Anak? Sinong anak niya?
May anak na si Tita Sharon?
"Hindi mo alam kung anong pakiramdam na ibang tao ang turing sayo ng mismong anak mo, Ate. Hindi mo alam yung sakit sa tuwing makikita ko siyang nakakandong sayo sa halip na sa mga hita ko. Hindi mo alam yung kirot kapag naririnig ko sa kanyang hindi ako yung tinatawag niyang Mama." Iyak ni Tita Sharon. "Alam mo bang sobra sobra ang pagsisisi ko sa sarili ko dahil sa halip na si Orlan lang ang mag alaga sa anak naming dalawa, dinamay pa kita."
"I'm sorry.."
"Sorry for what?" Sambit ni Tita Sharon kasabay ng pagsinghot. "Sorry dahil hindi mo nagawang ipaintindi sa kanya habang lumalaki siya, o baka naman nagso-sorry ka dahil feeling mo napaka tanga ko sa part na hinayaan kitang maging mother figure ng anak ko?" Muli niyang singhot habang namumula ang mga mata.
"Sharon, walang kinalaman si Gwyneth dito. Ako ang nagpumilit sa kanyang tumayong Ina para sa Anak nating dalawa.." sabat ni Daddy na pilit kong iniitindi.
"At hindi mo pinaintindi sa pinsan ko na anak nating dalawa iyon at hindi sa kanya!" Giit niya. "You know what, Ate? Sana nag ampon ka na lang ng ibang bata kung nangungulila ka sa mag ama mo. Hindi yung pati anak ng iba, itinuturing mong iyo. Nagkamali ako na pumayag ako sa sarili kong desisyon, Ate." Halata sa boses nito ang dismaya.
Nang sandaling muli akong sumilip sa pinto ay halos mapatalon ako nang magsalubong ang mga mata namin ni Mama na maging siya ay nagulat at nanlaki ng bahagya ang mga mata nito.
"Faience.." gulat niyang usal sa pangalan ko.
Bago pa man makalingon sila Daddy sa gawi ko ay mabilis na akong naglakad palayo nang hindi na muling lumingon sa kanila.
Dumaan ang mga araw na tila ba lumayo ang gap sa pagitan naming dalawa ni Mama. Hindi na kami ganon kadalas na magpansinan, di tulad dati na nagagawa pa naming magkilitian kahit na naghuhugas pa kaming dalawa ng plato.
Sa mga arae na dumaan, si Tita Sharon at Daddy na ang nakakasama ko. Maging nga sa pagsundo sa'kin sa klase ay silang dalawa ang naaabutan ko.
"Nasaan po si Mama, Daddy?" Baling ko kay Daddy na abala na sa pagmamaniobra ng kotseng sinasakyan namin ngayon.
Ramdam ko ang pagtingin nilang dalawa ni Tita Sharon sa rear view sa gawi ko sa backseat.
Oo, kinakausap ko naman si Tita Sharon pero hindi pa kami ganon ka-close para makipagharutan sa isa't isa.
Mabait naman si Tita Sharon sa'kin, lahat ng mga bagay na hindi ko hinihingi sa kanya.. nagagawa niyang ibigay. Pa-spoiled kumbaga. Dinadala niya ako sa mga amusement park na kahit hilingin kong isama namin si Mama ay hindi niya tinutugunan.
Para bang takot na maagaw ako ni Mama.
Kung tutuusin ay wala naman siyang dapat na ikatakot. Ako ang anak ni Mama, Tita ko lang naman siya.. hindi ba?
"Nagluluto ng dinner si Mama mo para mamaya. Makikikain ang Tita Sharon mo sa bahay natin." Ngiti niya.
Rinig ko ang pagtikhim ni Tita Sharon dahilan upang sa kanya naman mabaling ang atensyon ko.
"Okay lang ba sayo, Faience? Marami akong dalang chicken nuggets para sayo. Favorite mo rin ito di ba?" Pang uuto niya na natutuwa kong tinanguan.
Syempre bata. Alangan namang umayaw ako tapos minura ko siya, di ba?
"Pero po, Tita Sharon.." panimula ko dahilan upang natutuwa niya akong binalingan ng tingin.
"Ano 'yon, Baby Faience?"
Ramdam ko ang gaan ng presensya sa pagitan naming tatlo. Na maging si Daddy ay nangingiti dahil sa ginawa kong panimula ng usapan sa pagitan naming dalawa ni Tita Sharon.
Syempre.. ito ang pinaka unang pagkakataon na tinawag ko siya sa pangalan niya ng diretsyo at hindi nahihiya 'no.
"Wala po ba kayong bahay?" Inosente kong tanong.
Nagtataka siyang bumaling sa gilid kung nasaan si Daddy habang si Daddy naman ay naglaho ang ngiti kanina at nanatili lang namang nakatikom ang bibig sa narinig na mga salitang lumabas sa bibig ko.
"H-Huh?"
"Kasi po palagi po kayong nakikikain sa bahay namin. Pati nga po sa pagligo ay nasa bahay namin kayo. Itatanong ko lang po sana kung may bahay po ba kayong tinitirahan?"
Nang dahil sa sinabi ko ay bumulalas ng tawa si Daddy habang abala sa pagmamaneho habang si Tita Sharon naman ay namumula na sa pinaghalong kahihiyan at inis dahil sa sinabi ko.
"Anong nakakatawa, Orlan?" Reklamo niya kay Daddy nang hindi ito magkamayaw sa pagtawa.
"Tinatanong ka nung bata kung may tinitirahan ka bang bahay. Mayroon ba, Sharon?" Halakhak niya.
Sa halip na pagtuunan niya ng pansin si Daddy ay sa akin siya bumaling ng may ngiti sa labi kahit na alam ko namang pilit lang iyon.
"It's easy lang, Baby." Aniya bago lumingon sa'kin gamit ang leeg niya na inosente kong tiningnan. "Nasa iisang bahay ang buhay ko. Kung nasaan silang dalawa, kailangang nandoon rin ako." Ngiti niya.
Dahil sa sinabi niya ay hindi ko pa ito agad nakuha. Anong buhay? Wala ba siyang sariling buhay at bakit pati ang bahay namin ay pinagkukuhanan niya ng buhay?
Kita niya ang tanong na namumukadkad sa isip ko kaya naman sa halip na magdagdag pa siya ng salita ay natatawa na lang siyang umiling sa kawalan at umayos sa pagkakaupo.
Isang mahigpit na yakap ang iginawad ko kay Mama na alam kong ikinagulat niya.
"F-Faience.." pabulong niyang sambit sa pangalan ko.
Masaya akong lumingon sa harap niya at ipinakita sa kanya ang isang puting sobre ng naglalaman ng liham ko bilang pasasalamat na naging Mama ko siya.
Isa ito sa mga activity na ginawa namin kanina sa klase at kailangan naming ipabasa at ipakita sa mga magulang namin.
May nakalaan rin kay Daddy pero mas inuna kong ibinigay ang para kay Mama.
"Letter po iyan ng pasasalamat ko dahil kayo po ang naging magulang ko." Ngiti ko.
Dahan dahan siyang nag angat ng tingin sa'kin bago bumaling sa likod ko.
Ilang sandali lamang ay nakarinig kami ng pagkabasag ng plato sa likuran ko.