Tiningnan ko siya ng buong pagdaramdam at lungkot mula sa aking mga mata. Ni sa hinagap ay hindi ko naisip na maaaring ganito ang maging kahahantungan ng buhay naming dalawa. Hindi ba talaga kami maaaring maging masaya? Hindi na ba talaga magkakaroon ng katahimikan ang buhay namin? Ang buhay na makasama siya habang ako ay nabubuhay ang siyang tanging hangad ko. Ang magkaroon ng masayang pamilyang matuturing kong kayamanan naming dalawa. Bakit kailangang ganito ang kahantungan ng lahat? Bakit si Nitidus pa? Bakit hindi na lang ako? Wala na bang ibang paraan? Wala na ba talagang maaaring makapagsalba sa kaniya?
"Acutus, sana sa paglisan ko, huwag mong kalilimutan na naging masaya ako na nakilala kita at patuloy na mamahalin hanggang sa kabilang buhay."
Hindi ko napigilan ang paghagulgol dahil sa labis na sakit na nararamdaman ko. Naramdaman ko na lang ang braso niyang bumalot sa aking buong katawan. Hindi ito ang buhay na ninais ko para sa kaniya. Kung totoo mang may Deus, buong buhay at pagmamakaawa akong luluhod sa kaniya para lang huwag niyang kunin sa akin ang babaeng dahilan kung bakit ako nabubuhay sa mundong ito.
"Mahal na mahal kita ng buong buhay ko, Acutus."
Sandali ko siyang inilayo sa akin at pinakatitigan sa kaniyang mga mata.
"Mahal na mahal din kita, Nitidus, higit pa sa buhay ko. Kung kinakailangan kong baguhin ang tadhana ay gagawin ko manatili ka lang sa aking tabi. Hindi ako makapapayag na mangyari ang nakatakda. Ipaglalaban kita!"
Unti-unting naglandas ang mga luha mula sa kaniyang mga mata bago namin ikinulong sa bisig ang isa't isa.
"Natatakot ako, Acutus. Natatakot ako! Tulungan mo ako." Doon ko lang nakita ang Nitidus na matagal kong hindi nakita. Ang Nitidus na pilit kong pinoprotektahan mula nang kami ay mga bata pa magpahanggang ngayon at patuloy na poprotektahan kahit pa buhay ko ang maging kapalit.
****
Hinaplos ko ang kaniyang pisngi habang siya ay natutulog sa aking kandungan. Alam kong ngayon ko kailangan ang tulong nila Lux at Immitis ngunit sa sitwasyon ngayon ay malabong mangyari iyon lalo pa at alam kong binabantayan ni Herus ang bawat galaw namin. Isa pa ay ayoko ring isali pa sila sa problemang hindi naman dapat nila kinakaharap. Sapat ng maayos ang lagay nila ngayon.
Sa ngayon isang hakbang pa lang ang naiisip kong maaaring gawin para maisalba pa si Nitidus. Kailangan kong makaharap si Quartum. Naniniwala akong may ibang paraan pa para mailigtas ko si Nitidus at siya lang ang may kakayahang makasagot ng mga katanungan ko. Ngunit saan ba ako magsisimula para hanapin siya?
Maingat kong inayos ng higa si Nitidus sa kama at saka marahang tumayo mula sa pagkakaupo. Kailangan kong umalis pansamantala sa lugar na ito. Ngunit kailangan kong maging maingat sa pagtakas.
"Nitidus, aalis lang ako pansamantala. May importante akong kailangang asikasuhin. Babalik ako pangako. Babalik ako para sa 'yo." Marahan ko siyang kinintalan ng halik sa noo bago lumabas ng silid ngunit nabigla ako sa nadatnan ko sa pintuan ng aming silid.
"Kung may binabalak kang taliwas sa kagustuhan ni Panginoong Herus ay hindi ako magdadalawang isip na paslangin ka," sabi nito.
"Wala akong pakialam sa iyong Panginoon, Libitina. Ang tanging dahilan kaya ako narito ay walang iba kung hindi si Nitidus."
"Alam ko kung ano ang nilalaman ng iyong puso, Acutus. Alam ko ang iyong pinaplano." Pumikit ito nang taimtim bago muling nagsalita. "Nakahanda akong tulungan ka sa landas na tatahakin mo."
Nagulat naman ako sa sinabi nito.
"At ano ang magiging kapalit?"
"Alam mo kung gaano kataas ang aking katapatan sa aking panginoon at alam mo ring hindi ako sumasang-ayon sa kasunduan ng aking Panginoon at ng babaeng iyong sinisinta," paglilitanya nito.
"Bakit hindi mo na lang ako deretsahin?"
"Handa akong tulungan kang magkaharap kayo ni Quartum ngunit ang kapalit noon ay nais kong ikaw ang magtungo sa Infernum upang kuhanin ang susing magbubukas sa lagusan patungong kabilang mundo. Ang susing pinakaaasam ng iyong sinisinta na makuha."
Hindi ko napigilan ang matawa ng pagak dahil sa kaniyang tinuran.
"Huwag mo akong patawanin, Libitina. Tingin mo talaga ay papayag ako sa nais mo?"
Akmang tatalikod na sana ako nang muli siyang magsalita.
"Alam ko kung nasaan ang kinaroroonan ni Quartum. Nasa sa iyo na lamang iyon kung nais mo pa siyang abutang buhay."
Natigilan ako at muling napalingon sa kaniya.
"Anong sabi mo?" Napatiim ang aking bagang sa narinig.
"Nais mong iligtas ang babaeng mahal mo hindi ba? Ganoon lang din ang nais ko, ang maisalba ang buhay ng aking Panginoon."
Naikuyom ko ang aking kamao dahil sa inis. Ngunit sa kabilang banda ay naiintindihan ko ang pinanggagalingan ng nais niyang mangyari. Parehas lang kaming may gustong protektahan. Parehas lang kaming handang sumugal kapalit ng kaligtasan ng taong mahalaga sa amin.
"Pumapayag na ako sa iyong nais. Ngunit ano naman ang kasiguraduhang makakausap kong talaga si Quartum?" Mabuti na ang maging sigurado dahil kahit pagbalibaligtaran ay kampon pa rin ng demonyo si Libitina.
"Ako mismo ang magdadala sa 'yo sa kaniyang kinalulugaran."
Sa isang kumpas ng kamay nito ay isang lagusan ang nagbukas.
Humakbang ito ng isang hakbang palapit sa akin at hinawakan ang aking braso.
"Dalhin mo ito sa iyong paglalakbay, Acutus. Kakailanganin mo ang kapangyarihang taglay nito."
Sandali akong natahimik habang pinagmamasdana ng singsing na nakapatong sa aking palad. Ang singsing ng Rudimenta.
"Bakit? Bakit mo ginagawa ang lahat ng ito?"
"Dahil alam ko kung saan nanggagaling ang pakikipaglaban mo. Nakikita ko sa iyong puso kung gaano ka nagnanais na maisakatuparan lahat ng hangarin mo mailigtas lang ang babaeng iyong pinakatatangi. Hindi ko maitatangging humahanga ako sa iyong katapangan. Gaya ng aking winika, pareho lang tayong dalawa."
Napangiti ako nang mapakla.
"Marahil ay tama ka. Parehas tayong may pinoprotektahan ngunit hindi ako ikaw Libitina. Hinding-hindi ko hahayaang lamunin ng kasamaan ang taong mahalaga sa akin para lang sa kapangyarihan."
Kasabay ng huling salita ko ay ang pagtalikod ko rito. Humakbang ako papasok sa lagusan bago tuluyang tinahak ang landas na makapagliligtas kay Nitidus.
***
"Nasaan ang singsing? NASAAN?"
"Panginoon..."
"Libitina!" Biglang nanikip ang leeg ni Libitina at unti-unting nag-angat ang kaniyang mga paa sa sahig dahil sa kapangyarihang dulot ni Herus.
"Si... Acutus..."
Kaagad na bumagsak ng sahig si Libitina.