Chapter XII–2

1180 Words
"Bes?" Tinig ni Selah ang nagpabalik kay Rain mula sa malalim na pag-iisip. "Bakit?" Nakagat niya ang ibabang labi sa pagkailang. Pareho kasing nakatutok sa kanya ang paningin ng dalawa. "Ayos ka lang ba?" pangungumpirma nito bago isinilid sa bulsa ang hawak nitong cellphone. "Sabi ko nag-text si Mommy, nasa labas na raw sila." "Ah, ganoon ba." Nakamot niya ang kilay sa kawalan ng masabi. "Tara, ipakikilala ko ulit sila sa 'yo," anyaya ng kaibigan niya. Inaya rin ni Selah ang kasintahan nito na si Jhenvick na sumama sa kanila, pero tumanggi ito at nagpaalam na may aasikasuhin na muna. Sabay nilang inabangan ang mga magulang ni Selah sa walkway shed kung saan daraan ang mga ito mula sa parking lot papasok sa quadrangle. "...Marami kaming nakalap na bagong impormasyon at ideya na ishe-share namin ng asawa ko mamaya sa asosasyon natin," tinig iyon ng babae. Palakas nang palakas ang boses habang papalapit nang papalapit ang mga yabag nito at ng kanyang kasamahan. "Mabuti naman kung ganoon. Mas uunlad pa ang bayan natin 'pag nagkataon," sagot ng lalaking may malaking pangangatawan at naka-tuxedo ng kulay asul. May dalawang lalaki na nakasunod dito at pawang mga naka-itim na tux. Palihim na nakinig si Rain sa usapan ng mga ito habang nagliwaliw ang paningin niya sa kung saan-saan. At paminsan-minsa'y nagnanakaw ng sulyap sa mga paparating. Siniko siya ni Selah. "Ayan na sina Mommy. Yung kasama nilang nakaasul, iyan si Mayor." May iba pang sinabi sa kanya si Selah pero binalewala na niya iyon. Napako ang buong atensyon niya sa ama ng taong tinataya niyang pumatay kay Xena. Sa kabila ng laki ng katawan nito, hindi ito nakakatakot tingnan dahil sa maamo nitong mukha. Palagi rin itong nakangiti at sumasabay niyon ang mga mata. Nagmano agad si Selah sa mga magulang nang tuluyan na itong makalapit sa kanila at ipinakilala ito kay Mayor. Si Rain naman ang binalingan ng mga ito pagkatapos, at ipinakilala bilang matalik na kaibigan ng kanilang anak. Mabigat sa dibdib nang tanggapin niya ang kamay ni Mayor Camilo Estrella. Sigurado siyang malaki ang hawig ni Casimir rito kung hindi ito nakangiti ngayon. Mula sa tangos ng ilong na may kalakihan ang butas, maging sa kaliitan ng mga mata nito at sa medyo may kahabaang baba. Sa tantiya niya, magkasingtangkad lang din ang dalawa. Mas maputi nga lang ang anak nito. Nagpaalam itong mauna na at magkita na lamang sila ng mga magulang ni Selah pagkatapos ng pananghalian. Napag-alaman niyang kasama ang mga ito sa panel of judges sa gaganaping pageant, na sisimulan mamaya. Tulad ng napagkasunduan, sumama si Rainsleth sa pananghalian ng pamilya ni Selah. Nagkaroon din siya ng pagkakataong kilalanin ang bawat isa sa mga ito. Istrikta tingnan ang ina ni Selah at ngumingiti lang ito sa harap ng ibang tao. Taliwas sa pagiging madaldal ni Selah kapag sila ang magkasama. Seryoso din ang ama nito pero marunong naman makisama. Pagkatapos nilang kumain, nauna na siya kasama sina Selah at Ainsley sa UDS. Nagpaiwan ang mag-asawang Baldemeo dahil may kakausapin pa raw ang mga ito. Humiwalay na rin si Ainsley sa kanila dahil maghahanda pa raw ito para sa pageant. Nag-ikot-ikot muli ang magkaibigan at itinuloy ang pamimili ng mga gamit, bagay na naudlot kanina nang hulihin si Rain. Mas malapit sa entrance ng indoor court ang booths ng mga gamit kaya kitang-kita niya nang lumabas mula roon ang mayor. Natigil siya sa pamimili ng friendship bracelet at wala sa sariling ibinalik ang napili nila ni Selah. Nakatalikod ang kaibigan niya nang iwam niya ito para sundan kung saan papunta ang mayor. Nag-iisa lang ito habang naglalakad at nakatapat ang cellphone sa tainga. Hindi niya marinig ang sinasabi nito dahil sa layo ng distansiya nila. Sinundan niya pa ito hanggang sa makaakyat sila sa ikalawang palapag. Huli na nang mapansin niyang wala na palang tao sa part na iyon ng building. Pumasok ito sa isa sa mga kwarto na naroon. Sa pagkakaalam niya, sa parteng iyon ng building matatagpuan ang theater room, dressing room, locker ng mga atleta at meeting room. Dahan-dahan ang naging hakbang niya palapit sa pintuang pinasukan ng mayor. May isa pang pintuan na katapat niyon kaya pinlano niya muna sa isip ang gagawin kung sakali man na biglang lumabas ang lalaki at mahuli siya. Balak niyang pumasok roon sa sandaling magkagipitan na. Nang makalapit sa pintuan, marahang pinihit ni Rain ang seradura at swerteng nakabukas iyon. Halos isang dipa pa lang ang nabubuksan niya, dumadagundong na agad ang nanggagalaiting boses ni Mayor. "Wala ka talagang kwentang anak!" rinig niyang sigaw nito mula sa loob. Wala siyang marinig na sagot mula kay Casimir kaya mas lalong nadagdagan ang kagustuhan niyang makita kung ano ang nangyayari sa loob. Nanginginig ang mga kamay nang dukutin niya ang sariling cellphone mula sa bulsa ng suot niyang pantalon. Binuksan niya ang camera niyon at isinet sa video. Iyon ang ginamit niya para makita kung ano na ang nangyayari sa loob. Pigil hininga niyang ipinasok iyon sa maliit na awang ng pintuan at iginalaw-galaw iyon sa iba't ibang direksyon para matumbok ang kinaroroonan ng dalawang lalaki. Hindi naman siya nabigo at kitang-kita niya mula roon kung paano batukan ng mayor ang sarili nitong dugo't laman. "Akala mo ba hindi ko malalaman ang kagaguhang pinaggagagawa mo? Ninyo?" Malakas na batok muli sa ulo ang iginawad nito kay Casimir. Nakayuko lang ang huli at parang batang pinagalitan na hindi nakaimik at takot sagutin ang ama. Magkadaop pa ang dalawang palad nito na nakatutok sa baba. "Paano kung magbago ang isip ng mga Villania at magpaimbestiga, ha?" Dinuro-duro nito si Casimir at paulit-ulit pinagbuhatan ng kamay hanggang sa mawalan ito ng balanse at matumba. "Masisira ang pangalan ko nang dahil sa iyong bobo ka!" Nagawa pa nitong tadyakan ang anak kahit hinihingal na. "Bakit ba nagkaanak ako ng walang utak na kagaya mo? Imbes na pag-aaral ang atupagin mo, mas inuna mo pa iyang kababuyan mo! Hirap na hirap ka na ngang mag-aral ng English, sinasabayan mo pa ng paglalakwatsa. Buti sana kung kasingtalino ka ng mga kaibigan mo! Hay, naku naman, Oo!" mahabang litanya ni Mayor. Nahilamos nito ang mukha sa pagkaaburido. Namayani ang katahimikan sa huli habang pinapakalma ng mayor ang kanyang sarili. Sinave muna ni Rain ang naunang video saka siya umulit nang magsalita na naman ang ama ni Casimir. Gayon na lang ang panlalaki ng mata niya nang biglang tumunog ang hawak niyang cellphone at rumehistro sa screen niyon ang pangalan ni Selah. Nakalimutan niyang i-silent ang cellphone niya at mabilis nakarating sa tainga ng dalawang lalaki ang matinis na tunog ngkanyang ringtone. Hindi na niya nakita kung ano ang reaksiyon ng dalawa. Mabilis niyang naiatras ang kamay na may hawak sa cellphone at isinarado ang pinto. Nawala sa isip niya ang plano kanina at basta na lamang tumakbo. Rinig na rinig ni Rain ang mga yabag ng taong nakasunod sa kanya. Mas mabilis iyon at papalapit na nang papalapit. Napatili siya nang sa pagliko niya, naabutan siya nito at mabilis na tinakpan ang kanyang bibig gamit ang isang kamay nito habang nakapulupot sa katawan niya ang kabila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD