Chapter XX–2

1108 Words
... Natahimik si Mr. Villania sa kanyang sinabi. Tulala itong napatingnin sa itaas at tila tinitingnan ang anak nito mula roon. "Paano po kung nabago ang pananaw niya dahil sa nangyari? Hindi n'yo pa rin ba ipaglalaban ang karapatan niyang makamtan ang hustisya?" sinabi niya iyon sa parang siya iyong mas naaapektuhan sa nangyari. Nadudurog ang puso niya sa kalamang iniisip pa rin nito kung ano ang magiging reaksiyon ng anak nito kung sakaling buhay ito. Pero hindi nito naiisip na hinahayaan lang nitong mamuhay nang matiwasay ang mga taong bumaboy at pumutol sa karapatan ng anak nito na mabuhay. Gusto niyang baguhin iyon. Gusto niyang kumilos ito para man lang sa ikatatahimik ng kaluluwa ni Xena... at sa ikatatahimik na rin niya. Dahil hangga't ginugulo siya ng mga alaala ni Xena, at hangga't hindi nasasagot ang mga katanungan sa isip niya, patuloy siyang mangangapa sa pagkatao niya. "Sa tingin mo, hija, huli na ba ako?" Tumaas ang gilid ng mga labi niya sa tanong ni Mr. Villania. "Hindi pa po, sir. Patay na ang isa kaya dalawa na lang ang kailangan ninyong..." unti-unting bumagal ang pagbuka ng kanyag bibig nang maalala kung sino-sino ang dalawang tinutukoy niya. Naitikom niya ang bibig sa huli. Nagsilabasan agad ang kunot sa noo nito. "Dalawa? Patay na ang isa? Ano ang ibig mong sabihin, hija?" sunod-sunod na tanong nito. "Ahh... ano po..." Nilaro-laro niya na lang ang maliliit na buhok sa ibabaw ng kanyang mata sa kawalan ng masabi. "Hindi yata angkop ang lugar na 'to para pag-usapan natin ang bagay na iyan. Ang mabuti pa'y samahan mo ako sa isang coffee shop malapit dito. Iyon ay kung okay lang sa 'yo?" Tumaas ang kilay nito habang naghihintay ng sagot mula sa kanya. Nag-isip siya saglit kung tama bang sumama siya at sabihin dito ang nalalaman niya. Sa huli, nanaig sa kanya ang kagustuhang malaman ng ama ni Xena ang sinapit ng anak nito sa kamay ng mga lalaking iyon. "Sige po, sir."  "Tito na lang." Dumapo ang kamay nito sa ulo niya at marahang ginulo ang nakalugay niyang buhok. "Okay po, Tito Handsome..." Kinagat niya agad ang dila sa sobrang daldal niyon at kung ano-ano na ang nasasabi. Tila babangon ang mga patay sa lakas nitong tumawa. "Para ka rin talagang si Xena," natatawang komento nito. Pinauna niya ito sa paglalakad pero tila sinasadya nitong bagalan iyon para magpantay ang kanilang mga hakbang.  Iginiya siya nito papunta sa kotse nitong kulay asul at ipinagbukas pa siya ng pinto sa passenger's seat. Dinala nga siya nito sa pinakamalapit na coffee shop. Ipinaghila pa siya nito ng upuan saka siya sinenyasang maupo. "Sino na nga ba ang tinutukoy mong isa, hija?' tanong agad nito matapos um-order. Tumikhim siya saglit para mawala ang bumabara sa lalamunan niya. Tiningnan niya ito nang mata sa mata para makita ang magiging reaksiyon nito. "Si... Casimir Estrella po," diretsahan niyang sagot. Hindi niya alam kung kilala ni Mr. Villania ang lalaking tinutukoy niya, pero base sa pagkakahulog ng panga nito at pamimilog ng mga mata, alam niyang kilala nito iyon dahil na rin sa apelyidong nabanggit niya. Sino nga ba ang hindi makakakila sa apelyidong dinadala ng Mayor ng bayan nila? "Ang totoo po niyan..." Hindi niya naituloy ang sasabihin nang mamatan niya ang bulto ng isang lalaki sa labas ng coffee shop at nakaharap sa gawi niya. Nakatingin ang seryoso nitong mga mata sa kanya. Bumuka ang bibig nito pero hindi niya marinig o mabasa ang pinupunto niyon. Para lang itong bumubulong sa hangin. "Sige lang, hija. Huwag kang matakot sabihin ang nalalaman mo, kung mayroon man." Mabilis niyang hinila ang kanyang kamay nang tangkain iyong hawakan ng ama ni Xena. Natatakot siya na maramdaman nito ang panlalamig niyon. "Kasi po..." Nakahinga siya nang maluwag nang dumating ang order nila at hinayaan na muna siya nitong tikman iyon. Palihim niyang binalikan ng tingin ang bulto nito pero wala na ito roon. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa at muling ikinuwento ang tungkol sa napanaginipan niya. Katulad lang din ng kung ano lang ang sinabi niya kay Reuben. Wala siyang binanggit na tungkol sa laman ng diary. Ang alam lang ng dalawa, narinig niya ang usapan ng mag-ama kaya niya nalamang sangkot si Casimir. Hindi nakaligtas sa kanya ang pagkuyom ng mga kamao ng ama ni Xena at ang pag-igting ng panga nito. Pagkatapos nilang mag-usap, hiningi ni Mr. Villania ang number niya. Balak nitong kontakin siya kapag may makuha itong lead sa pagpapaimbestiga na gagawin nito. Parang hinahaplos ang puso niya na makatulong dito. Pero sa kabilang banda, inuusig naman siya ng kanyang konsensiya dahil sa paglilihim ng tungkol sa dalawa pang sangkot. Dahil sa kagustuhan nito na makauwi siya nang ligtas, hindi na siya nito hinayaang makatanggi na ihatid sa bahay. May ngiti pa sa mga labi ni Rain nang ihatid niya ng tingin ang sasakyan ni Mr. Villania na paalis na. Kumaway pa siya rito saka siya humakbang papasok sa loob ng bahay. Dumidilim na rin sa labas kaya nagpasya na siyang i-lock ang pinto. Dumiretso agad siya sa kanyang kwarto para makapagpahinga. "Ano'ng ginagawa mo rito? At paano ka nakapasok?" bulalas niya sa taong nakaupo sa kanyang kama at nakatalikod sa gawi niya. Hindi na nito kailangang lumingon pa para mapagsino iyon dahil kilala na niya ito sa damit na suot. Tumayo ito nang nakapamulsa at seryoso ang mukha nang lingunin siya. "Sinabi mo ba sa kanya ang tungkol sa diary?" prangkang tanong nito. Pilit itinatago ang emosyon sa mukha. "Bakit? Natatakot ka bang sabihin ko sa kanya?" Sumilay ang sarkastikong ngiti sa labi ni Rain.  "Nah. Natatakot ako na baka kung sino-sino lang ang pagsasabihan niya ng sikreto mo at baka ikapahamak mo pa," kalmadong sagot nito. "Iyon ba talaga ang dahilan? Ha, Koen?" Tinaasan niya ito ng kilay at pinukol ng nang-uusig niyang tingin. Nilapitan niya ito nang dahan-dahan habang binibigkas ang mga katagang kusang lumalabas sa bibig niya. "O baka dahil takot kang malaman niya na kasali ka sa gumahasa at pumatay sa anak niya?" Tumigil siya sa paghakbang nang ilang dangkal na lang ang kanilang pagitan. Nahigit ni Rain ang kanyang hininga nang daklutin ng isang kamay ni Koen ang panga niya. "Watch your words, Lavares. Wala kang alam." At marahas iyong binitiwan. "Hindi lahat ng napapaniginipan mo ay totoo. Lalo na kung pinaglalaruan ka lang din ng kaluluwang gumagambala sa iyo," makahulugang sabi nito at naglakad na palapit sa bintana at doon tumalon palabas ng kwarto niya. Naiwan siyang tulala at napaisip sa sinabi ni Koen. Napaupo siya sa kama na sapo-sapo ang noo. Mas lalo lang niyong ginugulo ang pag-iisip niya. Pinaglalaruan lang ba talaga ako? Pero bakit?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD