KABANATA 5

2401 Words
SINDAK na sindak si Kasandra habang nakatingin sa isang malaking sawa na nasa harap niya. Ilang hakbang lang ang layo niyon sa kanya. Hindi niya alam kung saan ito galing at bigla nalang sumulpot sa harap niya. Marahil ay nalaglag ito sa puno. Sa una ay inakala pa niyang peke iyon at pinagtitripan nanaman siya ni Liam subalit ng mapagtanto niya kung gaano iyon kalaki ay napasigaw siya. Tinungangaan pa nga niya kanina ang ahas at gusto niyang ipakita sa damuhong si Liam na hindi siya matatakutin sa ahas pero naisip niyang wala namang ganoong klaseng laruan ang binata para pagtripan siya ng ganoon. Hanggang sa gumalaw ang ahas ay saka lang niya natantong totoo iyon. Totoo iyon at anumang sandali ay maari siyang sakmalin. Siguradong kaya-kaya siya nitong lamunin ng buong-buo! At mismong sa daan pa niya pumuwesto ang sawa! Nagpawis ang buong katawan niya ng maisip na katapusan na niya. Malaking-malaki ang sawa at kapag ginusto nitong sakmalin siya at lunukin ng buo ay magagawa nito. Mas ang lamang ng takot niya ngayon keysa kaninang biniro siya ni Liam. Alam niyang hindi na biro ngayon ang nasa harap niya. Hindi na niya magawang tumakbo dahil para siyang itinulos sa kinatatayuan. Kapag kumilos siya ay siguradong susugurin siya ng ahas. Muling kumawala ang malakas na tili sa lalamunan niya ng kumilos ang sawa. Pumikit nalang siya ng mariin pagkatapos ay nagsimulang manalangin. Diyos ko Lord, iligtas Niyo po ako sa ahas na ito. Ayaw ko pa pong mamatay. Ayaw ko pong mamatay sa bunganga ng isang ahas. Marami pa po akong gustong gawin sa buhay ko. Mag-aasawa pa po ako. Gusto pa pong magkaroon ng mga anak….gusto ko pa pong makita ulit ang nanay ko… Sa puntong iyon ay napasigok na siya. Sumagi sa diwa niya ang malabong imahe ng kanyang ina. “Tulong.. tulong…tuloooonnnggg!” mula sa mahina ay palakas ng palakas na ang boses niya. Nang kumilos ang ulo nito palapit sa kanya ay handa na siyang himatayin. Pero isang bagay ang naalala niya na sinabi ng isang kasama nila sa simbahan. Kapag daw may nakasalubong siyang ahas ay huwag daw siyang kikilos para hindi maramdaman ng ahas ang presensiya ng kaharap. Kahit malapit na siyang mawala sa sarili ay ginawa niya ang narinig. Tumigil siya sa pagsigaw at hindi kumilos. Mariin siyang napapikit. Naramdaman niya ang pagkilos ng sawa at unti-unti siyang nagmulat ng mata. Muntik siyang mapatalon ng matantong malapit na malapit na pala ito sa kanya. Nakalimutan niya ang dapat gawin at sumigaw siya ng pagkalakas-lakas. “Liiiiaaaammmm!!!” umalingawngaw sa buong kagubatan ang matinis niyang sigaw. Pawala na ang ulirat niya subalit biglang may nangyari. Sa pagkagulat at pagkamangha niya ay biglang may tumama ritong isang patalim diretso sa ulo nito. Nanlalaki ang mga mata at napanganga siya sa nakita. Lumipad ang tingin niya sa pinanggalingan ng patalim at nakita niya si Liam ilang hakbang ang distansiya sa kanya sa bandang unahan. Ibinalik niya sa ahas ang tingin at sa pagkakataong iyon ay nangingisay na ang sawa. Nasapo niya ang dibdib at ibinalik kay Liam ang tingin na ngayon ay naglalakad na papalapit sa kanya. Nang muli niyang ibalik ang tingin sa ahas ay tuluyan na itong bumagsak sa lupa. Hindi na niya hinintay pa na muling gumalaw ang ahas o makalapit si Liam sa kanya. Takot na takot na kumaripas siya ng takbo palapit dito. Mabilis siyang tumalon kay Liam na nabigla rin sa ginawa niya. Pero maagap siya nitong nasalo. Walang sali-salitang isiniksik niya ang katawan sa binata maging ang kanyang mukha kasabay ng pagpulupot ng mga kamay niya sa leeg nito. "Kasandra...." usal ni Liam na nanigas sa kinatatayuan. "Ilayo mo sa akin 'yan, Liam. Pakiusap!" nanginginig ang buong katawan na sabi niya. Takot na takot talaga siya sa ahas. Alam niyang nanlalamig na rin ang pakiramdam niya dala ng takot at kaba. Kahit patay na ang serpente ay natatakot pa rin siya. Iniisip niyang baka mabuhay pa iyon. Naramdaman niya ang pagyakap ng binata sa kanya. Naramdaman nito ang panginginig niya. "Huwag ka ng matakot, Kas. Patay na 'yung ahas." malumanay nitong sabi. Pero lalo lang siyang nagsumiksik sa katawan nito. “B-Baka mabuhay pa ulit ‘yan. Halika na, umalis na tayo dito.” wika niyang tinapunan ng saglit na tingin ang ahas. Nakalugmok pa rin ito sa lupa. Patuloy pa rin ang panginginig niya. Pero ngayon ay mas kampante na siya. Bigla nga siyang nakaramdaman ng kaligtasan at guminhawa ang kanyang pakiramdam habang nasa bisig siya ng binata. Napabuntong-hininga si Liam pero hindi nagsalita. Naramdaman nalang niyang umangat ang katawan niya sa lupa. Nag-angat siya ng mukha at tiningnan kung ano ang nangyayari. Binuhat pala siya nito. Sa halip na magreklamo ay lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa leeg ng binata. Nagsimula na itong humakbang palayo sa ahas ng isubsob niyang muli ang mukha sa leeg nito. Muli niyang naramdaman ang paninigas ng katawan nito pero wala siya sa huwisyo para magtanong. Ayaw din kasi niyang maistorbo dahil gusto niya ang posisyon nila ngayon. Gusto niyang buhat-buhat siya ni Liam at gustong-gusto niyang magkadikit at masasabi ng magkayakap ang kanilang katawan. Gusto niya ang ‘moment’ nilang ito ni Liam kaya ayaw niyang magsalita ng maaring makasira sa posisyon nila ngayon. Ilang metro na rin ang nalalakad ng binata habang buhat siya. Pakiramdam niya ay para lamang siyang papel kung buhatin nito. Hindi na siya magtataka pa dahil sa ganda at laki ng katawan nito ay sisiw lang para dito ang bigat niya. Nang sa tingin siguro nito ay nakakalayo na sila ay huminto ito sa paglalakad. "Kiray..." anas ni Liam. Umungol siya. Ayaw pa niyang kumalas dito. Ni hindi rin siya nag-abalang mag-angat ng ulo. Sandali sila sa ganoong posisyon. Naramdaman niya ang pagbuntong-hininga ni Liam. Kanina pa niya napapansin na panay ito sa pagpapakawala ng hangin sa katawan. Pagkatapos ng mahabang sandali ay nagsalita ito. “Kiray…” pag-uulit nito. Umungol lang ulit siya. "Baka puwede ka nang bumaba. Patay na iyong ahas at malayo na tayo doon.” Anito sa kanya. Ayaw pa sana niyang mag-angat ng mukha pero kailangan na. Sumulyap siya sa lugar na pinanggalingan nila. Hindi na nga niya nakita ang ahas at mukhang malayo-layo na sila doon. “Sigurado ka bang patay na ang sawang iyon? Baka biglang sumulpot ‘yun dito ha.” Sabi lang niya iyon pero nakita naman niya kanina na natodas na talaga ang sawa. “Patay na nga. Hindi mo siguro nalalaman pero mas mabigat ka pa sa ahas na iyon eh." Pagrereklamo nito. Nakusot ang ilong niyang tumingin sa mukha ni Liam. "Mabigat ba talaga ako?" paungol niyang tanong. Ayaw pa talaga niyang kumilos. Gustong-gusto niya ang pakiramdam na nakakulong sa bisig nito. Ayos lang sa kanya kahit palibutan sila ng maraming ahas sa oras na iyon basta buhat siya ng binata at yakap ng ganito. "Oo nga. Ang takaw mo kasing kumain. Takot na takot ka sa ahas e mas malaki ka pa diyan." Panunukso nito. Mukhang umalis nanaman ang seryosong Liam at bumalik nanaman ang sira ulo at mapanuksong katauhan nito. Naiikot niya ang mga mata. Senyales iyon na kailangan na niyang kumilos. Kunsabagay ay tuluyan ng nakampante ang pakiramdam niya maging ang dibdib niya ay hindi na ganoon kalakas ang kabog. Pero ang puso niya ay mabilis pa rin ang pintig. Hindi dahil sa ahas kundi sa lalaking may buhat-buhat sa kanya. Pumikit siya at pasimpleng sinamyo ang dibdib nito bago siya umaktong kumakalas sa bisig nito. Nang tuluyang magkaroon ng distansiya ang katawan nila ay saka lang siya tila nagising mula sa pagpapatansya sa katawan nito. Lihim niyang nasita ang sarili. Kapag natunugan nitong pinapantasya niya ito ay siguradong ikamamatay niya ang mga gagawin nitong panunukso. "N-nasaan na tayo?" tanong niya pagkuwan saka luminga-linga sa paligid. Napansin niyang nasa gilid na sila ng isang makipot na daan pero parte pa rin ng gubat. “Malapit na tayo sa Hardin.” Sagot nito at tumalikod. Naglakad ito pabalik sa pinanggalingan nila. “T-Teka, saan ka pupunta?” bigla siyang nataranta. Kung iiwan siya roon ng binata ay hindi siya papayag. Baka mamaya ay may ahas ulit na sumulpot sa harap niya. Baka matuluyan na siyang himatayin kapag nagkataon. “Mauna ka nang bumalik sa Hardin. Susunod na ako. Babalikan ko lang iyong patalim ko.” anitong hindi lumilingon. “Liam! Hindi mo ako puwedeng iwan dito! Hindi ko kabisado dito. Sabay nalang tayong bumalik. Hintayin mo ako.” dire-diretsong salita niya at sumunod sa binata. Hindi naman na siya natatakot kung makasalubong man nila ang ahas kanina dahil patay na iyon. Ang ikinatatakot niya ay baka ibang ahas naman ang makasalubong niya. Huminto si Liam at humarap sa kanya. Bigla naman siyang napahinto rin sa paglalakad. Nasa mukha nito ang tila pagkaubos ng pasensiya. “Akala ko ba takot ka sa ahas?” pinameywangan siya nito. “Oo!” “O e bakit sumusunod ka pa sa akin? Pupuntahan ko nga ‘yung ahas.” “P-Patay naman na iyon kamo. E mas gusto ko ng makakita ng patay na ahas kesa sa buhay. Diba?” nginitian niya ito na tumabingi ng tingnan siya nito ng matalim. Ang talim ng tingin nito ay unti-unting napalitan ng panunukso pagkuwan. Nagtaka siya. Siguradong may naiisip nanaman itong kung ano dahil sa mga ganoong klaseng tingin nito. “Tsinatsansingan mo lang yata ako eh! Hindi ka naman yata talaga takot eh!” kamukat-mukat ay bulalas nito. Napapanganga siya ng wala sa oras! Kasabay din niyon ang pamumula ng buong mukha niya. Pero bago iyon mahalata ng binata ay kunwa’y sinimangutan na niya ito. “Tsinatsansingan? Sino ikaw?” malakas niyang sabi saka ito pinanlakihan ng mata. Tinangahan pa niya ito ng mukha at ikinurap-kurap ang mga mata. Lalong nanukso ang mga mata nito at ngayon ay maluwang na ang ngiti sa labi. “’Yung totoo. Hindi ka talaga takot sa ahas hindi ba? Gusto mo lang magpayakap sa akin? Iyon ang totoo diba?” Pakiramdam niya ng mga sandaling iyon ay makakasapok siya ng mukha. Bagamat totoo ang mga sinabi nito maliban sa hindi raw siya takot sa ahas ay hinding-hindi niya aaminin dito na gusto talaga niyang magpayakap dito. Now way! “Hello? Liam! Gumising ka nga! At bakit ko naman gugustuhing magpayakap sa iyo, aber?! Mortal enemy nga tayong dalawa diba? Ako magpapayakap sa iyo? No way!” Sinimangutan siya nito. “Maka-no way ka naman diyan. E kung maglambitin ka nga sa leeg ko kanina ang higpit-higpit tapos magno-no way ka?” pinanlakihan siya nito ng mata. Napaubo siya ng isang beses. Kailangan niyang depensahan ang sarili. “Natatakot nga ako diba? At nakita mo naman siguro kanina kung gaano ako nanginginig dahil sa takot tapos ganyan pa ang iisipin mo!” litanya niya pagkatapos ay napabuga siya ng hangin. Ginawa niya ang lahat para maging convincing. Nawala ang ngiti sa labi ng binata at pinakatitigan siya. Mukhang inaarok nito kung nagsasabi siya ng totoo o hindi. Tumikhim siya at pasimpleng nag-iwas ng tingin. Nuncang iparating niya ritong kinikilig siya sa pagkakalapit nila kanina. “O di kung ganyan pala ang iniisip mo ay mauuna na akong umalis sa’yo. Kunsensiya mo kapag may nangyaring masama sa akin dito!” pangungunsensiya pa niya sabay bira ng talikod at nagsimulang maglakad. Nakakadalawang hakbang palang siya ng maramdaman niya ang kamay ng binata na humawak sa isang siko niya. Ipinaharap siya nito. “Bakit ba? Aalis na ako!” dagdag niya sa pagdadrama niya. “Hayaan mo na akong maligaw diyan at makasalubong ng kung ano-ano.” Malapit na niyang kutusan ang sarili dahil sa mga pinagsasabi niya. Biglang-bigla ay naging maarte siya. “Puwede ba Kiray tigilan mo na ‘yan. Huwag mo nga akong kunsensiyahin diyan.” “May kunsensiya ka ba?” nang-uuyam na tanong niya. Pero sa loob-loob niya ay nagdidiwang siya. Effective ang drama niya sa binata. Alam niyang bibigay na ang binata kapag ganitong sumeseryoso na ito. Yes! Naisahan din kitang lalaki ka. Kala mo ha! Napakamot sa batok si Liam saka ito marahas na napabunga ng hangin. “Anong gagawin ko sa iyong babae ka?! Halika na. Sa susunod ay huwag na huwag ka ng susunod sa akin dito kung ayaw mong tuluyan kitang ipalamon sa sawa!” iyon lang at tumalikod na ito. Humawak ito sa kamay niya. Hindi rin naman siya nag-abalang bawiin ang kamay. Kinikilig pa nga siya eh. “As if naman magagawa mo akong ipakain sa sawa.” Pabulong lang dapat iyon subalit narinig pa rin ng binata. “Manahimik ka na Kiray.” Anitong sumeryoso na at hindi lumilingon. Naitikom na niya ang bibig. Kapag ganitong seryoso na si Liam ay pinipili na rin niyang magseryoso. Nagsimula na silang maglakad pabalik sa ahas. Naroroon pa rin ang sawa at talagang patay na. Saka lang nito binitawan ang kamay niya. Pareho nilang binistahan ang ahas ng lumapit dito si Liam. "Asintado ka rin pala ano?' puri niya dito. Nawala sa mood niyang makipag-asaran. Kinuha nito ang patalim na nasaksak sa ulo ng sawa saka nilinis ng malaking dahon ang talim niyon na may bahid ng dugo. Isinuksok nito ang patalim sa sinturong suot nito. "Hindi ko alam ang tungkol sa sawang iyan kaya huwag mo akong pagbibintangan." maya-maya'y sabi nito. "Alam ko." ang tinutukoy nito ay baka iniisip niyang pinagtitripan lang siya nito kagaya kanina. "Kung gayon ay ano ba talaga ang ginagawa mo dito? Bakit mo ako sinusundan?" nasa mukha na nga nito ang kaseryosohan ng muli siyang tingnan. "Hindi kita sinusundan. Ahhmmm… curious lang ako kung saan ka pupunta." "Anong pinagkaiba niyon?" nagsalubong ang mga kilay nito. Nginisihan niya ito. "Wala naman. May gusto lang akong malaman." "Mapapahamak ka lang sa mga gusto mong malaman." Kinuha nito ang sawa at balewalang isinampay sa balikat nito. Biglang nanlaki ang mga mata niya. “A-Anong gagawin mo diyan?” parang nanigas ulit ang katawan niya. “Masarap ito kapag naluto. Sayang naman kung iiwan lang natin dito.” anitong tumalikod na at nagsimulang humakbang. "T-teka. Sigurado ka bang dadalhin mo ‘yan?” hindi niya maisip na kasama nila ang malaking sawa habang naglalakad. Subalit hindi na nagsalita si Liam. Tila balewala rin dito ang bigat ng sawang nakasampay sa balikat nito. “Hoy lalaki! Sandali! Huwag mo akong iwan dito!" humabol siya dito pero atubili siyang dumikit dahil sa sawang bitbit niya. Kinikilabutan siya. Tuloy ay hindi niya ito makausap ng maayos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD