"MA'AM... Ma'am Belle?" Napakurap-kurap ako nang marinig ang boses na 'yon. Nabigla ako nang makita si Jennie sa harapan ko. "Ba...bakit?" nauutal kong tanong dala ng gulo at pagkabigla. "Itatanong ko lang po sana kung isasara na ba natin ang coffee shop para sa lunch break? Eleven-thirty na po kasi ng tanghali." Tumango ako. "Sige... pasensiya na at abala lang ako sa binabasa ko." Nangunot ang noo ko nang magkaroon siya ng nahihiyang ngiti sa labi. "Uh, Ma'am..." aniya at bumaba ang tingin sa lamesa. Dala ng kuryusidad ay napatingin din ako roon. Halos malaglag ang panga ko sa gulat nang makita ang gusto niya sanang sabihin. Sa lamesa, tumambad sa akin ang librong binabasa ko... nang nakabaliktad! "Sige po, Ma'am... iwan na po kita." Hindi ko siya nagawang tugunin sa paalam niya.

