Chapter 4

898 Words
KATRINA Nang mailibing namin si Tito Rayban, sinamahan ako ng kaniyang kapatid sa bahay para kunin ang mga gamit ko. Ramdam kong nakasunod sa amin ang mga mata ng ilang kapitbahay dahil may kasama akong lalaki ngayon, pero walang naglakas ng loob na magtanong sa akin. Tahimik ang buong kabahayan nang iginala ko ang aking paningin sa sala. Nagkalat pa rin ang mga gamit at magulo ang buong bahay dahil kung sino-sino na lang ang pumasok dito noong isang araw. Sa tingin ko, hindi na nga bumalik dito sa bahay na tinutuluyan namin ang aking ina at tuluyan na siyang sumama sa lalaki niya. Matapos kunin ang ilang mahalagang gamit ko, tahimik akong lumabas ng bahay at ikinandado ang pintuan. “Katrina, nailibing na ba ang Tito Rayban mo?” tanong ng isa naming kapitbahay nang makita ako. “Opo,” tipid kong sagot. “Naku, napakawalanghiya talaga ng nanay mo. Pagkatapos bihisan at bigyan ng maayos na bahay ni Rayban, ay ipinagpalit lang niya sa matandang mayaman!” Nangilid ang mga luha sa aking mga mata dahil masakit makarinig ng akusasyon laban sa aking ina, pero hindi ko naman siya kayang ipagtanggol dahil nagsasabi ng totoo ang mga kapitbahay namin. “Let's go!” narinig kong sabi ng kapatid ni Tito Rayban. “Sino siya, Katrina?” pahabol na tanong ng isa pa naming tsismosang kapitbahay, pero hindi na ako sumagot. Dali-dali akong sumakay sa sasakyan. Tahimik namang nagmaneho si Angkol Rayker at nanatiling nakatingin sa daan. Tahimik ang naging biyahe namin. Hindi kami nag-usap habang nasa daan, at walang nagbukas ng usapan hanggang makapasok kami sa isang subdibisyon at pumarada ang kotse ni Angkol Rayker sa tapat ng isang townhouse. “Bumaba ka na,” utos niya sa akin. Seryoso ang kaniyang ekspresyon, kaya kahit kinakabahan ako at may takot na nararamdaman dahil estranghero pa rin kaming dalawa sa isa't isa, ay dali-dali kong binuksan ang pintuan ng kotse ni Angkol Rayker at kinuha ang dala kong bag. Tahimik ang kabahayan nang pumasok kami. Para bang walang ibang tao dito sa bahay, kaya wala akong ibang naririnig maliban sa aking paghinga. “Mag-isa lang ako dito, kaya masanay ka rin na kumilos ng mag-isa,” narinig kong sabi ni Angkol Rayker. Hindi ko akalain na mag-isa lang siya dito dahil ang akala ko'y may asawa na siya at mga anak. “Sige po,” nahihiyang sagot ko. “Sumunod ka sa akin,” utos ni Angkol Rayker. “Nasa itaas ang magiging silid mo. You're going to stay upstairs.” Kahit kinakabahan ako, ay sumama ako sa kaniya dito sa ikalawang palapag. Sinamahan niya ako sa isang silid at sinabing mula ngayon, ito na ang magiging silid ko. “Thank you po, Angkol.” Tinanguan lang niya ako, at pagkatapos ituro sa akin ang kabinet na paglalagyan ko ng mga gamit ko, sinabi niyang bumaba ako kapag natapos na akong magligpit ng mga damit ko para sa hapunan. Dali-dali kong binuksan ang dala kong bag at sinimulang ilagay sa cabinet ang dala kong damit. Nang matapos itong gawin, lumabas na ako ng silid at bumaba para kumain. Nagpa-deliver si Angkol Rayker ng hapunan, kaya hindi na kami nagluto. Matapos kumain, nagpaalam na ako sa kaniya na aakyat sa guest room. Pumayag naman siya, kaya umakyat agad ako sa hagdan para makalayo sa kaniya dahil hanggang ngayon, hindi ako komportableng kasama siya. Kakaiba kung paano niya ako tingnan. Para bang may ibang ibig sabihin ang kaniyang mga titig kapag nakatingin siya sa akin, kaya lumayo agad ako dahil napakalakas ng pintig ng puso ko kapag malapit siya sa akin. Naligo muna ako at nagsipilyo. Matapos magbihis, humiga na ako sa kama, at dahil pagod ako at napuyat rin magdamag sa lamay kay Tito Rayban, kaya’t nakatulog agad ako. Malakas ang buhos ng ulan, kasabay ng sunod-sunod na pagtama ng kidlat sa bahay na tinutuluyan ko ngayon, ang gumising sa akin, kaya napabalikwas ako ng bangon. Dali-dali kong tinakpan ng aking dalawang kamay ang magkabilang tainga ko, pero mas lalo namang lumakas pa ang mga kulog sa labas. Hindi ako takot sa ulan at malalakas na kulog, pero pakiramdam ko kasi ay para bang tumatama ang malakas na kidlat sa buong kabahayan, kaya maaaring mabasag ang makapal na salamin ng dingding ng bahay. Nakasiksik ako sa headboard ng kama nang biglang bumukas ang pintuan. Nanlaki ang aking mga mata nang makita kong pumasok ang kapatid ni Tito Rayban at lumapit sa akin dito sa kama. Napalunok ako at naumid ang dila ko nang tumigil siya sa tabi ng kama at tiningnan ako na para bang sinusuri niya ang kabuuan ko. “Bakit gising ka pa?” tanong niya sa akin, pero hindi niya inalis ang mga mata sa mukha ko. “M-malakas po kasi ang ulan, kaya nagising ako,” nauutal na sagot ko. Biglang nanginig ang katawan ko. Kaya niyakap ko ang aking sarili. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa malamig na temperatura dito sa silid na tinutuluyan ko o dahil sa malagkit na mga titig sa akin ni Angkol Rayker. “Mahiga ka na at matulog ulit, Katrina,” utos niya sa akin. Umupo siya sa gilid ng kama at hinawakan ako sa pisngi. Hindi ako nakapagsalita dahil biglang nagwala ang aking puso, lalo na nang marahan niyang haplusin ang aking balat at hinawi ang ilang hibla ng buhok na nakatabing sa mukha ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD