Chapter XX–1

1175 Words
Matuling lumipas ang mga araw at nasasanay na si Rainsleth sa kanyang bagong routine. Nasa bahay lang siya buong araw at doon na rin ipinagpapatuloy ang pag-aaral. Iyon daw ang iminungkahi ng head ng asosasyon para sa kanyang kaligtasan. Marami na rin ang nakakaalam ng nangyari pero hindi pa rin lumalabas sa balita ang tungkol sa pagkasangkot ni Casimir sa nangyari kay Xena. Nagbigay lang ng pahayag si Mayor Estrella na wala siyang kasalanan. Lasing lang daw ang anak nito at napagkamalan niya na may balak na masama. Dahil araw na naman ng Sabado, maaga siyang natapos sa kanyang online class. Maaga rin ang schedule ni Reuben kaya mag-isa na naman siya sa bahay kahit alas dos pa lang ng hapon. Matapos maligo, nagsuot agad siya ng skinny jeans at puting v-neck blouse. Balak niyang puntahan ang puntod ng kanyang ina. Gusto niyang kausapin ito at ikuwento ang lahat ng nangyari sa kanya simula nang mawalan siya ng alaala. Malapit lang ang sementeryo sa bayan nila kaya wala pang isang oras, tinatahak na niya ang daan papunta sa puntod nito. Kahit iyon ang unang beses niyang pumunta roon, pakiramdam niya'y hindi siya maliligaw. May palatandaan siya na laging nakikita sa isip sa tuwing mami-miss niya ang kanyang ina. Ang tombstone nito na gawa sa marmol, nakadikit sa paanan ng isang krus na katamtaman lang ang laki. Dalawa ang nakita niyang may ganoong disenyo roon. Nilapitan niya agad ang sa tingin niya'y sa kanyang ina dahil ang lagi niyang naiisip. Malalaking hakbang ang ginawa niya bitbit ang isang tangkay ng sunflower. Malayo pa lang, abot-tainga na ang ngiti niya... pero unti-unti iyong naglaho nang makalapit na. Nagsalubong agad ang mga kilay niya matapos basahin ang pangalang nakasulat doon. Dahan-dahan siyang umatras, himas-himas ang kilay. Muli siyang naglakad at dinala ng mga paa niya sa isa pang krus na katulad niyon. Nakagat niya ang labi nang makitang hindi rin niya kaapilyedo ang pangalang nabasa roon. At nagkataon pa na ngayon ang araw ng kamatayan nito. Zenaida Canda Isang beses niya lang iyong binasa pero tumatak na agad sa kanya. Bumaling ang tingin niya sa hawak-hawak na bulaklak at walang pagdadalawang-isip niya iyong ipinatong doon. Ilang minuto rin siyang nakatayo roon nang walang ginagawa. Nakatulala lang sa harapan. Hindi niya alam kung saan niya ngayon hahanapin ang puntod ng kanyang ina. Wala na siyang maisip pa. "Sino ka?" rinig niyang tanong ng isang lalaki mula sa likuran niya. Mabilis niyang nilingon ang may-ari ng pamilyar na boses na iyon. At hindi nga siya nagkamali. Si Mr. Villania ang nasa likuran niya na may dala-dalang isang basket ng sunflower at isang kadila na nakapaloob sa babasaging baso. "Kayo po pala." Nakamot niya ang kilay sa hiya. Namilog ang mata nitong nakatitig sa mukha niya. "I know you! Ikaw iyong nanalo sana sa Best in Talent kaso lang nag-backout ka. How are you, hija?" Sumilay ang ngiti sa labi nito. "Ayos lang po." "Ano nga pala ang ginagawa mo rito sa puntod ni Mama?" nagtatakang tanong nito. Lumipat ang tingin nito sa puntod ng tinutukoy nitong ina, napasunod na rin siya ng tingin doon. "Ah, hinahanap ko po kasi ang puntod ni Mimi... kaso naligaw ako rito," paliwanag ni Rain. "Ikaw rin ba ang naglagay niyan?" tanong nito nang matanaw ang bulaklak na inilagay niya roon. "Opo." Nag-init ang pisngi niya at napaiwas ng tingin. "Nakita ko kasing Death Anniversary niya ngayon kaya sa kanya ko na lang binigay." "What a coincidence! Iyan din kasi ang favorite flower ni Mama." Itinaas nito ang hawak na basket para ipakita sa kanya saka ito humakbang palapit sa puntod at ibinaba roon ang hawak na bulaklak. "Actually, mother-in-law ko siya. Siya ang nag-alaga kay Xena nang mamatay ang anak niyang si Zerafina, ang asawa ko. Kaso sumunod din agad ito," kuwento nito. Hindi siya nakaimik. Nagdadalawang-isip siya kung magpapaalam na siya rito o kung sasamahan ito hanggang sa mauna itong magpaalam sa kanya. Natutuwa siyang marinig ito na nagkukuwento. Pakiramdam niya kasi, may ama pa siya kapag ganitong may kakuwentuhan siyang kasing-edad ni Mr. Villania. "Than you nga pala doon sa painting, hija." Ngumiti ito pero hindi man lang umabot sa mata. Nagbaba na ito ng tingin sa puntod ng lola ni Xena. Tipid ang ngiting gumuhit sa mga labi ni Rain dahil sa sumasalaming lungkot sa mata ng kaharap. "Walang anuman, po. Masaya ako na may naka-appreciate niyon." Mabilis niyang ibinaling ang tingin sa ibang direksyon. Gusto na niyang magpaalam dahil nahihiya na siya rito lalo pa't hindi naman niya kamag-anak ang puntod na nasa harap. "Alam mo, nakikita ko sa iyo ang anak ko," mayamaya'y sabi ng ama ni Xena. "Magaling din siyang magpinta kagaya mo. At Mimi rin ang tawag niya kay Zerafina," paliwanag nito. Bumundol ang kaba sa dibdib ni Rainsleth. Unti-unting nanumbalik sa kanya ang mga bagay na may kinalaman kay Xena. Hindi niya maipaliwanag ang mga pangyayaring kumukonekta sa kanila. Ang mga panaginip na sa tingin niya'y mga alaala ni Xena, ang biglaang pagkatuto niyang magpinta, ang mukha sa painting na binili ni Mr. Villania, ang puntod na naaalala niya... Marami pang iba.  Nagsisimula na siyang kuwestiyunin ang sarili kung nagkataon lang ba? Nagkataon lang ba talaga na may mga pagkakapareho sila? Dahil sobrang nalilito na siya kung alin ang alaala niya at alin ang panaginip lang... Alin doon ang sa kanya? At alin ang kay Xena?  "Yung babae sa painting... Kamukha niya ang Mommy ni Xena."  Napalingon siya kay Mr. Villania dahil sa sinabi nito. Muling sumagi sa isip niya ang nasa panaginip... lalo na ang mga pinagdaanan ni Xena noong bata pa. "Handsome din po ba ang tawag niya sa inyo?" usisa niya. May gusto langsiyang malaman. O mas tamang sabihin na gustong mapatunayan. Umawang ang labi ng lalaking kausap niya at malalaki ang mga matang bumaling sa kanya. "Huwag mong sabihing ganyan din ang tawag mo sa Papa mo, hija?" halos hindi makapaniwalang tanong nito. "Parang ganoon na nga, po." Muling gumalawa ang kamay niya papunta sa kilay para ikubli ang mukha sa pagkakatitig sa kanya ng kaharap. At para na rin maitago ang pamamasa ng mga mata. "Wow!" Para itong naubusan ng salita at hindi na ulit bumuka ang bibig.   "Kung hindi n'yo po mamasamain, pwede ko po bang malaman kung bakit hindi kayo nagpaimbestiga ng tungkol sa pagkamatay ni Xena?" Ayun na naman ang pagiging matanong niya na hindi niya mapigilan. Gusto niya tuloy batukan ang sarili. Lumipad ang kamay nito papunta sa baba at hinimas iyon. Kung may bigote lang ito, iisipin niyang ang bigote ang nilalaro nito. Kaso wala.  "Hindi ko alam, hija..." Umiling-iling ito sa kawalan ng masabi tungkol sa naging desisyon nito. Kinagat na lamang niya ang sariling dila para hindi na magtanong pa at nagpakulong sa katahimikan katulad nito. "Sa tingin mo, masama ba akong ama?" mayamaya'y tanong ni Mr. Villania. "Iniisip ko kasi na baka hindi niya iyon ikatuwa. Mas gusto kasi Xena na binibigyan ng chance na magbago ang isang masamang tao," paliwanag pa nito. "Paano naman po kung kabaliktaran niyon ang gusto niyang mangyari?" 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD