Chapter 2

2237 Words
Chapter 2 "Aba Ginoong Maria napupuno ka ng grasya..." Nakaupo lamang ako sa isang sulok at tulala habang nakikinig sa mga nagdarasal sa harap ng kabaong ni Nanay. Dalawang araw ang nakalipas mula nang mamatay si Nanay. Hanggang ngayon ay hindi ko parin matanggap ang masalimuot na pangyayaring iyon sa buhay ko. Sinisisi ko ang sarili ko sa pagkamatay niya. Kung siguro'y hindi ko nalang ito pinayagang umuwi ng bahay, baka sakaling buhay pa ito. At kung pinilit ko lang sana siyang ipa-check up ang nararamdaman niya. Makulit rin kasi si Nanay. Mas inuuna niya pa ang kapakanan ng ibang tao kaysa sa sarili niya. "Insan, may mga bisita ka." Tawag sa akin ni Buknoy. Nabalik naman ako sa huwisyo at inestima ang mga bisita. "Condolence, Ruben." "Nakikiramay kami." Sabi ni Jillian at ng kaibigan nitong si Maui. Ngumiti naman ako sa dalawa bilang pasasalamat. "Maupo muna kayo." Alok ko sa dalawa. Inutusan ko rin si Buknoy na ipaghain ng makakain ang dalawang bisita. "Paano ka na niyan, Ruben? Ikaw nalang ang mag-isa sa buhay. Ni asawa'y wala ka." Tanong sa akin ni Jillian nang makatabi ako sa kinauupuan nila. Ngumiti ako rito. "Ayos lang iyon. Ganun talaga. Kailangan kong sanayin ang sarili ko." "Hindi ka man lang ba maghahanap ng mapapangasawa mo para may katuwang ka sa palengke?" Tanong naman ni Maui. Halatang may kahulugan ang mga salita nilang dalawa at pagtitig sa akin. Pero kahit na ganoon ay hindi ako nagpatinag sa kanila. Wala pa ako sa sarili ko at kailangan ko munang respetuhin ang pagkamatay ng Nanay ko. "Pasensya na kayo. Alam kong nalulungkot kayo para sa sitwasyon ko. Pero sa ngayon, hindi pa sumasagi sa isip ko 'yan. Gusto ko munang ipagluksa ang pagkamatay ng nanay ko." Sagot ko sa kanila. "Sige, maiwan ko muna kayo. Asikasuhin ko lang ang ibang bisita." Paalam ko sa dalawa. Halata sa mga mukha nila ang pagkadismaya. "Insan, grabe talaga ang hatak mo sa mga single mom. Kung ako sa'yo, pinatulan ko na 'yang dalawa na 'yan. Tiba tiba na rin ako dyan." Biro ni Buknoy. Binatukan ko naman ito at natawa nalang. "Baliw ka talaga. Tigilan mo nga 'yang pagpapantasya mo. Tulungan mo nalang akong asikasuhin ang mga bisita." Sabi ko rito. "Oo nga, sabi ko nga." Ilang oras ang nakalipas ay unti unti nang nababawasan ang mga bisita. Pero ang mga nagsusugal sa labas ay patuloy parin sa pagdagsa. Naupo muna ako saglit upang magpahinga. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala. Nagising na lang ako na may tumatapik sa akin. Pagmulat ko ng mata ay bumungad sa akin si Buknoy. "Oh, bakit?" Pupungas-pungas kong tanong rito. "Insan, bawal matulog sa tabi ng patay." Paalala nito. "Ah, ganun ba? Pasensya na. Napagod kasi ako." Sagot ko at nag-inat inat ng katawan. "Oo nga pala, may bisita ka pa." Dagdag nito. Napatingin ako sa suot kong relo. "Alas dos na ng madaling araw. Sino ba 'yun?" Kunot noo kong tanong. "Hindi ko kilala. Nasa labas siya ng bahay niyo. Nahihiyang pumasok." "Sige, pupuntahan ko." Sabi ko at tumayo na. Paglabas ko ng bahay ay nakita ko ang isang lalaki na nakaupo sa hindi kalayuan sa mga nagsusugal. Agad akong lumapit rito at kinilala siya. "Magandang gabi. Ako si Ruben." Pakilala ko rito. Tumayo naman ito at nakipag-kamay. "A-ako po si Bryce. K-kapatid niyo po ako." Pakilala naman nito. Napakunot-noo ako nang sabihin ni Bryce ang mga huling salita niya. Hindi agad ito nagrehistro sa aking utak. Para bang kinakalkula ko ang bawat salitang kanyang binitawan. Kapatid? Ang alam ko'y ako lang ang nag-iisang anak ni Nanay at Tatay. Wala rin naman silang nabanggit noon na may iba silang pamilya. "H-ha? Paano kitang magiging kapatid?" Naguguluhan kong tanong sa binatang nakatayo sa harapan ko. "K-kuya, anak po ako sa labas ni Tatay Roberto." Sagot ng binata. Mas lalong kumunot ang noo ko dahil sa sinagot nito. Wala akong matandaan na nagtaksil si Tatay kay Nanay noon. "Ha? Anong kapatid? Siraulo ka ba? Patay na si Tiyo Obet, 'no. At nag-iisang anak lang si insan Ruben." Si Buknoy ang sumagot na nasa tabi ko na pala. May kalakasan rin ang boses nito kaya hindi na napigilan ng mga tao ang umusyoso sa usapan namin ng binata. "Teka nga, utoy. Pumasok ka muna dito sa loob. Pag-usapan natin 'yang sinasabi mo." Paanyaya ko kay Bryce sa loob ng bahay. Pagpasok sa loob ay inalok ko itong maupo muna. Pinabigyan ko na rin ito kay Buknoy ng maiinom niya dahil mukhang sa malayong lugar pa ito nanggaling. "Sigurado ka bang kapatid talaga kita sa labas? Kasi, hindi ako naniniwalang meron nga. Walang nabanggit sa akin si Nanay noon na nangaliwa ang Tatay." Paninigurong tanong ko kay Bryce. Inubos muna nito ang iniinom bago sumagot. "O-po, Kuya. Sinabi sa akin ng Nanay ko bago siya mamatay na ang tatay ko ay dito nakatira sa San Joaquin." Sagot nito. Pilit kong pinagtatagpi tagpi sa isip ko ang mga sinisiwalat ng binatang ito sa akin. Pero wala talaga akong maisip na dahilan para magkaroon ako ng kapatid sa labas. Pero kung susumahin, hindi nagkakalayo ang agwat ng edad namin ni Bryce. Mukhang mas matanda ako sa kanya ng ilang taon. "Paano mo naman nasabi na kapatid nga kita?" "Ang nanay ko po ay si Nannette Evaristo na taga-San Ildefonso naman po. Nakilala niya ang tatay ko nang minsang magpunta ito sa beerhouse na pinapasukan ng nanay ko." Sagot nito. Muling kumunot ang noo ko nang marinig ko ang pangalan ng sinasabi niyang nanay niya. Parang pamilyar sa akin ang pangalang iyon. Kung tama ang hula ko, siya 'yung dating katulong namin noong bata pa ako. Ang sabi ni Tatay ay inalok raw siya ng kumpare niya magkaroon ng katulong upang mabawasan ang mga gawain ni Nanay. At ito ngang Nannette ang ipinasok ni Tatay na maging katulong namin. Pero ni sa hinuha ay hindi ko maiisip na magiging kalaguyo ni Tatay ang katulong namin noon. "Kung iniisip niyo po na may babaeng pumasok bilang katulong dito sa inyo noon, tama po kayo ng hula. Siya po ang nanay ko." Sagot ni Bryce na para bang nababasa ang nasa isip ko. Napatingin ako rito. Matagal kong tinitigan ang mukha nito. Nakikita ko sa mga mata niya ang mata ni Tatay. Maging ang ilong rin nito ay kuhang kuha niya– matangos na maliit. Ang kulay ng balat naman ay ibang iba sa akin. Kagaya rin kay Tatay na may kaputian dahil may lahing banyaga ito. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko ngayon. Hindi ko man lang natanong kay Nanay o kay Tatay bago silang mamatay kung meron nga ba akong mga kapatid. Para tuloy nila akong iniwanan ng isang responsibilidad ngayon. Ang akala ko'y sarili ko lang ang iisipin ko sa pagkamatay ni Nanay. Ngayon ay dumagdag pa sa isipin ko ang binatang ito. "Alam mo, utoy. Naguguluhan parin ako. Ni hindi magsink in sa utak ko ang lahat ng sinasabi mo sa akin ngayon. Siguro'y dahil lutang pa ako dahil sa pagkamatay ng nanay ko." Patotoong sabi ko sa binata. Napabuntong hininga ako. Tumayo ako sa kinauupuan ko at nagtungo sa pinaghihimlayan ni Nanay. Matagal akong nakatitig sa nakahigang si Nanay. Para lamang itong natutulog. Hindi mo mababanaag ang hirap o sakit na nararamdaman niya. Para bang nakawala na ito sa matagal na pagkakagapos sa kanyang iniindang sakit. Hindi ko rin namalayan na tumutulo na pala ang luha ko. Agad ko itong pinunasan ng kamay ko. Muli akong bumalik sa kinauupuan ko. "Ikwento mo nga sa akin ang lahat." Sabi ko kay Bryce. Tila naman nagliwanag ang mga mata nito. Parang iyon lang ang hinihintay niyang sabihin ko. "Ang sabi sa akin ni Nanay, wala naman daw talagang balak na magustuhan siya ng tatay mo– o ng tatay natin. Nagkataon lang na nakita ni Tatay na umiiyak si nanay dahil naghiwalay sila ng nobyo niyo noong malamang mamamasukan itong katulong sa inyo. Madalas raw na paglabasan ng sama ng loob ni Nanay si Tatay noon. Hindi naglaon ay parang napaibig na si Nanay sa kanya. Hanggang sa nangyari na ang hindi inaasahan." Kwento nito. Pero habang nagkekwento ito ay lumungkot ang kanyang mukha. "Oh, may problema ba?" "Gusto ko lang pong mag-sorry sa nagawa ng nanay ko. Maski po ang nanay niyo ay hindi alam ang tungkol rito. Kaya nung nakaraan ay nagpunta ako rito sa inyo para ipaalam ang katotohanan sa kanya. Galit na galit po siya nang malaman ang totoo. Pinaalis niya ako noon. Hindi ko po sinasadya ang nangyari. Wala po akong intensyon na masama sa kanya." Sagot nito ng may pangingilid ng luha. Napauwang ang bibig ko dahil sa mga sinabi nito. Hindi kaagad ako nakapagsalita. Parang lahat ng dugo sa buong katawan ko'y napunta sa ulo ko. Gusto kong magwala at patayin ang taong nasa harapan ko ngayon. Siya pala ang may dahilan kung bakit ngayon ay wala na ang nanay ko. "HAYOP KA!!!" Sigaw ko at binigyan ito ng isang malakas na suntok sa pisngi. Susuntok pa sana ako, kaso'y mabilis akong naawat ng mga pinsan ko at ang mga taong nakikiramay. "Insan! Kumalma ka." Sabi ni Buknoy. "Putangina! Paano akong kakalma kung nandito sa harapan ko ang hayop na pumatay sa nanay ko?!" Sagot ko at pilit na nagpupumiglas. Nang makapiglas ako sa pagkakahawak nila sa akin, kwinelyuhan ko ang binata. Galit na galit akong tumitig rito. Nagtatangis ang bagang ko dahil sa galit. "Ikaw! Putangina ka! Kung hindi dahil sa mga kawalanghiyaang sinabi mo sa nanay ko, buhay pa sana siya ngayon." Mariin kong sabi rito. "H-hindi ko po intensyong m-may mang–" "UMALIS KA NA BAGO PA AKO MAKAGAWA NG KASALANAN!" Sigaw ko rito at tinulak siya palabas ng bahay. Nagtatatakbo namang palayo si Bryce. Habang ako'y naiwang hingal at galit dahil sa lalaking iyon. Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha. Napasalampak ako sa sahig habang sabunot ang buhok at nag-iiyak. ~~~ Isang linggo ang nakalipas mula nang mailibing si Nanay sa huling hantungan nito. Kasama ko ngayon si Buknoy na inaayos ang mga gamit na naiwan ni Nanay. Balak naming idonate ito sa mga nangangailangan dahil wala rin namang gagamit nito dito sa bahay. "Insan, bakit galit na galit ka roon sa binatang nagpunta rito noong burol ni Tiyang Marta? E, hindi ba sabi niya'y kapatid mo raw siya?" Tanong ni Buknoy habang nagtutupi ng mga damit. Natigil ako sa ginagawa ko. Naikuyom ko ang kamao ko nang marinig muli ang lalaking iyon. "Siya lang naman ang may dahilan kung bakit namatay ang nanay ko." Sagot ko sa pinsan ko. "H-ha? Paano?" Kwinento ko kay Buknoy ang mga nalaman ko dahil sa binatang iyon. Maski siya'y hindi makapaniwala. May nabubuong ideya sa utak ko. Gusto kong gumanti sa binatang iyon. Gusto kong pagbayaran niya ang ginawa niya sa nanay ko. "Oh, insan. Natahimik ka?" Pansin sa akin ni Buknoy. Napatingin ako rito. "A-ah, wala. May iniisip lang ako." Dahilan ko. Muli kaming nagpatuloy sa pag-aayos ng mga gamit ni nanay. ~~~ "Ale, may kilala ho ba kayong Bryce? Dito raw siya nakatira sa San Ildefonso, e." Tanong ko sa isang matandang naglalakad. "Ay, iho. Doon ang bahay ng mabait na binatang iyon. Mga tatlong kanto pa, may makikita kang barong barong na bahay." Sagot naman nito habang tinuturo ang direksyon patungo sa bahay ni Bryce. "Salamat po." Muli akong naglakad. Inayos ko ang suot kong cap at facemask upang hindi ako nito makilala. Sa bulsa ko naman ay nakalagay ang panaksak na gagamitin ko sa kanya. Lintik lang ang walang ganti. Kailangan niyang pagbayaran ang ginawa niya. Sa totoo lang ay hindi sapat ang mamatay lang siya. Dapat na pagdusahan niya sa purgatoryo ang mga kasalanan nila ng ina niya sa aking pamilya. Habang naglalakad ako ay bigla kong namataan si Bryce na naglakakad rin. Nakabihis ito ng pamasok. Nagtago ako sa isang punong malaki habang pinagmamasdan itong naglalakad. Biglang tumigil si Bryce sa paglalakad nang mapansin ang isang matandang may dala dalang mga panindang gulay. "Nanay Osang, bakit pa ba kayo nagtitinda? Dapat ay nasa bahay na lamang kayo. Nandyan naman ang mga anak mo para sila ang gumawa ng mga ganitong bagay, e. Mapapagod lang ho kayo." Sabi nito sa matanda at kinuha ang mga dalang gulay nito. "Nako, Bryce. Alam mo namang hindi maaasahan ang mga iyon. Tsaka, hayaan mo na ako rito. Mahuhuli ka na sa klase mo. Mamaya'y may trabaho ka pa." Sabi naman ng matanda. "Ayos lang ho iyon. Ang mahalaga'y makauwi kayo ng maayos." Hindi ko malaman, pero biglang umurong ang galit ko kay Bryce pagkakita rito. Gaya ng sabi niya noon na namatay na rin ang nanay nito at malamang ay siya nalang rin ang mag-isa sa buhay. Kumakayod siya ng mag-isa upang makapagtapos ng pag-aaral. Samantalang ako, puno ng galit sa kanya dahil sa ginawa niya sa nanay ko. Pero kahit na anong siksik ko sa utak ko na hindi niya naman intensyon na saktan si Nanay, hindi naman maalis sa utak ko na bunga siya ng pagtataksil ng Tatay ko sa aking ina. Nagpatuloy sa paglalakad si Bryce nang maihatid ang matanda. Lumabas ako sa pinagtaguan ko at nagpakita sa kanya. "Bryce," huminto naman ito at kunot ang noong nakatingin sa akin. "Sino ho kayo?" Tanong nito. Tinanggal ko ang suot kong cap at facemask para makilala niya ako. Nanlaki naman ang mata nito nang mapagtanto niya kung sino ako sa likod ng facemask. "K-kuya Ruben?" ~~~~
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD