CHAPTER 15: TREMBLING
"Ano? Nasaan na raw si Clyde?" iritado nang tanong sa akin ni Felix. Limang beses na iyon at halatang naiinip na siya ngayon.
"'Di pa rin siya sumasagot o nagre-reply. Offline din siya," paliwanag ko at tumayo. "Nag-aalala na ako! 'Di naman siya ganito dati."
"Tsk! Kumain ka na. Ako nang maghahanap!" pinal na sagot niya at lumabas ng kwarto ko.
Kung seven o'clock ang last subject ni Clyde, supposedly by eight ay nakauwi na siya tulad ng dati. Pero ngayon, alas nuebe na wala pa rin siya! Wala man siyang text na paalam kung magagabihan siya o mag-sleepover sa ibang lugar.
Nilukob ng takot ang puso ko. Gusto kong sumama kay Felix pero baka umuwi na rito si Clyde at magkasalisi kami.
Bumaba ako at sa living room naghintay. Hindi ako makakain dahil sa kaba. Tanging pag-inom lang ng tubig ang nagawa ko para bawasan ang gutom.
Napatayo ako nang marinig ang pag-ring ng phone ko. Hindi rehistradong numero iyon. Ang bilin nina mommy at daddy, 'wag kong sasagutin kapag ganito ang tumatawag sa akin. Baka raw kasi mahanap ako ng mga taong may balak ng masama sa akin.
Napakagat ako ng pang-ibabang labi nang maputol na ang tawag dahil hindi ko sinagot. Sino 'yon? Bakit siya tumawag sa akin? Kailangan ko na bang magpalit ng sim card?
Unknown number: This is Felix. Answer my call, Aphrodite.
Napaawang ang labi ko at nakahinga ng maluwag. Si Felix lang pala iyon kaya dali-dali ko siyang tinawagan pabalik.
"Felix, nahanap mo na ba siya?" umaasang tanong ko.
"Yeah. He's at a Bar, drunk. Uuwi na kami mamaya."
"Bakit mamaya pa?"
"May kausap siyang babae. Hinihintay ko lang na matapos."
Napatango na lang ako at sa wakas ay nabawasan na ang pag-aalala. "Sige, salamat."
Akmang ibababa ko na ang tawag nang magsalita siya ulit. "Have you eaten?"
"Hindi pa..." mahinang sagot ko.
"Tsk! Kumain ka na. Pauwi na kami," seryoso at masungit na utos niya.
"Hihintayin ko na sana kayo," malumanay na paliwanag ko.
"Mauna ka na!" may awtoridad na utos niya kaya napanguso na lang ako.
"Oo na po!" pagsuko ko at pinatay na iyon.
Mabuti na lang at nasa Bar lang si Clyde. Akala ko kung ano nang nangyaring masama sa kanya. Na baka dinukot at sinaktan siya no'ng mga gustong mahanap ako at mapatay. Hindi ko kakayanin kung may mangyari mang gano'n. Walang ginawa ang pamilyang Saavedra kun'di ang alagaan at protektahan ako. Kaya hangga't maaari, ayaw kong madamay sila sa gulo na naiwan sa akin ng tunay na pamilya ko.
Napatakip ako ng bibig nang makitang may dugo sa damit ni Clyde. Nanginginig ang mga kamay ko nang subukan kong tulungan si Felix na alalayan siya.
"A-anong nangyari?"
"Nakipag-away. Bantayan mo muna, tatawagan ko lang si Dr. Lacsamana," pagtukoy niya sa family doctor nila.
"C-clyde..." naiiyak na tawag ko sa kanya nang makita ang sugat sa pisngi, ilong at labi niya.
Hindi ako makapaniwalang makikita ko siyang ganito kahina. Palagi lang naman kasi siyang masigla at tumatawa. Ni hindi rin siya hinahayaang masugatan ng mga magulang niya.
"Maddie," bulong niya habang nakapikit siya.
So, this is all because of love? Hindi ko pa naranasang magmahal, iyong romantic na pagmamahal. May ideya ako base sa mga napapanood kong movie. Pero hindi ko inakalang masasaktan si Clyde ng ganito dahil sa pag-ibig. Baka nga mas masakit pa sa emosyonal kaysa sa mga sugat niyang pisikal.
"You're trembling, Aphrodite."
Napatingin ako kay Felix nang marinig siya. Bumaba ang tingin ko sa sariling kamay nang hawakan niya iyon.
"He will be fine. Padating na si Doc," pagpapagaan niya ng loob ko at marahang pinisil ang kamay ko.
Binantayan ko si Clyde nang magamot na ang mga sugat niya. Baka kasi may gusto siyang gawin o kunin, gusto kong tulungan siya dahil alam kong masakit ang katawan niya ngayon.
"Aphrodite, you should sleep now. May klase ka ba bukas 'di ba?"
Umiling ako at nanatiling nakaharap kay Clyde. "He was there for me when I'm at my weakest, Felix. Simple pa lang 'tong ginagawa ko kumpara sa pagsama niya sa akin noon."
"Tsk!" iyon lang ang narinig ko sa kanya bago niya ako tinabihan.
Sa kama niya ako sumandal at umidlip. Para kapag may kailangan siya o dumaing ng sakit ay maririnig ko agad. Nagising lang ako nang maramdamang may humahaplos sa buhok ko.
Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata at kinusot iyon nang bumangon. "Clyde? Kamusta ka na?"
"Okay lang ako!" Humalakhak pa siya. "Bakit dito ka pa natulog?"
"Nag-alala ako, e!" nakangusong paliwanag ko. "Ano? Masakit ba mga sugat mo?"
"Oo naman, pero kaya ko pa ring tiisin. Malakas kaya ako!" pagmamayabang niya.
"Nagugutom ka na ba? Ikukuha kita ng pagkain."
"Mamaya na lang. Ikaw, baba ka na kung gusto mo nang kumain. Okay lang ako rito, don't worry!"
"Oo na! Basta, 'wag ka na ulit makikipag-away ng gan'yan, ha? Mag-aalala talaga ako!" sagot ko at niyakap siya.
Naramdaman kong natigilan pa siya at tumawa. "Ano ba, Aphrodite? Masakit ang sugat ko sa lips, 'wag mo 'kong masyadong pinapasaya!"
"I love you," bulong ko, hindi pinansin ang sinabi niya. "Kung gusto mong umiiyak o ng kausap tungkol kay Maddie, nandito lang ako. Pwede mo rin naman akong iyakan. Hindi kita iju-judge."
Muli ay tumawa siya ng kaunti at nakita ko ang sinserong ngiti niya nang humiwalay ako sa kanya. "Thank you, Aphrodite! Basta 'wag mo akong tatawanan kinabukasan kapag umiyak ako sa 'yo!"
Bumaba ako at hinayaan na lang siyang mapag-isa. Napatingin ako kay Felix nang makasalubong siya. Paakyat siya at may dalang tray ng pagkain.
"Hali ka rito, kumain ka na," tawag niya sa akin.
"Para sa akin 'yan?" 'di makapaniwalang tanong ko sa kanya at sumunod. Pumasok siya sa kwarto ko at inilapag iyon sa study table ko. Iyon lang kasi ang table na meron.
"Yeah. Tawagin mo ako kapag nakabihis ka na. Ako ang maghahatid sa 'yo."
"Saan ka pupunta? Hahatiran mo rin ba ng pagkain si Clyde?" tanong ko ulit dahil hindi pa siya kumakain. Akala ko nga, para may Clyde itong binigay niya sa akin.
"Nah. As if! Inutusan ko si yaya!" pabalang na sagot niya at tuluyang isinarado ang pinto.
Napakurap ako at tinignan ang pagkain na kinuha niya para sa akin. Napangiti ako dahil kahit papaano ay parang kilala na niya ako dahil mga paborito ko itong hinain niya pati ang gatas ay iyong sakto lang para maubos ko.
"Kumain ka na rin," iyon ang itinext ko sa number niyang ipinangtawag sa akin kagabi.
Hindi ko naman kasi alam kung saan siya pupunta. Parang iritado pa siya. Galit ba sa akin? Pero hindi naman niya ako dadalhan ng pagkain kung galit siya 'di ba?
Dati ay si Clyde o Ate Gina lang ang nagdadala sa akin ng pagkain dito. Dahil nagustuhan ko ang inihain ni Felix ay kinuhanan ko iyon ng litrato para remembrance.
Nakaka-touch kasi! Nagbago na talaga siya! Ang caring na niya kahit medyo masungit pa rin.