THIRD PERSON POV
Narinig ni Chelsea Visitacion na bumukas ang pintuan ng kwarto kung saan siya inaayusan para sa kanyang kasal dalawang oras mula sa mga sandaling iyon.
Ikakasal na siya sa kanyang nobyong si Charles Kasivic. Dalawang taon din silang naging magkasintahan bago nila naisipang lumagay na sa tahimik.
Sa loob ng dalawang taong iyon ay masasabi niyang nakilala na niya nang lubusan ang kanyang nobyo. Sigurado at handa na siyang makasama ito for the rest of her life.
Nang tumingin si Chelsea sa malaking salamin na nasa kanyang harapan ay nakita niya roon ang reflection ng apat niyang matatalik na kaibigan na pumasok sa loob ng silid.
Ang apat na babae ang pinili niyang maging bridesmaids para sa kanyang kasal.
Nakangiti siyang lumingon sa kanyang hair stylist at makeup artist at sinabihan ang mga ito na lumabas muna ng silid dahil gusto niyang makausap ang mga kaibigan na sila lamang.
Masayang ngumiti si Chelsea sa nakikita niyang mukha ng mga kaibigan sa salamin. Nababanaag niya sa facial expression ng mga ito ang kasabikan para sa pagpasok niya sa panibagong yugto ng kanyang buhay.
Lumapit sa kanyang kinauupuan ang pinakamatalik na kaibigang si Laura at siyang maid of honor ng kanyang wedding entourage.
Laura: Napakaganda mo, best friend. Lalong lumutang ang ganda mo dahil sa ayos mo ngayong araw.
Lumawak ang ngiti sa kanyang mga labi nang makitang tiningnan ni Laura ang kanyang reflection sa malaking salamin at humahangang sinuyod ng mga mata nito ang kanyang chignon hairdo.
----------
Habang pinagmamasdan ni Laura ang magandang ayos ng buhok ng best friend niyang si Chelsea ay hindi niya napigilang maalala ang naging pag-uusap nilang dalawa ng groom ng kanyang kaibigan bago ang official engagement party ng mga ito.
Pumasok sa kanyang isipan ang araw na natuklasan ni Charles na siya ang kalaguyo ng ama nito.
Charles: Hindi ko akalaing ikaw ang babaeng sumira ng pagsasama ng aking mga magulang, Laura.
Tumayo si Laura mula sa pagkakaupo sa ibabaw ng kama.
Tanging maliit na saplot ang kanyang suot na tumatakip sa hiyas na nasa pagitan ng kanyang mga hita.
Laura: Hindi mo ba alam na kaya ako nagpakababa ay dahil para lalong mapalapit sa iyo?
Nakita niyang nanlaki ang mga mata ni Charles matapos nitong marinig ang sinabi niyang iyon.
Hindi rin nakaligtas sa paningin ni Laura ang rumehistrong gulat sa mukha ng kasintahan ng kanyang matalik na kaibigan nang magsimula na siyang lumuha.
Laura: Oo, Charles. N-nagpagamit ako sa ama mo para mapalapit sa iyo oras na pakasalan ako ng Daddy mo. Mahal kita, Charles. Mahal na kita rati pa.
Sa puntong iyon ay tuluyan nang humagulgol si Laura sa harapan ni Charles.
----------
Hinawakan ni Chelsea ang kaliwang kamay ng kaibigang si Laura at tiningala ito.
Chelsea: Thank you, best friend. Mana lang ako sa iyo.
Sabay silang nagtawanan nang mapansin ni Chelsea ang paglapit ng isa pa niyang kaibigang si Kathleen at inabot nito ang hairbrush na nasa kanyang harapan at isinuklay iyon sa sarili nitong buhok.
Kathleen: Kaya nga naiinggit ako riyan kay Chelsea. Maganda na, matalino pa. Hindi lang mayaman, makakapangasawa pa ng sobrang gwapong lalaki. Pinagpala sa babaeng lahat.
----------
Tiningnan ni Kathleen ang kaibigan niyang si Chelsea at masuyong nginitian. Nakikita niya sa mga mata nito ang walang pagsidlang tuwa dahil ikakasal na ito sa lalaking pinakamamahal.
Sa kabila ng ngiting iginagawad niya sa kaibigan ay may naramdaman siyang pait sa kanyang puso lalo na nang maalala ang isa sa mga naging pag-uusap nilang dalawa ng fiancé ni Chelsea.
Dumaloy sa kanyang isipan ang araw na inamin niya sa lalaki na iniibig na niya ito.
Charles: Okay ka na ba, Kathleen?
Marahang tumango si Kathleen pagkatapos niyang umiyak sa harapan ni Charles.
Kathleen: Salamat, Charles, at lagi kang nandiyan para pagaanin ang loob ko. Kahit hindi na kami magkarelasyon ng best friend mo ay concerned ka pa rin para sa akin.
Parang lumundag ang kanyang puso nang makita ang ngiti ni Charles sa mga labi nito.
Charles: No need to thank me, Kathleen. Kahit hiwalay na kayo ni Tony, you’re still one of my fiancée’s friends. Lahat ng kaibigan ni Chelsea ay itinuturing ko na ring malapit sa akin.
Mapaklang tumawa si Kathleen pagkarinig niya ng sinabi ng lalaki sa kanyang tabi.
Kathleen: Alam mo, Charles, minsan ay naiisip ko, kung ikaw siguro ang una kong nakilala, malamang ikaw ang naging boyfriend ko at hindi iyong talipandas mong best friend.
Masuyo siyang tumingin sa lalaki bago muling nagsalita.
Kathleen: Sa bawat pagdamay na ginagawa mo para sa akin, unti-unti akong nahuhulog sa iyo, Charles.
Kitang-kita niya sa mukha ni Charles ang pagkabigla dahil sa kanyang inamin dito.
Charles: Kathleen---
Hindi niya hinayaang matapos ang sasabihin nito at muli siyang nagsalita.
Kathleen: Oo, Charles. Mahal na kita. Matagal mo nang napalitan ang best friend mo rito sa puso ko.
----------
Natatawang umiling si Chelsea kay Kathleen dahil sa sinabi nito.
Chelsea: No, Kath. Ako ang swerte rito dahil may mga kaibigan akong kagaya ninyo. At masaya ako na nandito kayong apat para sa espesyal na okasyon ng buhay ko.
Napalingon si Chelsea sa kanyang kaliwang gilid nang maramdaman ang pagpisil ng isang kamay sa kanyang kaliwang balikat.
Nakita niyang nakayuko sa kanya ang kaibigang si Priscilla at isang pilyang ngiti ang nakapaskil sa mukha nito.
Priscilla: Sino ba ang mag-aakalang ikaw ang unang ikakasal sa ating lima? Si Charles lang pala ang magpapatibok diyan sa pihikan mong puso. Parating na ang honeymoon.
Hindi napigilan ni Chelsea ang tumawa nang mahina nang kumindat sa kanya si Priscilla at isa-isa nitong lingunin ang kanilang mga kaibigan.
Priscilla: Makatitikim na rin ng langit ang ating kaibigan.
----------
Matapos marinig ang hagikgikan ng kanyang mga kaibigan ay muling tiningnan ni Priscilla ang kaibigang si Chelsea. Namumula na ang mukha nito.
Hindi niya maiwasang isipin ang lalaking pakakasalan nito. Nagbalik sa kanyang isipan ang gabing inamin niya kay Charles ang totoong damdamin niya para rito.
Charles: Tigilan mo na ito, Priscilla. Mahal ko ang kaibigan mo.
Naramdaman ni Priscilla na kumapit ang mga kamay ni Charles sa mga bisig niyang nakayakap sa baywang nito.
Pilit nitong inaalis ang nakapalibot niyang mga bisig sa katawan nito habang nakasandal ang kanyang ulo sa likod nito at marahan siyang umiiyak.
Priscilla: Mahal din kita, Charles. Mahal na mahal. H-handa akong maging kabit mo. Hindi malalaman ni Chelsea, pangako. M-magaling akong magtago ng sikreto. Please, Charles.
Lalong humigpit ang kanyang pagkakayakap sa baywang ni Charles matapos niyang magmakaawa rito.
Charles: Wala akong anumang pagtingin para sa iyo, Priscilla. Huwag mong gawin ito sa sarili mo. Makakakita ka pa ng lalaking mamahalin ka ng buo. Iyong hindi ka makikihati ng atensyon.
Priscilla: Charles. Please.
----------
Hindi maitago ni Chelsea sa kanyang mukha ang excitement nang banggitin ng kaibigang si Priscilla ang tungkol sa honeymoon.
Tiningnan niya ang namumula niyang mukha sa salamin at sa pag-angat ng kanyang mga mata ay nasilayan niya ang masayang mukha ng kaibigang si Graciela.
Graciela: You look so divine, Chels. Paniguradong lahat ng mga mata ng mga taong dadalo sa kasal mo ay sa iyo lamang matutuon.
Nilingon ni Chelsea ang kaibigang guro at nakangiting inilahad ang kanyang kanang kamay dito.
Masuyo niyang pinisil ang palad ni Graciela nang abutin nito ang kanyang kamay.
Graciela: Masuwerte ka dahil alam naman nating lahat na ang mapapangasawa mo ay ang siya na yatang pinaka-faithful na lalaki sa buong mundo.
----------
Habang nararamdaman ni Graciela ang pagpisil ng kamay ng kaibigan niyang si Chelsea sa kanyang palad ay hindi niya maiwasang makaramdam ng pagseselos.
Tuluyan nang mawawala sa kanya ang lalaking hinahangaan dahil ikakasal na ito sa kanyang kaibigan.
Bumalik sa isipan ni Graciela ang gabing iyon kung saan natuklasan ni Charles na siya ang nakausap nitong babae na nagngangalang Rosela.
Inasahan na ni Graciela na makikita ang pagkagulat sa mukha ni Charles habang gumigiling siya sa harapan nito. Siya ang surpresang inihanda para sa lalaki ng mga kaibigan nito.
Siyang ang magbibigay ng aliw sa stag party na in-organize para sa fiancé ng isa sa kanyang mga kaibigan.
Charles: Graciela?
Idinikit ni Graciela ang isa niyang daliri sa mga labi ni Charles na parang sinasabi ritong tumahimik ito.
Tuloy pa rin siya sa paggiling sa harapan ni Charles na sinasabayan ng maharot na saliw ng musika.
Graciela: Hindi si Graciela ang nasa harapan mo ngayon, Charles, kundi si Rosela.
Nasaksihan niya ang pagkawala ng kulay sa mukha ni Charles matapos niyang sabihin iyon dati.
Sigurado siyang may naalala ito sa binanggit niyang pangalan.
Ang gabing nakipagpalitan ito ng chat messages sa kanya. Mga mensaheng punung-puno ng kahalayan at kalaswaan.
Isang mapanuksong ngisi ang naglaro sa kanyang mga labi at pagkatapos ay nakita niya ang paglunok ni Charles sa kanyang harapan.
Graciela: Kumusta, mahal ko?
----------
Muling humarap si Chelsea sa malaking salamin at isa-isang tiningnan ang mga kaibigan.
Chelsea: I can’t wait to get married, guys, and I’m very happy to share this milestone with all of you. My loyal friends.
Katulad kanina ay ibinalik ng mga ito sa kanya ang masayang mga ngiti.
Sa puso ni Chelsea ay wala na siyang ibang mahihiling pa. Naroon sa araw ng kanyang kasal ang kanyang pamilya, mga kamag-anak, at ang mga kaibigang ilang taon nang nakasuporta sa kanya.
Hindi na siya makapaghintay na tuluyang mapangasawa ang pinakamamahal na si Charles at maging isang Chelsea Visitacion-Kasivic.
----------