Chapter XIX–2

1134 Words
Dalawang typeface ang ginamit sa pagsulat ng fake message at dalawa rin ang letrang bumubuo sa Bacon's Cipher—ang A at B. Parehong isinulat ni Rain ang "The lASt iS SoMeonE clOse TO mY Heart" sa magkaibang papel. Isinulat niya iyon sa paraang pinaghugpong ang tiglimang letra. Sa unang papel sinubukan niyang gamitin ang A bilang kapalit sa may malalaking typeface at B naman sa maliliit. ThelA  StiSS  oMeon EclOs eTOmY Heart abbba abbaa babbb abbab baaba abbbb Hinanap niya ang mga letrang katumbas niyon pero hindi iyon nagtugma. P, N, Z, O, T, at Q ang nakuha niya. Minarkahan niya ng malaking X ang papel na iyon at hinarap ang pangalawa. Kabaliktaran sa nauna, B na ang ipinalit ni Rain sa may malalaking typeface at A naman sa maliliit. ThelA  StiSS  oMeon EclOs eTOmY Heart baaab baabb abaaa baaba abbab baaaa Nang tingnan niya isa-isa ang katumbas na letra sa bawat hugpong, unti-unti niyang nabasa ang nabuong salita—ang SUITOR. Parang tumigil sa pag-ikot ang kanyang mundo. "Si Jace pa rin? O si..." Naitikom niya ang bibig. Hindi siya nakakilos at mas lalong hindi na niya nabitiwan ng tingin ang papel na sinulatan niya. Wala siyang makuhang sagot kung bakit sina Jace at Koen pa. Nahahati ang puso't isip niya kung dapat niya bang paniwalaan ang mga nakasulat doon kahit napatunayan na niyang totoo iyon. May parte sa kanya na ayaw maniwala. Na posibleng nagkamali siya at nagkataon lang na totoo ang kay Casimir. Panaginip lang iyon, Ran! Nagpapaniwala ka roon? Walang lakas niyang isinara ang diary at itinabi. Gusto niya munang takasan ang mga nalaman kahit ngayon lang. Dahil pakiramdam niya, nauubos ang lakas ng loob niya sa tuwing iisipin pa lamang kung paano kokomprontahin ang dalawa. Mayamaya lang, bumibigat na ang talukap ng kanyang mga mata. At tuluyang nilamon ng antok. "Naranasan mo na rin ba ang magbago dahil sa nangyari sa iyo, Psyche?" tanong niya sa katabi nang hindi ito nililingon. Nakatanaw lang siya mula sa malayo, sa tatlong taong papaalis na. "Oo, lahat naman ng tao nararanasan 'yon," kaswal na sagot ng babaeng nasa tabi niya. "Ang pangit nagpapaganda hindi lang dahil sa gusto nilang purihin sila... kundi dahil naranasan na nila ang sakit na dulot ng pangungutya. Ang iba naman ay dahil sa inggit at insecurities. "Meron ding iba riyan dahil sa hirap ng buhay ay nakagagawa ng masama sa kapwa," dagdag pa ni Psyche. Doon na siya napalingon sa katabi. Agad nitong sinalabong ang tingin niya nang maradaman nito ang kanyang paglingon. "Lahat ay may rason kung bakit nagbabago ang isang tao, hindi nga lang iyon madaling unawain ng mga taong wala sa katayuan nila," paliwanag pa nito. "Pa'no naman 'yong mga taong pumapatay? Bakit sila gano'n?" muli niyang tanong nang maalala ang lihim ng isang kilalang pamilya. Tumaas ang gili ng labi nito sa tanong niya. "May mga tao talagang ipinanganak na masasama. Nasa dugo na nila nananalaytay ang kagustuhang pumatay. 'Yong iba naman... dahil sa paghihiganti o 'di kaya'y wala na talagang mapagpipilian—sila iyong kumakapit na lamang sa patalim." Napatango siya sa sinabi nito. Siguro nga, nasa dugo na talaga ng angkan ng lalaking iyon ang pumaslang. Pero ano ba'ng binabalak niya? "Kasakiman bang matatawag ang angkinin mo ang buhay ng iba?" hindi niya namalayang naisatinig niya pala. Natawa nang mahina si Psyche. "Siyempre, hindi naman ito bagay para maging pag-aari mo. Puwera na lang kung kusa itong ibibigay sa iyo, katulad na lang ng sa mag-asawa. Pag-angkin iyon na may kasamang pagpapaubaya... kaya hindi iyon matatawag na kasakiman." "Kung ganoon, sakim ka rin pala," natatawa niyang tinuran. Umangat ang gilid ng labi nito at lumikha iyon ng isang masamang ngiti. "Parehas lang tayo." Sabay nilang binawi ang tingin sa isa't isa. Wala na siyang makita kahit bulto ng katawan doon pero napako na roon ang kanyang paningin. "Naiinip na 'ko, Psyche. Gusto ko nang maglaro. Matagal pa ba?" hindi niya maiwasang itanong. Hindi na maipinta ang mukha niya sa pagkabagot. "Mahigit sampung araw na lang. Kaunting tiis pa... Pasasaan ba't mapapasakamay mo rin sila," seryoso bagama't nakangiting sagot ni Psyche. Pero batid niya na sa kanilang dalawa ay mas nangangati na ito na makapaghiganti. Hindi niya nga lang alam kung kanino dahil ayaw nitong sabihin. Napabuntong-hininga siya sa kawalan ng magawa. Naiinip na naghihintay sa tamang araw ng paghihiganti. Napabalikwas ng bangon si Rain. Tumaas-baba ang dibdib niya sa paghahabol ng hininga. Butil-butil na rin ang pawis sa noo niya. "Aaarrghhh..." Napasabunot siya buhok at hinigpitan ang kapit doon. Pumipintig ang ulo niya sa sobrang sakit niyon. Psyche... Nagpaulit-ulit sa kanyang isip ang pangalang Psyche. Si Psyche na nakausap niya sa panaginip. Ang Psyche na sa ginintuang punyal nakaukit. Psyche. Psyche. Psyche. Sino nga ba si Psyche? "Bakit n'yo ba ako ginugulo!?" sigaw niya sana sa isip pero 'di niya napigilang maisatinig. Hindi niya maintindihan kung bakit sa tuwing mananaginip siya, sapatos ni Xena ang isinusuot niya. Kung bakit siya ang nasa posisyon nito palagi. "Ran? Ayos ka lang?" Nagmamadaling mga yabag ni Reuben ang sunod niyang narinig. "Hey, hey! Tama na iyan," awat nito sa kamay niyang halos ipukpok na niya sa ulo. "Ayoko na... Sino ba ako?" Napahagulgol na siya sa balikat nito matapos siyang aluin. "Anong sino ka? Syimpre, ikaw si Rainsleth na kapatid ko." Himas-himas siya nito sa likod habang sumasagot at nakikinig sa mga katagang lumalabas sa bibig niya. "Bakit, bro? Bakit nila ako ginugulo? Bakit wala pa rin akong maalala sa pagtao ko?" Napakaraming 'bakit' pa ang pumupuno sa utak niya pero hindi na niya maisa-isa. Unti-unti na siyang nililito ng mga iyon... Ng mga panaginip na hindi sa kanya. Pati sa pagkatao niya, nagsisimula na siyang magduda. "Ano ba'ng pibagsasabi mo?" Magkasalubong na ang mga kilay nito nang sapilitan siya nitong iniharap. Doon na siya natauhan. "W-wala." Mabilis niyang tinabig ang mga kamay nitong nakakapit sa kanya at pinahid ang mga luha sa pisngi. "May nanggugulo lang sa panaginip ko," nasabi niya na lang. "Sino naman?" tanong ni Reuben. "Si Xena. Ang pagkamatay niya, at ang sa tingin ko'y mga alaala niya." Nagbaba siya ng tingin sa mga kamay niyang nanlalamig pa. "At bakit naman sa iyo pa?" Nasuklay nito ng mga daliri ang buhok. "Dahil may alam ako?" patanong niyang sagot. Hindi rin siya sigurado kung may alam nga siya kung ang panaginip niya lang ang pagbabasehan.  "Ano ang alam mo?"  Isinalaysay niya kay Reuben na bago pa siya magka-amnesia, napanaginipan niya na ang nangyari kay Xena at doon niya nalaman ang tungkol sa pagkasangkot ni Casimir. Inilihim niya na lang ang parte na alam na niya kung sino-sino pa ang kasama nito. Halos hindi makapaniwala si Reuben sa ikinuwento niya. Nakanganga pa ang bibig nito at natutulalang tumitig sa kanya. Mayamaya lang, umalis ito nang walang paalam.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD