KB4 C11
Chapter 11
NAPALUNOK na lang si Ricky sa kanyang narinig mula sa dalagang si Kath. Hindi kaagad siya nakapagsalita at hindi niya alam kung dapat ba siyang pumayag sa gusto nito.
“B-bakit ako? Baka hindi maging maganda ang kalabasan kapag ginawa natin iyan?” sabi nga ni Ricky makalipas ang ilang segundong pagtahimik.
“Wala na kasi akong ibang maisip Ricky. Baka nga maya-maya ay nandito na iyon. Ang kulit niya kasi… Ngayon lang naman. Para lang tigilan na niya ako,” wika naman ni Kath na bakas sa mukha ang pag-aalinlangan din sa kanyang naisip na paraan. Kaso, naisip niyang titigilan na raw siya ng kanyang ex-boyfriend kung malalaman nitong may bago na siya. Si Ricky nga ang tanging pumasok sa kanyang isip. Ito rin lang ang malapit dito at isa pa, crush niya rin ito kaya hindi siguro siya gaanong maaasiwa kung magpapanggap ito para sa kanya.
“I-treat na lang kita, bilang kapalit nito Ricky,” dagdag pa ng dalaga at si Ricky ay matatawang-hindi sa mga mangyayari. Bumuntong-hininga na nga lang ang binata at ngumiti kay Kath.
“Sige na… Hindi mo na ako kailangang ilibre. Gagawin ko na. Magpapanggap akong boyfriend mo kapag pumunta siya rito ngayon? Kaso, bigyan mo ako ng tip dahil baka magkamali ako ng masabi mamaya kung sakaling nandito na siya,” sabi ng binata na naging kalmado na ang itsura. Pinapasok na rin nga niya sa loob si Kath na napalunok na lang matapos tumingin sa likuran.
“T-thank you Ricky…” wika ng dalaga at umupo na ito. Si Ricky naman ay nagpalaman ng isang tinapay at ibibigay naman niya ito sa kanyang bisita.
MULA naman sa labasan ay makikitang lumabas na muli ang isang lalaki mula sa loob ng sasakyan nitong nakaparada sa harapan ng Balugo NHS. Nagpalit nga ng damit ang binatang si Jerald Valdez dahil pinawisan ang uniporme niya dahil napalaro siya ng ilang minuto sa court ng paaralan. Paglabas niya ay nakasuot na siya ng plain black polo at pants na maong. Napakalinis nitong tingnan at maayos na muling nakasuklay ang buhok. Iba rin ang bango ng perfume na gamit nito na parang kahit sinong babae ay hindi maiiwasang lingunin siya kapag naamoy ito. Tumingin pa nga siya sa oras sa kanyang relo sa braso at bitbit na nga nito ang isang paper bag na may lamang kung ano. Bumuntong-hininga muna siya at pagkatapos ay lumakad na siya papunta sa kanyang pakay, sa kanyang dating kasintahan na si Katherine Ilagan.
Pagdating nga ng binata sa tapat ng tinutuluyan ni Kath ay eksakto namang lumabas si Ate Lorna na dala ang kanyang phone.
“Magandang hapon Ate Lorna! Si Kath po?” nakangiting wika ng binata.
“Nasa loob siya…”
“Kath! May bisita ka!” tawag na nga lang ni Ate Lorna na umupo na sa upuang nasa terasa ng kanyang bahay.
Sa pinto nga ng bahay ay doon na lumabas si Kath na napalunok pa bago makita ang kanyang dating kasintahan.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” masungit na tanong ni Kath sa binata na ayaw niyang tingnan nang ayos dahil may naaalala siya.
“Gusto lang kitang makita… Nga pala, may dala ako… Favorite mo!” masayang wika naman ni Jerald na iniangat ang paper bag na may lamang cheesecake na pinagawa pa niya sa isang tindahan ng cake sa bayan.
“Itigil mo na ito Jerald… Wala na tayo at hindi na magiging tayo uli,” wika ni Kath na may kaseryosohan. Si Ate Lorna nga ay pansamantala munang umalis ng terasa dahil ayaw niyang makinig sa pag-uusap ng dalawa.
“Alam ko… Pero kilala mo ako Kath, hindi ako titigil hangga’t hindi ka bumabalik. Isa pa, pinagsisihan ko na ang ginawa ko sa iyo dati at pangako… Hindi ko na iyon muling gagawin,” wika ng binata na naging seryoso na rin dahil sa paglalim ng kanilang mga pag-uusap.
“Pero may boyfriend na ako Jerald. Wala ka ng babalikan pa, dahil nasa kanya na ang puso ko,” sabi ng dalaga na sinundan ng paglunok.
Nang marinig naman ito ni Jerald ay parang nanghina ito at napahigpit sa hawak sa dala niyang paper bag. Gusto niyang kalimutan ang mga narinig na iyon, isa pa, palagi niyang ini-stalk ang social media account ng dalaga at hindi naman daw ito nagpo-post ng tungkol sa lovelife.
“Alam ko, nagsisinungaling ka lang. Hindi nga kita nakikitang nagpo-post about sa ganyan. Sinasabi mo lang iyan para tumigil ako, hindi ba? Pero kilala mo ako… Hindi ako madaling sumuko,” sabi ng binata. Naalala kasi niya noong sila pa ng dalaga, na mahilig itong mag-post tungkol sa kanya bilang boyfriend nito.
“Kailan pa naging requirement na i-post sa social media ang relationship? Isa pa, nagbago na ako at iyon ang hindi mo alam. Ang totoo, kasama ko ngayon ang bago kong boyfriend at pwede bang umuwi ka na dahil matagal na tayong wala,” wika ni Kath na napakuyom pa ng kamao dahil naiinis siya sa kakulitan ng lalaking ito sa kanya.
Isang simpleng ngiti naman ang makikita kay Jerald na ayaw pa ring maniwala sa kanyang mga narinig mula sa dalaga. Kaso, mula sa pinto ng bahay ay may isang lalaki nga ang biglang lumabas at lumapit ito sa dati niyang kasintahan.
“Umalis ka na pre… Kanina ko pang gustong lumabas, pero sinabihan ako ni Kath na siya na raw muna ang bahala,” wika ni Ricky na seryosong pinagmasdan si Jerald Valdez. Muli ngang naalala ni Ricky ang ginawa nitong dunk kanina at ang impormasyong nakuha niya mula sa estudyanteng si Faye tungkol dito.
“Ito pala ang ace player ng Team Mansalay… at siya pala ang ex ni Kath,” sabi naman ni Ricky sa sarili.
Sandaling natahimik ang paligid at ang dalawang lalaki ay seryosong nagkatinginan. Si Ricky nga ay makikitang hawak sa kamay ang dalaga na si Kath para ipakitang girlfriend niya ito.
“Siya ang boyfriend ko Jerald… Kaya please, tumigil ka na, iyon ay kung talagang nagbago ka na. Masaya na ako sa bago kong lovelife at huwag ka nang gumulo pa,” sabi pa nga ni Kath na hinigpitan ang hawak sa kamay ni Ricky.
Isang munti at malalim na ngiti naman ang sumilay sa labi ni Jerald at nang makita niya ang binata ay tila naging pamilyar sa kanya ang pagmumukha nito na pinipilit niyang isipin kung saan ba niya ito nakita. May naramdaman siyang sakit sa dibdib dahil sa nakikita at nalaman, pero tila mas nangibabaw sa kanya ang kuryusidad kung bakit pamilyar sa kanya ang bagong boyfriend ni Kath.
Napakuyom siya ng kamao at pinilit ikinalma ang sarili. Seryoso pa rin siyang nakatingin sa mukha ni Ricky at dito na nga siya naglakas-loob na tanungin ito.
“Nagkita na ba kami ng boyfriend mo? Pamilyar siya sa akin at hindi ko alam kung bakit. Ano ba ang pangalan niya?” seryosong tanong ni Jerald at sa oras na masagot ang biglaang kuryusidad na ito ay aalis na siya.
Napalunok ng laway si Kath at pasimpleng napasulyap kay Ricky. Tila alam na nga rin ng binata na posibleng nakita na siya ng lalaking ito, dahil basketbolista ito. Pero sana raw ay hindi siya nito kilala para maging maayos ang kanilang pagpapanggap ni Kath.
Magsasalita na nga sana si Kath para ipakilala ang binatang kasama, kaso, may biglang naalala si Jerald at siya na nga ang naunang nagsalita.
“Si Ricky Mendez ka ba?” seryosong bulalas ni Jerald Valdez at marahang umihip ang hangin sa paligid nang hapong iyon.
Napalunok na lang sina Kath at Ricky nang marinig iyon.
“Kilala niya ako,” sabi na lang ng binata sa sarili.
“Ako nga… Kilala mo pala ako,” seryosong wika ni Ricky habang nakatingin kay Jerald na parang gusto na siyang sugurin.
Napakuyom na lang ng kamao si Jerald at pagkatapos ay pinagmasdan niya si Kath na napaatras at napahawak sa binatang kasama. Bumuntong-hininga na nga lang siya at kumalma.
“Nagkataon lang na nakita kita sa isang game noon sa Calapan,” sabi na lang ni Jerald. “Pero matagal na iyon… Hindi ko akalaing nandito ka pala sa Mansalay. Napakaliit ng mundo, at sa isa rin palang basketball player mapupunta ang dati kong girlfriend.”
Humigpit nga muli ang hawak ni Ricky sa kamay ni Kath. “Hindi na ako basketball player pre… Matagal na akong tumigil sa paglalaro.”
Nang marinig ito ni Jerald ay gusto niyang magsalita ng hindi maganda sa lalaking ito. Ilang taon niyang hinihintay na makalaban ang isang ito sa Provincial League, pero hindi na talaga ito nagpakita. Tuwing nakakalaban nga nila ang Calapan City ay umaasa siyang lilitaw ito pero hindi iyon nangyari.
“Kaya pala…” sambit ni Jerald.
“Alagaan mo si Kath… Huwag mong gagawin sa kanya ang ginawa ko. Huwag mo siyang papaiyakin, dahil sa oras na malaman kong ginawa mo iyon ay ako mismo ang magpapadugo ng mukha mo!” seryosong wika ni Jerald at pagkatapos noon ay tumalikod na ito para bumalik sa labasan at umuwi.
Natahimik naman sina Ricky at Kath nang marinig iyon. Nagkatinginan nga sila pagkatapos at parang tumatak sa isip nila ang mga sinabi ni Jerald bago ito umalis. Nagtagumpay si Kath sa kanyang plano pero si Ricky, natahimik pa rin ito habang nakaupo sa salas ng bahay ni Ate Lorna.
“Ang seryoso mo,” sabi naman ni Kath na biglang umupo sa tabi ng binata.
“H-huh? Ano kasi, iniisip ko ang huling sinabi ng ex mo. Hindi mo ba siya mabibigyan ng second chance? Seryoso siyang nakikipagbalikan sa iyo. Base lang ito sa obserbasyon ko,” wika ni Ricky na nagpaseryoso naman sa dalaga.
Gusto ni Kath na sabihing hindi na dahil sa binatang katabi niya, pero hindi niya ito masasabi. “May mga bagay talaga Ricky na hindi na pwedeng mabigyan ng ikalawang pagkakataon. Isa pa, masaya na ako ngayon. Okay na ako,” wika ni Kath at si Ricky ay bahagyang napangiti. Bigla kasi siyang may naalala at winaglit niya iyon kaagad.
“Akala ko, hindi ka pa nagkaka-boyfriend. Parang tanda ko, sinabi ni Ate Lorna iyon noong una kong dating dito?” wika ni Ricky at si Kath ay napatawa na lang nang bahagya. Niloloko lang daw siya noong araw na iyon.
“Ricky, thank you uli,” mahinang wika ni Kath at si Ricky naman ay napangiti.
“Wala iyon…” Tumayo na nga ang binata at napatingin sa dalaga. “Babalik na ako sa bahay. May gagawin pa ako. See you bukas.”
Tumango naman si Kath at sinabayan papalabas ng bahay si Ricky. Eksakto nga ring dumating si Ate Lorna na seryosong nakatingin sa kanilang dalawa.
“Umuwi na ang dati mong syota,” sabi nito at ngiting napipilitan na lang ang sagot ni Kath dito. Si Ricky naman ay pumunta na sa bahay nito at nag-wave pa ito sa dalaga bago pumasok sa loob.
NAPAUPO na lang si Ricky pagpasok niya sa loob ng kanyang tinutuluyan. Napatulala pa siya at natawa bigla na parang sira. Kinuha nga niya sandali ang kanyang phone na naiwan sa ibabaw ng kanyang lamesa at binuksan ito.
“May missed calls si Andrei?” sabi ni Ricky sa sarili at pagkatapos ay naisipan niyang mag-text dito, kaso, nag-ring na naman uli ang kanyang phone. Tumatawag si Andrei at agad nga niya itong sinagot.
“Hello! May kailangan ka pre?” wika ni Ricky na napasandal na lang nang mabuti sa kanyang inuupuan.
“Wala siyang kailangan… May gusto lang akong itanong,” wika ng boses sa kabilang linya at si Ricky ay marahang nagdilim ang paningin dahil nakilala niya kung kanino ito. Kay Andrea ito.
“Bakit ba ang kulit mo? Hindi ganyan ang Andrea na nakilala ko,” nasabi na nga lang ni Ricky at marahang natahimik ang kabilang linya dahil doon.
“Yap! Tama ka Ricky… Pero what will you do kung patuloy ko itong gagawin sa iyo?” seryosong tanong ni Andrea sa kanya at napatingin na lang si Ricky sa malayo.
“Babae ka Andrea, hindi mo dapat ginagawa iyan… Isa pa, ano ba ang mapapala mo sa akin? Tapos na tayo. Ang dami riyang lalaki, kaya bakit ako pa ang kukulitin mo?” wika ni Ricky at napalunok naman si Andrea.
“Titigil lang ako… If you will play basketball again. Kahit isang match lang, gusto ko lang mapanood ka na maglaro uli. Kung hindi man babalik ang feelings mo sa akin, it was okay… Pero gusto ko talagang mapanood ka kahit isang beses lang para matahimik ako…”
“May trabaho na ako Andrea. Hindi mo ba iyon alam? Isa pa, matagal ko nang tinalikuran ang basketball… Magmul---“ Napahinto si Ricky at muntikan nang madulas. Si Andrea naman sa kabilang linya ay nagdilim ang paningin sa mga narinig.
Bumuntong-hininga si Ricky at tumingin sa malayo. “Andrea… Itigil mo na ito. Isa pa, ayaw kong masaktan ka. Ayaw kong maging malungkot ka.”
“Then, make me see you play basketball again. Iyon lang ang magpapatahimik sa akin. Gusto kong makita ka na maging masaya sa paglalaro noon… Kahit isang game lang,” sabi ni Andrea sa kabilang linya na makikitang umaagos ang luha sa gilid ng mga mata. Gusto niyang sabihin sa binata na mahal na mahal niya ito pero alam niyang wala nang mangyayari. Expected na rin naman ng dalaga na mangyayari ito dahil sa tagal na siyang hindi nakikita ni Ricky, kaya okay na ngayon kahit umiyak siya, masaktan o malungkot. Hindi na mangyayari muli ang nangyari sa kanya noong namatay ang kanyang mama.
Bumuntong-hininga na nga lang muli si Ricky. “Sige, mag-set ka ng game. Pero ako ang magde-decide ng date. May mga ginagawa rin kasi ako sa school. Or kung may chance na makapaglaro ako rito sa Mansalay ng isang game ay sasabihan kita.”
Napailing na nga lang si Ricky at marahang napangiti nang hindi inaasahan.
“Thank you… Kaso, you blocked my number? Paano iyon?”
“Tawag ka kasi nang tawag,” nasabi na lang ni Ricky.
“S-sorry,” sabi naman ni Andrea na nagpunas na ng luha sa gilid ng kanyang pisngi.
“Hindi ka kasi nagre-reply sa chats ko… So, tinatawagan na lang kita,” dagdag pa ng dalaga at si Ricky ay napatayo at napatingin sa labas.
“Sige na, magre-reply na ako, kapag hindi ako busy. Basta, huwag ka lang makulit…”
“So, ibig-sabihin ba nito? Ia-accept mo na ang friend request ko?”
“Oo na! Baka sabihin mo, suplado ako,” sabi ni Ricky na naramdaman ang marahang pag-ihip ng hangin mula sa bukas na pinto ng kanyang tinutuluyan.
“Sabi mo iyan! Sige na, baka may gagawin ka pa. Ibabalik ko na rin itong phone kay Andrei. Ang totoo I am busy too. May bubuksan kasi akong business dito sa Calapan… Baka want mong um-attend sa opening? Wala ka namang pasok sa date na iyon dahil it will be on one Sunday next month,” sabi ni Andrea na marahang nagkaroon ng sigla.
Napangiti naman nang pasimple si Ricky nang marinig na may negosyong bubuksan ang dalaga.
“Bahala na… Pero congrats sa business mo, ano ba iyan?” tanong ni Ricky.
“Restaurant…”
“Nice, alam kong magiging okay iyan…”
“So, pupunta ka?”
“Ang dami mong demand ah? Akala ko ba gusto mo lang maglaro ako ng basketball, kahit isang game? Tapos ngayon, papupuntahin mo ako sa bubuksan mong restaurant? O baka gusto mo, pumunta na lang ako at hindi na sa basketball na gusto mo?” sabi nga ni Ricky at sumama naman ang tingin ni Andrea sa kawalan nang marinig iyon.
“Oo na! Basta, let me know if maglalaro ka. Pero kasi, kung dito kita hahanapan ng laro, pupunta ka pa rin dito sa Calapan on that day?”
“Oo nga… Pero basta, balitaan mo na lang ako… Kailan ba ang opening ng restaurant mo?” tanong na lang ni Ricky.
“First Sunday of July,” wika ni Andrea at bumuntong-hininga na lang si Ricky.
“Sige, diyan na ako maglalaro. Kahit sa Canubing na lang ako maglaro para kakilala ko ang mga nandoon. Tapos a-attend na rin ako ng opening ng restaurant mo,” sabi ni Ricky na awtomatikong nagbigay ng ngiti kay Andrea na eksaktong nakita pa ng kapatid na si Andrei na pasimpleng napangiti. Aasarin niya sana ang kanyang ate, pero huwag na lang daw. Napatingin na nga lang ito muli sa kapatid at masaya siyang okay na ito.
“Seriously?” nasabi na lang ni Andrea.
“Oo na… Sige na. Bye na… May gagawin pa ako,” sabi ni Ricky sabay patay ng tawag na ikinakunot naman ng noo ni Andrea.
“Pinatayan ako…” sabi na nga lang ng dalaga at napatingin siya kay Andrei na natatawa sa kanya nang mga oras na iyon.
“Pagbibigyan lang kita Andrea… Pero last na ito. Gusto ko lang na pareho tayong matahimik,” nasabi na nga lang ni Ricky sa sarili nang hapong iyon. Nag-saing na rin nga muna siya dahil pagabi na rin pala.