Chapter XVI–1

1216 Words
Para makasiguro, ipinasa niya lang kay Dark Koen ang kopya niya ng video gamit ang MMS. Idinahilan niya ang sinabi nito na gusto lang nitong makita ang proof na sinasabi niya. At wala itong binanggit na kailangan niyang burahin ang video pagkatapos. "Huwag kang magkakamaling i-upload 'to sa kahit saang platform. Pwede ka niyang ma-trace kapag ginawa mo 'yon," paalala nito sa kanya. Maging sa pagtulog, sumisingit sa panaginip ni Rain ang hitsura ni Koen nang ipakita niya ang video na nagpapatotoo sa isa sa nakasulat sa diary niya. Na may kinalaman nga si Casimir sa pagkamatay ni Xena. Humigpit ang hawak nito sa sariling cellphone at naniningkit ang mga mata na nakatitig sa screen. Nangako siya kay Koen na dadalhin niya ang diary doon at pagtutulungan nilang i-decipher ang iba pang nakasulat. Kaya kinabukan, maaga siyang gumising at makailang beses sinilip ang kanyang bag kung nasa loob na ang diary. Wala na siyang balak na sundan si Casimir nang araw na iyon, pero mukhang pinagtatagpo talaga sila ng pgkakataon. Nasa pizza booth sila ni Selah nang mga oras na iyon at nagmimiryenda nang mamataan niya si Casimir, kasama sina Gemlyle at Ison Jaxx, na umupo sa kabilang table. Pinasadya ng Dean na maglagay ng mesa at upuan sa harapan ng mga booths para sa mga kakain doon. Tumagilid siya nang bahagya para maitago ang mukha niya sa mga bagong dating. "Saan ka ba nagpunta kahapon?" tanong sa kanya ni Selah. "Ah, wala bang nabanggit sa 'yo ang boyfriend mo?" Para makaiwas sa tingin nito, kumuha ulit si Rain ng isang slice ng peperroni pizza at nilagyan iyon ng hot sauce. "You mean, magkasama kayo kahapon?" muling tanong ng kaharap niya. Katatapos lang din nito sa isang slice. Inabutan niya ito ng tissue pampahid nito sa bibig. "Parang ganoon na nga." Kumagat muna si Rain ng pizza saka siya nagpaliwanag kay Selah. "Pero hindi lang naman kami ang nandoon. Nagkataon lang na nagkita kami." "So, alam mo nang nawala ang cellphone niya?" Namilog ang mga mata nito na nakatitig sa kanya. Nasamid siya nang maalala ang ginawa niya kahapon. Nang dahil doon, pumasok sa lalamunan niya ang anghang at halos maluha na sa kakaubo. Maagap na tumayo si Selah at binigyan siya ng bottled water. "Okay ka lang, bes?" mayamaya'y tanong nito. Himas-himas pa rin nito ang kanyang likod. Tumango si Rain. "Dumiretso sa lalamunan ko ang anghang," palusot niya. Sinenyasan niya ang kaibigan na maupo na pero nagpaalam ito na bibili ulit ng tubig. Kinuha niya ang pagkakataon na iyon at ginawa ang kanyang plano. Hinawakan niya ang cellphone nang hindi iyon nilalabas mula sa sling bag na nasa kandungan niya. At mula roon, ipinasa niya kay Casimir ang video tulad ng kung paano niya iyon ipinasa kay Koen. Sa isang kurap lang, nailabas na niya ang kamay niya at ginamit ang kabila pangkuha ulit ng isa pang slice. Sakto namang dumating si Selah. Palihim niyang minatyagan si Casimir mula sa peripheral vision, kaya kitang-kita niya ang pagkawala ng kulay sa mukha ng lalaki nang makita nito ang laman ng ipinasa niya. Umigting ang panga nito at nagpaling-linga sa paligid. Hindi na nakontento at may pinidot pa ito sa screen ng cellphone. Biglang umalingawngaw ang tunog ng ringtone mula sa bag ni Rain. Dali-dali niya iyong kinuha sa takot na baka hindi niya iyon nai-silent mode. Mabilis niya iyong sinagot at pinakinggan ang nasa kabilang linya. Sinadya niyang tumalikod kay Casimir dahil naagaw niya ang atensiyon nito. Mas mabubuko siya kung mahuhuli siya nito na nakatitig.  "Bes..." Sasagot na sana si Rain nang may humablot sa hawak niyang cellphone. Nahugot niya ang kanyang hininga. Pagtaas niya ng tingin, mukha agad ni Casimir ang tumambad sa harapan niya. Tumayo siya at binawi agad ang gamit niya mula sa kamay nito. "Ano ba?! Ba't ka nangunguha ng gamit na hindi sa iyo?" bahagyang tumaas ang boses ni Rain sa sobrang kaba. Tinapunan lang siya nito ng matalim na tingin at umalis na parang walang nangyari. Tumayo na rin ang dalawang kasama ni Casimir at sumunod dito. "My gosh, bes! Aatakihin yata ako sa inyo." Nalingunan niya si Selah na salitang pinapaypayan ng kamay ang sarili at hinihimas-himas ang kaliwang dibdib. Isang tipid na ngiti ang isinagot niya sa kaibigan. Mission success! Bago pumasok sa UDS, palihim niyang kinuha ang cellphone ni Reuben at iniwan ang sim nito sa pinagkunan niya ng gadget. Gusto na niyang makita ang mukha ni Casimir na puno ng pangamba kaya naisip niyang gawin na ang pinaplano niya. Makita niya man si Casimir o hindi nang araw na iyon, talagang balak na niyang i-send sa lalaki ang video. Sinuwerte lang na nandoon din ito. Ginamit niya ang cellphone ng kuya niya pampasa ng MMS. Bumili din siya ng panibagong sim para lang sa plano niyang iyon. Nagkataon namang tumawag ang kuya niya saktong pagdial din ni Casimir kaya siya nataranta. Bandang alas tres ng hapon, nagpaalam na sa kanya si Selah na sasamahan daw nitong bumili ng bagong cellphone si Jhenvick. Dumiretso agad siya sa kuweba pagkaalis ng dalawa. Wala pa roon si Koen kaya naengganyo na naman siyang tingnan ang mga kasangkapang naroon. At muling naakit sa ginintuang punyal. Kinuha niya iyon at hinawakan ang talim. Kumikinang pa iyon sa sobrang tulis. Makailang beses pang tumatak sa kanyang isipan ang nakaukit na Psyche. May kung ano sa pangalang iyon na nagtutulak sa kanyang alalahanin kung saan niya iyon narinig. Pakiramdam niya'y konektado iyon sa kanya. Inikot-ikot niya iyon habang nakahawak ang kabilang kamay sa dulo ng talim. Sinusuri. Hindi niya naiwasang madaplisan nang bumukas ang pinto ng kuweba. Pinigilan niya ang sarili na mapamura sa pamamagitan ng pagkagat ng dila.  "Darn it, Lavares!" Malalaking hakbang ang ginawa ni Koen para makalapit agad sa kanya. Nang makitang dumudugo ang dalawang daliri niya sa kaliwang kamay, naghanap agad ito ng bulak at alcohol. Nilinis nito ang sugat niya habang walang tigil naman ang bibig nito sa kakamura sa tuwing aagos muli ang dugo. Paulit-ulit naman ang pangaral nito sa kanya. Wala nang nagawa si Rain kundi ang mapakamot na lang. Pagkatapos siya nitong gamutin, ang punyal naman ang binalingan ni Koen. Nilinis nito iyon saka isinilid sa bag. "Nasaan na ang diary?" mayamaya'y tanong nito. Inilabas niya iyon saka ipinasa kay Koen. "Teka!" Mabilis niya itong pinigilan nang tangkain nitong basahin ang iba pang laman. "Diary ko 'to." Inagaw niya iyon at niyakap nang mahigpit sa takot na baka mabasa nito ang parte kung saan nakasulat doon ang kaisa-isang lihim niya na hindi pwedeng mabasa ni Koen. "Fine. Ikaw na ang magbuklat doon sa part na tinutukoy mo," suhestiyon nito na sinunod naman niya. Muli niyang ipinasa kay Koen ang diary. Nakabukas na iyon sa pinakaunang parte na nabasa niya. "May iba ka bang pinagsabihan nito?" naniniguradong tanong nito. Umiling siya at tumango naman ito. "Good. Susubukan kong mag-search mamaya ng iba't ibang codes at ciphers. At walang dapat makaalam nito kundi tayo lang."  Para siyang puppet na naging sunod-sunuran sa anumang sabihin ni Koen. Tango lang siya nang tango rito. Hindi niya alam kung tama ba ang naging desisyon niya o mali. Ang kagustuhan niyang mahuli ang mga salarin ang mas nangingibabaw sa kanya.  At kung mali man ang pagkatiwalaan si Koen, handa siyang panindigan ang pagkakamaling iyon hanggang sa maitama niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD