"Hindi na ikaw yung Faience na kaibigan ko, nagbago ka na."
Agad akong natigilan sa tono niyang tila ba dismayado sa naging desisyon ko sa buhay. Kunot noo at lukot ang mukha kong bumaling sa kanya. Ayun nanaman ang walang kwenta niyang reaksyon na kung tumitig sa'kin ay nagmistula lang akong walang kwenta sa mga mata niya na nakakapag padurog sa puso ko.
Nagbago ako?
Nagbago rin naman siya ah?
Simula nang malaman niyang bumuo ako ng sorority, hindi niya na ako muling binisita sa apartment na inuupahan ko. Hindi na rin siya madalas na magyayang gumala at mas lalo na na hindi na siya muling nagparamdam sa'kin.
Sa tuwing magkakasalubong kami sa pathway ay siya na ang kusang nag iiwas ng tingin sa'kin. Siya anng kusang lumalayo sa tuwing makikita niya kaming tatlo nila Brittany at Mikaela na magkasama sa library.
Hindi ko alam pero para bang siya ang kusang loob na umaatras sa linyang ako mismo ang bumuo. Parang kailan lang ay naisipan niyang tumapak sa linya ko, pero bakit ngayon ay para bang siya na ang kusang lumalayo ng wala sa abiso ko.
May nagawa ba akong mali?
Naging masaya lang naman ako ah? Karapatan ko namang piliin kung saan ako masaya, hindi ba?
Siya ang nagturo sa'kin na piliin ko ang mga bagay na ikasasaya ko, pero bakit ngayon ay tila ba nagkamali siya sa pag abiso sa'kin ng bagay na iyon nang makita niya akong masaya.
Sa totoo lang ay hindi ko siya magawang intindihin.
Hindi ko alam.
"Masama bang maging masaya?" Wala sa sarili kong tanong bago gumanti ng titig sa mga berde niyang mga mata. "Sabihin mo nga sa'kin, Harper. Gusto ko lang namang maging masaya.. masama bang maging masaya?"
"Mali ka ng pagpili sa paraang ikasasaya mo, Faience.."
"Wala kaming ginagawang masama-"
"Pero alam kong may binabalak kayong lahat!" Sigaw niya.
May iilang estudyanteng napatingin sa gawi namin at nang makita nila ang matalim kong titig ay sila na ang kusang umaalis at naglalakad ng mabilis paalis.
"Faience, hindi ganito ang inaasahan ko sayo. Oo, hindi mo pinapabayaan ang pag aaral mo pero.. ako ang natatakot para sa kaligtasan mo." Dismayado niyang sambit bago umayos ng pagkakatayo.
Wala naman akong nagawa kundi mapangisi na lang sa sinabi niua.
Nagtatakot? Nag aalala ba siya sa'kin?
Pagkatapos ng isang taong pag iwas sa'kin, nag aalala na siya ngayon? Anong ginawa ko na kailangan niyang ipag alala?
Alam ko naman lahat ng kilos na ginagawa ko at kampante naman ako sa mga babae ng kinuha ko upang makapasok sa grupong pinamumunuan ko. Gamay ko silang lahat at hindi na niya kailangang mag alala dahil kaya ko at alam ko ang ginagawa ko sa buhay ko.
"Nagtataka ako kung paano kang nakatuntong sa pwesto mo ngayon. May ginawa ka bang labag sa'ting dalawa? May ginawa ka ba para makaakyat d'yan sa pwesto mo-"
"Nagpagalaw ako." Mahina kong tugon na ikinakunot ng noo niya. "Nagpagalaw ako sa lahat ng lalaking nasa matataas na posisyon ng fraternity sa iba't ibang campus. Nagpagalaw ako sa halos lahat ng lalaking ginamit ko para lang makaakyat sa posisyong sinasabi mo." Wala sa sarili kong ngiti na ikinagulat niya. "May mga bagay na hindi mo aakalaing magagawa mo para lang makaiwas sa gulo at makapaghiganti sa mga taong lumamang sayo.."
Agad akong napatigil sa pagsasalita nang mabilis na lumapit sa'kin si Harper at marahas akong inalog sa magkabilaang balikat na wala sa sarili kong tinawanan.
"Faience, anong katangahan ang ginawa mo!" Bulyaw niya.
Bakas sa mga berde nitong mga mata ang galit na lihim kong tinatawanan. Ngayon ko lang nakita ang ganitong klase ng galit sa mga mata niya na lihim kong kinatatakutan at hinahangaan. Ni minsan ay hindi niya ipinakita sa'kin ang inis at galit niya, kaya naman ang galit na ipinapakita niya ngayon sa mga salitang binitiwan ko, iyon ang hinahangaan ko sa ngayon.
Natawa ako sa galit niya na lalo niyang ikinagitla at ikinapalit ng emosyon niyang ipinakit sa'kin kanina.
"Nangyari na ang nangyari, Harper. Wala ka nang magagawa dahil tapos na.. nandito na ako sa tuktok at kinakatakutan na ng lahat. Nakapaghiganti na rin ako sa kanila.."
"Ikaw ang nagsabi sa'king hindi mo kailangang gumanti sa lahat ng taong nananakit sayo. Pero anong nangyari sa mga salita mo? Anong nangyari sa mga pangako mo?"
Isang nakakalokong ngiti ang pinakawalan ko na hindi na niya ikinagulat at sa halip na magpatuloy sa paghawak sa'kin ay prente siyang umayos ng pagkakatayo.
Tama 'yan, Harper. Lubayan mo 'ko.
Pandirihan mo 'ko.
Gawin mo ang lahat ng makakaya mo para makalayo sa isang katulad kong pariwara ang buhay.
Tama 'yan, nang hindi ka mahulog sa'kin gaya ng palagi mong ipinaparamdam nung malapit pa tayo sa isa't isa. Ito ang mundo ko at hindi ka nababagay sa pinapangarap kong mundo.
Dahil normal ka at basura lang ako para sayo. Dahil na sa langit ang bagsak mo at impyerno naman ang kalalagyan ko.
"Nagsinungaling ako.." pagbaba ko ng tingin kasabay ng pangingilid ng luha. "Hindi mo alam yung pakiramdam na isuka ka ng lahat. Yung tipong pagyapak mo pa lang sa lupa, may bakal na na papalo sa'yo.."
"Kaya kitang ipaglaban sa kanilang lahat, Faience-"
"Pero never mong ginawa!" Sigaw ko kasabay ng marahas na pagtayo.
Kasabay ng nakakatakot na galit na ipinakita ko sa kanya ay ang marahas rin na pagdaloy ng luha sa mga mata ko na ikinatakot at ikinabigla niya.
"Palagi mo na lang sinasabi sa'kin na nariyan ka palagi sa tabi ko. Palagi mong sinasabi sa'kin na kaya mo akong ipaglaban sa kanilang lahat, na kaya mo akong ilayo sa kanila. Pero nasaan ka nung mga panahong kailangang kailangan kita? Nasaan ka nung mga panahong naghihirap ako sa mga kamay nila?" Iyak ko na ikinabigla niya.
Sinubukan niyang lumapit sa'kin ngunit naging malakas ang loob ko na umiwas sa pag amba niyang paghawak sa'kin.
"'Wag ka nang lalapit sa'kin, Harper. Hindi kita kailanman naging kailangan." Sambit ko bago ngumiti ng mapait sa kanya at tumalikod na.