Chapter 1

1830 Words
"Napakaganda mo talaga, hija," wika ni Ina habang namamangha na pinagmamasdan ako. Samantala ay wala sa huwisyong nilingon ko ang sariling repleksyon sa malaking salamin na naroon sa kwarto ko. Suot ko ang mahabang gown na siyang susuotin ko sa aking kaarawan ngayong darating na linggo. Bahagya ko pang itinagilid ang katawan upang makita ang bandang likuran, kulay pula ito at sobrang eleganteng tingnan dala ng mga kumikinang na palamuti. Sakop din nito ang kabuuan ng braso ko, walang iniiwang balat na makikita. Imbes na maging masaya ay patago akong ngumiwi, hindi pinapakita kay Ina ang pagkadisgusto ko sa magarbo at makintab na suot. Sa totoo lang ay ayaw ko talagang ipagdiwang ang nalalapit kong kaarawan. Ngunit kagaya nga ng sabi ng karamihan, iyon ang araw na masasabing ganap ng dalaga ang isang babae. Ilang araw mula ngayon ay magiging disiotso na ang edad ko pero hindi ako natutuwa. Dahil kung ituring nila ako ay tila sanggol pa rin na nailuwal lang kahapon. "Halika ka, hija. Hayaan mong ayusin ko ang gusot sa likuran mo," dagdag nito at nagkusa na siyang tumayo mula sa kaniyang pagkakaupo sa pang-isahang sofa. Lumapit ito sa likuran ko at may kung anong ginagawa roon, tanging panonood lang sa repleksyon ng salamin ang nagagawa ko. Animo'y isa akong robot na hindi man lang gumagalaw mula sa pagkakatayo. "I— Ilan taon na nga ako, Ina?" alanganing tanong ko kahit alam ko naman talaga ang sagot. Gusto ko lang may matanto ito ngunit mukhang hindi yata mangyayari. Dumungaw siya sandali at sinipat ako ng mapanuring tingin sa salamin, lumawak ang ngiti niya na para bang ang saya-saya nito. "Maglalabingwalong taong gulang ka na, hija. Hindi mo ba alam?" Sa malumanay na boses na sambit ni Ina. "Alam ko po, ibig sabihin po ay ganap na akong dalaga. May pagkakataon na ako para lumabas ng bahay nang mag-isa at makasalamuha ang ibang tao," mahabang pahayag ko. Samantala ay nanginginig naman ang nakakuyom kong kamao, kinakabahan sa pwedeng isagot nito ngunit bahala na. Palihim akong napalunok nang makitang nahulas ang emosyon sa mukha ni Ina. "Hindi iyan ang tamang paraan ng pagpapalusot. Syempre ay hindi pwede ang gusto mong mangyari, Karla." Sumikip ang dibdib ko at hindi maiwasang mangasim ang mukha. Inaasahan ko nang taliwas ang magiging reaksyon niya ngunit bakit hindi ko pa rin matanggap? Hindi ako kriminal na kailangan nilang ikulong dito sa mansyon. Bumuntong hininga ako, tuluyan nang walang nagawa kung 'di ang pagtango at sapilitang pagsang-ayon sa gusto ng magulang. "Isa kang Mercedes. Sa oras na malaman ng ibang tao kung sino ka at sa anong angkan ka nanggaling, paniguradong gagawan ka nila ng masama at ayoko namang mangyari iyon," pagngangatwiran pa ni Ina. Iyan ang palagi niyang sinasabi sa akin na halos tumatak na sa musmos kong isip. Dala-dala ko iyan hanggang ngayon, kulang na lang ay makabisado ko na pati kung paano niya ito sabihin. Malakas akong napabuntong hininga. Hapon nang mapagpasyahan kong lumabas ng kwarto. Mabagal kong tinatahak pababa ang hagdan at nang makatungtong sa unang palapag ay bumungad sa akin ang napakalawak na sala. Ang mga kagamitan doon ay purong mamahalin, inaangkat pa ang mga ito galing sa ibang bansa. Mula sa baldosa na ginamit sa sahig, ang chandelier na sobrang laki na siyang nakasabit sa bandang gitna. Pati na rin ang ilang paintings o obra na binili pa sa mga sikat na museyo, mayroon ding malalaking vases sa gilid na siyang kinatatakutang lapitan o hawakan at baka mabasag. Sa lawak at laki nitong bahay ay tatlo lang kami nina Ina at Ama ang umiikot dito, bukod pa sa mga katulong na madalas ay nasa likod bahay namin dahil may oras lamang ang paglilinis. Sa umaga ay lalabas sila para maglinis sa loob ng dalawang oras, mula alas singko hanggang alas sais. Ganoon din sa gabi at depende na lang kay Ina kung may makita pa siyang kalat sa paligid. Disiplinado ang mga tao rito, maging ang mga hardinero, tagabantay at mga manggagawa sa rancho. Takot na lang nila ang mawalan ng trabaho sa oras na pumalya sila sa harap nina Ina at Ama. Pagak akong natawa sa kawalan. Minsan ay nakakasawa rin pala ang maging sunud-sunuran, na para bang ikinakahiya ko nang disiplado akong anak ng mag-asawang Mercedes. Akala nila ay masaya kasi nasa kamay ako ng mga Mercedes, kasi itinuturing kaming maharlika, na nasa akin na ang lahat at abot-kamay ko na ang mga bagay na suntok sa buwan para sa iba pero hindi. Nagkakamali sila sa isiping masaya ako na naging parte ako ng Mercedes, na anak ako nina Donya Nieves at Don Agustin Mercedes. Siguro noong musmos ako ay masasabi kong oo, ginawa nila akong sunod sa luho. Isang sabi ko lang ay kaagad nang nariyan ang mga bagay na hangarin ko ngunit sa kinatagalan ay hindi na— totoo nga talaga ang sabi-sabi na sa una mo lang mararamdaman ang saya. Nakakasawa. Nakakalungkot. Ang dami nilang ibinibigay na mga materyal pero hindi nila maramdaman na may iba pa akong hinahangad. Bukod sa pagmamahal na hindi ko maramdaman sa kanila ay gusto ko ng kalayaan. Ultimo paglabas ko ay kailangan may bantay, ang daming bawal, ang daming hindi pwede. Kailangan ganito at ganiyan. Limitado lang ang mga galaw ko, kulang na lang ay gawin nila akong robot. Huminga ako nang malalim, nang mapansing walang tao sa paligid ay nagtungo ako sa hamba ng malaking pintuan. Bahagya kong sinilip kung may mga bantay pang nag-iikot at nang makitang wala ay lumabas ako. Sandali akong tumambay sa harapan ng bahay kung saan maituturing kong pinakamalayong napuntahan ko, ito lang kasi ang kaya kong puntahan at dito lang ako nagiging malaya. Naupo ako sa dulo ng hagdan na mayroong tatlong baitang bago makatuntong dito sa tila beranda na maituturing. Sandali kong nilanghap ang sariwang hangin kung saan ito na yata ang naging hobby ko. Sa loob kasi ay para akong nasasakal. Kibit ang naging balikat ko bago itinukod ang baba sa dalawang tuhod ko saka niyakap ang mga binti. Tahimik kong pinagmamasdan ang paligid na nakagawian ko na sa tuwing narito ako. Mahaba at malawak ang espasyo sa harapan, bago ka nga makalabas ng gate ay hihingalin ka muna sa paglalakad. Sa gitnang bahagi ay naroon ang nakahilerang mga halaman na dinisenyo sa ganoong paraan. Sa magkabilaang gilid naman ay naroon ang parehong daan patungo sa Rancho La Mercedes, ang lupain para sa mga magsasaka at iba pang trabahador na ang pangunahing ginagawa ay maggatas ng mga baka at mag-alaga ng ibang hayop. "Karla!" Matinis na sigaw mula sa kalayuan dahilan para umayos ako ng upo. Tinanaw ko ang babaeng paparating sa kinalulugaran ko, suot nito ang kaswal niyang puting bestida na hindi rin maitatangging mamahalin. Huminto lang siya nang nasa harapan ko na. Kasunod nito ay isang lalaki na nasa kaedaran lang din namin, sabay silang nagbaba ng tingin sa akin kaya tumayo na ako. Sandali kong pinagpagan ang likuran ko bago sila binalingan. "Carmen," banggit ko sa pangalan ng babae saka nilingon din ang lalaki, "Kristopher..." Sila ang mga kaibigan ko rito, dalawa lang sila kaya maigi kong iniingatan ang pagkakaibigan namin. Wala namang tutol ang mga magulang ko dahil kapwa mayaman din sila at anang Ina— sila lang ang pwede. "Tara, punta tayo sa rancho," magiliw na turan ni Carmen. Si Carmen La Corazon ay bukod tanging pinagpala sa kaputian, makinis ang balat nito kagaya sa akin. Mahaba ang buhok at umaalon pa ang dulo, samantalang bagsak naman ang akin at hanggang baywang. Pareho kaming balingkinitan ang katawan at hindi rin nagkakalayo ang taas namin, madalas nga ay napagkakamalan kaming kambal ng mga taong nakakakita sa amin. "Oo nga, sama ka sa amin. Maliligo kami sa sapa," anang Kristopher na bakas pa ang pagkagalak sa mukha. Si Kristopher Yu naman o mas tinatawag na Topher ng karamihan ay mas matanda sa akin ng dalawang taon, ganoon pa man ay hindi maitatangging malapit kami sa isa't-isa. Nag-angat ako ng tingin sa kalangitan at nakitang magdadapit hapon na kaya mabilis akong umiling, malungkot ang mukha na nagbaba ako ng tingin sa dalawa. "Pasensya na, hindi na pwede. Pagagalitan ako ni Ina," nanghihinayang na sagot ko. Ayoko namang tumakas dahil mas lalo akong malalagot. Kahit ayaw ko ay wala rin naman akong pagpipilian kung 'di ang sumunod sa mga gusto at patakaran nila. "Ganoon? Maaga pa naman, e. Sama ka na, Karla, kahapon ay hindi ka nga sumama sa amin," tila nagtatampong pahayag ni Carmen. "Sa susunod na lang siguro, basta ay agahan ninyo ang pumunta rito. Alam naman ninyong para akong preso rito sa bahay." Mahina akong natawa para ibsan ang lungkot na nararamdaman. "Hmp, sige na nga," anang Carmen saka hinila si Topher sa braso. "Halika na, Topher, baka tayo naman ang gabihin." "Sige, mauna na kami, Karla," paalam ni Topher bago kumakaway na naglakad patalikod dahil hila-hila siya ni Carmen. Bagsak ang balikat na naupo akong muli, tinatanaw pa rin ang papalayo nilang pigura. Hindi maiwasan na kumirot ang puso ko sa reyalisasyong kailangan kong isakripisyo ang kasiyahan ko para sundin sina Ina at Ama. Siguro kung malaya lang ako ay marami na akong nagawang bagay, marami na akong natutunan at baka mas marami rin ang kaibigan na mayroon ako. Kaya lang ay hindi, malayo pa ito sa katotohanan. Bumuntong hininga ako, balak na sanang tumayo upang bumalik sa loob nang mahinto dahil sa paparating na mga yabag. Nilingon ko ang pinagmulan nito at nakita ang papalapit na lalaki. Nangunot ang noo na pinagmasdan ko ang kabuuan nito, suot niya ang pantalon na siyang maruming tingnan, may putik kasi iyon at may mga nakadikit na dahon. Nangasim ang mukha ko sa sitwasyon niyang iyon. Itim ang kaniyang suot na sando dahilan para makita ko ang matikas niyang pangangatawan. Nag-isang linya ang kilay ko nang huminto ito sa gilid ko kaya nag-angat ako ng tingin sa mukha niya. "Si—sino ka?" nauutal kong banggit. Hindi naman ako natatakot dito— natatakot lang ako para sa kaniya dahil baka makita ito ni Ina na kinakausap ako. Sino ba siya? Bakit ang lakas ng loob niya na lapitan ako? "Ako si Feliciano Fajardo," pagpapakilala nito saka inilahad ang kamay sa akin kaya hindi maiwasang umarko ang kilay ko. "Felix na lang ang itawag mo sa akin." "Okay? Anong kailangan mo?" takang pagtatanong ko habang nakatingala pa rin dahil nananatili akong nakaupo. Kalaunan nang ibaba niya ang kamay nang hindi ko iyon tanggapin, bukod kasi sa marumi ang palad niya ay hindi ko siya kilala. Paano kung tama si Ina na hindi lahat ng taong kumakausap sa akin ay mabuti? "Wala akong kailangan. Napansin ko kasi na iniwan ka ng mga kaibigan mo, kaya rito na lang muna ako magpapahinga," sa mababang boses na pahayag niya saka pa ngumiti. "Kung ayos lang naman." At sa oras na 'yon ay hindi ko na maramdaman ang panga, kasabay nito ay ang pagwawala ng puso ko sa hindi malamang rason.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD