host na galing din sa club ni Simon saka tinawag na sila. Nag-umpisa nang tumugtog ang musika kaya lumabas na sila na may ‘konting liwanag lang sa staga saka na sila nag-umpisang gumiling, na nakatalikod sa mga nanonood na customer. Nasa gitna siya nina Leticia at Ingrid habang gumigiling na sumasabay sa malanding tugtugin at hindi na ininda ang hiya at kaba na nadarama niya kanina. Patagilid na humarap sa kaniya sina Leticia at Ingrid at binigyan siya ng ngiti senyales na haharap na ang dalawa sa customer at susunod siya, na ginawa naman ng mga ito kaya siya na ang susunod na haharap. Bumuga siya ng hangin at pinalakas lalo ang loob saka naglakas-loob na humarap na sa mga audience na nanonood sa performance nila na may ngiti siya sa labi. Pagkaharap ni Maddie saka bumukas nang tuluyan ang ilaw sa stage at ganoon din sa pwesto ng customer kaya nagliwanag na ang buong paligid. Kitang-kita na silang mga sumasayaw pati na rin ang customer na nakaupo sa harapan at nanonood sa kanila. Nguniti nang lumiwanag at makita ang mga nanonood, ay isang tao ang kumuha kaagad ng atensiyon niya at naging dahilan para matigagal siya. “Kael!” gulat na bulalas ng isip niya. Napahinto sa pagsaway si Maddie, sa sobrang gulat. Hindi niya inaakala na sa pagkakataong ito, ay makikita niya muli ang taong iyon at pakiramdam niya ay binuhusan siya ng malamig na tubig sa buong katawan. Nagulat na lang siya nang hawakan ni Ingrid, ang balikat niya saka pumunta ang dalawang babae sa harapan niya at hinarangan siya para hindi mahalata ang paghinto niya sa pagsayaw. Dahil natauhan sa paghawak ni Ingrid ay muli ibinalik niya sa isip na ang trabaho niya saka ipinagpatuloy ang pagsayaw hanggang sa iniwan na siya ng dalawang back-up dancer at mag-isang sumayaw. Hindi tinitignan ni Maddie ang lalaking kumuha ng atensiyon niya kanina. Matagal na niya itong hindi nakita pero kilalang-kilala pa rin niya ito at kailan man ay hindi niya ito makakalimutan. Mas kumabog ang dibdib ni Maddie at halos marinig na niya ang kabog na iyon pero patuloy pa rin siya sa pagsaway at hinubad pa niya ang see through dress dahil kasama iyon sa performance niya. Subalit nahinto ang music at nagulat siya dahil pagtingin niya sa mga nanood na tatlong lalake, ay nakatayo na ang isa, na may madilim na anyo ng mukha habang nakatingin sa kaniya. “Stop this nonsense! I didn't like this gift of yours, Falcon!” galit na sabi ng lalaking bukod-tanging nakatayo habang matiim ang tingin sa kaniya. “Ang KJ mo naman, Klay! Nag-e-enjoy na ako—“ “Shut up your f*cking mouth!” galit na sita ni Kael sa kasamang magsasalita pa sana. Si Kael ang lalaking nagpatigil sa pagtunog ng sound system. Mukhang senenyasan nito ang nag-operate ng music at ngayon ay nakatayo siya na tanging two-piece lang ang suot sa harapan ng tatlong lalake. Si Kael ang ex-boyfriend niya noong College siya at ang unang lalaking nakaangkin din sa kaniya subalit nakagawa siya ng malaking pagkakasala rito at nagawa niya itong traydurin at sirain ang buhay noon, na dahilan para mapatanggal ang scholarship nito sa unibersidad na pinag-aaralan nila at tuluyang malayo sa kaniya. Pitong-taon na ang nakakalipas at hindi niya inaasahan na magkikita silang muli sa ganito pang pagkakataon. “You can go now and get dressed,” utos ng isang lalaking kasama ni Kael, na tumayo na rin. Nagmamadaling lumakad paalis si Maddie at pumunta ng dressing room. Doon ay naabutan niya sina Ingrid at Leticia, na gulat ang emosyon sa mga mukha. “Anong nangyari? Bakit ka nila pinatigil?” gulat na tanong ni Leticia sa kaniya. “Hindi ko rin alam. Basta ang alam ko, ay ginawa ko naman ang best ko,” may lungkot na tugon niya. “K-kulang ba ang ginawa ko? May mali ba—“ “Wala. Ang galing mo nga kanina, eh!” kaagad na putol ni Ingrid sa sasabihin sana niya. “Kahit nawala ka sa sarili, ay natabunan naman iyon ng naging performance mo,” dagdag pa nito. “Baka may problema lang iyong taong nanonood sa atin kanina. Iyong isang nagpatigil ng tugtog at pinahinto ka sumayaw,” hinuha ni Leticia. “Siguro nga. Baka dahil nakilala at nakadama siya ng galit sa akin dahil sa nakaraan namin kaya ganoon ang naging reaksiyon niya sa akin,” sabi niya pero sa isip lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD