Book 2 (Roselle and Frederick) - Chapter 6

2302 Words
ISANG maikling mensahe mula kay Jason ang dinatnan nilang nakapaskil sa main door nang dumating sila galing Hidden Valley. At ayon sa lalaki ay doon muna raw ang mga magpipinsan kasama si Charlotte sa paternal relatives sa Tagaytay. Pero mas importante kay Roselle na naunahan nilang dumating sa New Manila si Frederick.  Inasikaso kaagad niyang patulugin ang anak at saka pinilit ang sariling makatulog na rin. Maghapon sa Hidden Valley ay wala siyang nagawa nang paulit-ulit na bumabalik sa isipan niya ang nangyari sa kanila ni Frederick. Ayaw niyang bigyang-katwiran ang sarili. Hindi siya handa sakaling magbubukas ang binata nang usapan tungkol sa bagay na iyon. May palagay siyang pareho lang sila ng nararamdaman ni Frederick— pareho silang iiwas na mapag-usapan ang tungkol doon. Nagkunwari siyang tulog nang dumating ang binata. Maingat itong nahiga sa paanan ng kama. Matagal din niyang pinakiramdamam ito bago tuluyang gapiin ng antok ang diwa niya. Kinabukasan nang magising siya ay nakaalis na ito. Buong maghapon ay sunud-sunod na messages ang pumasok sa pager niya.  Noon lang niya naalala na wala siyang pasabi sa opisina kung hanggang kailan ang vacation leave niya, kaya ngayon ay puro mensahe galing kay Mr. Joaquin Sembrano ang laman ng pager niya. Naipangako niya sa big boss na magre-report na siya sa opisina sa susunod na araw. PAUWI na sa New Manila si Frederick nang mamataan sa gilid ng kalsada ang isang puwesto ng Andok’s. Ipinarada niya ang sasakyan at saka ibinili si Roselle na alam niyang paborito ang lechong manok. Hindi niya maisip kung bakit gustung-gusto iyon ng kaibigan samantalang kung siya ang tatanungin ay mas gusto pa niya ang luto mismo nito na inihahain sa kanya. Nangingiti siya kahit na nag-iisa. Simula kahapon ng umaga ay parang namahika sila ng dalaga. Hindi na ito mabura sa kanyang isip. Kahit anong ginagawa niya ay sumasalit sa kanyang balintataw ang mukha nito. Nasa katinuan naman ang isip niya nang hagkan niya ito. Isang bahagi ng kanyang utak ang nagbu-bulong na mali at tila pagsasamantala sa pagkakaibigan nila ang gagawin niya subalit hindi niya napigil ang sariling hindi hagkan ito. Wala siyang naramdamang pagtutol mula rito kaya naman naging hudyat iyon para kalimutan niya kung tama o mali ang kanyang ginagawa. Binilisan niya ang pagpapatakbo sa Pregio. Kagabi ay halata niyang nagtutulug-tulugan lamang si Roselle para makaiwas sa kanya. At dahil siya man ay nahihiya pagkatapos ng kapangahasan niya, pinili na lamang niyang magtiis na mahiga sa carpet. Heavens! Diyos lang ang nakakaalam kung gaano ang pagnanais niyang muling maikulong sa kanyang mga bisig ang malambot na katawan ni Roselle. Pagkatapos ng magdamag at buong maghapon, pakiramdam niya ay hindi na siya tatagal pang makipag-iwasan kay Roselle. Anuman ang mangyayari sa pagkikita nila ngayon ay haharapin niya. MASIGLA ang katawang pumasok si Frederick sa bahay matapos maigarahe ang kotse. Hindi pa man niya nahahagkan sa noo ang ina na dinatnan sa sala ay naramdaman niya ang maliliit na bisig ni Juniel na yumakap sa kanyang hita. Fondness ang mababakas sa mga mata ni Frederick nang yumuko upang salubungin ang bata. Masuyo niyang ginulo ang buhok nito. At marahil hindi nagkasya ito sa atensyong ibinigay niya, kaya lumambitin pa ito sa kanyang leeg. “Kiss, Papa...” nanunulis ang ngusong sabi nito. Natigilan siya. Kung hindi lang siya aware na nakamasid sa kanya ang ina ay hindi niya maisip kung paano magre-react sa ginawa ng bata. Matapos niya itong halikan sa pisngi ay inakay niya pabalik sa ina. “Ipahain na rin ninyo ito.” Iniabot niya ang hawak na supot at saka hinanap ng mga mata sa buong sala si Roselle. “Nasa itaas ang asawa mo. Kanina pa nga hindi bumababa,” sabi ni Adelaida na nahulaan ang laman ng isip ng anak. Tumango lang siya at umakyat na rin. Lalo na siyang naguluhan. He hurried home para makita si Roselle at hindi niya inaasahang si Juniel ang sasalubong sa kanya. Ibang klaseng damdamin ang humaplos sa puso niya sa tuwing tatawagin siya ng bata ng “papa.” Hindi lang iyon, ibayong saya ang nadama niya kaninang nakayakap ito sa kanyang binti.  Maaliwalas ang mukhang pinihit niya ang seradura ng pinto. Asawa mo... Parang nag-echo pa sa kanya ang tinuran ng ina. Hindi niya maisip kung bakit sa tuwing babanggitin ng mama niya si Roselle sa ganoong pangalan ay nagugustuhan ng pandinig niya. Ngayon niya na-realize na malapit na siyang mag-treinta. Maraming lalaki sa edad na iyon ay may mga pamilya na. I like what I’m feeling right now. Ano kaya’t seryosohin ko‘ng drama namin ni Roselle? Nang itulak niya ang pinto ay siya namang paglabas ni Roselle mula sa banyo. Saglit na nagtama ang kanilang mga paningin subalit naunang nagbawi ito. “Hi! Ibinili kita ng paborito mong lechon manok. Ipinahain ko na sa ibaba,” kaswal na sabi niya nang mabasa sa mga mata nito ang pagkaasiwa. “Salamat,” malamig na sagot nito at saka tinungo ang pintong palabas. “Tutulong akong maghain.” Sinundan na lamang ni Frederick ng tingin ang kaibigan na halatang-halata sa kilos ang pagkailang. NAGGAGAYAK na si Roselle sa pagpasok sa opisina nang magising si Juniel. Paalis na siya nang maalalang nagpaiwan sa bungalow si Didith. Inihanda niya ng damit si Juniel dahil balak niyang isama sa opisina. Mayamaya’y may kumatok. Si Adelaida ang napagbuksan niya ng pinto. “O, saan kayo pupunta? Ang aga pa,” puna nito nang makitang gaya niya ay nakabihis din ang bata. “Isasama ko ho sa office. Dati ko naman siyang naisasama sa J&V,” wika niya at inakay na ang anak. “Iwan mo na lang sa akin. Hindi naman kami aalis ngayon,” anito at inabot ang isang kamay ng bata. “Roselle, seven-thirty na.” Sumungaw ang ulo ni Frederick sa pintuan. Nasa mga mata nito ang pakiusap na pagbigyan niya ang ginang. Wala rin siyang nagawa kung ‘di iwan sa ina ng binata ang anak. Ipinagbilin na lamang niya rito ang oras ng pagpapainom ng mga vitamins nito. Halata sa kilos niya ang disgustong iwanan ang anak. May kakaibang takot na namumuo sa puso niya sa bawat araw na nakikita niyang masaya si Juniel sa pamilya ni Frederick. At kaninang paalis na sila ay hindi lang sa kanya humabol ang bata kung ‘di pati na rin kay Frederick.  Naalarma si Roselle sa nakikitang sitwasyon. Nang sumakay siya sa Pregio ay ramdam pa rin niya ang tensyon sa pagitan nila ng binata. Walang kibong nagsalang ito ng paborito nitong R&B music sa player. Ibinaling niya ang paningin sa labas. Alam niyang darating ang araw na matatapos ang pagkukunwari nila ni Frederick. At sila na lamang muling mag-ina. Hindi niya alam kung paano ia-adjust ang damdamin ng anak na hayag na hayag ang kasabikan sa pagkakaroon ng kinikilalang ama. Ikaw rin. Mahihirapan kang mag-adjust. Kung paano pumasok sa utak niya ang ideyang iyon ay hindi niya alam. Mabilis niyang sinulyapan ang nagmamanehong si Frederick. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang wala itong hinala sa kung gaano man kalalim ang iniisip niya. Inayos niya sa katawan ang seat belt at hindi ipinahalata sa binata na apektado siya ng presensiya nito. “Hindi rin ako mapapakali sa office. Buong maghapon ko ring iintindihin si Juniel. Kung kumain na ba, kung hindi ba nababad ang likod sa tubig kapag pinapaliguan.” “Magtiwala ka sa mama. Kung kay Didith mo iiwan si Juniel, bakit hindi pa sa mama ko?” sagot ni Frederick na wala sa tonong papatulan ang init ng ulo niya. “Natural! Kilala ko na si Didith samantalang ang mama mo’y—” Bumitin sa ere ang sinasabi niya nang mapagtantong malamang na hindi nito magustuhan ang isusunod niya. At waring ganoon na nga. Dahil kahit hindi siya pinatulan ng binata ay matalim na sulyap ang ibinigay nito sa kanya. Inihinto lang nito ang sasakyan sa tapat ng building ng J&V. “Hindi na ako aakyat. Sa job site na ako sa San Mateo tutuloy,” matabang na wika nito. HABANG nasa opisina si Roselle ay hindi siya mapakali. Nasa tono kanina ni Frederick ang pagdaramdam sa nasabi niya tungkol sa mama nito. At ngayon lang niya napag-isip-isip na mali rin siya sa parteng iyon. Panay ang sulyap niya sa telepono. Nagdada-lawang-loob siya kung tatawagan ang binata para humingi ng paumanhin o sa pager na lamang nito magsasabi. Bumuo siya sa isip ng mga salitang gagamitin para mag-sorry dito at saka tinungo ang kinalalagyan ng aparato. Dadamputin na lamang niya ang telepono nang tumunog iyon. “J&V Builders, good morning!” magiliw niyang sagot. “Bruha, saan ka nag-hibernate?” Masiglang tinig ni Mariel ang bumungad sa kabilang linya. “Ha?” Biglang nablangko ang utak niya. Hindi niya madesisyunan kung sasabihin sa kaibigan ang biglang pagbabago ng ihip ng hangin sa buhay niya. “Absent-minded ka yata. Sabi ko, kung nasaan ka ng ilang araw? Magpapasama sana ako sa iyong magpa-check up sa OB-Gyne ko dahil busy si Benedict.” “May sasabihin ako sa iyo.” Hininaan niya ang boses at napagpasyahan ding ipaalam kay Mariel ang set up nila ni Frederick. “I don’t see anything wrong,” sabi ni Mariel makaraang marinig sa kanya ang mga pangyayari. “Knowing Frederick, siguradong gaganti iyan sa iyo ng tulong pagkatapos niyan. Wala namang problema sa side mo, `di ba?” “Meron. Bukambibig na ni Juniel na tawagin siyang ‘papa’ at ‘lolo’ at ‘lola’ naman sa parents niya. Natatakot akong makasanayan iyon ni Juniel. Ayokong pagdating ng araw ay maghanap siya ng hindi ko kayang ibigay o ipakita,” aniya sa naghihirap ang kalooban. “Ano’ng ikinatatakot mo? Kapag bumalik sa States ang parents niya, sasabihin mo lang na wala na sila. Umalis na,” walang-anumang sabi ni Mariel. “Hindi kasamang pupunta ng States si Frederick.” Nasa tinig ni Roselle ang pangamba. “Puwes, may tatawagin pa rin siyang ‘papa’.” May nahihimigan siya sa boses ng kaibigan. Tila nanunukso ito. Kaya bago pa man mapunta sa kung saan ang pag-uusap nila ay nagpaalam na siya. Bumalik na siya sa mesa at nakalimutan na rin niyang tumawag kay Frederick. Pasado alas-kuwatro nang may dumating silang kliyente. A typical executive without the attaché case but with a filofax. Nang tumuntong ang alas-singko ay kasabay na rin niya itong bumaba at naghiwalay na lamang sila sa lobby. PAGLABAS ni Roselle ng building ay natanaw niya ang sasakyan ni Frederick. Halatang naghihintay ito dahil nakababa ang bintana sa tapat nito. Lumapit siya rito. “Bakit hindi ka na umakyat?” kaswal niyang bati nang makasakay siya. “Kadarating ko lang,” tipid na sagot nito at pinaandar na ang sasakyan. Wala silang kibuan habang nagbibiyahe. Kakaiba iyon sa mga araw na magkasama sila. At alam niyang malaki ang kinalaman niya sa pananahimik ng binata. Nag-alala siyang magbukas ng pag-uusapan. Naunahan siya ng hiya at hindi niya magawang mag-sorry dito dahil sa nasabi niya kaninang umaga. Nang dumating sila sa New Manila ay waring sinadya o nakalimutan ni Frederick na maging gentleman. Nauna itong bumaba ng sasakyan at sa halip na umikot sa gawi niya para siya pagbuksan ay dumiretso na ito sa pagpasok sa bahay. Nasa bungad pa lamang siya nang salubungin siya ng binata habang karga si Juniel. “O, ayan ang anak mo. Sigurado akong hindi lang tatlong beses pinakain iyan. Tingnan mo kung sinisipon at baka napabayaan sa paliligo,” sarkastikong sabi nito at ibinigay nito sa kanya ang bata. Hindi siya nakahuma. Halatang nasabik sa kanya ang anak kaya ito ang inasikaso niya. Wala siyang nagawa kung ‘di sundan ng tingin si Frederick na noon ay paakyat sa itaas ng kabahayan. ORAS ng hapunan ay hindi nila kasalo si Frederick. Magmula kanina ay hindi pa ito lumalabas ng silid. “Wala bang balak kumain si Rex?” pansin ni Alfonso. “Kinatok ko kanina. Sabi’y busog daw siya,” sagot naman ni Adelaida. “Napagod ho siguro,” nakuha niyang sabihin nang mapansing sa kanya tila naghihintay ng paliwanag ang matandang lalaki. Antok na antok na si Juniel kaya napilitan niyang ipanhik ito. Ipinagpasalamat niyang hindi na sumunod si Adelaida at tumuloy na rin sa kuwarto ng mga ito.  Dinatnan niyang natutulog na sa carpet si Frederick. Magkahalong awa at guilt ang naramdaman niya sa nakikitang ayos ng binata. Nasa itsura nito na hindi komportable sa kinahihigaan. Inuna niyang ayusin ang anak. Itinabi na niya sa kama si Juniel at nang mahimbing na ito ay saka siya bumangon.  Waring may nag-uutos sa kanyang pagmasdan ang binata. Sa isang mesita ay namataan niya ang isang bote ng alak na bawas na ang laman. Sa tabi niyon ay may konting laman pa ang isang baso. Niligpit niya iyon at saka binalikan ang natutulog na binata. Normal ang pagtaas-baba ng dibdib nito. At naririnig niya rin ang mahinang paghilik, tanda na malalim na ang tulog nito. Inayos niya ang unan na nalihis at saka dahan-dahang inilalim iyon sa ulo nito. Bahagya itong kumilos. Ni hindi nito namalayan ang ginawa niya. Gaya ng sinundang gabi ay hubad-baro itong natutulog. Iniladlad niya ang kumot na nakarolyo lang sa isang tabi at itinakip sa halos hubad na nitong katawan. Iniwasan niyang magtagal ang paningin sa katawan nito. Kapag napagmamasdan niya ang binata ay nararamdaman niyang nabubuhay sa kanya ang klase ng damdaming ibinaon na niya sa limot mula nang mawala sa kanya ang asawa. Nagising siyang maayos ang pagkakatupi ng kumot na ginamit ng binata. Nakita niyang nasa laundry basket na ang ipinantulog nito. “Si Frederick ho?” tanong niya sa mama nito nang makasalubong ito paglabas ng kuwarto. “Umalis na’t kailangan daw siya nang maaga sa San Mateo. Hindi ba nagpaalam sa iyo?” kunot ang noong tugon sa kanya ng ginang. Umiling lang siya at naggayak na rin sa pagpasok.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD