Chapter XIX–1

1042 Words
Hindi mabilang ang pares ng mga matang lantarang tumititig kay Rainsleth habang naglalakad papasok ng UDS. Inaasahan na niya iyon. Pinagsabihan na siya nina Reuben at Jace na palipasin na muna ang issue saka siya pumasok ulit. Pero naisip niyang presko man o hindi, kapag nakita na siya ng mga tao, pag-uusapan at pag-uusapan pa rin siya. Ipinagsawalang kibo na lamang niya iyon at nagtuloy-tuloy na sa loob. Nagsitahimik agad ang mga kaklase niya nang makita siya. Nagkunwari siyang walang napansing nagbubulong-bulungan at nagsesenyasan hanggang sa dumating ang prof nila. "Miss Lavares?" "Po?" Ang mahinahong pintig ng puso niya'y naging marahas. Ikinabahala niya ang biglang pagtawag ng prof sa kanya. "I'm sorry pero may natanggap kaming memo mula sa head ng asosasyon na kailangan mo munang ihiwalay sa iba," sabi nito. "Suspended po ba ako?" Mabilis niyang ikinubli sa ilalim ng mesa ang mga kamaong nakakuyom. "Hindi." Ngumiti ito sa kanya na ikinaluwang ng kanyang paghinga. "Magkakaroon ka ng special class mula bukas. Sa ngayon, gusto ka munang kausapin ng head doon sa meeting room." "Sige po." Tumayo na siya at isinukbit ang bag sa balikat. Nagpaalam siya nang maayos bago lumabas ng silid. Pinuntahan niya ang building kung saan naroon ang meeting room... doon sa mismong lugar kung saan niya nakuhanan ng video sina Casimir at si Mayor. Bago pumasok, tatlong beses pa muna siyang kumatok sa isiping baka naroon na ang head at naghihintay na sa kanya. Hindi nga siya nagkamali. Pagbukas niya ng pinto, namataan niya ito na paupong nakasandal sa gilid ng mesa at nakatalikod sa gawi niya. Biglang sumagi sa isip niya si Koen dahil sa paraan nitong iyon. Mabilis niyang ipinilig ang ulo at tumikhim para maagaw ang atensiyon ng head. "Good morning po," magalang na bati ni Rain. "Have a seat, please," mahinang tugon nito na hindi man lang lumingon. Sinunod naman niya ito at piniling maupo sa silyang de-gulong na may kalayuan dito. Mayamaya lang, tumayo ito nang tuwid at hinarap na siya. "Ano'ng..." Naiatras niya ang upuan nang makitang muli ang mukha ni Koen. Hindi pa siya handang makita o makausap man lang ang lalaking sumira ng kanyang tiwala. "Take a look at this." May pinindot ito na nagpailaw sa malaking projector na nasa harapan. Lumitaw roon ang video na kuha mula sa cctv ng lab. Naudlot ang balak niyang paglabas ng meeting room nang makita ang tinutukoy ni Koen. Gumalaw ang kamay niya upang takpan ang nakangangang bibig. Namimilog ang kanyang mata sa eksenang tumambad sa kanya. Kung dati ay naghihinala siyang na-setup siya sa pagkamatay ni Casimir, ngayon ay hindi na. Parang sasabog ang utak niya sa kaiisip kung paano pa siyang nakakilos noon at wala man lang maalala sa nagawang pagpaslang kay Casimir. "Hindi totoo iyan. May nag-edit lang niyan. Hindi ako iyan..." Paulit-ulit siyang umiling at pilit ipinagkakaila ang nagawa. "I believe that it's not you." Napatitig siya kay Koen dahil sa sinabi nito hanggang sa unti-unting humapdi ang kanyang mga mata. Tumingala siya para mapigilan ang paglabas ng luha at bahagyang natawa. "Paraan mo ba ito para bumalik ang tiwala ko sa iyo?" Tinaasan niya ito ng kilay. Daig pa nito ang natuklaw ng ahas at hindi nakaimik. "Puwes, manigas ka! Ako man o hindi ang nasa video na iyan, isa lang ang alam ko at ang paniniwalaan ko... HINDI AKO ANG PUMATAY. Period!" Marahas siyang tumayo at naglakad palabas ng meeting room. Dire-diretso lang siya hanggang sa makalabas ng UDS. Mimi... Singbilog ng patak ng ulan ang mga luhang tumulo mula mga mata ni Rain. Nami-miss niya ang kanyang ina pero hindi niya alam kung ano ang hitsura nito. Ang tanging imaheng lumilitaw sa kanyang alaala ay ang imahe ng babaeng naipinta niya noon. Umuwi siya na hilam ng luha. Sinalubong agad siya ng nag-aalalang mukha ni Reuben. "Ano'ng nangyari? May umaway ba sa 'yo?" Sinapo agad nito ang kanyang pisngi at tinuyo ng hinlalaki nito ang natirang luha roon. Umiling siya. "Na-miss ko lang si Mimi..." paliwanag niya sa kapatid. Napansin niyang kumunot ang noo nito sasinabi niya. "Bakit?" "Sinong Mimi?" nagtatakang tanong ni Reuben kasabay ng pagbitiw nito. "Si Mimi... nanay natin." Nagkibit-balikat siya. "Mama ang tawag natin sa kanya," pagtatama nito na may halong pagdududa. "Ganoon ba? Nawala sa alaala ko." Nakamot niya ang gilid ng kilay sa hiya. Totoong nawala sa alaala niya. Naroon na naman ang titig ni Reuben sa kamay niya at hindi na nagsalita. Mabilis niyang naibaba iyon at nagpaalam na magpapahinga na muna. Mamaya niya na ikukuwento rito ang nangyari. Tiningnan niyang muli ang diary at nagsimula namang hanapin ang sagot sa pangatlo. Hindi pa niya alam kung ano ang gagawin niya kay Jace. Sa ngayon, susubukan niya munang ma-solve ang pangatlo. Ilang beses siyang sumubok at nagkamali pero hindi siya sumuko. Marami-rami na rin ang nasubukan niya pero wala pang tumugma. Nasakalagitnaang parte na siya ng notebook nang may marinig siyang kahol ng mga aso mula sa labas. Naisip niya agad sina X at V kaya dali-dali siyang bumaba sa kama at sumilip sa may bintana. Hindi nga siya nagkamali. Nandoon na naman ang dalawa sa gilid ng puno na parang nagbabatay sa kanya. Nagtatatakbo agad ang puting mabalahibong aso pagkakita sa kanya. Sa pagkakaalam niya, samoyed ang breed niyon. Kumakawag pa ang buntot nito habang nakatingala sa kanya mula sa labas. Pinigilan niyang niyang mangiti sa aso sa isiping baka naroon din si Koen. Sumunod na rin ang itim na aso at lumapit sa harapan ng kanyang bintana. Noon lang niya nakita sa malapitan na may tangay pala ito na isang tangkay ng puting rosas. Inilapag iyon ng aso sa lupa at patakbong bumalik sa kinatatayuan nito kanina. Hindi nakaligtas sa kanya ang isang kamay mula sa likurang parte ng puno na marahang tumapik sa ulo ng wolf dog. Nandito nga siya. Mabilis niyang isinarado ang bintana at bumalik sa kanyang ginagawa. Lalampasan na sana niya ang Bacon's Cipher nang may makita siyang example niyon na hindi gumamit ng dalawang letra lang. Ikinukubli ang orihinal na mensahe niyon sa pamamagitan ng isang huwad na mensahe na ang bilang ng letra ay pinahaba nang limang beses. At ginamitan ng dalawang typeface para madaling malaman kung alin doon ang katumbas ng A at B. Sinunod niya iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD