SUMAPIT ang araw ng renewal of vows nina Lola Amelia at Lolo Frank. Ginanap ang seremonya sa Sto. Domingo Church kung saan unang ikinasal ang mag-asawa at sa Monteclaro Hotel – Ortigas ginanap ang reception. Doon na rin magpapalipas ng gabi ang mag-asawa at sa susunod na araw ay lilipad na patungong Palawan. Ang mga magulang ni Kate, ang mag-asawang Narvantez at mga kaibigan ng mga ito na malapit din kina Lola Amelia at Lolo Frank ang tumayong mga abay sa kasal.
Nakaramdam ng nostalgia si Kate habang kasagsagan ng kasiyahan. That hotel was very memorable to her, particularly the top floor of the building. Doon ginanap ang debut niya at doon din sila ni Jay-Jay nagpahayag ng pag-ibig sa isa’t-isa.
Magmula nang maghiwalay sila dalawang linggo na ang nakararaan ay hindi na muling nagpakita o tumawag sa kanya si Jay-Jay. Hindi niya alam kung dapat ba niyang ipagpasalamat iyon dahil hindi na siya nito ginugulo. Subalit may parte sa kanya na nasasaktan dahil basta na lang siyang sinukuan. At mula pa sa simbahan ay hindi man lang niya naramdaman o nahuli ang binatang nakatingin sa kanya. Kahit papaano ay gusto pa rin niyang makipag-reconcile si Jay-Jay sa kanya lalo na’t iginiit nito na hindi ito nagtaksil sa kanya.
Nang magsabi si Kuya Ken na mauuna nang umuwi nang halos patapos na ang reception dahil may tatapusin pa itong blueprint ay nagdesisyon si Kate na sumabay na. It was already nine PM, nagkakasiyahan pa ang mga kaibigan nila at nagpaplano pang ituloy ang kasiyahan sa bahay nina Gabe. Subalit wala siya sa mood na makisaya. Pagod at inaantok na rin siya dahil madaling araw na siyang nakauwi kahapon dahil sa isang event na inorganisa ng kanyang kompanya.
“Puwede ko na bang malaman kung bakit ka nakipaghiwalay kay Jay-Jay?” tanong ni Kuya Ken nang nasa biyahe na sila.
“Kuya, please, I don’t want to talk about it. Kung ano man ang dahilan ng breakup namin ni Jay-Jay, puwede bang sa amin na lang ‘yon?” Kaninang umaga lang nito nalaman na break na sila ni Jay-Jay dahil kauuwi lang nito mula sa Davao kagabi. Nagulat ito at inusisa siya subalit hindi niya sinabi rito at sa pamilya niya ang dahilan ng paghihiwalay nila. Same reason noong una silang maghiwalay; ayaw niyang masira ang magandang relasyon ng mga pamilya nila. At tanging sina Jane ang nakakaalam ng totoong nangyari.
Napabuntong-hininga si Kuya Ken. “Okay, fine. But I heard dumating daw ‘yong friend niyang si Caroline. Malaman ko lang na niloko at inagrabyado ka ni Jay-Jay, tapos ang pagkakaibigan namin,” babala nito.
Napailing siya sa narinig. Gayunpaman ay na-appreciate niya ang pagmamalasakit ng nakatatandang kapatid na bihirang-bihirang mangyari. “Thanks, Kuya,” tipid ang ngiting sabi niya.
Nginitian din siya nito at hinaplos pa ang ulo niya. Kahit babaero si Kuya Ken, nakasisiguro siyang masuwerte ang babaeng mamahalin nito dahil sa uri ng proteksyon na ibinibigay nito sa mga mahal nito sa buhay. In God’s time, naniniwala siya na magbabago rin si Kuya Ken at magiging one-woman-man kapag natagpuan ang ka-match nito. Sana lang ay si Trisha ang babaeng iyon dahil bagay na bagay ang dalawa sa isa’t-isa.
ALAS-DOS ng madaling-araw nang maalimpungatan si Kate sa ingay na nagmumula sa katabing silid. Nang maulaningan niya ang pag-iyak ng mommy niya ay kaagad siyang bumangon at nagtungo sa master bedroom.
“What happened? Saan kayo pupunta?” kunot-noong tanong niya nang maabutang umiiyak ang mommy niya habang yakap at inaalo ng daddy niya. Nakasuot ang dalawa ng panlakad na tila may pupuntahan.
Kumalas sa pagkakayakap ang daddy niya sa mommy niya. “Na-stroke ang Lolo Frank mo, Kate. Pupuntahan namin siya sa Makati Med,” tugon nitong namumula rin ang mga mata.
“What?” gulat na bulalas niya. Kaagad siyang nag-alala kay Lolo Frank.
“Are you ready, Dad, Mom?” tanong ng Kuya Ken niya na bumungad sa pinto kasunod si Kirsten.
“Wait for me, sasama ako,” deklara ni Kate bago pa makasagot ang mga ito. At nagmamadali na siyang nagtungo sa kanyang silid upang magbihis.
COMATOSED si Lolo Frank nang makarating sila sa ospital. Ayon kay Lola Amelia ay bigla na lang nagsikip ang dibdib ng asawa at nawalan ng malay habang nagpapahinga ang mga ito sa hotel room. The next twenty-four hours was critical ayon sa doctor na nakausap nila kanina kaya walang gustong umuwi sa kanila at magpahinga. Kasalukuyang nasa isang private room si Lola Amelia kasama ng mga magulang ni Kate at nina Daddy Randall at Mommy Jean.
Bumalik sa ICU si Kate matapos magtungo sa comfort room. Nadatnan niyang nag-iisa na lang doon si Jay-Jay. Nakapikit ito habang nakasandal sa kinauupuang silya sa labas ng ICU. Alas-sais na noon ng umaga. Marahil ay nagtungo sa cafeteria sina Jane upang bumili ng makakain.
Pinagmasdan ni Kate ang dating nobyo. Bakas sa mukha nito ang pagkahapo; nangingitim ang ilalim ng mga mata at nag-uumpisa na ring tubuan ng stubbles. Suot pa rin nito ang slacks at asul na long sleeved polo na natatandaan niyang suot nito sa kasal kahapon. Habang nakatingin sa dating nobyo ay naramdaman niya ang paggapang ng emosyon sa kanyang dibdib. Noon niya napagtanto kung gaano niya ito na-miss. May kung anong nag-udyok sa kanyang haplusin ang ulo ni Jay-Jay subalit nang ilang pulgada na lamang ang layo ng kamay niya sa ulo nito ay bigla na lang nagbago ang isip niya. Ibinaba niya ang kamay at sa halip ay naupo na lang sa tabi nito.
Doon biglang naalimpungatan ang binata. “Kate…” usal nito na tila nagulat pa na naroon pa rin siya.
Nagulat siya at sandaling nanigas nang bigla siyang yakapin ni Jay-Jay. Gayumpaman ay hindi siya nagprotesta. Ramdam niya sa yakap nito ang bigat ng dinadala sa dibdib.
Hinagod niya ang likod nito. “Be strong. Everything is going to be fine. Gagaling si Lolo Frank,” bulong niya.
Bahagya inilayo ni Jay-Jay ang sarili at tinitigan siya. “Paano kung hindi na? Paano si Lola? Ako?” tanong nito na tila maiiyak na naman.
Naramdaman niya ang pag-iinit ng mga mata. Naiiyak na rin siya. “Sshhh…” saway niya rito. “We have to believe.”
Humigpit ang pagkakahawak nito sa baywang niya. “Please, Kate, don’t leave me. You’re my strength.”
Walang pagdadalawang-isip na tumago siya. Kahit hindi pa hilingin ni Jay-Jay ay nakahanda siyang damayan ito bilang isang kaibigan ano man ang mangyari. They can’t be lovers anymore but they can still be friends.
Muli siyang niyakap nang mahigpit ni Jay-Jay. Gumanti rin siya ng yakap. Matagal sila sa ganoong tagpo. Nang magbitiw sila ay hinayaan niyang akbayan siya ng binata. At magkasama silang naghintay sa susunod na development sa kondisyon ni Lolo Frank.
PAGKALIPAS ng dalawang araw ay binawian din ng buhay si Lola Frank. Matagal bago naiayos ang mga labi ng matanda dahil natagalan bago ito nailabas ng morgue dahil ayaw itong ipagalaw ni Lola Amelia.
Sa unang gabi ng burol ay kumpletong dumating sa funeral home ang pamilya ni Kate. Naroon din ang mga kaibigan niya at mga magulang ng mga ito. Nakatakda ring dumating sa bansa ang mga kamag-anak ng mga Monteclaro na nakatira sa Seattle, Washington kasama ng mga kamag-anak ni Kate.
Pagdating na pagdating pa lang sa funeral home ay kaagad nang hinanap ng dalaga ang dating nobyo subalit hindi niya ito nakita.
“Nasaan ang kuya mo?” hindi na nakatiis na tanong niya kay BJ nang malalim na ang gabi ay hindi pa rin dumarating si Jay-Jay.
“Nasa bahay. Umiinom siya nang umalis ako roon, Ate Kate. I doubt it kung pupunta siya rito. Ayaw niyang makita sa coffin si Lolo Frank,” mababakas ang lungkot sa mukha na tugon ni BJ.
Kaagad siyang nag-alala sa nalaman at nagdesisyon na puntahan si Jay-Jay. Nagbilin lang siya kay BJ kung sakaling may maghanap sa kanya, nagmamadali nang nagtungo sa bahay ng mga Monteclaro.
Kaagad nagtungo sa bar si Kate nang sabihin ng kasambahay na naroon si Jay-Jay. Naabutan niya ito sa aktong pag-inom sa rock glass.
“Hey, I think you’ve had enough,” awat niya na maagap na inagaw ang hawak nitong baso.
Rumehistro ang pagkagulat sa mukha ng binata nang makita siya. “Kate? Ano’ng ginagawa mo rito?”
“I got worried nang hindi kita makita sa wake ni Lolo. Bakit nandito ka? Hinihintay ka na ng Lolo mo, Jay-Jay.”
Umiling–iling ito. “I don’t want to see him on the coffin, Kate. He was so unfair to give up. Life is so unfair!” himutok nito.
Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ng binata. “Everything happens for a reason, Jay-Jay. Talaga lang sigurong nakatakda nang mabiwin si Lolo Frank sa atin.”
“Then why I did lose you?” biglang tanong nito.
Hindi nakapagsalita si Kate. Paano ba niya sasabihin kay Jay-Jay na ito naman ang may kasalanan kung bakit sila nagkahiwalay nang hindi madaragdagan ang paghihirap ng kalooban nito?
“Y-you didn’t lose me, Jay-Jay. I’m still here,” sa halip na tugon niya. Sandali siya nitong tinitigan bago siya hinila at ipinaloob sa mga bisig. Suddenly he was crying. Niyakap din niya ito nang mahigpit at hinayaan niyang umiyak sa balikat niya.
PANSAMANTALA inihabilin muna ni Kate sa kanyang assistant ang K-Projects upang samahan si Jay-Jay sa buong durasyon ng wake ni Lolo Frank. Mabuti na lamang ay wala silang naka-line up na event hanggang sa susunod na linggo kaya nagawa niyang hindi pumasok sa opisina.
Lagi siyang nasa tabi ng binata umaga man o gabi. Magkasama silang umaalis at dumarating sa funeral home. At madalas sa madaling araw ay nagigising na lang siya na nakahilig sa balikat ni Jay-Jay. Ganoon din ito sa kanya kapag ito naman ang nakakaramdam ng antok.
Nang ika-apat na araw ng burol, hindi naiwasang makaramdam ng inis ni Kate nang makitang dumating si Caroline habang kausap niya ang mga pinsan ni Jay-Jay na nagmula pa sa Seattle. Nakita pa niyang niyakap ni Caroline si Jay-Jay at nakakapulupot ang mga kamay nito sa braso ng binata nang sumilip ito sa mga labi ni Lolo Frank. Nagpasya siyang umiwas at hindi na maglamay nang gabing iyon. Umuwi siya nang hindi nagpapaalam kay Jay-Jay. Nasa bahay na siya nang makatanggap ng tawag sa binata.
“Umuwi ka na raw. Hindi ka ba maglalamay ngayon?” tanong nito sa kabilang linya.
“Bukas na lang siguro,Jay-Jay. Sa tingin ko kailangan ko rin ng pahinga.”
“Okay. Take a rest. Magkita na lang tayo bukas,” anito at kaagad na ring nagpaalam.
Limang-araw at anim na gabi ang itinagal ng burol ni Lolo Frank bago inihatid sa huling hantungan. Sa araw ng libing ay naroon pa rin si Caroline kasama ng daddy nito. Subalit binale-wala na lang ni Kate ng presensya ng babae at hindi nilayuan si Jay-Jay. Inilalayan niya ito at halos hindi nagbibitiw ang kanilang mga kamay. Bago pa man maipasok sa nitso ang mga labi ni Lolo Frank ay nakayakap na sa kanya si Jay-Jay at umiiyak sa balikat niya. Umiiyak din na hinagod niya ang likod nito.
Nagkaroon ng padasal sa bahay ng mga Monteclaro pagkatapos ng libing. Nang biglang mawala sa paningin ni Kate si Jay-Jay hindi pa man natatapos ang padasal ay kaagad niya itong hinanap sa buong kabahayan. Nag-alala kasi siya na baka lunurin na naman nito ang sarili sa alak. Nakahinga siya nang maluwag nang matagpuan niya ito sa silid nito na tila angel na natutulog.
Naupo siya sa gilid ng kama at ilang sandaling pinanood ang pagtulog ni Jay-Jay. Hindi nagtagal ay hindi na niya napigilan ang sarili at hinaplos-haplos ang mukha nito. Malalim ang tulog ng binate. At marahil ay dahil sa pagod at ilang gabing pagpupuyat kaya hindi man lang ito nagising sa ginawa niya.
Napabuntong-hininga siya nang ma-realize na simula bukas ay magpapatuloy na sila sa kani-kanilang mga buhay. Masakit pa rin sa kanya ang kinahitnan ng relasyon nila at aminado siyang mahal na mahal pa rin niya si Jay-Jay. Subalit kailangan na niyang mag-move on, lalo pa’t mukhang tanggap na nito ang kinahinatnan ng relasyon nila.
Nagpasya siyang lumabas na ng silid. Subalit bago niya ginawa iyon ay kinintalan muna niya ng halik sa noo si Jay-Jay at saka lumabas at maingat na isinara ang pinto.