Chapter XVII–2

1130 Words
Napahiga siya sa hagdan nang tumalon sa kanya ang puting aso at dilaan ang kanyang mukha. "Teka lang, sandali... Huwag mo 'kong kagatin!" Panay ang iwas niya sa mukha habang inaawat ito gamit ang kamay. Kulang ang lakas niya sa sobrang laki nito. Mabalahibo ang puting aso at kumakawag pa ang buntot. Mas maliksi at makulit ito kumpara sa itim na aso na nakatunghay lang sa kanila. "X!" rinig niyang sigaw ni Koen. "Koen, tulong..." Hindi na mahitsura ang mukha niya sa pinaghalong takot at hirap. Pumito si Koen gamit bibig at tumigil naman ang aso na tinawag nitong X. Tumakbo naman palapit dito ang maitim na aso na sa tingin niya'y isang wolf dog. "Buti dumating ka." Bumangon si Rain paupo at hindi napigilan ang paglampas ng isang butil ng luha. "Natakot ka ba?" Tumaas ang isang kilay nito habang nakatitig sa kanya. "Medyo." Pinahiran niya ang namamasang pisngi at tinuro ang puting aso." Talunin ba naman ako ng isang iyan!" Hinimas-himas niya ang dibdib kung saan muntik nang tumalon palabas ang puso niya kanina. "Sorry, kasalanan ko. Sinadya ko silang iwan nang hindi nakakulong para may magbantay sa 'yo rito habang wala ako," paliwang ni Koen. "By the way, her name is X. And he is V." Isa-isang tinuro nito ang dalawang aso. "Saan ka ba galing?" usisa niya rito. "Nagreport ako sa pulis." Nagkibit ito ng balikat na parang isang aimpleng bagay lang ang ginawa nito. Nahulog ang panga niya nang tumimo sa utak niya ang sinabi ni Koen. "Ano!?" "Trust me. Okay?" Nagsimula itong humakbang palapit sa kanya. "Hindi pwedeng basta na lang natin itapon ang bangkay niya dahil may maghahanap sa kanya. Kailangan mong pagdaanan ang bagay na ito, Ran. Kailangan mong harapin ang ginawa mo. Dahil kahit itago natin ito, malalaman at malalaman pa rin nila ang nangyari katulad ng pag-trace ni Casimir na ikaw ang nag-send sa kanya ng video, hindi ba?" Nanlaki ang butas ng ilong niya sa sobrang pagpipigil na saktan ang kaharap. "Akala ko mapagkakatiwalaan kita. Hindi pala." Dismayado siyang naglakad at nilampasan ito. Tinunton ng mga paa niya daan palabas ng ancestral house ng mga Someroux. "Saan ka pupunta?" pigil ni Koen sa kanya. "Sa empiyerno kung saan wala ka." Nagdadabog ang mga paa niyang nagpatuloy sa paghakbang. "Hindi ka makukulong, okay? I promise you," rinig niyang sigaw nito nang makalabas na siya nang tuluyan. Sinegundahan pa ito ng tahol ng dalawang malalaking aso. Wala sa sariling naglakad siya sa kadiliman ng gabi at tila nakikiisa ang nagtatagong buwan sa daan na kanyang tinatahak—patungo sa karimlan. Para siyang nasa kumunoy na kahit ano'ng pilit niyang makaahon, alam niyang mas lalo lang siyang lulubog. Tama si Koen. Kailangan niyang harapin ang ginawa niya. Pero paano? Takot siyang makulong. At bakit kailangang siya ang magdusa sa bagay na hindi siya sigurado kung siya ang may kagagawan? Ako ba talaga ang pumatay sa kanya? Inilahad niya ang mga kamay sa harapan at tinitigan. Nanginginig pa rin iyon tulad ng sikmura niya na hindi mapirme. Napalingon siyang muli sa pinanggalingan. Kahit may kalayuan na ang nilakad niya, tanaw na tanaw niya pa rin bahay nina Koen na nakabukas pa ang mga ilaw mula sa loob hanggang sa labas. Katulad iyon ng pag-asa sa kanya. Gusto niyang bumalik pero alam niyang imahinasyon na lamang niya na may pag-asa pa. Alam na ng mga pulis na napatay niya si Casimir. At kahit ipagpalagay pa niyang hindi direktang sinabi ni Koen na siya ang pumatay, tulad ng sabi nito, malalaman at malalaman iyon ng kapulisan. Nabulabog ang pagmumuni-muni ni Rain nang tumunog ang cellphone niya na nasa bulsa. Muntik na niyang makalimutan ang bagay na iyon. Mabuti na lamang at hindi iyon nasira nang bumagsak siya pahiga sa hagdanan nina Koen. "H-hello," walang kalakas-lakas niyang bungad sa tumawag sa kanya. "Bes! Nasaan ka na ba? Tumawag sa akin ang kuya mo, hinahanap ka. Akala ko nakauwi ka na kanina," sabi ni Selah. Naghikab pa ito at mukhang kagigising lang. Tiningnan niya ang orasan ng kanyang cellphone, mag-aala dos na pala. Sinabi niya rito kung saang lugar na siya at nangako naman ito na susunduin siya. Inilihim niya muna sa kaibigan ang tungkol sa pagkakapaslang niya kay Casimir. Hindi nagtagal, isang pares ng ilaw ang nagbigay tanglaw sa madilim na kalyeng kinatatayuan ni Rain. Pumarada sa kanyang harapan ang kotse ni Selah at mabilis na umibis mula sa kabilang pinto ang Kuya Reuben niya. "Thank, God at ligtas ka!" Niyakap agad siya ng kanyang kapatid nang makalapit ito. "Ano'ng nangyari?" tanong nito matapos kumalas. Hawak-hawak siya nito sa magkabilang balikat. "N-naligaw lang ako kanina sa p-paghahanap kung saan ang s-sementeryo. Bigla ko kasing na-miss sina Mama at Papa," palusot niya. Nakamot niya ang kilay sa pagtatago ng mga mata niya. "Dapat tinawagan mo ako o 'di kaya'y nagpasama ka kay Selah. Kanina pa kami nag-aalala sa iyo. Alam mo ba iyon? Hinanap agad kita pagkagaling ko sa trabaho. Hindi mo pa sinasagot ang mga tawag ko," mahabang litanya nito. "Kuya Reuben, mas mabuti pa siguro kung sa sasakyan na kayo mag-usap. Madaling araw na, at baka hindi pa siya kumain," singit ni Selah na ngayon ay nakatayo sa likod ng nakabukas na pinto ng sasakyan nito. "Sorry. Halika ka na." Inalalayan siya ni Reuben sa paglalakad. Hinayaan na lamang niya ito dahil hinang-hina na rin siya. Isinandal niya ang ulo sa may bintana ng backseat. Mula sa side mirror, tinanaw niya ang unti-unting paglayo nila lugar na iyon. Nakatulog siya sa byahe at ginising lang nang makarating na sila sa bahay. Nagpaalam si Selah na hindi na muna tutuloy at baka siya na naman ang hanapin sa kanila. Pagpasok sa kusina, pinaupo at ipinaghanda agad siya ni Reuben ng makakain. "Mabuti na lang wala kayong pasok mamaya at makakabawi ka ng tulog. Sasamahan din kita sa puntod ng mga magulang natin." Umupo ito sa katapat niyang upuan at sinamahan siyang kumain. Napangiti siya rito. Mabuti na lang din pala at wala silang pasok bukas at baka sa eskwelahan pa siya damputin ng mga pulis. Dahan-dahan ang naging pagnguya ni Rain at kung saan-saan na naman siya dinadala ng kanyang isipan. Napatda siya nang muling sumagi sa kanya ang napanaginipan nang nasa bahay pa siya ni Koen. Ba't ko napanaginipan ang batang si Xena? At sino ang lalaking iyon? "Okay ka lang ba?" tanong sa kanya ni Reuben na nagpamulat sa kanya mula sa malalim na pag-iisip. "O-oo... May iniisip lang." Matapos kumain, hinatid na muna siya ni Reuben sa kanyang silid at hinintay na makaidlip. At sa muli niyang pagtulog, unti-unti na naman siyang dinadala sa mga lugar na bago sa kanyang paningin pero pamilyar sa kanya ang bawat eksena. Naroon pang napanaginipan niyang magkasama sila ni Reuben pero iba ang tawag nito sa kanya... Ezra...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD